Chapter WHC: 146

“P-Paano kung ayaw na niyang bumalik sa akin? Anong gagawin ko?” Maisip lang niya na wala na nang tuluyan sa kanya si Kenji ay parang tumitigil na sa pagtibok ang puso niya. Parang di siya makahinga.

“You have to move on. Nandito naman kaming mga kaibigan mo katulad noong nasa tabi ko kayo noong naghiwalay kami ni Casey.” Niyakap siya ni Dreamilyn. “Walang hindi nahihilom ang panahon.”

“Sabi mo nga, okay lang na umiyak at magmukmok ngayon pero huwag gawing bisyo iyan. Kung kailangan mong lumayo dito kahit na sandali, maganda siguro kung magbakasyon ka muna hanggang mag-die down ang hindi magandang balita na ito. Pwede muna tayo sa resort ni Stefan sa Camiguin. Magiging okay lang naman ang takbo ng café kahit na ilang araw,” pang-aayo ni Justine. “Ano? Magpa-book na tayo ng flight? Pwede tayong umalis kahit bukas ng umaga.”

“P-Pag-iisipan ko muna,” sabi niya. “B-Baka kasi biglang bumalik si Kenji.” Umaasa pa rin siya na babalikan siya nito. Na magkakasama pa sila. Na sasabihin nitong naniniwala ito sa kanya.

She felt so empty and lonely. Idinala nito pati ang mga alaga nitong aso sa kapatid nitong si Gui. Si Jacko lang ang naiwan sa kanya pero di naman niya ito maalagaang mabuti. Mabuti na lang at dumating ang mga kaibigan niya. Natatakot siya na madamay pa ito at ma-absorb ang negative emotions niya.

“Ikaw ang bahala. Basta hindi rin okay na masyadong umasa. Masakit kapag di nangyari ang inaasahan mo,” payo ni Dreamilyn.

“Hayaan ninyo akong umasa. Parang mamamatay na kasi ako kapag nawalan na ako ng pag-asa. Mahal na mahal ko kasi siya.” Tinatanong nga niya kung bakit kailangan pang mahalin din siya ng taong pinapangarap lang niya dati para lang mawala sa kanya sa huli. Pero ayaw pa niyang tuluyang sumuko.

Nag-ring ang cellphone ni Justine. “Hello, Tita! Yes. Nandito po si Yngrid at kasama namin sa bahay niya. Papunta na po kayo dito? Sige po. Hindi po kami aalis.” Hinarap siya ng kaibigan. “Nandito sa Manila ang parents mo. Ako daw ang tinawagan nila dahil hindi nila ma-contact ang number mo.”

Nasapo ni Yngrid ang pisngi. Hindi pa niya tinatawagan ang mga ito para kausapin tungkol sa isyu na pinalabas ni Margaret laban sa kanila dahil dir in niya alam ang sasabihin sa mga ito. Binalaan na siya ng ama niya tungkol sa di magandang idudulot sa pakikipagrelasyon niya kay Kenji at nangyari na ang kinatatakutan nito. Ginantihan nga siya ni Margaret.

Pinili niyang ayusin ang sarili. Ayaw niyang makita ng pamilya niya na ganoon siya kaapektado sa problema. Kailangan niyang maging matatag sa mga ito. She wanted to be strong even if inside she was falling apart.

Subalit nang makita niya na pumasok ng bahay ang nanay niya ay napahagulgol siya ng iyak at sinalubong ito ng yakap. “Mama!” parang batang palahaw niya. Hindi na niya napigil ang emosyon. Kapag ganitong mga pagkakataon, kahit anong tatag niya ay nagiging batang paslit siya kapag kaharap ang ina.

“Sige lang, anak. Iiyak mo lang iyan,” wika ng nanay niya at hinaplos ang likuran niya.

“Hindi na tama ito,” nakatiim-bagang na wika ng ama niya. “Patawarin mo ako, anak. Dahil sa kagustuhan kong makilala ang tunay kong pinagmulan, parang ipinain kita sa mga lobo. Ito ang ikinatatakot ko noong una pa lang. Alam ko na hindi ka titigilan ni Margaret hangga’t hindi kayo naghihiwalay ni Kenji.”

“Nasaan si Kenji?” tanong ng nanay niya.

Umiling siya. “Wala po siya. Kailangan daw po niya ng oras para mag-isip.”

“Nakasama yata na sinabi ko sa kanya ang totoo,” anang papa niya at bakas ang guilt sa mukha at umupo sa sofa.

Umupo siya sa tabi ng ama at humilig sa balikat nito. “Papa, ako po ang may kasalanan. Hindi ko po sinabi kay Kenji ang totoo. Akala ko kasi hindi naman po iyon importante. Siguro po ay hindi ganito ang mangyayari kung sinabi ko ang totoo. Ako ang dahilan kaya nawalan siya ng tiwala sa akin. Ngayon po parang gusto na niyang paniwalaan ang lahat ng di magagandang inaakusa sa akin.”

“Aayusin natin ito, anak. Lilinisin natin ang pangalan natin,” anang ama niya sa matatag na boses. “Oras na rin para tuluyan tayong kumawala sa mga Choi. Tama ka. Hindi natin sila kailangan.”

YNGRID’S hands were clammy. Kanina pa siya palakad-lakad sa munti niyang opisina sa Sweet Surrender. Anumang oras ay magsisimula na ang press conference na in-organize ng mga kaibigan niya sa tulong ng PR team ni Casey at ng banda nitong Fireworks. Suportado siya ng mga ito dahil parang pamilya na daw siya ng mga ito. Doon niya naramdaman na hindi siya nag-iisa sa laban.

Nakaupo sa couch ang mga magulang niya. Napagkasunduan nila na halos ang ama niya ang magsasalita sa buong conference lalo na’t usapin na ng pamilya ang pinag-uusapan. At may tiwala siya sa ama niya. Mas alam nito ang tama.

Halata ang tensiyon sa mukha ng ama niya pero lumalambot ang mukha nito tuwing pinipisil ng nanay niya ang kamay nito. “Everything will be okay, Daddy. Alam mo bang guwapo ka ngayon? Lalo tuloy akong na-in love sa iyo.”

“Binobola mo naman yata ako.”

“I am sure marami ka nang fans pagkatapos ng press conference na ito. Basta ako ang number one fan mo.” At kinintalan sa pisngi ng nanay niya ang tatay niya. At tuluyan nang nakalimutan nga ama niya ang tensiyon.

Nagsusuportahan ang mga ito. Di niya maiwasang makadama ng inggit. Sana lang ay may humahawak din sa kamay niya ngayon gaya ng dating ginagawa ni Kenji kapag kinakabahan siya at may malaking laban siyang haharapin. Sana lang ay nandoon si Kenji sa tabi niya.

Kinuyom ni Yngrid ang palad. Kailangan niyang harapin ito nang mag-isa. Nang wala si Kenji sa tabi niya. Hindi niya alam kung matapos ang press conference na iyon ay maaayos pa niya ang relasyon nila. Umaasa pa rin siya pero ihinahanda na rin niya ang sarili sa sakit kung sa huli ay piliin nitong maghiwalay sila.

May kumatok sa pinto at sumungaw ang ulo ni Justine. “Nandito na ang mga reporter. Sisimulan na ang press conference.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.