“Ma’am, kanina pa po nagka-camping ang mga reporter dito sa café. Gusto daw po kayong makausap. Nang sahihin po namin na mamayang hapon pa kayo nandito, pupuntahan na lang daw po niya kayo sa bahay ninyo. Tinatanong nga po nila kung alam namin na magpinsan kayo ni Margaret Choi.”
Wala pang alas otso ng umaga ay umuusok na ang cellphone at telepono niya. Napilitan siyang tawagan ang Sweet Surrender nang mag-text ang staff niyang si Frecy na may mga reporter sa shop niya.
“May sinabi ba kayo sa kanila?” tanong niya. Parang pating ang mga reporter na paikot-ikot at hinihintay na makaamoy ng dugo bago sumagpang. Nararamdaman niyang palapit nang palapit ang mga ito.
“Wala po, Ma’am. Loyal po kami. Lahat na lang kasi inintriga nila. Pero magpinsan po ba kayo, Ma’am? Kaya pala medyo hawig kayo kapag biglang tingin saka pareho kayo ng taste sa lalaki. Baka magpinsan din tayo, Ma’am. Di kaya?”
Bumuntong-hininga siya. Di alam ng staff niya kung gaano kalaki ang problema niya kaya nagagawa nitong magbiro. “Salamat sa warning. Siguro naman haharangin ng security ang mga reporter na iyon sa labas ng subdivision. Hindi sila basta-basta makakapasok nang walang permiso ko. Hindi muna ako pupunta diyan sa café. Gusto ko munang magpahinga.”
“Okay, Ma’am. Kami na po ang bahala dito sa café,” anito at nagpaalam na.
Tinawagan niya ang security ng subdivision at ibinilin na huwag magpapapasok nang kahit na sino nang wala siyang permiso lalo na ang mga reporter. Ibinilin din niya na kung pati ibang kapitbahay nila ay bubulabugin ng mga ito at ha-harass-in sa interview ay mas mabuting paalisin na lang ang mga ito kahit pa sapilitan. Ayaw niya ng gulo.
Iisa lang ang subdivision nila ni Kenji. Alam niyang di basta-basta susuko ang mga reporter hangga’t walang sinuman sa kanila ang lumalabas. Hindi titigil ang mga ito hangga’t di sila nakukuhanan ng pahayag.
Matapos ang tawag na iyon ay tinanggal niya ang phone sa jack. Isinara na rin niya ang cellphone niya. Mauunawaan naman ng mga kaibigan niya kung hindi muna siya makakasagot sa mga tawag nito.
Naligo siya para may magawa siyang ibang bagay. Napapagod na rin siyang mag-isip. Naguguluhan pa rin siya sa kung anong dapat gawin. Kahit ang mga kaibigan niya ay di alam ang tungkol sa relasyon niya sa mga Choi. Ang alam lang ng mga ito ay dati silang naging magkaklase ni Margaret at hindi maganda ang trato ng babae sa kanya.
Sasabihin din naman niya sa mga ito sa tamang panahon. Kailangan lang muna nilang magkausap ni Kenji tungkol dito. Nag-message ito kanina na ihahatid si Mommy Ge sa bahay ng isang kamag-anak pero babalik din. Hindi pa niya alam kung sasabihin sa binata ang totoo o magkakaila pa rin.
She could feel the truth swirling around her like dark clouds. Palapit nang palapit sa kanya at anumang oras pakiramdam niya ay lalamunin siya ng dilim. Natatakot siya. Hindi niya alam kung paano iha-handle ni Kenji ang katotohanan.
Tinutuyo niya ang buhok niya nang mag-ring ang doorbell. Sumilip siya sa bintana ng kuwarto at nakita niyang nasa gate si Kenji. Nakasuot ito ng shades, polo shirt at pantalon. Dali-dali niyang binuksan ang gate at sinalubong ito.
“Hey!” nakangiti niyang bati dito at kinintalan ito ng halik sa labi. Subalit naramdaman niya ang panlalamig nito. Kinabahan siya.
Hindi nito inalis ang shades pero naramdaman niyaang matiim nitong titig sa kanya. “We need to talk,” wika nito sa malalim at seryosong boses.
“Doon tayo sa loob,” aniya habang pigil ang hininga. “D-Do you want anything?” Ang totoo ay di pa siya nag-aagahan. Gusto sana niyang yayain ito na mag-agahan para pagaanin ang mood. Kahit ano para di muna nito ituloy ang kung anong sasabihin nito sa kanya.
“Gusto ko lang ipaliwanag mo ang tungkol dito,” sabi ni Kenji sa mabigat na boses at ibinagsak nito sa diyaryo at printed article sa center table.
Nanginginig ang kamay niyang dinampot iyon. Una ay ang printed entry mula sa isang blog. Pinasadahan lang niya ng basa iyon. It was a blind item. Pero kahit di pangalanan ay malinaw ang mga clue. Sa diyaryo naman na nai-release nang umagang iyon ay ang article kung saan pinangalanan na ang mga nasa blind item. Hindi na niya kailangan ng pangalan ng source. Alam niya na kay Margaret mismo galing iyon. It was too malicious. Sinabi doon kung paanong nag-ambisyon ang pamilya niya na kilalanin ng mga Choi. Kung paanong sinubukan niyang maki-level kay Margaret noong bata pa sila. Kung paanong gumawa siya ng paraan para mapalapit kay Kenji. May pahiwatig pa na baka isa siya sa dahilan kung bakit nagkasira sina Kenji at Margaret noon. Na gumawa siya ng paraan na mapalapit kay Kenji para makapaghiganti kay Margaret. Pati ang relasyon nila ay nabahiran ng isyu. Masakit dahil di naman totoo ang maraming nakalagay doon.
“Yngrid, I am waiting…” wika ni Kenji sa boses na may pagbabanta at tinanggal nito ang shades nito.
Lumunok siya at huminga ng malalim. “I don’t know where to start.”
“Pinsan mo ba si Margaret?” His voice was low and controlled. But there was an underlying tension there. A tension that would make him snap anytime.
Pinagsalikop niya ang mga nanlalamig na kamay. “No.”
“Hindi iyon ang sinabi ng papa mo.”
Gulat niya itong nilingon. “S-Si Papa? Nakausap mo siya?”
“Sinabi niya sa akin ang lahat. Tinawagan ko siya kanina para malaman ang totoo.” Naningkit ang mata ng binata. “Hanggang ngayon ba magsisinungaling ka pa rin sa akin na wala kang kinalaman kay Margaret?”