Chapter YSMM 99

MATIYAGANG kinuwentuhan ni Maki ang mga bata na nasa building na ipinatayo ni Benedikt sa paaralan na nagsilbing evacuation center. Pangatlong araw na niya doon mula nang lumindol at hindi naging madali ang buhay para sa kanila ni Benedikt. Walang kuryente, walang tubig at walang cellphone signal. Ang ibang mga tao doon ay nawalan ng tirahan di lang dahil sa pagguho ng mga bahay sa lakas ng lindol kundi dahil na rin sa pagguho ng lupa at ang pagkakaroon ng mga sinkhole na lumalamon kahit sa mga malalaking puno at mga bahay ng may kaya.

It was such a scary experience. Maya’t maya silang nagtatakbuhan sa labas kapag nagkakaroon ng aftershock. Kaysa naman nakatunganga lang sa bahay ni Mr. Esteves ay tumulong sila ni Benedikt na mamigay ng mga pagkain. May mga tulong naman mula sa gobyerno at may mga negosyante na rin nagbukas ng kanya-kanyang tindahan para ipamigay sa mga nasalanta. Iyon na lang ang maaasahan sa ngayon lalo na’t hirap na makapasok ang tulong dahil sa mga nasirang daan at mga nawasak na tulay. Naipapasok lang ang tulong sa mga bayan-bayan sa pamamagitan ng pagdaan ng mga relief goods sa tabing dagat.

Disiplinado ang mga tao sa Bohol at walang insidente ng nakawan. Di gaya sa ibang lugar na nagnanakaw sa mga establisimyento at sinasamantala ang pagnanakaw ng kasangkapan sa walang bantay na mga bahay. Subalit sa Bohol ay uso ang damayan at bigayan. Parang walang pagkakahati-hati ng estado sa buhay. Kahit na nahihirapan ang mga ito ay patuloy pa rin na nagtitiis habang umaasa na may dadating na tulong o kaya ay kung kailan babalik sa normal ang buhay ng lahat.

Pinaka-naapektuhan sa lahat ay ang mga bata. Marami sa mga ito ang may trauma na at di halos mapahinga ang isipan. Naroon ang takot na baka muling lumindol at masira maging ang gusali nilang tinutuluyan. Mabuti na lang at maganda ang pagkakatayo ng istraktura. Sadyang nilikha iyon para tagalan kahit intensity nine na lindol ayon kay Benedikt. Dahil nasa paaralan naman sila kaya madali lang para sa kanya ang makakuha ng mga materyales para sa may mapaglibangan ang mga bata. Kahit man lang pansamantala ay makalimutan ng mga ito ang malupit na trahedya na dulot ng kalikasan.

Umalis si Benedikt para maghanap ng paraan upang maka-contact sa Manila. Nagbabaka-sakali ito na makarating hanggang Tagbilaran na malamang daw ay may signal na ng cellphone at may kuryente na rin. Gusto na nitong masundo sila sa Bohol at makapagpadala na rin ng relief goods sa area.

“Ma’am Maki, kumain po muna kayo,” yaya ng anak ni Mr. Esteves na si Mika nang makatapos siya ng isang kwento sa mga bata at nagpunta na ang mga ito sa kabilang kuwarto na nagsisilbing kainan ng lahat. “Bilin po ni Sir Benedikt kasi na huwag daw kayong hayaan na malipasan ng gutom. Nakaluto na kami.”

Tumayo siya. “Maraming salamat po sa pag-aalaga sa amin ni Benedikt.”

“Naku! Kami nga ang nagpapasalamat dahil nandito kayo. Malaki ang naitulong sa amin ni Sir Benedikt. Nangako siya na tutulong sa pagre-rehabilitate ng lugar namin. At kayo naman ay malaki ang naitutulong para mawala ang trauma ng mga mga bata sa lindol. Paano na lang kaya ang gagawin namin kapag wala na kayo?”

“Huwag kayong mag-alala. Ituturo ko naman sa inyo ang gagawin sa pag-handle sa kanila. Simpleng debriefing exercises lang naman ito nang malibang sila,” sabi niya at habang nagtatanghalian ay ipinaliwanag dito kung anong pwedeng gawin.

Bandang alas dos ng hapon nang dumating si Benedikt. Maaliwalas na ang mukha nito. “Good news. Naka-contact na ako sa Manila. Nakahanda na ang helicopter na kinuha nila galing sa Cebu at susunduin na tayo. Nagbilin na rin ako na lamanan iyon ng relief goods para sa mga tagadito. Siguro bago lumubog ang araw ay masusundo na nila tayo.”

