Chapter YSMM 101

Nagkaroon din siya ng pagkakataon na mapagmasdan ang ama. Iba na rin ang itsura nito. He was an older version of himself… and worn out. Parang mas matanda pa ito nang sampung taon kaysa tunay nitong edad. Parang halata sa linya sa mukha nito na mahaba ang ginugol nitong panahon sa pag-iisip. His eyes were sad. So sad.

Hinaplos ng matandang lalaki ang pisngi niya. “Hindi ako makapaniwala na nandito ka, anak. Akala ko talaga hindi na kita makikita pa ulit. Nang malaman ko ang nangyaring lindol sa Bohol at nalaman ko na malapit ang lokasyon ninyo sa epicenter, naghanap agad ako ng flight pauwi ng Pilipinas. Dasal ako nang dasal lalo na nang sabihin ni Patty na di pa rin kayo kumo-contact. Na sana ay ligtas kayo. Kung hindi ko pa nalaman na buhay ka at ligtas, baka ako mismo ang pumunta sa Bohol para hanapin.”

“Papa, I am sorry. Sorry kung kinailangan kong umalis noon. Sorry kung napahiya kayo sa kasal ko. Hindi ko naman kayo gustong saktan talaga pero alam ko kailangan kong gawin iyon para sagipin ang sarili ko.”

“Shhh!” anito at pinahid ang luha niya. “Ako ang dapat na humingi ng tawad sa iyo. Naging mahina ako at nagpadala sa pagmamanipula ng mga tao sa paligid ko. Hinayaan kong masira ang pamilya natin. Hindi ko kayo naprotektahan. Hinayaan kitang lumaki sa pagmamalupit ni Santina at di kita naipagtanggol. Wala akong kwentang ama. Ako sana ang patawarin mo, anak.”

“Kalimutan na po natin iyon. S-Siguro po ginawa lang ninyo ang alam ninyong tama nang panahong nasasaktan kayo,” sabi niya. Ngayong mas matanda na siya ay mas nauunawaan na niya ang mga bagay-bagay. Natuto na siyang unawaan ang pinagdadaanan ng ibang tao dahil sa pagmamahal at natuto na rin siyang huwag manghusga dahil alam niyang siya man ay may sarili ring kasalan at kailangan din ng pang-unawa. “Si Mommy Santina po pala. Alam po ba niyang nandito kayo?”

Baka mamaya ay kasama pala nito ang madrasta niya. Ang ama niya ay kaya niyang harapin. Pareho lang silang biktima ng manipulasyon ng madrasta niya. Pero di yata niya kayang harapin ang madrasta. She was still that wicked witch on her fairy tale. Nang huli silang magkita ay di man lang ito remorseful sa ginawa sa kanya. Hindi lang niya alam ngayon pero hirap siya na magtiwala dito. Ayaw niyang maging bahagi ulit ito ng buhay niya.

Natahimik si Franco at si Benedikt ang sumagot. “Naghiwalay sila ni Tito Franco isang taon matapos mong umalis. Yayain mo si Tito Franco na mag-agahan, Maki. Dadalhin ko lang ang mga bagahe niya sa guestroom.”

Saka lang niya napansin ang luggage bag na nasa tabi ng sofa. Mukhang kagagaling lang nito sa flight nito at dumirekta agad sa penthouse ni Benedikt. Nakadama siya ng awa dito dahil na rin sa takot nito habang pabalik ng Pilipiinas. Di nito alam kung aabutan siyang nitong buhay o hindi pa.

“Ayokong kumain. Coffee is fine,” anito at tipid na ngumiti.

“Ikukuha ko po kayo ng kape pero di ako papayag na hindi kayo kakain o magagalit po ako,” babala niya at binigyan ito ng matiim na tingin.

Tumawa lang ang ama niya. “Mukhang ikaw na ang boss ngayon.” Sinaluduhan siya nito. “Yes, boss.”

May fresh bread din sa mesa kaya iyon ang idinulot niya sa ama. Nakita niyang nasa outdoor garden ito at nakatayo sa tabi ng outdoor pool. Ihinain niya ang pagkain sa mesa doon at hinintay na lapitan siya ng ama.

Tahimik lang niyang pinagmasdan ang paghigop nito ng kape at ang pagsubo nito ng tinapay na di man lang nito nilagyan ng jam. Mukhang di sila sasamahan ni Benedikt dahil gusto siguro silang bigyan ng privacy na mag-ama sa reunion nila. Masaya siya na masakama muli ang dalawa sa lalaking pinakamamahal niya pero marami pa siyang gustong itanong sa ama. Marami pang katanungang gumugulo sa isipan niya.

“Papa, nasabi ba sa inyo ni Benedikt na nagkita kami noon sa Isla La Reina o noong nasa Bohol niya nabanggit ang tungkol sa akin?”

Mariing nagdikit ang labi nito bago ibinaba ang tasa. “Mas nauna ko pang nalaman na nasa La Reina ka bago pa pumunta doon si Benedikt. Nang mag-take ka ng board exam, may nakapagsabi sa akin kung nasaan ka.”

Nahigit niya ang hininga. “Ganoon na po katagal? Ni hindi man lang ninyo kami pinuntahan ni Nanay? Matagal naman na kayong hiwalay ni Mommy Santina.”

“Dahil hindi ko alam kung tatanggapin ninyo akong mag-ina. Sinaktan ko kayo. Ako ang sumira sa pamilya namin. Sa halip na maniwala sa akusasyon sa ina mo, sana ay inalam ko ang totoo. Di sana ako nagpadala sa emosyon ko. N-Naisip ko na baka mas gusto ninyo na kayo na lang ang magkasama. Na hindi na ninyo ako kailangan.”

