“Ganoon?” Dumilim ang mukha ni Gui. “Sandali. Kakausapin ko lang si…”
Biglang pinigilan ni Maj ang binata. “Ay! Hindi ka na mabiro. Ang galing-galing mo. Naku! Ikaw lang ang guwapo sa pitch kanina. Ginawan pa nga kita ng banner at namaos ako sa pagchi-cheer sa iyo. Halika tingnan mo.”
Pareho silang natawa ni Mommy Ge sa pagkukulitan nina Maj at Gui. “Naku! Sa huli baka ang dalawang iyan pa ang magkatuluyan.”
“Sa palagay po ninyo?” tanong niya. “Mukhang ayaw po ni Maj kay Gui.”
“Malakas ang kutob ko na magiging sila rin. Wala pang babae na di napalambot ang mga anak ko na iyan,” puno ng kompiyansang sabi ni Mommy Ge. Tumingin ito sa isang bahagi ng stadium at pinagkakaguluhan naman ng mga kababaihan at kalalakihan si Kenji. “Hindi ka ba naiinis sa atensiyong nakukuha ni Kenji? Alam ko na mahirap magkaroon ng nobyong celebrity.”
“Hindi naman po,” sabi niya at nagkibit-balikat.
“Hindi ka ba sasamang magpa-picture?” tanong ni Maj nang sa wakas ay makatakas kay Gui dahil may mga gusto ring magpa-picture sa binata. “O kaya di ka ba magsusungit? Naalala ko dati si Margaret ayaw niyang may ibang didikit na fans kay Kenji. Nagagalit siya. O kaya sasama siya sa picture. Di talaga niya hinihiwalayan si Kenji. Panira sa picture.”
Pagak siyang tumawa. “Hindi naman ako si Margaret. Natutunan ko nang tanggapin ang nature ng trabaho ni Kenji nang mahalin ko siya. Saka naranasan ko rin po ang maging fan. Alam ko po kung gaano kalaking bagay na makasama man lang namin sa picture ang iniidolo namin. Malaking bagay na po na makausap namin sila at tapunan nila kami ng atensiyon. Saka fans po ni Kenji ang sumuporta sa kanya kaya narating niya ang kinalalagyan niya ngayon. Hindi naman po nila iuuwi si Kenji, di po ba?”
“Tama,” wika ni Mommy Ge. “Maj, gusto kita para sa anak ko.”
“Kay Kenji po?” excited na tanong ni Maj.
“Kay Gui,” paglilinaw ni Mommy Ge.
“Mama, kahit po gusto ko kayong maging mother-in-law, malabo po ang iniisip ninyo sa amin ni Gui. Hindi po niya ako type at di ko rin po siya type. Ampunin na lang po ninyo ako kung gusto ninyo,” sabi ni Maj at niyakap ang matandang babae.
“Miss Yngrid,” untag sa kanya ng isang matandang bading na tabloid reporter. May kasama pang ibang reporter ang mga ito.
“Yes?” tanong niya.
“Pwede po ba kayong ma-interview?”
“Sure,” aniya at hinarap ito. Marahil ay magtatanong lang ang mga ito tungkol sa partisipasyon niya at ng café niya sa pagtulong sa mga batang sasali sa Street Child World Cup. Kahit paano ay nasasanay na siyang humarap sa mga reporter ngayon. Ayon kay Kenji ay kailangan na niyang ihanda ang sarili niya sa mga ganitong pagkakataon.
“Totoo ba ang usap-usapan na pinsan mo si Margaret Choi? Na anak sa labas ni Edelberto Choi ang ama mo?” direktang tanong ng matandang reporter at itinapat ang cellphone na camera sa kanya.
Bigla niyang nahigit ang hininga. “S-Saan naman ninyo nakuha iyan?”
“Sa isang credible source,” wika nito.
Hindi agad siya nakasagot kaya binagsakan na naman siya ng panibagong tanong ng reporter. “Ayon sa research namin ay naging kaklase ka ni Margaret Choi noong high school. Wala ka daw ginawa kundi sumunod nang sumunod sa bawat galaw niya. Totoo ba na gusto mong maging si Margaret? Na gusto mong makuha ang lahat ng mayroon siya?”
Nagimbal siya. Heto na. Nagkakatotoo na ang mga banta ni Margaret. Hindi nito direktang sinabi kay Kenji ang katotohanan. Idinaan pa nito sa mga reporters. Pakiramdam niya ay nasa gitna siya ng isang malaking wildfire. Hindi siya makagalaw. Hindi siya makatakas. Hindi niya alam kung paano maaapula ang apoy. Patuloy itong kumakalat nang kumakalat hanggang matupok siya.
