Chapter "DREAMS DO COME TRUE"

TWO MONTHS LATER

Malungkot na pinagmasdan ni Andrew ang hanggang ngayon ay wala paring malay na si Lana. Dalawang buwan matapos ang aksidenteng si Patricia mismo ang may kagagawan ay nanatili ito sa loob ng ospital. Sa ICU kung saan niya araw-araw na hinihintay ang pagbabalik sa kaniya ng babaeng pinakamamahal niya.

Sa naisip ay wala sa loob na naikuyom ni Andrew ang sariling kamay. 

Nakakulong na si Patricia sa ngayon at wala siyang balak na iurong ang demanda laban dito. Sinaktan nito si Lana at tama lang na pagbayaran nito ang masamang ginawa nito sa babaeng pakakasalan niya.

"Sweetheart, bumalik kana, miss na miss kana namin ni Andrea" bulong niya habang nanatiling nakatanaw sa glass wall ng ICU.

Hindi niya alam kung ito ang karma niya sa lahat ng pagkakamaling nagawa niya noon. Kung siya nalang sana ang naghihirap, okay lang. Pero dahil sa kaniya pati si Lana ay nagdurusa. At hindi niya matanggap ang bagay na iyon.

Alam niya na sa kundisyon ni Lana ngayon ay may chance na paggising nito ay baka hindi na siya kilala ng dalaga. Sa naisip ay mabigat ang buntong hininga na kaniyang pinakawalan saka mapait na napangiti nang maisip ang isa pa.

Ang sabi kasi ng doktor pwede rin na bigla ay mawala na lamang sa kanila si Lana. 

Ibig sabihin, may chance rin na mamatay ang dalaga.

Sa isiping iyon ay naramdaman kaagad ni Andrew ang tila patalim na gumuhit sa kaniyang lalamuna dahil sa pagpipigil niya na mapaiyak.

Napakasakit isipin na siya ang naging ugat ng lahat ng ito kaya nasa hindi magandang kalagayan si Lana ngayon. At iyon ang nagpapahirap ng husto sa kalooban niya.

Pinihit niya pabukas ang knob saka naupo sa gilid ng kama kung saan nakahiga ang kaniyang nobya.

Katulad ng sinabi niya kanina, araw-araw bago pumasok sa trabaho ay ganoon ang naging habit niya sa loob ng dalawang buwan.  Hindi siya kuntento na hindi makita ang dalaga. Siguro dahil narin iyon sa labis na pangungulila niya rito. O mas tamang sabihin na araw-araw ay umaasa siyang magigising ito at mukha niya ang una nitong makikita.

Mapait ang ngiti na sumilay sa mga labi ni Andrew saka nilapitan ang magandang mukha na parang kung tutuusin ay payapang natutulog lamang doon. At iyon ang iisipin nang sinumang makakakita kung tatanggalin mo kay Lana ang lahat ng aparato at tubo na nakakonekta sa katawan nito.

"Ready na ang lahat para sa wedding sweetheart, inayos na ni Sam. Ikaw nalang ang kulang, kaya sana bumalik ka na. Kasi sobrang miss na miss na kita. Gustong-gustong ko nang marinig ang boses mo. Gustong-gusto ko naring makita ang mga ngiti mo. Miss na kitang makasama sa pagkain ng dinner. I love you so much baby, alam ko naririnig mo ako. Pero sana maramdaman mo rin na kailangan ka namin ng anak mo, at hindi kami magiging okay kung wala ka," hindi na napigilan ni Andrew ang mapaiyak dahil sa labis na pangungulila para sa dalaga.

Ngayon, kung susuriin mukhang mas matatag pa pala si Lana kumpara sa kaniya. 

Dahil nagawa nitong mabuhay sa loob ng tatlong taon kasama ang anak nilang si Andrea at wala siya sa buhay ng mga ito. 

Pero siya?

Noon lihim na pinagtawanan ni Andrew ang kaniyang sarili.

