Chapter YSMM 104

Inilapag ni Maki ang bulaklak sa ibabaw ng puntod ni Malvar Valenciaga saka sila umusal ni Benedikt ng maikling panalangin. Makulimlim ang araw na iyon pero di rin naman mukhang uulan. Tama lang para dumalaw sila sa puntod ng ama ng nobyo sa Loyola Memorial Park bago ang flight nila.

Hindi niya mapigilang maging emosyonal ngayong nasa harap na siya ng puntod na itinuturing niyang pangalawang ama at naging mabuti sa kanya. “Tito, sorry po sa lahat ng ginawa ko sa inyo noon. H-Hindi ko talaga sinasadya na masaktan kayo… at sa ganito mauwi ang lahat. Sorry po sa pang-iiwan kay Benedikt dati…”

Naramdaman niya ang pagpisil ni Benedikt sa kanya. “Anong usapan natin? Not too much on apologies. Hindi matutuwa si Papa diyan sa guilt-tripping na iyan. Baka hilahin pa niya ang paa mo habang natutulog ka,” banta nito.

Magaan siyang tumawa sa takutan nila ng binata kaya kahit paano ay natigil sa pagluluha ang mata niya. Ayaw daw nito na pagdalaw niya sa puntod ni Malvar ay malulungkot siya. After all, his father claimed his own fault before he died. Na kasalanan daw ng matandang lalaki na pilitin si Maki na pakasalan si Benedikt. Magtatampo daw ito kapag nalungkot pa rin siya. Mas gusto ng binata na mag-focus sila kung gaano sila kasaya ngayon.

“Okay. Take two,” aniya at yumakap sa braso ni Benedikt. “Tito, kung nasaan man po kayo, alam kong masaya na kayo dahil magkasama na ulit kami ni Benedikt. “Alam ko po na marami akong bagay na tinalikuran noon. Pero ngayon po ay hindi ko na iiwan si Benedikt kahit na anong mangyari. Nagpapasalamat po ako sa pangalawang pagkakataon na ito kaya hindi ko po sasayangin.”

“That’s better,” anang binata at kinintalan siya ng halik sa noo.

“I promise that I will be a better partner for Benedikt now. Mas kilala ko na po ang sarili ko. Mas alam ko na po kung ano ang gusto ko. Aalagaan ko po siya kaya huwag po kayong mag-alala. Alam naman po ninyo na mahal na mahal ko siya.”

She looked up to Benedikt and stared at him with fondness. Pakiramdam niya ay naglaho ang walong taong nagkahiwalay sila dahil parang walang nagbago dito bukod sa naging mas maalaga ito. And she loved the feeling. Nawala na rin ang alalahanin niya tungkol kay Hannah dahil sa assurance nito. And she was glad that the nightmare didn’t come back. Hindi niya alam kung ano ang mas effective – ang unlimited cake nila nang nakaraang gabi o ang mga halik nito.

“Papa, kailangan na po naming umalis ni Maki. Dadalhin ko po ulit siya dito para dumalaw. I hope you will guide us. Alam ko naman na suportado ninyo kami. I love you, Pa.”

At magaan ang hakbang nila nang umalis ng sementeryo. She was at peace with Benedikt’s father now. Her own father however was an entirely different story. May unfinished business pa sila. At least, ito at ang nanay niya.

“Malalim na naman ang iniisip mo,” anang si Benedikt at magaang pinisil ang baba niya habang nakatingin siya sa labas ng sasakyan. “Akala ko ba mas magiging okay ka na kapag dumalaw tayo kay Papa?”

“Okay naman talaga ako. Naiisip ko lang si Papa. Sa palagay mo ba susunod siya sa La Reina? Susuyuin kaya niya si Nanay?” Nang magkita sila kaninang agahan ay wala itong nabanggit. Basta sabi lang nito ay mag-ingat sila ni Benedikt. Hindi na siya nagtanong dahil ayaw niyang i-pressure ito. Sana lang… sana lang ay di pa huli ang lahat sa mga magulang niya. Di man magkabalikan ang mga ito, basta magkaayos lang. Wala siyang ibang maitutulong sa ama niya kung wala itong initiative na makipag-ayos sa nanay niya.

“Your father is old enough. Ngayong nagkasama na ulit kayo, sigurado ako na hindi siya papayag na magkahiwalay kayo ulit. Iyon na lang ang isipin mo,” pang-aayo ni Benedikt.

“Pero gaano katagal?”

Kibit-balikat lang ang isinagot sa kanya ng binata. Pareho nga naman silang walang alam sa tinatakbo ng utak ng ama niya. Ang magagawa lang nila pareho ay maghintay sa susunod na mangyayari. Sa ngayon ay bibiyahe sila papuntang Cebu at mula sa Cebu ay naghihintay na ang yate ni Benedikt para dalhin sila sa La Reina. Pahinga na din daw iyon ng crew ng binata dahil naging abala ang mga tauhan nito sa pagdadala ng relief goods sa mga bayang nasalanta ng lindol nang nagdaang mga araw.

Pagdating sa airport ay nagulat siya nang may pumila sa likuran niya habang nagtse-check in sila ng bagahe ni Benedikt. “Good morning, my princess.”

Nahigit niya ang hininga nang marinig iyon at nagulat nang makita ang ama na nakapila sa likuran niya. “Papa!” tili niya at niyakap ito nang mahigpit. Wala siyang pakialam kung maingay man sila at makagawa ng eksena sa airport. “You are here. Ang ibig sabihin…” Dumako ang mata niya sa hawak nitong travel itinerary.

“Yes. I am coming with you to Isla La Reina.”

“Yes!” tuwang-tuwa niyang sabi at parang bata na binatak ang braso ni Benedikt. “Nandito si Papa! Nandito si Papa! Sasama siya sa atin sa La Reina.”