“Papa…” malungkot niyang usal at ginagap ang kamay nito.

“Pinili ko na lang mamuhay mag-isa. Ibinenta ko halos lahat ng ari-arian natin. Parusa ko iyon sa sarili ko. Kaya nagpapasalamat ako na nagkasama tayo ngayon kahit sandali. Kumusta naman kayo ni Benedikt?”

Isang masayang ngiti ang sumilay sa labi niya. “We are okay. Napatawad na niya ako sa pang-iiwan ko sa kanya… and we are back together. Wala naman akong ibang minahal na lalaki kundi siya lang. At tinanggap niya ako kahit na pakiramdam ko ay hindi ako karapat-dapat sa kanya.”

“He is a good man. Anuman ang mangyari ay hindi ka niya bibitiwan. Ipaglalaban ka niya. Iyan ang mga katangian niya na wala ako kaya natitiyak kong magiging masaya ka sa kanya.”

“Papa, mahal pa ba ninyo si Nanay?” di niya mapigilang itanong.

Natilihan ito. “Bakit mo naman naitanong iyan?”

“Papa, sumagot na lang po kayo.”

Huminga ito ng malalim at sinalinan ulit ng kape ng tasa nito. “Hindi naman nagbago iyon kahit nang akala ko ay may ibang lalaki sa buhay niya. Kaya nga malaki ang insecurity sa kanya ni Santina dahil kahit anong gawin niya ay di ko magawang ibigay sa kanya ang pagmamahal na ibinigay ko kay Lupita. Kaya rin kami naghiwalay dahil bukod sa nagsinungaling siya sa akin, sinabi ko na si Lupita pa rin ang mahal ko. Nanatili lang ang pagsasama namin para bigyan kita ng ina. Wala nang rason para magsama pa kami nang umalis ka.”

“How did she take the break-up?”

“Nasaktan siya. She even tried to commit suicide but I was firm. Ayoko nang magsama pa kami. Sa huli ay nakatagpo siya ng isang French count sa isang trip niya sa France. Bago sila ikasal ay nakipagkita pa siya sa akin two years ago. Gusto daw niyang humingi ng tawad sa lahat ng ginawa niya sa pamilya natin. She looks happy. And I am happy for her. Alam ko na minahal niya ako sa sarili niyang paraan.”

Nakahinga si Maki ng maluwag. Kung ganoon ay hindi na pala manggugulo pa sa kanila si Santina. Kung masaya na ito sa buhay nito, mas madali na lang sa kanya na magpatawad. Matapos siyang muntik mamatay, na-realize niya na masyadong maikli ang buhay para lang magtanim ng galit. “Papa, kung nagawa ni Mommy Santina na maging masaya, bakit hindi po ninyo gawin? Bumalik kayo sa amin ni Nanay.”

“Gusto mong magkabalikan kami ng Nanay mo? Baka hagarin ako ng taga. Alam mo naman na lahi ni Gabriella Silang iyon.”

Inayos niya ang kuwelyo ng coat nito. “At kayo naman ay apo ng isa sa mga rebolusyunaryong Bohol-anon noong panahon ni Francisco Dagohoy. Que pang nananalaytay sa dugo ninyo ang dugo ni Aurelia Rubella kung si Nanay pa lang kinatatakutan na ninyo?”

“Matagal na panahon siyang nakulong dahil sa akin. Hindi ko siya pinakinggan kahit nang magmakaawa siya. Hinayaan ko siyang magdusa kahit na wala siyang kasalanan. Sa palagay mo ba ay may kapatawaran ang ginawa ko?”

“You have to forgive yourself first, Papa. Pinarusahan ko rin ang sarili ko dahil sa pang-iiwan ko kay Benedikt lalo nang malaman ko na namatay si Tito Malvar dahil sa di ko pagsipot sa kasal namin ni Benedikt. Pero nagawa ko ring patawarin ang sarili ko sa huli. At para mabawi si Benedikt, marami pong sakripisyo ang ginawa ko. Kung gusto pa ninyong makasama si Nanay, kailangan ninyong patunayan na mahal ninyo siya.”

Mataman siya nitong tinitigan at pagkuwan ay tumawa ng pagak. “Anak, masyado na yata kaming matanda sa ganyang love story ng nanay mo.”

“Wala namang pinipiling edad ang pag-ibig, Tay. Saka hindi lahat may pagkakataon pa na magkaayos. Sige kayo. May manliligaw si Nanay. Nang huli kaming mag-usap sinabi ni Nanay na parang nagugustuhan na daw niya si Kapitan Torre. E kung okay lang sa inyo na magkaroon ako ng padrasto, e di huwag ninyong suyuin si Nanay,” nakangiti niyang sabi dito.

“G-Gusto mo ba ang lalaking iyon para sa nanay mo? Mahal ba niya?”

“Parang ako rin si Nanay. First love never dies. Pero kung duwag naman ang first love niya, mas okay na siya doon sa matapang na suyuin siya. Ilalakad ko pa si Kapitan Torre sa kanya. Di pwedeng ako lang ang may gusto na magkabalikan kayo, Papa. Mag-effort kayo dapat kung may gusto kayong makuha.” Tumayo siya. “Alam po ninyo kung saan kami matatagpuan kung gusto ninyong mabuo ang pamilya natin.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.