Chapter WHC: 128

Pinatayo siya nito at hinila paupo sa kandungan nito. Saka siya nito niyakap nang mahigpit. “Huwag ka nang magtampo sa papa mo. Siguro gusto lang ni Tito na mapabuti ka. He wants what’s best for you. At ako naman bilang boyfriend mo ay gagawin ang lahat para patunayan na karapat-dapat ako para sa iyo. You will see. Magkakasundo rin naman kami. Magugustuhan din niya ako.”

Kenji was really optimistic. Parang lahat ay kaya nitong solusyunan.

Ngumiti siya at mariing hinalikan ang labi nito. “You are the best boyfriend in the world. Thank you. I feel better now.”

Sana lang ay makawala na ang ama niya sa anino ng mga Choi. Sana lang ay di nito hayaan na mahadlangan ng takot nito at alaala ang mga magagandang nangyayari sa buhay nila ni Kenji. Ngayon lang siya naging totoong masaya. Na parang kumpleto ang buhay niya. Sana man lang ay pagkatiwalaan siya nito dahil maayos siya nitong pinalaki. Alam niya kung ano ang tama para sa kanya.

“Good. Saan gustong mamasyal ng parents mo bukas bago natin sila ihatid sa airport?” tanong ng binata.

“I am not sure. Baka simpleng lunch lang siguro. They’ve been travelling for three months now. Gusto lang siguro nilang magpahinga.”

Nagitla sila nang marinig nilang tumahol si Jacko mula sa dulo ng sala. Kumabog ang dibdib niya nang marinig na tumahol din ang Pormenian na si Rhodora. “Si Jacko!” aniya at tumayo mula sa kandungan ni Kenji.

Saka niya naalala na baka lumapit ito sa mga alaga ni Kenji. Baka mamaya ay luray-luray na na ang alaga niya. Di pa gaanong tanggap ng mga alaga ni Kenji si Jacko. Parang kapatid ito sa labas. Madalas pa ring angilan ng tatlo ang aso niya.

Nakita niya na nakahiga si Jacko sa sahig habang kinakagat-kagat ni Rhodora ang leeg ng alaga niya. Nangilid ang luha niya. Patay na ba si Jacko? “No!”

Akmang susugod siya nang pigilan ni Kenji ang balikat niya. “Sandali. Tingnan mong mabuti.”

Sandali pa? E mukhang patay na ang alaga niya. Kailangan niyang sagipin ito. Saka niya napansin na si Rhodora lang naman ang nangangagat dito. Habang ang mas malalaking sina Missy na isang Belgian Malinois at ang Alaskan mule na si Nikita ay tahimik lang na nanonood sa mga ito. Bahagyang bumagal ang pagtibok ng puso niya pero ayaw niyang magpakasiguro.

Nagulat siya nang biglang bumangon si Jacko. Tumahol ito at hinabol si Rhodora na siya namang natumba kalaunan. “Buhay siya!” bulalas niya.

“Of course,” wika ni Kenji. “Naglalaro lang naman sila.”

“H-Hindi ko alam na magkasundo na pala sila. Kahit sina Nikita at Missy hindi na rin siya inaaway.”

“Nasanay na rin sila sa isa’t isa. I told you to give it time. Maaayos lang ang lahat. Siguro ganoon sa inyo ng Papa mo. Matatanggap din niya ako.”

Tumango siya. “You are right. Magiging maayos din ang lahat.”

NAKANGANGA lang si Justine nang matapos ni Yngrid ang Kamasutra dance routine niya. Naka-pose pa siya habang ang isang kamay ay nasa ibabaw ng noo niya at ang isa ay nakahawak sa baywang niya. Nakaladlad ang mahaba niyang belo sa likuran niya. Walang palakpak siyang narinig mula sa kaibigan. Marahil ay hangang-hanga ito sa mapang-akit niyang sayaw.

Nasa dance studio sila ng Step Up Wellness Center na pag-aari ng nobyo ng kaibigan niya na si Stefan. Sila lang dalawa sa loob dahil gusto niyang eksklusibong maipakita dito ang espesyal na sayaw niya para kay Kenji.

“Anong masasabi mo? Sa palagay mo ba maaakit ko si Kenji?” tanong niya sa kaibigan. Suot niya ang Indian costume na pasalubong sa kanya ng nanay niya. Pinaghandaan niya ang araw na ito dahil ngayon ang uwi ni Kenji mula sa Singapore kung saan ginanap ang pictorial nito. Sa halip na kumain sa labas ay gusto niyang maghanda ng intimate dinner para dito. At siyempre may intimate din siyang inihanda. Kailangan din iyon para mag-spice up ang relasyon nilang magnobyo.

“Wala ka na bang ibang alam na pang-akit?” maasim ang mukhang tanong ng kaibigan niya.

“Bakit naman? This is the ultimate dance of seduction. Career na career ko ito nang pag-aralan ko sa instructional video ng Kamasutra. Effort na effort ito kasi gusto ko talaga na maakit si Kenji sa akin,” aniya at itinaas ang noo. Naniniwala siya na oras na para mag-level up sila ng nobyo.

“Naniniwala naman ako na iyan nga ang ultimate seductive dance pero binabagayan kasi iyan. Ang tigas ng katawan mo, girl. Minsan di ka rin kasabay ng music. Di ka pwedeng basta-basta mag-present ng ganyan kay Kenji. Baka mag-walkout na lang iyon o kaya pagtawanan ka. Baka akala nagpapatawa ka lang.”

Napamaang siya. “Ganoon? Wala man lang akong narinig na papuri kahit kaunti sa iyo.”

“Friend mo nga ako, di ba? I don’t have to patronize you. Kailangan mong marinig ang katotohanan. Hindi mo naman kailangan ng ultimate seductive dance. Kailangan mong ma-perfect ang hip movements mo at kailangang maging graceful din ang mga kamay mo. Nag-o-offer naman itong Step Up ng belly dancing classes. Kahit basic lang isingit mo. Sa palagay ko makakatulong iyon sa Kamasutra dance na iyan dahil may pareho silang movements.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.