Inilahad ni Yngrid ang palad sa direksiyon ng mga magulang niya. “My mother, Leticia Singson and my father, Carmelo Singson. Mama, Papa, I want you to meet Kenji Matsunaga. He is the new endorser of Sweet Surrender,” ikinawit niya ang braso sa braso ng binata, “and he is my boyfriend.”
Bumagsak ang panga ng papa niya sa labis na pagkagulat. “Siya ang endorser ng café mo?”
“Siya ang boyfriend mo?” kasabay namang bulalas ng mama niya habang sapo ang dibdib. Natutop ng isang kamay ng nanay niya ang ulo nito. “P-Parang hihimatayin yata ako.” At saka humilig sa papa niya.
“Kukuha po ako ng tubig,” anang si Kenji at dali-daling nagtungo sa kusina.
Inalalayan ng tatay niya ang nanay niya na umupo sa sofa. “Mommy, ano ba namang drama iyan? May pahima-himatay ka pang nalalaman.”
Idinilat ng nanay niya ang isang mata. “Hayaan mo na ako, Daddy. Gusto ko lang malaman kung marunong mag-alaga ang boyfriend ng anak mo.”
Pinigil niyang humagikgik dahil bumalik na si Kenji mula sa kusina at dala ang isang basong tubig. Muling pumikit ang nanay niya at anyong nanlalambot. Alam na niya ngayon kung saan siya ng nagmana ng pagpapanggap na walang malay dahil kay Kenji Matsunaga.
“Pasensiya na po,” anang si Kenji nang kunin ng ama niya ang baso ng tubig dito at ipainom sa nanay niya na kunwari ay bahagyang nahihimasmasan. “Hindi po namin kayo gustong biglain ni Yngrid.”
“Ayos lang iyon, hijo,” anang papa niya na parang naawa sa pagka-guilty ng binata. “Magugulatin lang talaga ang misis ko.”
Suminghap ang nanay niya at saka itinutok ang nag-uulap na mga mata kay Kenji. “Hindi ko kasi inaasahan na ganyan ka kaguwapo sa personal. Tapos malalaman ko pang nobyo ka ng anak ko. B-Baka naman joke lang ito. O kaya ginagawa lang niya ito para tantanan na naming mag-asawa ang pangungulit sa kanya na magkaroon ng boyfriend.”
Inakbayan siya ni Kenji at kinintalan ng halik sa noo. “Ako po ang boyfriend ng anak ninyo. Hindi po iyon biro.”
Tumikhim ang papa niya. “Ang totoo ay nag-aalala kami dahil akala namin ay walang balak magkanobyo ng anak namin.”
“Mataas ang standard ni Yngrid, Daddy. Gusto talaga niya na maganda at guwapo ang ibibigay niyang apo sa atin,” pilyang wika ng nanay niya.
“Mama, nakakahiya naman po kay Kenji!” Baka isipin ni Kenji na ang magandang katawan lang nito at magandang lahi ang habol niya.
“Bakit? Huwag mong sabihing wala sa plano ninyo na magkaanak balang-araw?” tanong ng ama niya at naningkit ang mga mata niya.
“Hindi po binibigla ang ganyang mga bagay,” mariin niyang sabi. “Saka may apo na po kayo."
"B-Buntis na ang anak natin,” anang nanay niya at tumiim ang anyo ng ama niya.
“Hindi po ako buntis!” tutol niya. Nasa isang sulok ang cage at inilabas si Jacko na abala sa pagngatngat ng laruan nitong buto. “Mama, Papa, meet Jacko. Siya po ang baby namin ni Kenji.”
“Ano? Aso ang anak ninyo?” bulalas ng ama niya at bakas sa mukha ang pagkadismaya. “Anak, gusto ko ng apo. Apo at hindi aso.”
“Gusto ko po kapag pinag-usapan namin iyan ni Yngrid ay handa na kaming dalawa. Gusto ko rin po na lubusan na naming na-enjoy ang company ng isa’t isa para dumating po ang araw na makakapag-focus kami sa magiging anak namin,” paliwanag ni Kenji.
Kinuha ng nanay niya si Jacko mula sa kanya. “Oh! Napaka-cute na aso. Hello! I am your Lola Letty. And this is Lolo Carmelo.” Kumahol si Jacko. “See! Sumasagot ang aso. Nakakatuwa naman.”
“Bigla ka yatang nagkahilig sa aso,” puna ng papa niya. “Naalala ko dati gusto namin ng mama mo na mag-alaga ng aso pero natatakot ka naman.”
“Si Kenji po ang mahilig sa mga aso. Parang anak na po niya kung ituring ang mga alaga niya,” kwento niya. “Marunong na rin po akong lumangoy ngayon. Si Kenji rin po ang nagturo sa akin.”
“Anak, good catch si Kenji Matsunaga,” anang mama niya habang maningning ang mga mata. Masayang-masaya ito sa sorpresa niya. “Parang tumama ka sa lotto. Bukod sa guwapo, mabait pa at base sa naaamoy ko sa niluto niya ay magaling din magluto.”
“I am reserving my judgment,” anang papa niya at nanatiling seryoso.
“Daddy, masyado kang killjoy. Si Kenji Matsunaga na iyon, mapili ka pa?” nakaingos na wika ng nanay niya. “Huwag mong pansinin ang papa mo. Nagseselos lang iyan dahil baka hindi mo na siya mahalin dahil may boyfriend ka na.”
Tinabihan niya ang ama at niyakap. “Papa, mahal na mahal ko pa rin kayo. You will always be my number one.” At alam niya na magugustuhan din nito si Kenji oras na makilala nitong mabuti. Walang makaka-resist sa charm ng binata.
“ANAK, ito ang isuot mo sa susunod na mag-date kayo ni Kenji,” anang mama ni Yngrid at inabot sa kanya ang panibago na namang damit na binili nito para sa kanya sa kanya. Mahilig mag-shopping ang mama niya at kahit na kuripot ito ay fashionable ito. Halos puro traditional dresses sa iba’t ibang bansa ang napili nitong bilhin para sa kanya.
Nanlaki ang mata niya nang iladlad ang silk tube blouse at harem pants na may mga burloloy – isang traditional na kasuotan ng mga kababaihan sa India at nakikita niyang ipinangsasayaw ng mga ito. “Mama, gusto ninyong maeskandalo ang lahat kapag nakitang suot ko ito?”