Chapter WHC: 140

Ihinatid niya ang dalawa sa labas at bumalik sa loob para ayusin kunyari ang hapag kahit na wala naman na siyang aayusin talaga. Makalipas ang ilang minuto narinig na niya ang pagparada ng sasakyan sa tapat. Dali-dali siyang tumakbo papunta sa labas at pinagbuksan ng gate ang pamilya ni Kenji.

"Mommy Ge!” tuwang-tuwa niyang niyakap ang nanay ni Kenji. Kumpara sa mala-modelo at matatangkad na mga anak ay maliit lang si Mommy Ge. Halos kasing tangkad lang niya. Medyo malapad din ang pangangatawan nito. Ayon kay Kenji ay ayaw mag-diet ng nanay nito dahil gusto nitong magluto at kumain. Iyon nga lang daw ang matatawag na bisyo ng ginang. Subalit mukha itong bata dahil masayahin ito at laging nakangiti katulad ng mga anak nito.

Hinalikan naman siya ng ginang sa magkabilang pisngi. “The videos and pictures didn’t do you justice, hija. Mas maganda ka sa personal. Kaya naman pala gustong-gusto ka ng anak ko.”

“Salamat po. Pumasok po tayo sa loob,” sabi niya at inanyayahan ito sa bahay niya. Sina Kenji naman at Gui ay magkatulong na idinala ang gamit ng ginang sa kabilang bahay. “Kumusta po ang trip ninyo?"

"Naku! Sumakit ang ulo ko dahil mahaba ang biyahe. Mahigit isang araw ako sa eroplano.” Kumuha siya ng juice at inabot dito. “Maraming salamat, hija. Pati melon juice ko hindi mo nakalimutan.”

“Siyempre naman po.”

Di nagtagal ay dumulog na sila sa hapag. Asado agad ang kinain ng ginang. Kinakabahan siya noong una pero nakita niya ang kasiyahan sa mukha nito nang matikman ang idinulot niya dito. “Naku! Masarap. Magaling kang magluto."

“Pinaghirapan ni Yngrid iyan, Mama,” pagmamalaki ni Kenji.

Kinagat niya ang pang-ibabang labi. "Niluto ko po ang lahat maliban sa asado. N-Nasunog po kasi ang niluto ko," kinakabahan niyang pag-amin. “Ayoko lang po kasi na wala kayong matikman na asado.”

Nagulat si Mommy Ge pero pagkuwan ay ngumiti din. "Aba! Dapat pala tikman ko ang iba. Mas masarap kaysa sa asado itong kare-kare. Sinarapan mo yata dahil ito ang paborito ng anak ko."

Masayang natapos ang tanghalian. Di nga nagbibiro si Kenji nang sabihin na hilig ng nanay nito na kumain. In-enjoy nito ang lahat ng pagkaing inihanda niya. Hindi rin pumayag ang ginang na kaunti lang ang kainin ng dalawang anak nito. Nasa sala nagkukwentuhan sina Gui at Mommy Ge habang sila naman ni Kenji ay magkatulong naghahanda ng tsaa at kape.

“Napasubo ako kay Mama. Kailangan kong mag-jogging o magbabad sa gym mamaya,” wika ng binata. “Are you coming with me?”

"Galit kaya siya sa akin?" nag-aalala niyang tanong.

“Bakit naman magagalit si Mama sa iyo?”

“Kasi hindi ako ang nagluto ng asado.”

"Of course not. Nagsabi ka naman ng totoo. It is no big deal. Na-appreciate namin na nag-effort ka na ipagluto kami. Sayang lang dahil nasunog ang asado mo. Iyon sana ang gusto kong tikman.” Sa kabila ng paniniyak ni Kenji ay di pa rin siya mapakali. Of course, boyfriend niya ito. Natural lang na ipa-patronize siya nito.

Nagsolo sila ni Mommy Ge nang nanonood sila ng panghapong teleserye at napilitan munang lumipat sa kusina sina Gui at Kenji para pag-usapan ang football.

“Ilang taon na ako sa Brazil ay di ko pa rin maintindihan ang football-football na iyan,” naiiling na wika ng matandang babae. “Masaya na ako na manood ng teleserye.”

Natawa siya. “Ako rin po. Pilit kong iniintindi para kay Kenji pero mukhang ilang taon pa po bago ko makuha.”

Tinapik ng ginang ang braso niya. "Salamat sa pagluluto para sa akin. Di ako sanay nang ako ang ipinagluluto pero natutuwa talaga ako."

"Sabihin lang ninyo sa akin kung anong gusto ninyo. Susubukan ko po kayong ipagluto."

"Ayos lang. You don't have to please me much. I am already pleased.”

“Errr… kahit po hindi ako ang nagluto ng asado?” tanong niya.

Tumawa ito. “Huwag mong alalahanin iyon. Hindi ko nga inaasahan na ipagluluto mo pa ako. Si Margaret naman kasi noon kumain lang kami sa labas.” Nagkibit-balikat ito. “Naa-appreciate ko naman ang ginawa mo para sa akin. Naging totoo ka rin samantalang pwede naman na sabihin mong ikaw din ang nagluto.”

“Ayoko po ng ganoon,” aniya at umiling.

“Mabuti naman. Masaya ako dahil inalagaan mo ang anak ko. Nakita ko rin ang katapatan mo. Mahalaga iyon sa akin. Mahalaga sa akin na ang babaeng mahal ng anak ko ay may magagandang katangian. Lagi ko kasing inaalala kung masaya ba si Kenji sa nobya niya o baka mamaya siya lang ang bigay nang bigay pero sa huli siya rin ang nawawalan."

“Inaalagaan po namin ni Kenji ang isa’t isa. Hindi ko nga po inaasahan pero mabuting tao po ang anak ninyo. Kaya dapat lang po siguro na mahalin ko rin siya gaya ng pagmamahal niya sa akin. Kung pwede lang po ay higit pa.”

Mataman siya nitong pinagmasdan. "Basta maging tapat ka sa anak ko. Ayoko siyang makitang nasasaktan. Noong maghiwalay sila ni Margaret, alalang-alala ako. Hindi kasi nagsasalita ang anak ko kapag may problema. Kinikimkim lang niya. Pero bilang ina, ramdam ko iyon kahit di siya magsalita."

Nakita niya ang takot at lungkot sa mga mata nito. Wala sigurong sasakit sa isang ina kundi makitang nasasaktan ang anak nito.

Ginagap niya ang kamay ng ginang. "Hindi ko po siya sasaktan. Mahal na mahal ko po siya. Mas gugustuhin ko pa pong unang masaktan kaysa masaktan si Kenji.”

Sa wakas ay ngumiti ang ginang. Mukhang nasiyahan ito sa sagot niya. "Natutuwa akong marinig iyan. Ikwento mo nga ulit kung paano kayo unang nagkakilala ng anak ko."

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.