Chapter WHC: 124

“Anak, sayang talaga dahil di ka nakasama sa amin sa Asian tour namin ng Mama mo. Marami kang makikita, marami kang matututunan at marami kang mae-experience. And I am sure marami kang makikilalang guwapo doon,” kinikilig na wika ng ina ni Yngrid na si Leticia. Sinundo niya ang mga ito mula sa airport. Kagagaling lang ng mga ito sa Asian tour.

Ang dapat na isang buwang bakasyon ay naging tatlong buwan na. Di naman niya masisisi ang mga magulang niya dahil ngayon lang mae-enjoy ng mga ito ang pinaghirapan. Nag-enjoy ang mga ito sa Northern Thailand at sa bansang Laos. Iyon daw kasi ang lugar na di pa gaanong nae-explore ng maraming turista pero nakaka-relax puntahan. Biglaan din ang trip ng mga ito sa India dahil nayaya ng isang Amerikanong mag-asawa na gaya ng mga ito ay nasa honeymoon din. It was quite an adventure.

“Ma, hindi ko na kailangang sumama pa sa second honeymoon ninyo. Hindi kayo makakapag-concentrate sa honeymoon ninyo ni Papa kung ang iintindihin ninyo ay ang love life ko,” nangingiting sabi ni Yngrid habang tinatahak niya ang C-5. “Saka maraming bagay na nangyari nitong nakakaraang araw. Kaya tama lang po ang desisyon ko na huwag munang makigulo sa second honeymoon ninyo. May iba pa naman pong pagkakataon para diyan.”

“May nangyari ba habang wala kami?” tanong ng ama niya na mas pumusyaw ang kulay at mamula-mula ang balat ngayon. Nahiyang ito sa mas malamig na klima.

“Uhmmm… nag-expand po ako sa café ngayon,” wika niya. “Mas marami na po akong customer dahil na rin may celebrity endorser na ako.”

“Naku! Di ko pa nababalitaan iyan. Wala kasing internet sa mga templong tinuluyan namin,” wika ng nanay niya. “Sino ba? Si Phillip Jacobs ba?”

“Mama, kalma lang po kayo. Ang puso ninyo. Di ko naman po afford si Phillip Jacobs,” aniya at umikot ang mata dahil parang teenager ang nanay niya na nagpa-fangirl sa naturang artista.

“Sinong celebrity ba iyon, anak?” tanong ng papa niya. “Baka naman hindi sikat.”

“Basta makikilala din po ninyo siya,” aniya at gumuhit ang ngiti sa labi. Di man kasing sikat ni Kenji si Phillip Jacobs ay sikat din naman ang nobyo niya sa sarili nitong paraan. Patunay na doon kung gaano karami ang customers na dumadayo sa shop niya. Gusto nga niyang kumonsulta na kay Justine dahil pakiramdam niya ay kaya na niyang magpatayo ng bagong branch.

“Anak, baka naman sa sobrang busy mo sa café mo ay di ka na magka-boyfriend. Kung di ka lang namin nag-iisang anak, di naman kita kukulitin nang ganito. Gusto namin na magkaapo ng papa mo,” anang nanay niya.

Itinaas niya ang palad. “Kalma lang kayo, ‘Ma!”

“Aba! Paano akong kakalma. Ilang taon ka na ba? Malapit ka nang mag-treinta. Ni wala ka pang ipinakikilalang boyfriend sa amin,” histerikal na wika ng nanay niya. “Kapag di ka pa rin nakahanap ng boyfriend next year, ako na ang hahanap para sa iyo at di mo ako pwedeng tanggihan. Gusto ko ng apo.”

“Tama ang mama mo. Dapat mo nang ikonsidera ang magkanobyo. Wala naman kaming ibang hiniling sa iyo, ‘di ba? Ngayong settled ka na sa buhay at sa negosyo, okay lang naman na makipag-date ka at magka-boyfriend na,” malumanay na wika ng papa niya. “Sayang ang lahi natin, anak.”

“Kumalma lang kayo ni Mama, Papa,” aniyang nakangiti. “Sa bahay na po natin iyan pag-usapan. Di iyan dapat pinag-uusapan habang nasa biyahe.”

Natahimik ang mga magulang ni Yngrid kahit na mukhang di nasiyahan sa malabong sagot niya. Nangingiti na lang siya. Ewan na lang niya kundi ito matuwa sa sorpresa niya. Baka magpamisa agad ang mga ito sa simbahan oras na makilala ng mga ito si Kenji. She could just imagine the happiness on her parents’ faces. Pwede niyang sabihin na worth the wait ang pagkakaroon niya ng love life. Ngayon pa lang ay kinikilig na siya.

Pagpasok niya ng bahay ay naamoy agad niya ang mabangong niluluto mula sa kusina. Nalanghap agad niya ang Brazilian flavor sa hangin. “Aba! Mukhang masarap iyon,” anang mama niya. “Sino ang nagluluto? Nandito ba ang isa sa mga kaibigan mo para ipagluto kami?”

“Wala po sila Justine at Dreamilyn dito. Maupo po muna kayo,” aniya at inilahad ang kamay sa direksyon ng sofa. “Ipapakilala ko po sa inyo kung sino ang cook ko.”

“Guwapo ba? Aba! Kung single iyan pakasalan mo na, anak,” anang mama niya habang papunta siya sa kusina.

Naabutan niya si Kenji na tinitikman ang galinhada, isang traditional Brazilian dish na kanin na may kasamang manok. Parang paella ang luto nito. “Honey, I am home,” mahina niyang wika dito at kinintalan ito ng halik sa pisngi. “Smells good.”

“Narinig ko ang sabi ng mama mo. Pakasalan mo na raw ako.”

Humalakhak siya. “Lalo siyang matataranta kapag nakita ka. Come. Ipapakilala kita sa kanila.”

Inakay niya ang binata papunta sa sala. Natigil sa pagkukwentuhan ang mga magulang niya nang bumungad sila. “Ma, Pa, siya po ang cook natin ngayon.”

“Ay! Ang guwapo naman niya, anak. Kamukha niya ang guwapong model na crush ko rin. Si Kenji Matsunaga. Pasensiya na kung kabastusan man na titigan ka, hijo,” anang mama niya at lumapit sa binata sa saka pinakatitigan. "Kamukha mo talaga siya."

Hinawakan naman ni Kenji ang kamay ng nanay niya at kinintalan ng halik sa likod. “Good afternoon, Ma’am.”

“Huwag mo akong tawaging Ma’am. Call me Leticia. Bata pa naman ako. Mukha lang akong ate ni Yngrid.” At hinampas pa ng mama niya ang braso ni Kenji.

Nanlalaki ang mata nito na parang di makapaniwala sa nakikitang kaguwapuhan sa harapan nito. Kinawayan nito ang ama niya. “Daddy, tingnan mo siya. Kamukha ni Kenji Matsunaga. Kamukhang-kamukha”

“Good afternoon, Sir,” magalang na wika ni Kenji sa tatay niya at kinamayan ito.

“Magandang hapon, hijo,” anang papa niya at saka lumingon sa kanya habang puno ng tanong ang mga mata. Hindi ito sanay na may lalaki sa bahay niya. Alam nitong di siya basta-basta nagpapapasok ng lalaki sa bahay niya kahit na gaano kaguwapo. At lalong di niya binibigyan ng kalayaan ang kung sinu-sino lang na makialam sa bahay niya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.