Bumalikwas ng bangon si Maxi at agad na nangapa sa dilim. Naliliyo siya. Nasa kuweba na naman siya at pakiramdam niya ay umuuga ang lupa. “Lumilindol! Benedikt, lumilindol!” nahihintatakutan niyang usal at kinapa ang binata sa tabi niya.
Naramdaman niya ang pagbalikwas ng bangon ni Benedikt sa tabi niya. Naramdaman niya ang paggalaw nito at kasunod ang pagbaha ng liwanag. Napasinghap siya nang makakita ng liwanag sa wakas at saka niya natuklasan na nasa loob siya ng kuwarto nito sa Maynila.
Bumaba ang binata ng kama at pagbalik ay may baso na ito ng tubig. Pinainom siya nito at hinaplos-haplos ang balikat niya para kumalma siya. “Hey! It is just a bad dream. Walang lindol dito. Wala.”
Unti-unti siyang nahimasmasan nang maramdaman ang pagsayad ng tubig sa lalamunan niya. Saka lang siya bumalik sa realidad. Wala na sila sa loob ng kuweba. Wala na rin sila sa Bohol. Mula sa Cebu ay sumakay sila ng commercial flight pabalik ng Maynila kinagabihan din at tumuloy sa penthouse unit ni Benedikt sa Makati.
“Feeling better?” tanong ng binata nang matapos siyang uminom.
Tango lang ang naisagot ni Maki. “Salamat.”
Kinuha nito ang baso mula sa kanya. “Anong nangyari? Ilang beses mo nang naranasan ang ganito? Parang okay ka naman noong nasa Bohol pa tayo.”
“Ngayon lang. Siguro kasi nasa survival mode ako sa Bohol. May mga tao din na nakadepende sa atin para tulungan. Siguro ngayong mag-isa na lang ako saka unti-unting nagsi-sink in sa akin ang nangyari.” Isinuklay niya ang daliri sa buhok. “I… I really don’t know.”
Kinintalan nito ng halik ang noo niya. “Maki, i-relax mo ang isipan mo. Nasa malayo na tayo. Hindi ka na babalik sa kuwebang iyon. And I am always here for you.”
“Paano kung lumindol din dito?”
“Then we will be prepared. Pero sa ngayon, nakaligtas ka. You are still on vacation. Gusto kong mag-relax ka. Matulog ka muna. Wala halos tayong tulog nitong nagdaang araw dahil sa pakikiramdam sa aftershock.”
Tiningnan niya ang orasan sa bedside table. Alas sais na noon ng umaga. “I… I don’t think I can go back to sleep.” Pakiramdam niya ay haggard na haggard siya. Masaya naman siya dahil naroon si Benedikt at kasama niya pero marahil ay di pa rin siya nakakabawi psychologically sa trahedya.
Binuksan ni Benedikt ang blinds ng bintana at nakita niya ang verandah kung saan may mga halamang nasa paso at kita ang magandang view ng siyudad sa labas. Papasikat na ang araw at mukhang magiging maaliwalas ang araw na iyon.
“Gusto kong huwag mong intindihin masyado ang nangyari. Gusto mo bang manood ng DVD? May mga historical at scientific documentaries ako dito. May mga pelikula din. Maghahanda lang ako ang breakfast. Dito ka lang.”
“Okay,” usal niya at sinundan lang ito ng tingin nang lumabas ng kuwarto.
Iba na ang condo unit na inookupa ni Benedikt. It was bigger than his previous unit. Mas bago rin iyon at nasa pag-aaring condo building ng kompanya ng binata. Subalit kung pagmamasdan ay para sa isang bachelor pa rin iyon. Parang naroon lang si Benedikt para matulog at magtrabaho.
Kinuha niya ang remote control ng fifty-two inches na LED TV at tiningnan niya ang DVD collection ni Benedikt. Sa huli ay wala rin siyang nagustuhan kaya pinili na lang niyang buksan ang telebisyon. Eksakto naman na nakalagay iyon sa ANC o cable news channel ng ABS-CBN at bumungad sa kanya ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga tao sa Bohol.
Iba pala kapag nandoon siya sa iisang lugar lang at naranasan ang lindol kaysa sa nakikita niya ang iba pang matinding na-damage ng paggalaw ng lupa. Maraming nagugutom. Marami ang di pa rin maabot ng mga relief goods at may mga nagkakasakit na.
