Chapter WHC: 141

“GO, KENJI!” tili ni Yngrid habang iwinawagayway ang flaglet na hawak niya para sa team ni Kenji. Nasa football field siya sa University of Makati kung saan ginaganap ang isang celebrity charity match kung saan ang proceeds ay mapupunta sa pondo ng mga lalaban sa Street Child World Cup sa Brazil. Kasama si Kenji at ang kapatid nitong si Gui sa line up ng mga manlalaro. Ilang minuto na lang bago matapos ang laro at pareho ng score ang dalawang koponan. Parehong naka-goal ang mga ito. Halos mapapaos na siya sa pagtili pero wala siyang pakialam. Ichi-cheer talaga niya ng bongga si Kenji at ang team nito.

“Kenji, Gui, galingan ninyo!” narinig niyang sigaw ni Mommy Ge, ang mama ni Kenji na lumipad pa mula sa Brazil noong isang linggo para magbakasyon. Kasama niya itong nanood ng game at kasama rin nito ang personal assistant ni Gui na si Maj na mukhang kanina pa paos sa kasisigaw.

Kung tutuusin naman ay walang talo kahit na sinong team pa ang manalo. Ang mahalaga doon ay panalo ang mga batang sinusuportahan ni Kenji at ng mga kasama nito. Malakas kasi ang laban ng Pilipinas sa Street Child World Cup – isang international football competition para sa mga batang lansangan na makapaglaro ng football at mabago ang buhay. In-sponsor-an din ng Sweet Surrender Café ang mga ito kaya naman kuntodo suporta siya sa magiging laban ng mga bata.

“Go, Mommy Ge!’ sigaw naman niya at pinalakpakan ito.

Ito na siguro ang pinaka-supportive na nanay sa lahat. Proud na proud itong makita na naglalaro ang dalawa sa mga anak nito. Kung tutuusin ay sikat ang mga anak nito – si Gui ay nagsisimula nang gumawa ng ingay sa mundo ng Philippine football habang si Kenji naman ay isang sikat na celebrity di lang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Pero nakikita niya na parang gulat na gulat ito kapag may fans ang mga anak. Kuntodo yakap at pasasalamat pa ito sa mga gumawa ng banners kanina. Kaya siguro nananatiling mababang loob ang mga anak nito dahil na rin dito.

“There will be two minutes of added time,” anunsiyo ng announcer. Tie pa rin ang score. Kung mananatiling tie ang score ay magkakaroon ng labinlimang minutong extension. Pero nakikita niyang pagod na ang mga players. Pinag-krus niya ang mga daliri. Sana lang ay maka-goal pa ang team ni Kenji.

Maya maya pa ay umatake na ang Blue Team na siyang koponan ni Kenji. Dumagundong ang tilian sa buong stadium maging sa mga nasa bleachers nang maipasa kay Kenji ang bola. Maraming nakaharang dito at bantay-sarado ito pero nagawa nitong maipasa ang bola sa isang kakampi nito na walang bantay. Isang sipa lang ng kakampi nito mula sa national football team na si Chieffy ay nakapasok na ang bola. Napatili sila ni Mommy Ge at nagkayakap. Hindi man si Kenji ang nakakuha ng bola pero dahil sa magandang pasa nito ay nagkaroon ng magandang oportunidad ang team nito.

“Nice pass, Kenji!” narinig niyang sigaw ni Maj. Tuwang-tuwang nagyakap-yakap ang mga ka-team ng binata.

Hindi na nagawang makahabol pa ng yellow team. Makalipas ang ilang sandali ay nagpakawala ng mahabang pito ang referee bilang hudyat na tapos na ang laro. Parang isang malaking fiesta ang lahat lalo na nang ibigay ang award sa nagwaging koponan. Magkaakbay sina Kenji at Gui matapos isuot ang medalya sa mga ito. Matapos ang awarding at photo opportunity ay umakyat ang magkapatid sa stadium at tinungo ang direksiyon ng ina.

Niyakap ng mga ito si Mommy Ge at isinuot ang medalya dito. “Mahal kita, Mama,” sabi ni Kenji at hinalikan sa magkabilang pisngi ang ina.

“Eu te amo, mamãe,” wika naman ni Gui at niyakap si Mommy Ge mula sa likuran.

“Meus filhos, eu te amo tanto.,” sabi ni Mommy Ge na ang ibig sabihin ay mahal na mahal nito ang mga anak nito. At pinupog ng halik ang mukha ng dalawang lalaki na parang bata pa ang mga ito.

“Ang sweet naman nila,” sabi ni Maj habang sapo ang pisngi nito. Ito ang chubby na babae na dati niyang nakasabay manood ng futsal game ni Kenji at nakatarayan pa niya. “Kung ibang lalaki iyan malamang maiinis sila sa mga nanay nila dahil hinahalikan pa rin sila na parang bata. Mababait daw ang ganyang lalaki. Mga sweet sa nanay. Gusto ko ng ganoong boyfriend.”

“Sino ang gusto mong maging boyfriend? Si Gui?” nanunukso niyang tanong.

Biglang tumaas ang kilay ni Maj na muntik nang umabot sa hairline ng kulay carrot nitong buhok. “Naku! Excuse me! Hindi ko siya gustong maging boyfriend. FYI lang, di pa naman ako nauubusan ng lalaki. Marami akong nakukuhang marriage proposal sa mga guwapong foreigner. I am sure meron sa kanila na kasing bait ni Kenji sa nanay. Di naman kita kakaribalin. Hahanap na lang ako ng medyo malapit ang kaguwapuhan sa kanya and everything.”

“Bakit ka pa lalayo kung nandiyan naman si Gui? Mabait sa nanay at kadugo ni Kenji. And I think he likes you.” At ngumuso si Yngrid sa kapatid ni Kenji.

“He likes to torture me. Hindi ko nga alam kung kailan ako makakatakas sa…” Biglang tumili si Maj nang mula sa kung saan ay niyakap ito ni Gui. “Ano ka ba naman, Gui! Hindi mo ako personal teddy bear! Huwag ka ngang yakap nang yakap sa akin. Baka akala nila boyfriend kita.”

“But you are my huggable alalay. Pagod na ako at inaantok kaya kailangan kitang i-hug.” At idinikit ni Gui ang pisngi sa pisngi ng dalaga. “Nakita mo ba ang laro ko kanina? Ang gaganda ng mga depensa ko, di ba?”

“Hindi ko nakita,” sabi ni Maj habang nakatirik ang mata. “Tinitingnan ko kasi si Misagh. Ang guwapo talaga niya.”

“Misagh?” usal ni Gui at kumalas sa pagkakayakap kay Maj. “Sino naman ang may sabi na sa ibang lalaki na tumingin?”

“Crush ko si Misagh. Ang ganda-ganda kaya ng mata ni Prince of Persia,” kinikilig na wika ni Maj. Guwapo naman talaga kasi ang half-Persian na miyembro ng national team at naglalaro sa football club na kalaban ni Gui.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.