Chapter WHC: 132

“Nabanggit sa akin ni Kenji na magkakaroon ka daw ng café para sa pet lovers,” untag kay Yngrid ng isang beteranang character actress pero mabait sa totoong buhay na si Madel Abueva.

“Plano pa lang po namin,” wika niya. “Inaayos pa po namin ang magiging design ng café kung sakali, pati ang menu at facilities. It might take sometime. Kailangan din po kasi namin ng magandang location para doon.”

“Basta imbitahan mo ako sa event na iyon, hija. Isasama ko ang rabbit ko na si Usagi,” anang mas matandang babae at hinaplos-haplos ng ulo ng rabbit nito na may ribbon pa sa ulo.

“No problem, Tita,” anang si Kenji na kalong si Jacko na kanina pa nagwawala dahil gustong bumaba at magpagala-gala sa party. “We will make sure that we have organic carrots for Usagi.”

“That would be lovely. Naging vegetarian nga ako dahil sa alaga kong ito. Nakakatulong din ang pets para magkaroon ng healthy lifestyle.”

“Totoo po iyan, Tita,” sabi niya. “Dati po wala akong hilig mag-exercise. Pero dahil kailangan laging mag-exercise ni Kenji kasama ang mga alaga niya, napilitan tuloy akong maging health buff.”

“Just to ward off the unwanted female attention?” nakangising tanong ni Tita Madel.

Pasimple niyang sinulyapan si Kenji. “And some unwanted male attention.”

“You mean bekis?” nakatigagal na tanong ni Tita Madel.

“Fanboys actually. Hindi ako makapaniwala sa dami ng mga straight na lalaki na hindi nahihiyang sumigaw ng “I love you” sa park kapag nandoon si Kenji,” humahagikgik niyang kwento.

“Honey, that is embarrassing,” anang si Kenji na namula bigla at iniwas ang tingin sa kanila ni Madel.

“Iba na talaga ang guwapo,” wika ng mas matandang babae at sumimsim ng juice. “Balita ko ikakasal na si Congressman Padilla at ang ex-girlfriend mo, Kenji. Wala rin ba kayong balak na magpakasal ng nobya mo?”

Naramdaman niya ang paninigas ni Kenji sa tabi niya. Hindi marahil nito inaasahan na babanggitin ang tungkol sa usap-usapan ng nalalapit na pagpapakasal ni Margaret kay Congressman Padilla. Subalit unti-unting nag-relax ang balikat ng binata at sumimsim ng gin tonic. “Hindi naman po kami nagmamadali ni Yngrid. Kasisimula pa lang ng relasyon namin at sinisimulan pa lang naming simulan ang pangarap namin ng magkasama.”

“I agree,” wika ni Yngrid. “As long as we are happy.”

“Oh, yes. Of course.” Itinaas ng matandang babae ang baso. “Let’s drink to the success of your new café and to your relationship. Cheers to happiness!”

Ipiningki nila ang baso sa isa’t isa. Ikinukwento ng matandang babae ang tungkol sa pagdalaw nito sa bagong panganak nitong anak na nakabase sa Japan nang biglang magtatahol nang malakas si Jacko. “Jacko!” saway niya dito. “Sshhh!”

Subalit patuloy pa rin sa pagtahol si Jacko. He was more frantic than before. Hindi ito mapakali sa pagkakakalong si Kenji. Mula sa kung saan ay marinig din siyang tumahol. Pamilyar ang tahol na iyon at papalapit nang papalapit sa kanya.

Biglang nahawi ang mga tao sa bandang kaliwa niya at nagulat siya nang biglang sumulpot ang Belgian Malinois na si Missy na tangay-tangay ng tagapag-alagang si Tom. Pumagitna ito sa kanila ni Kenji at papalit-palit ng lingon sa kanila ni Kenji habang tumatahol. “Oh, baby! You are also here! Kaya naman pala hindi rin mapakali itong si Jacko,” sabi ni Yngrid at hinaplos ang ulo ng aso.

Nang bigla siyang matigilan. Kung nandoon si Missy. Ibig sabihin ay nandoon din si… “Missy, come back here,” narinig niyang wika ni Margaret. Nang lumingon siya ay kalong-kalong naman nito ang Pomeranian na si Rhodora. Sa likuran nito ay si Congressman Padilla na akay-akay ang Alaskan Malamute na si Nikita. Natigilan si Margaret nang makita sila ni Kenji. “Oh! You are also here.”

“Of course. We are invited,” anang si Kenji sa flat na tono.

“Darling, of course, you know Kenji,” sabi ni Margaret. “And this is Yngrid Singson, his special friend.”

“Girlfriend,” paglilinaw ni Kenji nang kamayan ang congressman.

“Oh, so you are really together now,” usal ni Margaret na animo’y nagulat. Di marahil nito inaasahan na aaminin na sa wakas ni Kenji sa publiko ang relasyon nila.

“Nice meeting you, Congressman,” wika naman niya sa solon nang kamayan ito. Marami ang nagsasabi na halos ama na ito ni Margaret. Pero mukhang mas kuminis ito ngayon at nagmukhang bata. Malamang ay dahil sa impluwensiya na rin ng dalaga dito.

“Nakakatuwa naman. Mukhang isa kayong masayang pamilya,” sabi ni Tita Madel at inilabas ang cellphone. “Magpakuha kaya kayo ng picture?”

“Oh! That is a fun idea!” wika agad ni Margaret.

Nangasim ang sikmura ni Yngrid. Inaasahan niyang makikipag-socialize siya sa event na iyon pero di naman siya nagbaon ng extra strength na kaplastikan sa paghaharap nila ni Margaret. Bakit kaya di na lang siya atakihin ng heart burn ngayon at mag-collapse? Pero kailangan niyang itayo ang bandera ng pagmamahalan nila ni Kenji. Hindi siya pwedeng magpatalo sa babaeng ito. Kung gusto nito ng magandang photo op para sa kasikatan nito, wala naman siyang choice kundi ang magpatangay sa agos.

Naghangusan ang mga cameraman, photographers at iba pang bisita para lang kuhanan ng larawan ang mga sandaling iyon.

Nag-pose si Margaret sa tabi niya na ngiting-ngiti sa tabi niya at bahagya pang dumikit na parang close friends sila. Sinimplehan lang niya ang ngiti. Ayaw na niyang isipin kung magmukha man siyang muchacha habang nasa tabi nito. Alam niyang iyon ang intensiyon nito. She was beautiful in her own right. At plus points sa kanya nang maramdaman niyang inakbayan siya Kenji. Nasa kanya ang lalaking hinahabol-habol ni Margaret. Kaya mamatay ito sa inggit.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.