Hindi niya kaya at mahihirapan siya kung mawawala ang babaeng ito sa buhay niya.

Binuo na niya sa isipan niya ang lahat ng plano at gusto niyang gawin sa buhay niya kasama si Lana at ang anak nila. At ang lahat ng plano na iyon ay alam niyang hindi mabubuo kung wala ito. Wala ang magiging ilaw ng tahanan na unti-unti na niyang binubuo.

Ilang sandaling hinayaan lang ni Andrew na umagos ang kaniyang mga luha. Hindi iyon ang unang pagkakataon na umiyak siya dahil sa labis na paghihirap na dinaranas ng kalooban niya dahil sa sitwasyon ngayon ni Lana. Pero si Lana lamang ang nag-iisang babae na iniyakan niya.

Hinawakan niya ang kamay ng dalaga saka iyon marahang pinisil. Pagkatapos ay itinaas niya iyon saka dinampian ng halik.

"Alam ko babalik ka, at sa pagbabalik mo, nakahanda na ang lahat ng bago para sa iyo. Isang bagong buhay, isang bago at mas maaliwalas na buhay, kasi mahal na mahal kita, kayong dalawa ni Andrea ang buhay ko, wala nang iba pa."

HINDI tiyak ni Lana kung nananaginip lang siya. Medyo nag-uulap pa kasi ang paningin niya o baka mas tamang sabihin na puro puti ang nakikita niya sa paligid.

Pinilit niyang alalahanin ang lahat ng nangyari bago siya nakatulog. Ang alam niya palabas siya ng mall bitbit ang isang box ng donuts na pasalubong niya kay Andrea. Tapos nasa kabilang street ang kotse ni Andrew kaya kailangan niyang tumawid. Pero may sumulpot na kotse at malakas siyang binangga noon.

Nag-init ang sulok ng mga mata niya pero iba ang nangyari nang maramdaman niyang hindi siya nag-iisa roon. At noon na nga tuluyang umagos ang kaniyang mga luha.

"A-Andrew?" nanginginig ang boses niyang sambit.

May pakiramdam siya na parang iyon lang ang hinihintay na marinig ni Andrew dahil mabilis itong nagtaas ng paningin at noon na nga tuluyang nagtagpo ang luhaan nilang mga mata.

Pakiramdam ni Lana ay nagbalik siya sa nakaraan. 

Sa isang espesyal na araw kung saan una niyang nasilayan sa isang hindi inaasahang pagkakataon ang mukha ng lalaking noon ay sa mga pangarap at panaginig lang niya nakakasama.

Mayroon siyang malaking litrato ng lalaking ito sa dingding mismo ng kaniyang kwarto. At sa likuran ng malaking larawan na iyon ay doon niya isinulat at inihayag kung gaano at hanggang kailan niya mamahalin at iaalay ang buong puso niya rito nang walang kahit anong pag-i-imbot.

Ang litrato na iyon noon ang nagsisilbing imahe nito na kaniyang nakakausap. Pakiramdam niya dahil nga nakangiti iyon ay siya mismo ang nginitian ng lalaki sa larawan. 

At kahit puro pantasya ang lahat. 

Walang kulang, dahil masaya siya.

Dito umikot ang kaniyang mundo bilang isang masugid na taga-hanga.

Ano nga ba ang kayang ibigay ng isang fangirl para sa kaniyang idol?

Unconditional love.

Ang pagmamahal na walang hinihintay na kapalit. Dahil masaya na siya na makita lamang ang mukha nito noon sa TV. 

Hindi niya alam at hindi niya namalayan na lumipas ang mga araw, buwan at naging taon na wala siyang makita kakulangan sa buhay niya kahit wala siyang lovelife dahil kumpleto na ang araw niya mapanood lamang niya ang teleseryo nito sa TV. 