“No comment,” wika niya at tinalikuran ang mga ito. Humingi siya ng saklolo kina Maj at Mommy Ge. “B-Baka pwede na po tayong umalis. S-Sa kotse na lang po natin hintayin si Kenji.”
Subalit nakasunod pa rin ang mga reporter sa kanya. “Totoo ba na sinadya mong akitin si Kenji Matsunaga noon pa man? Na magdamag daw kayong magkasama ni Kenji sa Camiguin dati kaya napilitan si Margaret Choi na ilabas sa publiko ang relasyon nila.”
“Ano bang sinasabi ninyo?” bulalas niya sa mataas na tono at hindi na niya napigilan ang emosyon niya sa sobrang inis. “Kalokohan lahat iyan.”
“Pero totoo na magpinsan kayo?” tanong ulit ng reporter. “Ginagantihan mo lang ba si Margaret Choi kaya ka nakipaglapit kay Kenji Matsunaga? Totoo ba na gusto mong makuha ang lahat ng mayroon siya?”
Bigla siyang kinabig sa balikat ni Kenji at pumagitna sa kanya at sa mga reporter. “Anong nangyayari dito? May problema ba?” malumanay na tanong ni Kenji subalit may bakas ng pagkaalarma.
”Kenji, alam mo ba na pinsan ni Margaret Choi ang girlfriend mo?” tanong ng patpating babaeng reporter.
“What? That is crazy!” natatawang wika ni Kenji at nilingon siya sa likuran nito. “Hindi naman iyon totoo, di ba?”
Mangiyak-ngiyak siya habang mahigpit ang pagkakakapit sa likuran ng jersey nito. “U-Umuwi na lang tayo, Kenji. Please?”
Biglang naging seryoso ang anyo ni Kenji. Mukhang na-sense nito na may kakaiba sa ikinikilos niya. “Okay. Uuwi na tayo.” Niyakap siya nito at nilingon ang mga reporter. “Ayaw muna naming mag-comment ngayon. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang balitang iyan pero isang malaking kalokohan iyan. Kung pinsan ni Yngrid si Margaret, I am sure sasabihin niya sa akin. Thank you for coming, watching our game and helping out the kids. Goodnight, everyone.”
Mabilis na humarang ang security nang tatangkain pa silang sundan ng mga reporter. Nanginginig ang buong katawan niya habang nakapaloob sa bisig ni Kenji. Parang ayaw niyang mahiwalay dito. Natatakot siya na baka bukas paggising niya ay wala na ito sa kanya.
At nakadama pa siya ng guilt dahil di niya nasabi kay Kenji ang totoo. Hindi niya nasabi dito ang lihim ng pamilya niya. Isang lihim o kahihiyan na ayaw naman na niyang pag-usapan. Matagal na niyang ibinaon iyon sa limot. Sa kasamaang-palad ay nagbabantang sirain ang kaligayahan niya.
“Ano bang sinasabi nila na magpinsan kayo ni Margaret?” iritadong tanong ni Kenji nang bumibiyahe sila pauwi.
Nakasakay sila sa van na ipinagamit ng handler ni Kenji. Katabi niya ang nobyo sa likod ng driver’s seat. Nasa kabilang side naman niya si Mommy Ge na hawak-hawak ang kamay niya. Puno ng tensiyon ang buong sasakyan. Kahit sina Gui at Maj na madalas magkulitan at mag-asaran ay tahimik lang sa likuran.
“H-Hindi ko alam kung anong sinasabi nila,” kaila niya at niyakap ang sarili. “B-Basta kung anu-ano na lang ang itinanong nila sa akin.” Hindi niya kayang aminin kay Kenji ang totoong relasyon niya kay Margaret at sa mga Choi. Natatakot siya na kapag inamin niya ngayon ay lumala ang lahat. Hindi pa niya kayang sabihin dito ang totoo ngayon.
“Kenji, hayaan mo na munang magpahinga si Yngrid. Alalahanin mo na sa tsismis na iyan ay di lang pangalan mo o ni Yngrid ang nakasalalay kundi pati ang pamilya niya at ang pamilya ni Margaret. Na-trauma siya sa tanong ng mga reporter. Kung lalala pa ang balitang ito, kailangang pag-usapan ninyong mabuti. Hindi kayo pwedeng padalos-dalos,” malumanay na paliwanag ni Mommy Ge.
Bumuntong-hininga si Kenji. “Yes. I am sorry.” Kinintalan siya ng nobyo ng halik sa noo. “Magpahinga ka muna. Don’t worry. Everything will be okay,.”
Tumango siya at ipinikit ang mga mata. Sana nga ay maging ayos pa ang lahat oras na malaman ni Kenji ang totoo. Sana ay may pagkakataon pa siyang ipaliwanag dito ang lahat. Sana ay hindi ito tuluyang mawala sa kanya.