Chapter WHC: 149

"TAPOS na kaya ang problemang ito? Nakakapagod pala," usal ng ina ni Yngrid nang makaalis na ang pinakahuling reporter sa café at magkatulong na nililinis ng mga staff niya ang café para muling tumanggap ng customers.

"Magiging maayos po iyan, Tita. Nakita naman ninyo na positibo ang response ng mga reporter. Maayos po ninyong naiparating ang mensahe ninyo lalo na ngayong sinabi ninyo na wala na kayong interes sa mga Choi at sa pamilya nila,” paniniyak ni Kenji sa magulang niya.

"Kailangan lang naming tanggapin na may mga bagay na hindi para sa amin. May dahilan kung bakit hindi kami parte ng mga Choi. Masakit ang paulit-ulit na rejection pero sa huli mukhang sinadya kaming inilayo sa pamilyang iyon. May sarili na akong pamilya. Hindi ko kailangan ang pagtanggap nila. Natuto na akong makontento. Salamat sa pagdating para tulungan kami. Malaking bagay ang presensiya mo sa press conference at ang suporta mo,” sabi ng ama niya at tinapik sa balikat si Kenji.

"Kinausap po ako ng ibang schoolmate ni Yngrid. Pinsan pala ng class president ni Yngrid noon ang handler ko." Nilingon siya ni Kenji. "Hindi ka daw kasi nila ma-contact kaya ako ang kinausap nila."

Tumango siya. Subalit kinuha ulit ng ina niya ang atensiyon ng binata. "Salamat, hijo. Gusto na naming bumalik sa tahimik na buhay oras na matapos ito."

"Kahit po bukas o sa ibang araw pwede na kayong bumalik sa Davao. Wala pong magiging problema. Mawawala na rin po ang hindi magandang balita tungkol sa inyo at wala na po kayong dapat alalahanin kay Yngrid."

Bumukas ang pinto ng café at pumasok ang ina ni Kenji. Kasunod nito si Gui. "Wala na bang naiwang reporter?"

Sinalubong ni Kenji ang ina. "Nakaalis na po sila, Mama." Ipinakilala ni Kenji ang nanay at kapatid sa magulang niya.

"Nalulungkot ako sa naglalabasang balita. Sana naman ay matapos na ang lahat ng ito. Hindi ko maintindihan kung bakit ginawa iyon ni Margaret. She's already blessed. Bakit kailangan pa niyang manira? I am so disappointed," malungkot na wika ni Mommy Ge.

"Ma, ang puso mo," paalala ni Kenji.

Biglang ngumiti ang ginang. “Nagluto pala ako ng miryenda at hapunan sa bahay ni Kenji. Nang sabihin niya sa akin na nandito kayo sa Manila ay naghanda na agad ako. Dati ko pa kayo gustong makilala, balae."

"Balae? Ano ba ang ibig sabihin ng balae sa Brazilian?" tanong ng nanay niya kay Kenji.

"Tagalog po iyan," wika ni Kenji.

"Balae. Gusto ko iyan," excited na wika ng nanay niya at feeling close agad kay Mommy Ge.

Inalok ni Kenji ang kamay sa kanya. "Let's go?"

Lumunok siya at tinanggap ang kamay nito. Kasama ni Mommy Ge ang mga magulang niya sa kotse ng kapatid ni Kenji na Gui habang sila lang ni Kenji sa kotse nito. Isinama niya si Jacko at nasa kandungan niya para may iba siyang pagtuunan ng atensiyon sa maigsing biyahe. Natatakot pa siyang tanungin si Kenji tungkol sa estado ng relasyon nila.

"I hope the press treated you well before I arrived," wika ni Kenji habang nagmamaniobra ng kotse palayo sa café.

"Inaasahan naman na namin ang mga tanong nila at sana ay nasagot namin nang maayos.” Nakakapanginig pa rin at nakakakaba pero naka-survive naman sila. At sa huli ay sa kanila pumabor ang mga pangyayari. “Pero malaking bagay talaga na dumating ka. Salamat. Hindi namin inaasahan na dadating ka. Akala ko nga may sarili kang press conference."

Nagsalubong ang kilay ng binata. "Sarili kong press conference? Para saan?"

"Para sabihin sa lahat na break na tayo."

"What?" bulalas nito.

Anong what? Bakit gulat na gulat ito? Huwag nitong sabihin na naisip nitong makipag-break na sa kanya o maglabas ng sarili nitong statement?

May sasabihin ito nang biglang mag-ring ang cellphone niya. Tumatawag si Dreamilyn. Marahil ay kukumustahin nito ang resulta ng press conference. After all, PR army ng nobyo nitong si Casey ang tumulong sa kanila.

Itinaas niya ang palad. "Excuse me." Bahagya siyang pumaling sa upuan at sinagot ang tawag. "Hello, Dream!"