Kaya naman nang magkaroon siya nang trabaho ay hindi niya pinalampas isa man sa mga pelikula nito. Lahat pinanood niya. Hindi niya alam noon kung bakit niya ginagawa ang lahat ng iyon. Huli na nang mapagtanto niya na in love na siya rito.

In love siya hindi bilang isang fan na humahanga sa kaniyang idolo kundi bilang isang babae sa isang lalaki. At iyon ang dahilan kung bakit nagawa niyang ibigay ang sarili niya rito sa kauna-unahang pagkakataon. 

Ang katuparan ng pantasya niyang iyon tungkol rito ay hindi niya inakala na magiging daan rin nang paghihiwalay nila ng landas. Pero ang nangyaring iyon rin naman ang naging tulay kaya muli silang nagkita. Dahil iyon sa anak nila. Si Andrea.

At ngayon, nandito siya, sa ikalawang buhay na ibinigay sa kaniya ng Diyos dahil rin sa lalaking ito, kay Andrew, si Andrew Scott, ang artista na hinahangaan, kinahumalingan, minahal at sa huli ay siya palang kaniyang magiging asawa.

Bumalik siya mula sa mundo ng kawalan, dahil gusto niya itong makasama pa. 

Kasama si Andrea at ang mga susunod pang supling na ipagkakaloob sa kanila ng Diyos.

"A-Andrew, nandito ka?" aniyang lalong napaiyak matapos ang mahabang pagbabalik tanaw niyang iyon.

"L-Lana, sweetheart" anitong mabilis na tumayo saka siya mahigpit na niyakap. "narinig mo ako? Narinig mo ba lahat ng sinabi ko kaya ka nagising? Naramdaman mo bang kailangan kita sa buhay ko kaya ibinigay mo ang kahilingan ko?" 

Walang makapa na kahit anong salita si Lana sa sinabing iyon ni Andrew kaya pero nagpatuloy sa pag-agos ang kaniyang mga luha. Minsan kasi hindi naman kailangan ng kahit anong salita, iyong pananahimik lang tama na. Kasi ang puso nakakaramdam naman kung ano ang totoo at iyon ang mahalaga.

"Ituloy na natin ang kasal?" si Andrew nang pakawalan siya nito mula sa mahigpit nitong pagkakayakap.

Napangiti doon ang dalaga saka hinaplos ng marahan ang gwapong mukha ng pinaka-importanteng lalaki sa buhay niya.

"Bakit? Hindi ba hindi naman ako umatras?" aniya.

Tumango-tango si Andrew saka muling umiiyak siyang hinalikan sa noo. "Mahal na mahal kita Lana, hindi ko pala kaya ang mawala ka. Magiging miserable ang buhay ko" anito.

Humaplos sa puso ni Lana ang sinabing iyon ng binata. "I love you too, hindi ako mawawala sa'yo kahit kailan ikaw lang ang mamahalin ko" sagot niya habang patuloy sa payapang pag-iyak.

ONE MONTH LATER

"HANDA ka na anak?"si Mama Cecille na sumilip sa pintuan ng kaniyang kwarto.

Maganda ang ngiting nilingon ni Lana ang taong nagtaguyod sa kaniya mula pagkabata.

"Handa na po ako, M-Mama" aniyang mabilis na nag-init ang mga mata nang mapagmasdan ang mga mata ng Mama Cecille niya na nag-uulap at halatang nagpipigil na mapaiyak.

"Hinihintay ka na ni Andrew sa simbahan" anitong nagpilit na ngumiti saka hinaplos ang kaniyang mukha.

Tumango-tango ang dalaga saka nagyuko ng tingin.

"S-Salamat Mama, sa pag-aalaga mo akin at kay Andrea. Mahal na mahal kita at utang ko sa inyo kung bakit ako ganito kasaya ngayon," nang hindi makatiis ay minabuti ni Lana sa sabihin na ang totoo niyang nararamdaman.

