Inalalayan ng ama niya ang nanay niya na tumayo. Inilahad ng ama niya ang kamay sa kanya. “Halika na, anak.”
Mahigpit siyang humawak sa kamay ng ama niya. Itinaas niya ang noo. Lalabas sila sa lahat bilang isang pamilya. Kahit na anong mangyari, mananatiling buo ang pamilya nila. Hindi na nila hahayaang tapak-tapakan lang sila. Gusto nilang tapusin ito nang may dignidad.
Tahimik lang silang mag-ina nang pagitnaan si Carmello Singson. May tatlumpu ring reporter na nasa harap nila – mula sa diyaryo, radyo at telebisyon. Ang sabi sa kanya ay may showbiz blogger din na naroon. Hinayaan nilang mag-ina na ang ama niyang si Carmello ang magsalita.
"Marami pong di magagandang balita na kumakalat laban sa pamilya ko. Masyado pong masakit ang mga akusasyon. Gusto ko pong linawin na hindi po kami oportunista. Mula sa simula ay hindi po kami humingi ng tulong sa iba para maging matagumpay sa buhay. Matalino at masipag ang anak ko. Dahil sa pagsisikap ay napaunlad niya ang negosyo niya. Simpleng tao lang po kami na nagsikap sa buhay para tuparin ang pangarap namin."
Gusto niyang palakpakan ang ama. He delivered the words with integrity and dignity. Hindi ito masyadong nagpapakita ng emosyon at nanatiling matatag kahit na alam niyang di ito sanay na nagsasalita sa harap ng maraming mga tao.
Nagtanong ang isang beteranong reporter na si Jun. "Kung hindi po kayo social climber at oportunista, bakit ipinipilit pa rin ninyo na kabilang kayo sa mga Choi?"
Mapait na ngumiti ang ama niya. "Namatay ang nanay ko noong sampung taong gulang ako saka niya sinabi sa akin kung sinong ama ko. Kahit sinong tao gustong mabuo ang pagkatao niya, mapabilang sa isang pamilya at kilalanin. Aaminin ko na ginawa ko ang lahat para patunayan na karapat-dapat ako sa pamilya ng ama ko. At natural lang din na gustuhin ko na alam ng anak ko kung saan siya nagmula. Masisisi ba ninyo kami kung gusto namin iyon? Pero di na mahalaga sa amin iyon. Di namin kailangang ipilit ang sarili namin sa kung saan ayaw kami. Kung tutuusin isang DNA test lang naman ang maaring magpatunay kung nagsasabi ako ng totoo o hindi. Pero hahayaan ko na ang mga Choi. Hindi namin kailangang isiksik ang sarili namin sa pamilya nila. May pamilya na ako at masaya na ako sa kung anong mayroon kami. After all, matagal na panahon na kaming tahimik. Mukhang may gusto lang siraan ang anak ko kaya napilitan kaming magsalita."
"Nagtanim ka ba ng sama ng loob na nasa kay Margaret ang lahat ng mayroon ka dapat, Miss Yngrid? Iyon ba ang dahilan kung bakit inagaw mo siya kay Kenji Matsunaga?" tanong ng showbiz reporter sa TV network na si Gretel na mahilig na magpakita ng mayabong nitong dibdib at alam niyang may gusto kay Kenji noon pa.
Nakangiti siyang umiling. "Wala po akong inaagaw. Sa kay Kenji at Margaret lang kung anong dahilan ng paghihiwalay nila pero wala po akong kinalaman doon. Naging mabuting kaibigan ako kay Margaret noong mga bata pa kami. Alam po niya iyon. Kung iba ang sinasabi niya sa mundo, hindi ko na po problema iyon. Malinis ang konsensiya ko. Sa totoo lang, mas masaya ang buhay ko kung malayo ako kay Margaret at sa mga Choi. I don't want anything to do with them anymore. Now, if they will keep on spreading rumors against me and my family, wala siguro akong magagawa doon. Ayaw na naming depensahan ang sarili namin. At the end of the day, may Diyos naman na nakakaalam ng lahat. Opinyon lang Niya ang mahalaga kung anong tingin Niya sa amin."
Tumaas ang kilay ni Gretel nang ibigay ang sumunod na tanong. "Siguro naman ay mahalaga din ang opinyon ng boyfriend mo tungkol dito. Anong masasabi ni Kenji Matsunaga sa mga nangyayaring ito? Naniniwala ba siya sa iyo? Hindi ba siya naniniwala na ginamit mo lang siya para maghiganti kay Margaret? Bakit wala siya dito sa press conference para suportahan ka?"
“Oo nga naman. Wala dito si Kenji,” bulung-bulungan ng ibang reporter at luminga sa paligid.
Naningas ang dila ni Yngrid. Paano niya sasagutin iyon? Hindi pa siya kino-contact ng binata. Nang tumawag sa kanya si Mommy Ge kaninang umaga ay sinabi nito na nag-aalala ito para kay Kenji dahil nagkukulong lang ito sa kuwarto. Ganoon daw ito kapag may pinagdadaanan. Ayaw nitong kausapin ang kahit na sino.
Hindi niya alam kung nakapag-isip-isip na si Kenji tungkol sa relasyon nila. Kung paniniwalaan nito ang mga sinabi niya o ang intensiyon niya sa pakikipaglapit dito. Kung may tiwala pa ito sa kanya.
It was like a trap question. Oras na malaman ng mga ito na di sila magkasundo ni Kenji ay mawawalan ng saysay ang paglilinis nila sa pangalan nila. Kung si Kenji nga na sinasabing mahal siya ay di naniniwala, paano siya paniniwalaan ng ibang tao? Kung makikipaghiwalay sa kanya si Kenji kalaunan at gusto nitong magsalita sa mga reporter, sana naman ay bigyan siya nito ng panahon na makapaghanda. Wag muna sana siya nitong iwan na lang basta nang hindi pa sila nag-uusap.
Ngumiti siya para sabihin ang unang alibi na naiisip niya nang magkaingay sa bandang likuran kung saan naroon ang entrada. "Nandiyan si Kenji! Dumating na siya!" sigaw ng isang cameraman na naka-set up ang camera sa likuran na mas malapit sa entrada ng café.
Puno ng pagtatakang tiningnan ni Yngrid ang PR officer na nagha-handle ng press conference. Di naman nito sinabi na dadating si Kenji at bahagya rin itong nagulat. But she easily masked her face. Nagbilin ito sa isang staff at dali-daling pumunta sa entrance ng café para salubungin si Kenji.
"Good afternoon," magalang na bati ng binata sa mga nadaanang reporter. Nakangiti ito sa lahat. Animo'y wala itong pinagdadaanan. Parang kahapon lang ay di ito umalis ng bahay niya na madilim ang mukha, galit na galit at naguguluhan.
Kinamayan nito ang ama niya at humalik sa pisngi ng ina niya. "I am sorry if I am late, Tito, Tita." Kinintalan nito ng halik ang noo niya. "Hi," usal lang nito.