Chapter WHC: 145

“My parents told me she is an opportunist. I didn’t believe that. I treated her as a friend, as a real cousin… even a sister. Ipinaglaban ko siya sa pamilya ko. I… I really wanted to be her friend. But she became envious and vicious. She started spreading a lot of bad things about me. She really wanted to be me. At masakit iyon para sa akin.”

Iyak lang nang iyak si Yngrid habang pinapanood ang interview ni Margaret sa telebisyon. May live interview ito sa isang news program sa primetime. Nakakulong si Yngrid sa kuwarto niya, nakadapa sa kama habang tahimik na tinatanggap ang lahat ng paninira sa kanya ng bruhang si Margaret na sa kasamaang-palad ay pinsan niya. Ikinaila nito na magpinsan sila. Walang inaamin ang mga Choi tungkol sa relasyon nilang mag-ama sa mga ito. Ang tanging statement ng mga ito ay oportunista silang mag-ama. Na tinangka nilang maging parte ng pamilya ng mga ito. Social climbers. The filthiest of scums. Napakasakit na sirain ng mga Choi ang lahat ng bagay na pinaghirapan nilang mag-ama.

Gusto niyang batuhin ang TV sa sobrang galit. Ang kapal ng mukha ni Margaret na palabasing maayos ang pagtrato nito sa kanya. Ganoon pala itong magtrato na parang kapatid – ginagawa nitong alila at utusan, pinagmumukhang tanga. May gana pa itong umiyak-iyak ngayon.

“Totoo ba ang usap-usapan na may kinalaman siya sa paghihiwalay ninyo dati ni Kenji Matsunaga?” tanong ng reporter.

Kinagat ni Margaret ang pang-ibabang labi, tinutop nito ang bibig habang tumutulo ang luha sa mga mata nito. Pang-Best Actress ang acting nito. “A-Ayoko nang pag-usapan pa. B-Basta ang alam ko lang nagkita sila sa Camiguin noon. Sabi sa akin ni Kenji malapit lang siya na fan. You know how Kenji is with people. Napakabait niya. D-Di ko alam. Basta may nagbago sa relasyon namin mula nang makilala niya ang babaeng iyan. Di siguro napapansin ni Kenji pero nararamdaman ko na may nag-iba. Now I know.”

“Sinadya ba niya iyon dahil sa inggit niya sa iyo?” tanong ng reporter.

Nagkibit-balikat si Margaret. “I am not sure. Tahimik na kasi ang buhay ko ngayon. I hope they will leave my family alone.”

Bigla na lang namatay ang TV at nakita niyang hawak ni Dreamilyn ang remote control. Nasa likuran nito si Justine na dali-daling pumunta sa likuran ng TV at tinanggal ang saksak. “Bakit mo pinatay?” maang na tanong niya.

Ihinagis ni Dreamilyn ang remote sa kama. “Sabi ko naman sa iyo huwag ka nang magbubukas ng TV. Sasama lang ang loob mo. Nakabalandra na sa TV station ang mukha ng babaeng iyan. Maya’t maya na lang umiiyak na akala mo ay naapi. Hindi ka naman siguro masokista.”

Pinuntahan siya ng mga kaibigan nang tanghali na. Nag-cancel ng schedule ang mga ito. Ang mga ito lang ang pinayagan niyang makapasok sa subdivision para puntahan siya. May bodyguards din na karay-karay ang mga ito para tiyakin na hindi malalapitan ng reporters ang bahay niya. Sinamahan siya ng mga ito na umiyak kanina at napilitan din siyang ipagtapat sa mga ito ang totoo. Iniwan lang siya ng mga ito nang akala ay nakatulog siya kaya naman nakasalisi siya para manood ng TV.

“Paawa lang iyan dahil negative na ang image niya. Nagsisimula pa lang kasi ang teleserye niya pero flop na ang ratings,” sabi ni Justine. “Ginagamit ka lang niya para sumikat. Gusto mo maglabas ka rin ng statement? Kausapin natin sila Tito at Tita tungkol dito. Oras na para linisin ninyo ang pangalan ninyo.”

Umiling siya. “Huwag na. Kung ako ang masusunod ayoko silang madamay sa gulong ito. Sana nga ako na lang ang siniraan nila. Idinamay pa nila si Papa. Kung tutuusin labas na si Papa sa isyu na ito. Kami na lang sana ni Margaret ang magtuos. Pero ano bang dapat naming sabihin? Kahit naman anong gawin namin kami pa rin ang lalabas na masama.”

Sumasama na ang mga pangyayari at wala siyang magawa para lumaban man lang. Ano ba naman ang laman niya sa pag-iyak-iyak ni Margaret samantalang kahit si Kenji ay ayaw na siyang paniwalaan? Para saan pa ang ipaglalaban niya kung ang taong gusto niyang ipaglaban ay wala na sa tabi niya at tinalikuran na rin iyan. Wala siyang ibang nararamdaman kundi ang sakit. Mas madali na lang sigurong sumuko nang mga oras na iyon.

“Totoo naman na pinsan mo ang Margaret na iyon. Totoo naman na may dugo kang Choi. Isang DNA test lang naman ang katapat niyan para mapahiya silang lahat at malinis ang pangalan ninyo,” suhestiyon ni Dreamilyn. “Tingnan ko lang kung may mukha pang maiharap ang mga Choi sa kanila.”

“Fierce ka yata ngayon, Mother Superior,” puna ni Justine.

“Siyempre naman. Kapag pinasasama na ang kaibigan natin, oras na para lumaban. Hindi naman ako papayag na api-apihin lang siya. Alam naman natin ang totoo. May paraan naman para sabihin ang totoo,” katwiran ni Dreamilyn. Matatag na ito dahil sa dami rin ng pinagdaanan nitong tsismis mula nang maging boyfriend nito ang rockstar na si Casey.

Malungkot siyang umiling. “Kahit na lumabas ang totoo, may bagong kasinungalingan na naman silang sasabihin. Ano pang silbi? Lalaki lang ang gulo. Lalo pang mapapasama ang pamilya ko. At kahit anong gawin ko, galit na si Kenji sa akin. Ayaw na niya sa akin,” aniya at napahikbi.

Hinaplos ni Justine ang likod niya. “Kailangan lang niya ng panahon na mag-isip. Sa palagay ko naman di niya basta-basta itatapon ang relasyon ninyo dahil lang sa paninira sa iyo.”

“Naglihim ako sa kanya. Nasaktan siya. Naglihim din naman ako sa inyo. H-Hindi ba kayo galit sa akin? Matagal na tayong magkakaibigan pero hindi ko naipagtapat sa inyo ang tungkol sa mga Choi,” aniya at pinahid ang luha niya.

“Parang nakakatampo sa una kasi wala naman kaming itinago sa iyo. Alam mo ang lahat ng tungkol sa amin,” sabi ni Dreamilyn. “Pero naiintindihan namin. May mga bagay na mas magandang itago na lang at huwag nang ungkatin. Wala naman kaming direktang kinalaman sa mga Choi. Pero di naman iyon madaling tanggapin sa parte ni Kenji kasi involved siya sa pamilyang iyon at lumalabas na minanipula mo lang siya para gantihan si Margaret.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.