Dahil doon ay tuluyan na ring napaiyak ang tiyahin niya. "Ikaw at si Andrea lang ang mayroon ako, kaya sa inyo ko lang pwedeng ibuhos ang lahat ng pagmamahal ko. Pero ngayon, kasama narin si Andrew sa mga aalagaan ko" anitong maganda ang ngiting pumunit sa mga labi kasabay ng pagpapahid nito ng mga luha. 

"Salamat Mama" aniya.

"Halika na?" yakag ni Mama Cecille sa kanya pagkuwan.

ISANG engrandeng kasal ang ibinigay sa kaniya ni Andrew  na ayon sa binata ay inasikaso raw ng kapatid nitong si Sam. Iyon na ang inabutan niya nang magkamalay siya kaya wala na siyang magagawa kahit ang totoo simpleng kasalan lang naman ang magpapasaya sa kaniya.

Pero sa kabilang banda, hindi niya maitatanggi na masayang-masaya siya dahil sa kabila ng lahat ng pinagdaanan niya, nilang dalawa ni Andrew, gumawa parin ng paraan ang pagkakataon at panahon para muling magtagpo ang kanilang mga landas. Para muli ay mabigyan ng mas magandang wakas at katuparan ang lahat ng pangarap at pantasya niya noon sa lalaking aktor na hinahangaan niya.

Nang bumukas ang  pintuan ng malaking simbahan ay agad na bumati kay Lana ang iba't-ibang kulay ng paru-paro na pinakawalan doon. 

Nag-init ang mga mata niya nang mula sa mabahang aisle ng simbahan ay matanawan ang lalaking noon ay sa mga pangarap at panaginip lang niya nakakasama, nayayakap at nahahalikan. 

Si Andrew na ngayon ay nakatayo sa may altar, napaka-gwapo nito sa suot na kulay puting tuxedo. Katabi nito si Marius na nakangiti rin sa kaniya.

Ang mga magulang ng binata na nagmula pa sa ibang bansa ay dumating ng Pilipinas tatlong araw bago ang araw ng kasal. Mababait ang mga ito at masayang-masaya nang makilala ang unang apo ng mga ito na si Andrea. 

Alam ni Lana na pagkatapos ng kasal ay ang simula na nang panibagong yugto ng kaniyang buhay kasama si Andrew. At kahit hindi siya magsalita, alam niya sa sarili niyang excited siya para roon dahil katulad narin ng sinabi niya noong magising siya sa loob ng ICU na kasama ang binata. Ito lamang ang lalaking mamahalin niya dahil ang pagmamahal na nasa puso niya ay para lang sa binata at hindi niya iyon makakayang ibigay sa iba.

"I love you, Mrs. Andrew Scott" ang asawa niya nang pangkuin siya nito palabas ng simbahan.

Tumawa si Lana habang nasa mga mata niya ang kakaibang kislap. "I love you more" sagot niyang niyuko si Andrew saka hinalikan sa mga labi.

Hindi alintana ang maraming pares ng mga mata na masayang nagpapalakpakan kasabay ang pagsasaboy ng petals ng bulaklak ng mga ito sa kanila.

"Huwag na tayong pumunta sa reception? Tuloy na tayo a honeymoon?" bulong ni Andrew nang pakawalan nito ang mga labi niya.

Nanlaki ang mga mata ni Lana sabay napahagikhik dahil sa nararamdamang kilig. "Grabe, oras nalang ang hihintayin mo, hindi mo ba mahihintay iyon eh two months mo ngang hinintay na magising ako?"bulong din niya.

Noon lalong lumapad ang pagkakangiti ni Andrew saka siya muling siniil ng halik. "Para sa'yo kahit gaano pa katagal, basta sisiguraduhin ko sa'yo na ngayong gabi makakabuo tayo ng kambal" anito pa.

Tumawang muli si Lana. "Ah gusto ko iyan! aniyang hinawakan ang batok ng asawa para sa isang mas maalab na halik.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.