UMIIYAK habang nanginginig sa galit na sinaid ni Patricia ang lamang alak ng kaniyang baso. Pagkatapos ay muling pinakatitigan ang bagong issue ng isang magazine kung saan nasa cover ang mukha ng pinakakinasusuklaman niyang babae sa buong mundo. Si Lana.
Isang buwan narin ang nakalilipas mula nang huli silang magkausap ni Andrew sa opisina nito at katulad ng sinabi ng binata sa kaniya. Hindi na nga ito nag-renew ng kontrata sa agency nito.
Suminghot si Patricia saka umiiyak na muling sinalinan ng alak ang kaniyang baso. Alam niyang totoo ang lahat ng sinabi ni Andrew. Alam niyang hindi niya kayang magalit sa binata kahit ano pa ang gawin nito. Pero masyado siyang nasasaktan at hindi niya pwedeng isisi ang lahat sa lalaki dahil sa labis na pagmamahal niya para rito.
"Isa lang ang dapat sisihin sa lahat ng ito. Ikaw animal kang babae ka!" ang galit na galit niyang sigaw na ang tinutukoy ay si Lana saka umiiyak na ibinato ang hawak na baso.
Gusto niyang maghisterya, gusto na niyang pumatay ng tao at gusto niyang gumanti ngayon din mismo. Kaya naman parang may sariling isip ang kamay niyang kinuha sa drawer ng sideboard na naroon ang ang isang gunting saka galit na galit na sinira ang mukha ni Lana sa mismong magazine.
"Hayop! Walang hiya! Mang-aagaw! Papatayin kita! Akin si Andrew! Akin lang siya!" ang galit na galit niyang iyak na sa kalaunan ay nauwi narin sa hagulhol. "Inagaw mo sakin si Andrew! Papatayin kita!"
"MABUTI naman at pumayag ka nang makipagkita sa akin ngayon" si Lana na maganda ang pagkakangiting iniabot ang wedding invitation kay Marius.
Ngumiti ang matalik na kaibigan niya saka iyon tinanggap. "Mahalaga sa akin ang pinagsamahan natin Lana. Mahal ko din si Andrea, enough na ang lahat ng iyon para isantabi ko ang kung anumang nararamdaman ko para sa iyo" sagot ni Marius.
Nagkibit ng balikat niya si Lana saka tumawa ng mahina. "May makikita kang mas higit sa akin, alam ko iyon. Mabait ka at gwapo, matalino, ang lahat nalang nasa iyo, siguro hindi lang talaga natuturuan ang puso kaya hanggang doon lang ang kaya kong ibigay para sa'yo" sagot ng dalaga.
Nakakaunawa ang ngiti na pumunit sa mga labi ni Marius dahil sa sinabing iyon bago ito nagbuka ng bibig para magsalita.
"I know, at nauunawaan ko iyon. Sa maraming pagkakataon, kaya kitang unawain Lana. Alam mo naman na magkasama tayong lumaki hindi ba? Kaya hindi mahirap gawin para sa akin ang intindihin ka palagi."
Tumango ang dalaga sa sinabing iyon ni Marius.
"Thank you, dahil hindi mo ako iniwan noong mga panahon na kailangang-kailangan kita. Hindi ko kayang mawala ka sa buhay ko kasi para sa akin kapatid kita. Hindi man tayo blood related pero sa puso ko, you will always be the brother that I never had," totoo iyon sa loob ni Lana at hindi niya napigilan ang maging emosyonal dahil sa sinabi niyang iyon.
Noon natatawang kinurot ni Marius ang tungki ng kaniyang ilong.
"Ngayon ka pa ba iiyak, mabubuo na ang pamilya mo. Iyon ang matagal mo nang pinangarap at pinagdarasal hindi ba?" anitong amuse siyang tinitigan.
Natatawang nagpahid ng mga luha niya si Lana saka pabirong inirapan si Marius. "Sorry," aniya pa.
"Partner ko pala ang kapatid ni Andrew?" amusement ang naramdaman ni Lana sa sinabing iyon ng matalik niyang kaibigan.
"Oo," aniyang dinampot ang tasa niya ng kape saka humigop. "nasabi nga niya sa akin na aksidenteng nagkita pala kayo noong isang buwan?"
Tumango-tango si Marius. "Oo, napakaganda niya. Kamukhang-kamukha ni Andrea" hindi nakaligtas sa pandinig ni Lana ang matinding paghanga sa tono ng pananalita ni Marius.
"Crush mo?" tukso ni Lana nang hindi makatiis.
Noon siya tinitigan ng tuwid sa mga mata ni Marius. "Okay lang ba kung pormahan ko siya kung sakali?"
Pumalatak si Lana. "Huwag kang sa akin magpaalam, kay Sam mo sabihin iyan" aniyang hindi napigilan ang mapahagikhik.
Mahinang tawa ang naglandas sa lalamunan ni Marius saka inubos ang lamang kape ng tasa nito. "I have to go, may tinatapos pa kasi akong trabaho" anitong tumayo na pagkatapos.
"Mag-iingat ka sa pagmamaneho" paalala pa niya na tumayo saka hinalikan sa pisngi ang binata.
"Hindi ka pa ba uuwi?" tanong ni Marius.
Umiling siya. "Mamayang kaunti, susunduin ako ni Andrew" sagot niya.
Tumango lang si Andrew saka na siya iniwan. Ilang sandali narin ang nakalilipas nang maramdaman ni Lana ang paglapit ng isang bulto sa likuran niya. Nilingon niya iyon para lang matigilan nang makilala kung sino iyon.
"Rhyza?" aniyang hindi makapaniwala sa nakikitang aura sa mukha ng babae.
