“Ayan, Ma’am Maki! Mukha na kayong tao. Bagay sa inyo ang bagong buhok ninyo. Sabi ko naman sa inyo maniwala lang kayo sa akin at mag-iiba na ang anyo ninyo,” taas-noong sabi ng sekretarya ni Benedikt habang nagkakape sila sa Café Lipa sa Market Market sa Taguig. Doon sila nagpahinga sandali matapos siya nitong samahang mamili ng damit at magpa-salon.
Hinaplos niya ang buhok na halos lumagpas lang ng balikat niya. Naninibago siya dahil nasanay na siya na mahaba iyon at umaabot hanggang kalahati ng likod niya. Sabi ni Patty ay maganda daw na magkaroon siya ng new look. Una, dahil sa pagbabalikan nila ni Benedikt. Pangalawa ay dahil sa bagong buhay na ipinagkaloob sa kanya. Kailangan daw niya ng bagong itsura para naman mas ma-feel niya ang pagbabago. From her boring, straight hair, she had a shorter hair now with more volume and shape. Bukod sa ginupitan ang buhok niya ay isinailalim din siya sa hair treatment na mangangalaga daw sa kanyang buhok. At nang tingnan niya ang sarili sa salamin ay mukha siyang sopistikada. Malayao sa mukhang makalumang guro mula sa La Reina Elementary School.
“Hindi yata ako masasanay sa ganito. Tapos ang dami pang mga damit na binili natin. E mas nakakapagod pa nga yatang mag-shopping kaysa sa tatlong araw ko na na-stranded sa Bohol,” angal niya at pasimpleng hinaplos ang nananakit na paa.
Mula Makati ay sinuyod na nila ang malls mula Greenbelt hanggang Glorietta. Subalit di pa nasiyahan si Patty at idinala pa siya sa The Fort. Kundi pa siya umangal na masakit na ang binti at balakang niya sa kalalakad nila ay plano pa nitong dalhin siya sa MOA. Kahit na nagpaayos siya ng buhok at nakapagpa-foot spa at hand spa ay dama pa rin niya ang strain. Kung siya talaga ang masusunod ay gusto na na lang niya magtulog sa condo ni Benedikt. Natatakot lang ito na baka makatulog siya at dalawin na naman siya ng masamang panaginip.
“Masanay na kayo dahil girlfriend ka na ulit ni Benedikt Valenciaga. Forever and ever na kayong magmamahalan. Hindi na pwede na magmukha kayong pinag-iwanan ng panahon.”
Maasim siyang ngumiti. “E simple lang naman ako at ang trabaho ko. Hindi ko naman kailangan ng mahal na sapatos o magagarbong damit. Saan ko naman iyan isusuot? Sa bundok? Sa dagat? Sa bukid? Sa gubat? I can’t imagine…”
“Di ibig sabihin na sa liblib na isla kayo nakatira ay magiging probinsiyana na ang dating mo forever. Pwede pa rin kayong magkaroon ng class, Ma’am. Naku! Mahirap na. Kapag nalaman ni Madam ang tungkol dito at nakita na mukha kayong promdi pa rin, tiyak na tataas ang kilay niya hanggang anit.”
Natigilan siya. “Hindi naman ganoon ang pagkakakilala ko kay Tita Teresina.”
“Hindi natin alam. Mabait pa rin siya pero pagdating kay Sir Benedikt medyo protective siya. Sinasala niya ang mga babaeng idine-date. Nagkataon lang talaga na nasa tour siya ngayon kaya hindi niya alam ang tungkol dito. Pero kung nandito na siya, tataas ang kilay non. Alam naman natin na hindi niya kayo feel,” anang si Patty at ipinitik pa ang daliri.
Isa pa iyon sa inaalala niya. Nasira na ang relasyon nila ni Teresina. At wala siyang ideya kung paano mapapalambot ang ina ng binata na minsang malapit sa kanya. Di naman niya ito masisisi dahil sinira niya ang pangako niya dito. “Kailan ang balik niya?”
