MALALIM ang buntong hininga na hinugot at pinakawalan ni Lana sa sinabing iyon ng babaeng kaharap. At hangga't maaari, ayaw niyang mawala ang composure niya dahil dito. Tama ang maging mabait, pero sa pagkakataong ito, at sa tabas ng dila ng babaeng kausap niya, mukhang hindi nito kailangan ng kabaitan niya.
"Alam kong narinig mo ako, hindi ka naman siguro bingi hindi ba?" ang mataray na tanong ni Rhyza.
Noon isinandal ni Lana ang likuran niya sa sandalan ng kaniyang swivel chair. "Yeah, I heard you" ang kalmado niyang sabi saka nginitian ang babae.
Agad na nalisik ang mga mata ni Rhyza at tila napipikon nitong pinalo ang kaniyang mesa saka siya dinuro. "Punyeta kang babae ka, hindi ako nakikipagbiruan sayo. Ang sabi ko, buntis ako at si Andrew ang ama!" anitong galit na galit siyang tinirikan ng mata.
Nagpigil si Lana na mapangiti pero hindi niya napigilan. "Nakakatawa ka" aniyang muling natawa ng mahina.
Nakita niyang lumarawan sa mukha ni Rhyza ang matinding pagkapikon sa kaniya. "Hindi ako nakikipagbiruan sa'yo" ang mariin nitong sabi.
Umikot ang mga mata ni Lana sa narinig. "Alam mo Rhyza, marami akong trabaho. Siguro naman nabasa mo iyong naka-engrave sa door name plate nitong opisina ko. Maraming umaasa sa akin, ang mga tauhan ko na may mga pamilyang binubuhay, hindi ang katulad mo na desperadang babaeng mahilig gumawa ng kwento makuha lang ang gusto!" aniyang binalikan narin ng mabalasik na titig ang babae.
Namula ng husto ang mukha ni Rhyza sa anghang ng mga salitang binitiwan niya kaya naman hindi na siya nagtaka nang lalo itong nagalit sa kaniya. "Hindi ako gumagawa ng kwento! Damn you!"
Tumawa ng pagak si Lana. "Sa pagkakatanda ka, mag-a-apat na buwan na kaming nagde-date ni Andrew. So, kung sinasabi mong buntis ka, ibig bang sabihin noon ay patuloy ang relasyon ninyo habang magkasama kami?" tuya niya.
Hindi nakapagsalita si Rhyza sa sinabi niyang iyon kaya nagpatuloy si Lana. "Iba na si Andrew ngayon, Rhyza. Alam mo ba ang ibig kong sabihin? Hindi na siya ang dating lalaking nakarelasyon mo na parang nagbibihis lang kung magpalit ng babae. At alam mo ba kung bakit? Kasi mahal niya ang anak niya"
"Ang anak niya oo, pero ikaw? Mahal ka ba niya?"
Nagkibit ng balikat si Lana. "Bakit hindi mo sagutin ang tanong mo. Hindi naman niya siguro ako aalukin ng kasal kung wala siyang espesyal na feelings para sa akin hindi ba?" aniyang tumayo saka nilapitan ang babae.
"Hindi lahat ng nagpapakasal, nagmamahalan" ang muling sinabi ni Rhyza.
"Maybe, pero iba ang nararamdaman ko kapag hinahalikan ako ni Andrew. Kapag hinahaplos niya ako, siguro naman hindi ko na kailangang isa-isahin sa iyo ang lahat ng iyon dahil sa sarili mo mismo, alam mong malaki ang pinagkaiba nating dalawa?"
Noon umigkas ang isang kamay ni Rhyza na akmang sasampalin siya pero napigil iyon ng muling magsalita si Lana. "Totoo nga ang sinasabi ng iba, hindi nabibili ang class. Hindi ba Rhyza?" ang sarkastiko niyang tanong saka matalim na pinakatitigan ang babae.
"Hindi pa tayo tapos! Kukunin ko si Andrew sa'yo! Tandaan mo iyan!" ang galit na galit nitong sabi saka siya muling dinuro.