Bigla niya itong niyakap. “Oh! Mabuti naman. Gusto ko na talagang makabalik sa amin. At may dadating na ring tulong sa mga tagadito.”

Alam niyang maaring di sapat ang tulong nila para gumaan ang kalooban ng mga tagadoon. Nasalanta ang tahanan at kabuhayan ng mga ito. Marami sa mga ito ay di alam kung saan pa susuling. It was just a great comfort that Benedikt would offer a long-term solution for their problems. Iyon lang ang pakonsuwelo niya.

“May balita ba sa bahay ninyo sa Baclayon? Ayo slang ba ang tagadoon? Sila Manang Lucing? Ang resort sa Anda?” sunud-sunod niyang tanong.

“Bagsak ang Baclayon Church pero ligtas naman ang bahay kahit luma na at sila Manang Lucing. Na-contact ko sila sa pamamagitan ng anak niya. Depressed lang talaga sila dahil sa pagkasira ng simbahan pero ipinagpapasalamat nila na ligtas pa rin sila. Safe din sa Anda at di sila gaanong naapektuhan ng lindol.”

“Mabuti naman,” nausal niya at yumakap sa baywang ng binata. Parang di yata kaya ng puso niya na umalis doon nang di ligtas ang mga taong malalapit sa kanya.

Bandang alas singko ng hapon nang sa wakas ay dumating na ang helicopter na susundo sa kanila. Matapos ibaba ang mga relief goods at i-turn over sa lokal na pamahalaan para sa distribusyon ay sumakay na sila ni Benedikt para makarating sa Cebu. Nakapanlulumo ang laki ng sira kung titingnan mula sa taas. Nakikita rin niya ang mga guwang at bitak ng lupa pati mga kalsadang di madaanan. Sa ganitong sitwasyon na kaharap nila ang lakas ng kalikasan, doon niya nararamdaman kung gaano siya kaliit bilang isang tao. Nagpapasalamat siya dahil buhay siya. Di lahat ay maswerte.

“Kumusta ang sitwasyon sa Cebu?” tanong ni Benedikt sa piloto.

“Bagsak din ang lumang simbahan doon, Sir. Di rin kinaya ang lindol gaya dito sa Bohol. Ramdam din ang aftershock doon.”

“Benedikt, baka pwedeng huwag na lang tayo sa Cebu. Baka pwedeng sa ibang lugar na lang na hindi aabutin ng lindol na ito,” pakiusap niya. Kahit na ilang ulit ang aftershock na naranasan niya, di pa rin siya masasanay.

“Don’t worry. Kukuha tayo ng flight pabalik ng Manila.”

“Manila?” tanong ni Maki. “Pero gusto ko nang umuwi sa kay Nanay.”

“Not in that state. Mag-aalala lang siya sa iyo kapag nakita kang wala sa ayos. Magpahinga ka muna. Palipasin muna natin ang ilang araw bago ka umuwi. Tawagan mo muna siya mamaya pagdating natin sa Cebu. Huwag mo munang sabihin na galing ka sa Bohol o inabutan ka ng lindol doon.”

“Kaya nga gusto kong umuwi para sabihin sa kanya nang personal ang totoo. Benedikt, ayoko nang magsinungaling. Kung may isang leksiyon man akong natutunan ngayon, iyon ay ang huwag magsinungaling kay Nanay.”

Tumaas ang kilay ng binata. “Ang ibig mong sabihin, sasabihin mo sa kanya na plano mong maging sex slave ko?”

“No! Of course not.” Hinawakan niya ang braso nito. “Please be reasonable.”

“May apat na araw pa tayong usapan. Sa akin ka buong bakasyon,” anito sa awtorisadong tono. Pagkuwan ay umamo ang mukha nito at kinintalan siya ng halik sa noo. “Pagbigyan mo na ako. Just a few days with me. Gusto ko lang ma-relax ka. Ayokong maisip mo ang lindol. Tapos ibabalik kita kay Tita Lupita at ipapaliwanag ko sa kanya ang nangyari. Malaman man niya na nagsinungaling ka sa kanya at muntik ka nang mamamatay, mas maniniwala na man siya na ligtas ka nga at maayos ang kalagayan mo. Okay?”

Tumango lang siya. “Okay.”

Kinabig nito ang ulo niya at ihinilig sa dibdib nito. “Rest for now. You need it.”

“Hindi mo ako iiwan?”

“Never. I won’t let you go.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.