“I told you. Hindi siya papayag na malayo sa iyo,” anang binata at saka siya kinindatan.

She was in heaven. Sa unang pagkakataon ay mabubuong muli ang pamilya niya. She was back to being that ten year old girl again who was wishing that she could fix her family back. Matagal na panahon ang lumipas bago matupad ang hiling niya na iyon pero nagpapasalamat siya sa Diyos na natupad pa rin.

“Pero may problema ako, anak. Tiyak na di matutuwa ang nanay mo kapag nakita niya ako sa La Reina. Baka di niya ako patuluyin sa bahay,” nag-aalalang sabi ng ama.

Kinindatan niya ito. “Ako po ang bahala sa inyo.”

HAPON na nang makarating sila Maki sa mismong harap ng beach ng bahay nila. Lumulubog na ang araw dahil mag-a-alas sais na ng gabi.

Nakakapagod din ang biyahe nila dahil mula sa flight nila ay may apat na oras din ang biyahe nila mula Cebu patungong La Reina sakay ng yate. Maalon ang dagat kaya nakakahilo. Pero ngayong nakadaong na sila sa payapang dalampasigan ng La Reina, Maki felt that she was truly home.

Hindi na siya nagpaalalay nang bumaba ng yate. Mababaw lang naman kasi ang tubig. Kasunod lang niya sina Benedikt at ang ama niya.

Namayang si Franco at inilibot ang mata sa paligid. Mangilan-ngilan lang ang tao sa dalampasigan noon at nasa malayo pa. Sarado pa rin ang bar kaya tahimik na tahimik pero alam niyang malapit na iyong magbukas. Maririnig lang ang iyak lang ng pandagat na ibon na lumilipad sa ulunan nila at ang hampas ng alon. “Maganda nga dito. Hindi na ako nagtataka kung bakit mas pinili ninyong dito na lang manatili na mag-ina.”

“Tahimik po ang buhay dito. Mababait po ang mga tao. Sigurado po ako na magugustuhan din ninyo dito. Doon na tayo sa bahay,” yaya niya sa dalawang lalaki.

Nauna na siya dahil kailangan niyang ihanda ang kalooban ng nanay niya. Baka hindi nito kayanin ang mga malalaman nito sa araw na iyon kaya kailangan din niyang maging maingat. Kumatok siya sa pinto at narinig pa niya ang panenermon nito sa pinsan niyang si Ponyang na walang ginawa kundi manood ng teleserye at mag-text sa halip na tumulong sa paghahanda para sa pagbubukas ng bar.

“Ako na ang magbubukas para hindi ka na maabala sa pagte-text mo,” narinig niyang sabi ni Aling Lupita bago binuksan ang pinto.

“Hello, Nay,” bati niya dito.

“Anak, dumating ka na pala,” anito at niyakap siya. “Hindi ka man lang nagpapasabi. Sinundo sana kita sa pantalan.” Kumalas ito sa pagkakayakap sa kanya at pinagmasdan siya. “Ano bang nangyari sa iyo? Bakit ka nagpaiba ng ayos ng buhok? Pero bagay naman sa iyo. Nag-enjoy ka ba sa Palawan?”

“Uhmmm…” Paano ba niya sasagutin iyon? “M-May mga kasama po ako.” Saka niya nilingon sina Benedikt at ang ama niya na nakatayo sa may gate.

“Magandang hapon po, Aling Lupita,” bati ni Benedikt.

Subalit wala ang paningin ng ina niya sa nobyo kundi sa lalaking katabi nito. “Lupita, magandang hapon. Kumusta ka na?” magalang na tanong ng ama niya.

Naramdaman agad niya ang pag-init ng dugo ng nanay niya. Kinuyom nito ang palad at akmang susugurin ang ama niya. “Anong ginagawa mo dito? May kumu-kumusta ka pang nalalaman? Ang lakas naman ng loob mo na magpakita dito sa pamamahay ko, Franco. Hindi ka na talaga nahiya.”

“Nay, kalma lang po,” pagpapahinahon niya sa ina.

“Paano ako hihinahon kung makikita ko ang mukha ng lalaking iyan?” nanggagalaiting tanong ni Lupita at saka itinuon ang atensiyon sa kanya. “Anong ibig sabihin nito, Maki? Magkasama kayo sa Palawan? Hindi totoong kaibigan mo ang kasama mo noon?”

Napalunok siya dahil di niya iyon pwedeng sagutin habang nasa labas ng bahay at naririnig ng buong La Reina ang mga rebelasyon niya. Ayaw niya ng eskandalo. “Nanay, sa loob po muna tayo. Nakakakuha na tayo ng atensiyon ng mga kapitbahay,” bulong niya at pilit na pinapasok si Lupita. “Sa loob na lang po tayo mag-usap.”

“Sa loob tayo. Pwedeng pumasok si Benedikt pero hindi… hindi ang lalaking iyan!” anito at dinuro ang tatay niya. “Baka mamaya kasama pa niya ang babae niya at guluhin tayo. Aba! Nandito na sila sa teritoryo ko. Magkakasubukan kami.”

“Hiwalay na kami ni Santina. Matagal na. Kasal na siya sa iba at nasa ibang bansa kaya hindi na siya manggugulo pa,” malumanay na paliwanag ng ama niya.

Natigilan si Lupita. Hindi siguro inaasahan na iyon ang magiging sagot ni Franco.

“Nay, pwede na po ba natin itong dalhin sa loob para hindi na tayo pagpiyestahan ng buong baranggay?” tanong niya sa malambing na boses.

“Sige. Papasukin mo ang mga bisita mo,” anang si Aling Lupita at nagdadabog na pumasok sa loob ng bahay.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.