"Umalis kana Rhyza, at huwag na huwag ka ng babalik dito" ang sa halip ay isinagot niya.
Naiiling lang na sinundan ng tingin ni Lana ang babaeng galit na inihagis pasara ang pintuan ng kaniyang opisina. Pagkatapos ay nangingiting bumalik sa kaniyang kinauupuan kanina.
Hindi siya makapaniwalang nagawa niyang ipagtanggol ang sarili niya sa paraang ganoon. At higit sa lahat, nagawa niyang ipaglaban ang lalaking pinakamamahal niya sa paraang hindi siya bumababa sa level ng babaeng gustong sumira sa kanila.
Katulad nalang ng sinabi niya kanina kay Rhyza, nagbago na si Andrew. At nakita niya iyon mismo sa lalaki. Dahil sa loob ng halos apat na buwan na nilang pag-de-dating, maraming beses na may nangyari sa kanila, nakita at lalong higit ay naramdaman niya rito ang pagnanais na ayusin ang buhay nilang tatlo.
Mabilis na nag-init ang mga mata ni Lana nang maramdaman sa dibdib niya ang maalab na haplos ng pagmamahal niya para kay Andrew. Kahit kailan hindi pa niya narinig mula sa binata na mahal siya nito. Pero importante pa ba iyon? Gayang mas higit pa roon ang nararamdaman niya tuwing hinahagkan at hinahaplos siya ng binata?
Agad na inayos ni Lana ang kaniyang sarili. Hindi niya hahayaan ang kahit na sino para sirain lamang ang pamilyang pinagsisikapang buuin ni Andrew. Ipaglalaban niya ito, sa paraang alam niya, kahit sino pa ang humadlang.
"NABABALIW kana ba? Hindi! Hindi ako papayag!" ang malakas na sigaw ni Patricia nang marinig ang sinabi niya.
Tumawa ng mahina si Andrew. "Kailan pa naging kabaliwan ang magmahal ng totoo?"
"Fuck you!" sigaw muli ni Patricia.
"Umalis kana, buo na ang pasya ko at hindi mo na mababago ito o nang kahit na sino" pagtataboy niya sa babae.
Noon tumigil na nga sa pag-iyak si Patricia. Dinampot nito ang kaniyang shoulder bag saka galit na galit na lumabas ng silid. Alam niyang hindi pa ito tapos. Alam niyang may kasunod pa ang panggugulo ng babae, kaya naman kailangan niyang ihanda ang sarili niya, para protektahan ang sarili niyang pamilya.
Nasa ganoong pag-iisip si Andrew nang marinig ang magkakasunod na katok sa pinto. Ilang sandali pa, iniluwa na niyon si Sam.
"Ready kana para sa store visit?" anitong nakangiti.
Noon biglang napatayo ang binata. "Oh shit! Sorry nawala sa isip ko!"
"Nawala sa isip mo?"
Tumango siya at ginawang madali ang paghahanda. Ilang sandali pa at naglalakad na sila patungo ng parking lot. "Nandito si Patricia kanina kaya naubos ang oras ko, inaway ako" aniyang naiiling na ini-start ang engine.
Narinig niyang pumalatak si Sam. "Ipaliwanag mo kay Lana ang lahat kuya, habang maaga. Alam mo naman ang ugali ni Patricia hindi ba?" paalala pa ng kapatid niya sa kanya.
Tumango si Andrew. "Huwag lang niyang gagawan ng masama ang mag-ina ko at baka makalimutan ko na may pinagsamahan rin kami" totoo sa loob ng binata ang kaniyang sinabi.
SA department store ng isang mall abala sa pamimili ng maninipis na kurtina si Lana na ilalagay niya sa four poster bed na nasa penthouse ni Andrew. Tiyak na magugustuhan ito ng binata. Naramdaman ng dalaga ang matinding pag-iinit ng kaniyang magkabilang pisngi nang maisip ang posibilidad na maging reaksyon ni Andrew oras na makita nito ang kaniyang ginawa.