Natagpuan na lang niya ang sarili na humahagulgol ng iyak. Iba kapag usap-usapan lang ang tindi ng damage. Hindi niya alam na ganito kalala ang sitwasyon. Ang lalawigan ng Bohol, isa sa pinakamaganda sa bansa, ang mga mababait na tao dito, di siya makapaniwala na dadanas ng ganito katinding pagsubok.
Sinasabi niya sa mga tao noon na maging matatag. Na bahagi iyon ng buhay at kalikasan. Pero nakakapanlambot pa rin pala na ang lahat ng magagandang bagay na nakita niya nang nagdaang ilang mga araw ay naglaho sa isang iglap.
Nanghihina ang loob niya. Ngayong di na niya kailangang maging matatag para sa ibang tao, parang malaya nang magluksa ang puso niya. Malaya na siyang makaramdam ng lungkot at sakit para sa magagandang bagay na naglaho.
At sumama pa ang loob niya dahil ipinakita ang mga post sa Facebook at mga text message na kumakalat na pinarurusahan daw ng Diyos ang mga tao sa Bohol dahil makasalanan. Gusto niyang magalit sa mga di sibilisadong taong iyon. Galit na galit siya dahil di na nga nakatulong ang mga ito ay nakaperhuwisyo pa. Di kilala ng mga ito ang mga tao sa Bohol na masisipag at mabubuti. Sa kabila ng sakuna ay di naisip ng mga ito na manakit at manlamang ng kapwa. Sa halip ay nagtutulungan pa ang mga ito kahit na walang-wala.
Naabutan siya ni Benedikt na umiiyak habang ipinapakita ang relief efforts sa isang baranggay sa kabundukan at kung paanong nagsisikap ang international organizations para mag-abot ng tulong. Pumalatak ito at pinatay ang TV. “Maki, I asked you to relax. Sabi ko manood ka ng documentaries at movies. Hindi ka makakapag-relax kung makikita mo na naman ang nangyayari sa Bohol. It will make things worse.”
Pinunasan nito ang Kleenex ang luha niya at niyakap siya. “I am sorry. H-Hindi ko naman alam na iyan pala ang mabubungaran ko. Naiyak lang ako kasi alam mo naman na malapit ang puso ko sa Bohol. Masaya tayo doon kahit noon pa. Mababait pa ang mga tao. Tapos di ko matanggap na may mga taong nagsasabi na masasama sila kaya sila pinaparusahan. Hindi naman totoo iyon. Mababait silang mga tao at matulungin. Hindi ko makakalimutan ang mga ginawa nila para lang matulungan ako na pumasa sa challenges mo sa akin. Kung paano nila akong tinanggap. Bakit may mga tao na akala mo kung sino silang malilinis? Sa halip na tumulong sa mga nasalanta at pagaanin ang loob nila, masasama pa ang sinasabi nila.”
“Huwag mong masyadong intindihin ang mga iyon. Mga walang kwenta silang tao at miserable sila sa buhay nila. Ang mahalaga may gagawin ang ibang tao para sa kanila. Nagtutulong-tulong ang mga tauhan ko para makapagpadala pa ng relief goods gayundin ang iba pang mga tao. At kapag ready na ang Bohol for rehabilitation, tutulong din ang kompanya. Sa ngayon ay rescue and relief operations ang kailangan nila. At sa palagay ko ay kailangan mo nang kumain ng agahan. I will even take you to an unlimited cake shop.”
Natigilan siya sa pag-iyak. “Unlimited cake?”
“Yes. Alam ko na hindi iyon sapat para gumaan ang loob mo pero makakatulong ang chocolates pera maging mas okay ka.”
Gusto niya ng cakes pero sa puso niya ay alam niyang may kailangan pa rin siyang gawin. “Benedikt, siguro kaya ganito ako dahil na rin kay Nanay. Gusto ko siyang makita. Gusto ko nang umuwi sa amin.”
“Nagkausap na kayo ni Tita Lupita.”