Tipid at nahihiyang ngiti ang pumunit sa mga labi nito. "Can we talk?" tanong nito sa halos pabulong na tono.
Sa naramdaman niyang sinseridad sa boses ni Rhyza at nakita rin niya sa mga mata nito ay napatango na lamang ang dalaga. "Sure" aniya.
"Would you like another cup of coffee?" tanong ni Rhyza nang makaupo.
Umiling si Lana saka tipid na ngumiti. "No, I'm good. Masyado na akong maraming nainom na kape para sa buong araw" biro iyon pero totoo.
Tumawa rin ng mahina si Rhyza. "Ganoon siguro talaga, lalo na kung maraming trabaho ang kailangan mong tapusin. Coffee and magiging karamay mo para manatili kang gising" anito pa.
Tumango si Lana at ngumiti narin. "Tungkol saan ang pag-uusapan natin?" ang naitanong niya pagkuwan.
Noon nagbuntong hininga si Rhyza saka nagbaba ng tingin. "Gusto ko lang sanang humingi ng tawad sa lahat ng nagawa ko. lalo na nitong huli" mababa ang tonong winika ng dalaga.
Hindi nagsalita si Lana kaya nagpatuloy si Rhyza. "Tama ka, hindi ako buntis at sa ngayon iyon ang huling bagay na gusto kong mangyari sa akin" simula ng dalaga.
Nanatiling nakikinig lang si Lana habang nakatitig sa magandang mukha ng kaharap. Dahil doon ay muling kumibot ang mga labi ni Rhyza at nagpatuloy.
"Pagkatapos noong huling pag-uusap natin, narealize ko na mali ang ginagawa ko. You know, matalino akong tao, beauty queen ako, kaya hindi ko kailangang ibaba ang sarili ko sa paghahabol lang sa isang lalaking kung tutuusin ay matagal nang wala sa buhay ko. Hindi lang naman siya ang gwapong nagdaan sa buhay ko, kaya naisip ko siguradong makakalimutan ko rin siya. Kung gugustuhin ko lang, at nagawa ko nga" sa huling sinabi ni Rhyza ay naramdaman ni Lana ang kasiyahan sa tinig nito.
"Masaya ako para sa'yo" totoo iyon sa kalooban niya.
"Yeah, I'm not like Patricia, hindi ako kasing cheap niya. Tell me, ginugulo parin ba niya kayo?" sa huli ay hinimig ni Rhyza sa tono na tila ba close na close silang dalawa.
Nagkibit lang ng balikat niya ang dalaga. "Sana magtuloy-tuloy na ang pananahimik niya" ang tanging naisagot niya.
Ilang sandali lang at nakita niyang isinukbit na ni Rhyza ang strap ng bag nito sa sarili nitong balikat. "I should go, salamat sa pang-unawa" anito sa kaniya saka inilahad ang kamay nito.
Tinanggap naman ni Lana ang pakikipag-kamay ng dalaga. "Thanks to you too" sagot naman niya.
MADILIM ang tingin na sinundan ng tingin ni Patricia ang papalabas na kotse ni Andrew mula sa mismong gate ng Scott's Cafe Head Office. Ilang araw narin niyang sinusundan ang binata gamit ang bago niyang sasakyan para hindi siya makilala ng lalaki. Pero sa lahat ng pagkakataong iyon ay hindi siya nagkakaroon ng pagkakataon para magawa ang kanyang plano.
Kunsabagay, ano na nga ba ang sandaling paghihintay kung ang kapalit naman niyon ay ang kamatayan ng babaeng sanhi ng lahat ng kaniyang paghihirap.
Kung hindi magiging kanya si Andrew ay hindi rin ito pwedeng mapunta sa iba. Mabuti iyon, walang makikinabang.
Sinundan niya ang kotse ng binata at makalipas ang ilang minuto ay saka niya narealize na patungo sa isang mall ang ruta na tinatakbo nito.
Noon nilamon ng matinding galit ang puso ng dalaga. For sure kung hindi ito bibili ng regalo para sa babaeng iyon ay malamang susunduin nito sa mall ang impakta.
"Putang ina ka Lana, papatayin kita animal ka! Inagaw mo sa akin si Andrew, papatayin kita!" ang galit na galit niyang sigaw saka kusang napahigpit ang pagkakahawak sa manibela ng kaniyang kotse.
"MALAPIT na ako sweetheart" si Andrew sa kabilang linya.
"Sige lalabas na ako para hindi ka na mag-park. Nakabili na rin naman ako ng pasalubong para sa anak mo" sagot ni Lana sa nagmamadaling mga hakbang bitbit ang isang box ng assorted donuts na siyang sinasabi niyang ipasasalubong niya kay Andrea.
"Tatawid ka lang sweetheart" ang nobyo niya sa kabilang linya.
"It's okay, nandito na ako sa labasan ibababa ko na itong phone" aniyang tinapos na ang kanilang usapan pagkatapos.
Nang makalabas sa exit door ng mall ay agad naman niyang natanawan ang kotse ni Andrew. At katulad na nang karaniwan niyang nararamdaman tuwing makikita niya ang binata ay nasa puso niya ang matinding excitement at kaligayahan.
Tiniyak muna ni Lana na walang paparating na sasakyan bago tumawid ng pedestrian lane. Kaya naman laking gulat niya nang biglang sumulpot mula sa kung saan ang isang kulay itim na sedan.
Napatili si Lana at hindi na nalaman ang sumunod na nangyari dahil sa pagtilapon ng dalaga nang banggain ito mismo ng rumaragasang sasakyan na iyon na sa nagtuloy-tuloy sa mabilis na pagtakbo at tila walang anuman rito ang nangyari.