“Sigurado na ba kayo ni Kenji sa Vienna next week? Makikipagkita ba kayo sa amin?” tanong ni Justine habang kausap ni Yngrid sa cellphone.
Sa Vienna gaganapin ang pre-wedding pictorial nina Casey at Dreamilyn. Naisip ng sikat na rockstar na cool daw iyon dahil sa kabila ng pagiging moderno nito ay ang old soul. And Vienna was a haven for classical music. At dahil mahilig ang bagong kasal na sina Justine at Stefan sa history at makalumang bagay ay planong mamasyal ng mga ito sa Europe.
“Of course. May pictorial diyan si Kenji at patapos na rin ang klase ko sa isang araw. Clear na ang schedule namin kaya makakasama kami sa inyo sa Vienna,” wika ni Yngrid habang bumababa ng tren sa Palais Royal-Musée du Louvre métro stop. Papunta siya ngayon sa Pyramide ng Louvre Museum. Sa harap ng sikat na salaming pyramid ginaganap ngayon ang pictorial ni Kenji.
Galing naman siya sa culinary class. Mahigit na silang dalawang ni Kenji sa Europe. Dalawang linggo na sila ni Kenji sa Paris at ine-enjoy niya ang masasarap na pagkain sa lugar. Tinanggap ni Kenji ang modeling contract sa Europe sa loob ng isang taon. Pinili niyang sumama dito dahil gusto niyang tingnan ang iba’t ibang pagkain sa lugar na pupuntahan nito. Pagbalik nila sa Pilipinas ay plano niyang ipagpatuloy ang expansion ng café niya. Itutuloy niya ang restaurant na gusto nilang itayo ni Kenji. Habang umuunlad ang career ni Kenji ay gusto rin niyang matuto. Iniwan niya ang pamamahala ng café sa magagaling niyang mga tauhan. Kapag kailangan siya ng mga ito ay tinatawagan lang siya. Habang ang mga alaga nilang aso ni Kenji ay nasa Davao na ngayon. Dahil sa kagagawan ni Margaret ay hindi na ito nagpapakita pa sa mga alaga nitong aso. Parang isinuko na nito ang karatapan nito kay Kenji.
Nami-miss din niya ang Pilipinas. Ibang-iba kasi ang bansang sinilangan niya kumpara sa malayong kontinente ng Europa. Iba-iba ang pananaw ng mga tao. Hindi lang siya gaanong naho-homesick dahil kasama niya si Kenji. At malaking bagay na magkikita-kita ulit silang magkakaibigan. Gusto rin niyang magkumustahan sila. Ikinasal sina Justine at Stefan noong bago sila magpuntang Europe ni Kenji. Nakatagpo na sila ng kanya-kanyang lalaki na mamahalin at magpapasaya sa kanila. Iba na ang buhay nila ngayon pero hindi pa rin nagbabago ang pagkakaibigan nila. Sa palagay niya ay tumibay pa iyon.
“Okay. Ako na ang bahalang mag-ayos ang schedule natin. Spanish Riding School and violin concert at Mozart’s home?” tanong nito.
“Fine, fine,” sabi na lang niya. Wala pa rin siyang hilig sa history. Kahit nang mag-Louvre Museum sila ni Kenji ay nasiyahan na siyang magpa-picture sa labas. Mga kaibigan lang niya ang nakakakaladkad sa kanya pagdating sa history and art appreciation. Mas masaya siyang mag-window shopping sa mga boutique sa Paris.
“Alam mo ba na hindi na tuloy ang kasal ni Margaret Choi kay Congressman Padilla?” tanong ni Justine.
“Bakit?” gulat niyang tanong. Akala niya ay walang makakapigil sa pagpapakasal ng mga ito.
“May nagbulgar na may dalawang anak si Congressman Choi sa accountant niya. Bumaba ang ratings niya kaya napilitan siyang hiwalayan si Margaret at pakasalan ang ina ng anak niya para linisin ang image niya sa mga tao. Ayun! Iyak nang iyak si Margaret sa TV. Nagpapaawa na naman,” wika ni Justine. Kahit di niya ito nakikita ay alam niyang umiikot ang mga mata nito sa inis sa pinsan niya.
“Nakakaawa naman pala si Margaret.”
“Karma lang iyon sa ginawa niya sa iyo. Sa dami ng kalupitang dinanas ng pamilya mo sa mga Choi, tama lang sa kanila ang nangyayari.”
“Seriously, wala na sa akin kung anumang ginawa nila. Masaya ang pamilya ko at masaya ako kasama si Kenji. Kung maging first lady man si Margaret o saan man siya makarating o kahit kasing yaman pa ni Bill Gates ang mga Choi, wala na talaga sa akin iyon.”
Ang totoo ay naaawa siya sa mga ito. Sa dinami-dami ng pera ng mga ito ay di pa rin makatagpo ng kaligayahan at kakontentuhan ang mga ito. Iyon marahil ang pinakakaaawa-wang mga nilalang – ang mga tao na kahit ano pang biyaya ang makuha mo ay di ka pa rin nasisiyahan.
“Okay. Magkita na lang tayo sa Vienna next week. I am so excited to see you,” anito at nagpatunog pa ng halik.
“I miss you, Justine. Kayo ni Dreamilyn.”
Natapos ang pag-uusap nila nang unti-unti siyang lumalapit sa Pyramide. Nakita niyang nakapaikot ang mga tao doon at parang may pinapanood. Nang sumingit siya sa nagsisiksikang mga tao ay nakita niya si Kenji na nakasuot ng puting toga na animo’y isang modernong Greek o Roman god. Halos di natatakpang mabuti ng puting tela ang nakakapaglaway na katawan ng nobyo niya. Tinanggap si Kenji sa Europa ng bukas ang mga kamay. His exotic looks were a feast for European eyes. Maraming indecent proposal na natatanggap si Kenji pero magalang nitong tinanggihan. Siya lang ang pinipili ni Kenji at inuuwian sa huli. Hindi pa nila napag-uusapan ang tungkol sa kasal. She didn’t want to push him yet. Kahit pa nga di naman niya ikinakaila sa sarili na pangarap niyang alukin ng kasal ng lalaking mahal niya. Handa siyang maghintay.
“Kenji!” sigaw niya nang bahagyang umikot ang mata ng binata habang tinitingnan ng photographer ang shots ni Kenji sa camera nito.
Tumingin ang binata sa direksyon niya at ngumiti ito. Maya maya pa ay isang babae ang lumapit dito at may hawak na maliit na plackard. It was written in French. Veux-tu m'épouser, Yngrid?
Nakilala lang niya ang pangalan niya – Yngrid. Pero di nakuha kung ano pa ang ibang salita na nakasulat. May gusto bang sabihin si Kenji sa kanya?
“Yngrid? Who is Yngrid?” tanong ng isang lalaki sa tabi niya.
Kinalabit niya ang lalaking na kaakbay ang isang babae. “Excuse me, Monseiur. I am Yngrid but I don’t understand French.”
Marami namang marunong mag-Ingles sa Paris pero may pagka-snob ang mga tao doon. Kapag nasa France ka ay inaasahan ng mga tao na magsasalita ka rin ng Pranses. At kahit gaano ka-romantic at ka-sexy ang French ay hindi talaga niya iyon maiintindihan. Kahit pa kaya niyang basahin ay nagkakabulol-bulol ang dila niya sa pagsasalita. Maswerte na siya kung makakahanap siya ng makikipag-usap sa kanya ng English.