“Yes.” Nalaman niya na apektado rin ng lindol ang mga ito pero hindi kasing lakas ng Bohol at Cebu. At lalo pa siyang nakonsensiya dahil nagpapasalamat daw ito na wala siya sa La Reina nang mangyari ang pagyanig. Wala itong kamalay-malay na muntik na siyang makulong nang tuluyan sa kuweba ng kamatayan. “Di ko pa rin sinasabi ang totoo sa kanya. Alam ko naman na gusto mong maging okay muna ako bago ako umuwi pero sa palagay ko mas mapapalagay ako kung uuwi ako kay Nanay. I… I must tell her the truth. Ayoko na rin namang itago ang tungkol sa atin.”
Bumuntong-hininga ang binata. “Okay. Magpapa-reserve ako ng flight para sa atin. Pero sa ngayon, gusto ko munang mag-agahan ka at gagawin mo ang lahat ng iutos ko. Maliwanag ba?”
“Yes,” mahina niyang usal at yumakap sa baywang nito. “Benedikt, you are the best boyfriend ever.”
Humalakhak ang binata. “Ako lang naman ang boyfriend ko. Of course, I am the best.”
Bahagyang gumaan ang kalooban ni Maki nang makakain sila ni Benedikt ng agahan. Simpleng banana and mango pancakes lang iyon pero gumaan talaga ang loob niya. “Best pancakes ever,” aniya nang kintalan ito ng halik sa pisngi.
“Hindi ko alam na naging bolera ka na pala.”
“It is the best. Kasi mas magaan na ang pakiramdam ko ngayon. Thank you.”
“Matagal-tagal din tayong nagkahiwalay. Dapat lang siguro na ipakita mo kung paano ako mag-alaga para hindi mo na ako iwan.”
“Malaki na talaga ako ang problema ko sa sarili ko kapag iniwan pa kita. At alam ko na kailangan ko ring bumawi sa iyo.”
“I am looking forward to that, baby,” he said in a raspy and sensual voice that made her toes curl. At nang titigan siya nito sa mainit na mga mata ay parang nalusaw na ang lungkot at mga alalahanin niya kanina.
Pareho silang pumitlag nang marinig nila ang matinis na tunog ng doorbell. “Sino iyon? May inaasahan kang bisita ngayon?”
“Ubusin mo na ang breakfast mo. Ako na ang bahala,” sabi nito at nagtungo sa pinto. Nang bumalik ito ay napansin niya na seryoso ang anyo nito. “May bisita ka.”
Kumunot ang noo niya. “Sino?”
Hindi sumagot si Benedikt. Sa halip ay naglakad ito patungo sa sala. Uminom siya ng juice at sinundan ito. Nang bumungad sa sala ay nakita niya ang isang lalaki na matikas ang tindig, nakasuot ng grey coat at itim na pants bagamat may hibla na ng puti ang buhok nito. Kilala niya ang tindig na iyon. Dahan-dahang pumihit paharap sa kanya ang lalaki.
“Papa,” usal niya bago pa makita nang tuluyan ang mukha nito.
Ibinuka nito ang mga kamay pagharap sa kanya. “My princess.”
Nang marinig iyon ay kusang humakbang ang mga paa niya at sinugod ito ng yakap. “Papa!” aniya at napahagulgol ng iyak. “Papa!”
Parang naglaho ang mga taong nagkalayo sila. Naglaho ang mga taon na mistula itong estranghero sa kanya habang si Santina ang gumagabay sa kanya at di man lang nito alam ang kalupitan ng kanyang madrasta. She went back to being that little girl. Ang batang babae na puno ng pagmamahal at walang ibang hihilingin pa sa buhay dahil nasa kanya ang pagmamahal ng pareho niyang magulang. Noong di pa naaapektuhan ang ama niya ng panlilinlang ng mga taong pinagkatiwalaan nito.
Naramdaman niya ang pagpatak ng luha nito sa ibabaw ng ulo niya at parang binibiyak ang puso niya sa paghagulgol nito. She never heard him cry. Kahit nang iwan ito ng ina niya ay di niya ito nakitang lumuha. Depressed, yes. Drunk, yes. But he never shed a tear. Ngayon lang niya ito nakitang umiyak.
Nang maghiwalay sila ay hinawakan niya nito sa balikat at pinagmasdan. “You are all grown up. I mean, you look so different.”