"Tapos na ba ang presscon?”

"Yes, tapos na ang presscon. Tumawag ako kay Casey kanina pero nasa recording siya kaya personal assistant niya ang sumagot. Okay na ang lahat. Hindi ka maniniwala sa mga nangyari pero mas maganda siguro kung magpunta ka sa bahay mamaya. Kayo ni Justine."

"Si Kenji?" mahinang tanong nito.

"Uhmmm...kasama ko siya ngayon,” aniya at sinulyapan ang binata.

"Kumusta na kayo?"

Hindi niya iyon masasagot ngayon nang naroon ang binata. Mas maganda siguro kung mamaya na lang nila pag-usapan.

"Excuse me, Yngrid,” untag ni Kenji sa kanya. “Please tell your friends to visit my house tonight. Para makilala nila si Mama. Tell them to bring their boyfriend along."

"Okay. Dream, pumunta daw kayo ni Justine sa bahay ni Kenji. Gusto daw kayong makilala ni Mommy Ge. Isama din daw ninyo sina Stefan at Casey."

"Sige. Tatawagan ko si Justine. Basta ikwento mo ang lahat mamaya. Wala kang iiwang detalye,” bilin ng kaibigan niya.

"Yes. Bye!"

Nagulat na lang siya dahil nasa harap na sila ng bahay ni Kenji. Ipinagbukas siya nito ng pinto at inalalayang bumaba. Hindi niya alam kung anong dapat maramdaman. Sa kabila ng lahat ng tulong nito at mga ngiti nito sa kanya ay di niya alam kung anong estado ng relasyon nila. Pakiramdam niya ay nakabitin pa rin siya sa limbo.

Ang mga aso ni Kenji ang sumalubong sa kanya pagpasok ng bahay. Naroon din si Maj na nag-iihaw ng barbeque. Pati handle, road manager at PA ni Kenji ay naroon din .Parang isang malaking party ang magaganap. Mistulang celebration na din daw iyon ng bagong buhay para sa mga Singson. Mukhang nakahinga ng maluwag ang ama niya. There was an acceptance on his father's part. Hindi nito kailangan ang pamilya Choi para maging buo at masaya. Ang kailangan lang nito ay buo ang pamilya nila.

Magaling na hostess ang nanay ni Kenji. Mukhang komportable ito sa mga magulang niya. Maya maya pa ay nagkukwentuhan na ang mga ito tungkol sa kabataan nito. Di naman sila binigo ng mga kaibigan niya at dumating kasama ang kanya-kanyang nobyo. Ang pagdating ni Casey ay hudyat para sa isang malupit na videoke showdown.

Sinamantala ni Yngrid ang pagkakasiyahan ng mga ito para lumabas ng bahay. Umupo siya sa gutter sa harap ng bahay ni Kenji at tahimik na uminom ng aloe vera juice habang pinapanood ang mga bituin. Wala naman sigurong makakapansin na wala siya sa loob.

"Bakit mag-isa ka lang dito sa labas?"

Natigilan siya nang marinig ang boses ni Kenji sa likuran niya. Hindi niya inaasahan na susundan siya nito. "Uhmmm.... alam mo naman na noise pollution kapag ako ang kumanta. Baka ireklamo ako sa homeowner's association kapag narinig ang boses ko," palusot niya.

"I understand your dilemma. Masyadong mataas ang standard lalo na kung nandiyan si Casey. Tayo lang ang magkakampi dito," anang binata at umupo sa tabi niya.

Bahagya siyang napapitlag. She was suddenly aware of her presence. Kakaiba lang sa pakiramdam. Sa loob kasi ng isang araw ay parang napakarami ng nagbago sa kanila. Hindi na niya alam kung may relasyon pa silang matatawag.

At kinatatakutan niya ang sandaling sila na lang dalawa ang magkasama. Hindi niya alam kung anong lalabas sa bibig nito. Kung sasabihin nitong tapos na sa kanila ang lahat. Kung sasabihin nitong ayaw na nito sa kanya.

"Thank you for being nice, Kenji. Hindi ko talaga alam kung anong gagawin ko kundi ka dumating sa tamang oras,” nakangiti niyang sabi.

"Bakit? Ano bang sinabi ng mga reporter sa iyo?"

"Tinanong nila ako kung ano daw ang masasabi mo sa mga akusasyon sa akin na ginamit lang kita para gumanti kay Margaret. Kung bakit wala ka daw doon para suportahan ako."

Mataman siya nitong tinitigan. "Mas maganda siguro kung huwag natin pag-usapan dito sa labas."

Tama. Masyado nang personal ang mga bagay na ito. Hindi magandang sa labas nila pag-usapan. "Doon tayo sa loob ng bahay ko."

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.