"YNGRID, ano ba naman 'yang itsura mo?" gulat na tanong ni Dreamilyn nang maabutan siya na nakasalampak sa sahig ng kusina habang umiiyak.
"Nasunog kasi ang asado na niluluto ko. Baka ayawan na ako ng nanay ni Kenji," hikbi niya kasunod ang hagulgol.
Ngayon ang dating ng nanay ni Kenji mula sa Brazil para dalawin ang dalawang anak. Gustong i-check mismo ng ina ni Kenji kung maayos ang kalagayan ng nakababatang kapatid ng binata na si Gui lalo na't mag-isa lang sa bahay na tinutuluyan nito.
Pinaghandaan talaga niya ang pag-uwi ng ginang. Inalam niya ang mga pagkaing Pinoy na paborito nito at iyon ang pinagsikapan niyang ihanda. She wanted everything to be perfect. Nasa airport na si Kenji para sunduin ang nanay nito. Di ngayon ang tamang oras para pumalpak siya.
"Iyan lang pala ang iniiyak mo," wika ni Justine. "Okay naman ang ibang iniluto mo. Okay na iyan kahit walang asado."
"Asado ang pinaka-paborito ni Mommy Ge. Diyan pa ako pumalpak. Anong gagawin ko ngayon?"
Inoorasan kasi niya ang baked paella kaya nawala sa isip niya ang asado. Sa sobrang kagustuhan niyang magpa-impress ay lalo pa siyang pumalpak.
Napapitlag siya nang mag-ring ang cellphone niya. Dinampot ni Dreamilyn ang cellphone niya. "Si Kenji ang tumatawag."
Pinagsalikop niya ang palad at umiling. Ayaw niyang sagutin iyon. Baka mapaiyak na lang siya habang kausap si Kenji. She didn’t want to breakdown.
Inalog ni Dreamilyn ang cellphone niya. "Sagutin mo na at baka parating na iyon. Baka maabutan ka pang ganyan ang itsura. Ikaw din."
Hinamig muna niya ang sarili bago sinagot ang tawag. Pilit niyang pinasaya ang boses kahit na sa loob ay patuloy pa rin siya sa paghagulgol at pagkadismaya sa sarili niya. “Hello, honey ko!”
"Hello, honey. Nandito na si Mama. Gusto ka daw niyang makausap."
Napahawak siya sa lalamunan. “Hello, Mommy Ge!”
"Hello, Yngrid. I am looking forward to meeting you."
"Kayo din po, Mommy Ge."
"Sabi ni Kenji ihinanda mo ang lahat ng paborito ko. Naku! Gusto kong unahin ang asado,” sabik na sabik na wika nito.
"A-Asado po?" Bigla siyang nanginig. Oh, no! Hindi pwedeng mawala ang asado dahil iyon ang paborito ng nanay ni Kenji. Pero kung sabihin na kaya niya dito na nasunog ang asado?
"Oo. Alam mo naman iyon ang paborito ko. Kahit asado lang ang nailuto mo sa akin, ayos lang sa akin.”
Patay. Hindi niya pwedeng sabihin dito na nasunog niya ang asado. Tiyak na madidismaya ito. “M-Mommy Ge, saang banda na po kayo?” tanong niya.
“Maswerte na daw kung makarating kami sa loob ng isa't kalahating oras. Mukhang traffic dito. I will see you in a bit.”
"Sige po, Mommy. Bye!”
Nawala ang pekeng saya sa dibdib niya at bumagsak ang balikat niya. Isa't kalahating oras? Wala na siyang oras para magluto ng panibagong asado. Ihahanda pa niya ang mga pagkain sa mesa. Wala na siyang oras.
Humihingi ng saklolo siyang tumingin sa kanya. "Parating na daw sila. Paano na ito?"
"Ang gawin mo, mag-ayos ka na dahil daig mo pa ang babaeng may sampung anak at iniwan ng asawa. Baka ma-turn off sa iyo ang nanay ni Kenji," wika ni Justine at inalalayan siyang tumayo mula sa pagkakasalampak sa sahig.
"Ganoon na ba ako kalala?" tanong niya at isinuklay ang daliri sa buhok.
"Yes. Ganoon na nga," wika ni Dreamilyn at maasim ang mukha habang tumatango. "Kami na ang bahalang mag-ayos dito."
“O-Okay lang talaga? Kayo na ang bahala dito?” tanong ni Yngrid at pinunasan ng likod ng palad ang nanlilimahid niyang mukha.
“Oo naman,” wika ni Dreamilyn. “Kaya nga kami nandito para tulungan ka na maghanda. Kayang-kaya na namin ito.”
"Paano ang asado ko?" Hindi siya mapapakali hangga’t hindi siya nagkakaroon ng asado.
"Umorder ka na lang. May alam akong masarap na bilihan ng asado. Magpa-deliver ka na lang," suhestiyon ni Justine. "Di naman nila kailangang malaman na di ikaw ang nagluto."
"Hindi tama iyan," kontra ni Dreamilyn. "Mabuko pa siya. Hindi pa maganda ang impression sa kanya."
"Wala na lang asado?" Ayaw naman niyang madismaya si Mommy Ge kapag nalaman nitong walang asado. Gusto niya na perfect ang pag-uwi nito sa Pilipinas. Kenji’s mother was counting on her to make it perfect.
"Sabihin mo na binili mo. Iyon lang naman. Sa ibang niluto mo naman bawi ka na.” Pinisil ni Dreamilyn ang balikat niya. “Don't beat yourself up. Relax ka lang. Magiging maayos ang lahat."
Gusto niyang magpa-impresss siyempre. Hindi naman siguro masama kung hindi siya ang nagluto ng asado. Kaso ay bawas ganda points iyon sa kanya.
Sa huli ay pinalis na niya ang alalahanin sa isip at naligo. Nakasuot siya ng sunflower printed dress na nilagyan niya ng brown belt para ma-accentuate ang baywang niya. Ipinusod niya ang mahabang buhok at light make up lang ang inilagay sa kanyang mukha.
Masaya ang mukhang sumalubong sa kanya nang puntahan ang mga kaibigan sa kusina. Nakahanda na ang lahat ng pagkain sa mesa. May vase pa na may bulaklak sa gitna. Maraming na-accomplish ang mga ito sa maigsing panahon na nag-ayos siya ng sarili. “Wow! This is nice.”
Inangat ni Justine ang porselanang takip sa isang bowl. "Heto na ang asado mo. Okay na siguro iyan para i-serve sa mother-in-law ninyo."
Tinikman niya ang asado. Nag-thumbs up siya. “Yes! Masarap nga.” Niyakap niya ang mga kaibigan. "Salamat sa inyo. Hindi ko talaga alam kung anong gagawin ko kung wala kayo."
“Wala iyon. Para namang di tayo magkakakamping magkakaibigan,” sabi ni Justine. “Kaya tama na ang emote-emote mo kanina, ha? Ikaw pa mandin ang epitome of beauty, poise, grace and composure sa ating magkakaibigan. Hindi kami sanay na nagbe-breakdown ka.”
“Oo nga. At dahil lang sa asado,” naiiling na wika ni Dreamilyn.
“Kahit naman sino maiiyak lalo na’t makakaharap ninyo ang nanay ng lalaking mahal ninyo,” sabi niya. “Pero thank you talaga.”
Hinaplos ni Justine ang likod niya. “Okay ka na?”
Tumango siya at ngumiti. “Okay na okay na.”
“Aalis na kami dahil alam namin na moment mo ang meet the family affair na ito,” sabi ni Dreamilyn at humalik sa pisngi niya.