Kinabahan siya dahil baka ma-detect ng iba na may problema nga sila. "Hi" lang ang sinabi nito sa kanya. Sa noo lang siya nito hinalikan. That was hardly encouraging. Hindi iyon ang paraan para batiin ang babaeng mahal nito. Kung gusto nitong iwasan ang di magandang balita sa kanila ay hindi dapat ganoon ang inaakto nito. She guessed that was it. Kung anuman ang dahilan para sumama ito sa press conference na iyon ay hindi makakabuti para sa relasyon nila.
Bumuga siya ng hangin at ngumiti para itago ang tensiyon na nararamdaman niya. Nang umupo si Kenji sa tabi niya ay ngumiti lang ito sa kanya at ibinalik ang atensiyon sa mga reporter. "Good afternoon, everyone. I got tied up and there is the traffic, of course. I hope I didn't miss much."
"Tinatanong namin si Miss Yngrid kung anong opinyon mo sa isyu na ito. Pero mabuti nang nandito ka para ikaw na ang sumagot. Anong masasabi mo isyu na ginamit ka lang ng mga tao para makaganti kay Margaret ang girlfriend mo?" tanong ni Gretel.
"Margaret and I broke up because it was a mutual decision. Hindi kami magkasundo dahil sa mga obvious na bagay. Mga bagay na walang kinalaman kay Yngrid. I am a grown man, I've been taking care of myself since I was sixteen. Natuto akong magdesisyon para sa sarili ko ayon sa prinsipyo at paniniwala ko. As for Yngrid, we started as friends. Friends who help out and look out for each other. Seriously, it was me who sought after Yngrid most of the time. Unfair na sabihing minanipula niya ako. I am sure it was not witchcraft.” Tumawa ang binata at nagtawanan din ang iba. Di kasi iilang beses na nagpatutsada ang ilan sa mga ito na malamang daw ay kinulam lang niya si Kenji kaya siya pinatulan. “Because I thought my decisions were sane and valid everytime I come to her. Kaya kung maging malapit man kami, I don't think it was orchestrated on her part. Mahal niya ako. Hindi pagpapanggap ang pag-aalaga niay sa akin. Naramdaman ko iyon."
"Anong masasabi mo sa interview ni Margaret?" tanong ng isang tabloid reporter na may sarili ring showbiz program sa radio.
"It is a pity. Hindi ko alam kung bakit niya sinasabi iyon. Her classmates in high school were wondering, too. Sabi nila naging mabuting kaibigan si Yngrid sa kanya. Margaret treated my girlfriend like a lap dog."
Bigla niyang hinawakan sa braso ang binata."Kenji..." Ipinagtatanggol siya ng nobyo. Alam na nito ang nangyari noong high school sila.
Gulat siyang nilingon ng binata. "What? Huwag mong sabihing ayaw mong sabihin ko sa kanila kung anong ginawa ni Margaret sa iyo?" Huminga ito ng malalim. "Hindi na lang manggagaling sa akin. Ang alam ko ay gagawa ng page ang mga batchmate mo para ipakita ang suporta nila sa iyo. They wanted to refute Margaret's statement. Dahil high school ka pa lang, di na nila gusto ang pagtrato ni Margaret sa iyo. Kahit kailan ay hindi siniraan ni Yngrid si Margaret. Hindi naman siguro paninira iyon kung mga tao mismo ang nakakita ng behavior niya dati."
Nahigit ni Yngrid ang hininga. It was like a full battle. Bawat isa ay kanya-kanya ng paglalabas ng ammunition. At may mga taong nakakaalam ng totoo na di papayag na basta na lang manahimik. At na-pick up ng reporters ang usapan nila ni Kenji kahit na walang mikropono dahil maliit lang naman ang venue. Anumang sabihin ng binata ay maririnig ng lahat.
"O! Gawa na pala ang page. Sabi nila ikaw pa daw gumagawa ng assignment at projects ni Margaret. Nahuli ka pa ngang kinokopyahan sa exam ni Margaret,” natatawang sabi ni Casper, ang nag-iisang straight male reporter sa mga naroon.
"May tinanggihan ka daw na manliligaw at utos ni Margaret,” wika naman ng beteranong reporter na si Rose.
"Maldita pala si Margaret,” wika ng isang reporter sa showbiz program na si Felipe.
"Dati pa naman. Di lang ninyo napapansin,” nakaismid na wika ni Gretel na kung kanina ay mukhang kontrabida sa kanya ay biglang nagbago ng timpla.
"Kung ganito ka-negative ang image niya, paano pa siya magiging first lady ng Pilipinas? Tapos baka may kung ano pang skeleton sa closet ng pamilya nila,” wika ni Nardo na isa sa matitinik na beteranong showbiz doon.
"May mga tanong pa ba kayo?" tanong ni Kenji.
"So you are still together?" tanong ni Casper.
"Definitely,” nakangiting wika ni Kenji at ginagap ang kamay niya. Bahagyang umayos ang pakiramdam niya. He was not leaving her. At least for now.
"May gusto pa ba kayong sabihin sa mga tao?” tanong ni Rose.
Nilingon niya ang ama. "Dad?"
May kakaibang katatagan sa anyo ng ama niya dahil na rin lahat ay pumapabor na sa panig nila. "Wala kaming pakialam sa sasabihin ng iba. Di naman kami taong showbiz. Ang masasabi ko lang, may sariling paraan ang Diyos para ilabas ang katotohanan. Hindi natin makokontrol ang bagay na iyon."
At digital ang karma, gusto sanang idugtong ni Yngrid. Subalit nagpasalamat na ang ama niya sa lahat ng dumalo at kinamayan nila ang mga reporter.
At base sa mga nangyari sa araw na iyon ay matagumpay silang linisin ang pangalan ng pamilya niya. Ang tanong lang ay kung malinis na ang pangalan niya kay Kenji.