“Siguro next month pa dahil may pinuntahan siyang mountain cabin ng kaibigan niya sa Bolivia. Masyado daw siyang nag-e-enjoy na walang cellphone at internet. Every week lang siyang tumatawag para sabihin na okay siya dahil bumababa daw sila sa bayan para mamili ng supplies. Ayun! Kaya di ko tuloy siya ma-contact dahil cannot be reached number na ibinigay niya sa akin na pwedeng tawagan kapag may emergency. Buti na lang okay si Sir Benedikt at buti na lang hindi pa siya bumabalik dahil baka maantala ang pagbabalikan ninyo. Hindi iyon basta-basta papayag na magkabalikan kayo.”
“Alam ko,” malungkot niyang usal. Hindi niya masisisi ang ina ni Benedikt kung kumontra man ito sa kanya dahil malaki ang kasalanan niya dito at sa pamilya nito. Pero dahil handa si Benedikt na ipaglaban ang relasyon nila kaya pangangatawanan na niya ito. Ipapakita na lang niya dito na deserving siya na mahalin ni Benedikt. Pero di naman niya kailangang umastang mayaman na naman para tanggapin nito. “Siguro naman hindi ko kailangang maging sosyal para lang bumagay maging girlfriend ni Benedikt. Tanggap niya ako kung ano ako.”
“Ma’am, prinsesa kayo ni Sir. Aba! Walong taon din naman kayong nahirapan. Gusto lang niyang maging maayos kayo. Di naman siguro masama iyon. Romantic nga iyon. Kalimutan na ninyo ang pride ninyo at i-enjoy niya na pina-pamper kayo ng lalaking mahal ninyo. Sayang naman ang ipinag-shopping natin kung aayawan ninyo.”
“Sorry. Naninibago lang talaga ako,” aniyang biglang nahiya dito dahil baka akala nito ay binabalewala nito ang lahat ng effort nito para tulungan siya. “Pero salamat talaga sa iyo. Kundi dahil sa tulong mo, hindi ka magkakabalikan ni Benedikt.”
Patty flipped her hair. “Grabe! Ganyan ko kayo kamahal, Ma’am. Ilang beses na akong muntik masesante para lang sa pagmamahal ninyo. Dapat lang naman siguro na may bonus ako ngayong malaki ang role ko na happy na ulit at may love life si Boss.”
Mahinang tawa ang pinakawalan niya matapos humigop ng kape. “Si Benedikt daw ang bahala sa bonus mo.”
Impit itong tumili at nagpapadyak. “Magkano daw, Ma’am? Sana naman pwede na akong kumuha ng kotse dahil sa bonus na iyan.”
“Malay mo naman. Basta huwag kang maingay. Kunyari nasorpresa ka at hindi mo alam,” aniya at kinindatan ito.
“Ngayong may love life na si Boss, sana naman hindi na siya kasing sungit ng dati. Karinyuhin lang ninyo lagi para masaya ang buhay naming mga empleyado niya.”
“Puro ka talaga kalokohan.”
“Kailan ang kasal ninyo?” biglang tanong nito.
“Hindi naman kami nagmamadali. Ngayon pa lang kami nagkabalikan.” At matapos ang naunsiyami nilang kasal noon, sa palagay niya ay di nila kailangang magmadali ngayon kahit pa sabihing nasa tamang edad na sila. Pareho sila ni Benedikt na kailangang mag-adjust sa bagong relasyon nila, sa bagong sila. “Nag-text na kasi si Benedikt. Pumunta na daw tayo sa opisina. Tapos na daw ang meeting niya.”
“Aba! Hindi mag-o-overtime si Boss ngayon.”
Nangako pa si Benedikt sa kanya ng eat-all-you-can na cakes. She was looking forward to that. Alam niyang marami itong trabaho pero naglaan pa ito ng oras para sa kanya.
She had an alien feeling when she arrived at the New Horizon Builders and Properties’ main office. Inookupa ng mga ito ang gusali na pag-aari ng din ng naturang kompanya. Nag-shutdown ang dating kompanyang pag-aari nila Benedikt pero namayagpag ito nang magtayo ng bagong kompanya sa ibang pangalan.
Napansin niya na mukhang mas makabago ang gusali. Maaliwalas dahil sa pumapasok na liwanag mula sa glass wall at may indoor garden pa na may mga halaman at puno ng palmera. Kahanga-hanga ang accomplishments ni Benedikt. Nalulungkot lang siya na wala siya sa tabi nito nang panahong binubuo nito ang lahat ng pangarap nito mula sa abo.
Nang dumating siya sa pribadong opisina nito ay eksaktong nagri-ring ang cellphone niya. Tinatawagan pa siya nito. “Hey! Nandito na ako.”
Sinalubong siya nito ng yakap at mariing hinalikan bago pa man niya maisara ang pinto. “I miss you.”
Suminghap siya ng hangin dahil parang inubos nito pati ang sarili niyang hangin sa halik na iyon. “Ilang oras lang akong nawala.”
“No. Walong taon tayong magkalayo. I am just catching up.” Umupo ito sa couch at pinaupo siya sa kandungan nito. “So, how’s your day?” Isinuklay nito ang daliri sa bago niyang buhok. “I like this new hair. You look like a new girl now.”
“Pakiramdam ko naman hindi na kailangan ito. Okay naman ang dati kong itsura. Hindi ko alam kung anong gagawin ko sa santambak na damit samantalang may naiwan pa nga ako sa resort.”
“No. This is your second life. You are sharing it with me. I just want you to relax and feel good. Hindi sa may binabago ako sa iyo. Pero baka lang mas gumaan ang pakiramdam mo kung makikita mo na bago ang itsura mo kapag humarap sa salamin o bago ang mga damit na suot mo. Baka makatulong na maalis ang trauma mo sa nangyaring lindol.”
“I am getting all these luxuries while some people I left behind are…” Kinikilabutan siya nang maisip kung ano ang dinadanas ng mga taga-Bohol ngayon.
“We are doing everything we can to help them. At mas matutulungan mo sila kung makaka-recover ka agad. Gusto ko okay ka na pagbalik mo sa La Reina.”
“Okay,” aniya at tumango.
“Now, time for your eat all-you-can cakes. Umalis na tayo bago pa ikaw ang i-eat all-you-can ko,” pabiro nitong sabi dahilan para mag-init ang mukha niya.
Magagaan ang hakbang ni Maki nang makalabas ng opisina ng binata. Nakita niya ang aprubadong ngiti ng mga tauhan nito na nakakasalubong nila lalo na tuwing ipinakikilala siya nito bilang nobya nito. Karamihan kasi sa mga tauhan nito ay hindi na siya naabutan pa. Bakas kasi ang saya sa mukha ng binata. Sana naman sa tulong niya ay hindi na nga ito masyadong masungit sa mga tauhan. Mas gagaan ang trabaho kung di ito masyadong nante-terrorize.
Magkahawak-kamay sila habang magkasama sa elevator. Siksikan kaya naman hindi na nila magawang mag-usap. Naramdaman niyang pinisil nito ang kamay niya at tiningala niya ito. Nakita niya ang tanong sa mga mata nito. As if he was checking if she was okay. Bumuka ang bibig niya para sabihin na okay lang siya.
Pagbukas ng elevator ay hangos na naglabasan ang ibang mga kasabay nila hanggang sila na lang ang naiwan sa loob. Pagkalabas nila ng elevator ay nagulat na lang siya nang isang babae ang yumakap dito. “Benedikt! Oh, Benedikt, I am glad you are alive and safe.”
Pareho silang natigagal ng binata nang makilala ang babae. “Hannah!”