Tinanguan niya sina Benedikt at ang ama na pumasok naman agad. Nakatayo sa gitna ng sala ang ina habang pinaupo naman niya sa sofa na kawayan sina Benedikt at ang ama.
“Ay! May mga bisita pala tayo,” anang si Ponyang. “Hi, Pogi!” At pinapungay ang mata nito kay Benedikt. “I am Ponyang. I am single, fresh and available.” Kinamayan nito si Benedikt at pinakatitigan nang pagkalagkit-lagkit.
Tinampal niya ang kamay ng babae. “Um! Boyfriend ko na iyan.”
“Guwapo din naman ang isa kahit medyo may edad na,” sabi nito at kinamayan ang tatay niya. “Hi, ako po si Ponyang.”
“Ako ang Tiyo Franco mo. Asawa ako ng Tiya Lupita mo at tatay ako ni Maki,” pagpapakilala ng tatay niya.
“Tiyo! Ay! Kayo po pala iyan.” Nagmano bigla si Ponyang. “Tiyo, ang guwapo-guwapo naman ninyo. Amoy mayaman pa. Kaya pala hanggang ngayon hindi pa rin makapag-boyfriend si Tiyang dahil di kayo makalimutan,” kinikilig na wika ng pinsan niya. “Dito na po ba kayo titira? Magkakabalikan na ba kayo ni Tiyang?”
“Ponyang, ikuha mo muna ng maiinom ang Ate Maki mo at ang nobyo niya. Ipagtimpla mo sila ng iced tea. Doon ka muna sa kusina,” utos ni Aling Lupita.
“E paano po si Tiyo Franco?” tanong ni Ponyang.
“Ipag-igib mo na lang ng tubig sa poso,” may katarayang sabi ng nanay niya at humalukipkip. Sa halip na ma-offend ay nangiti na lang ang tatay niya. “Anong ingingiti-ngiti mo diyan? Akala mo ba ay nakakatuwa na nandito ka?”
“Nay, kalma lang po kayo,” sabi ni Maki.
“Kahit di na ako kumalma ngayon. Wala na tayong mag-uusyosong kapitbahay,” pakli ng ina niya at saka siya binalingan. “Maki, pwede mo na sigurong ipaliwanag kung bakit magkakasama kayo. Pinuntahan ka ba nila sa Palawan? Magkakasama ba kayo doon?”
“N-Nanay, di po ako nagpunta sa Palawan. Sinundan ko po sa Bohol si Benedikt,” pag-amin ni Maki.
“Bohol? Nagpunta ka sa Bohol?” nanlaki ang mga mata ni Lupita at hinawakan ang balikat niya. “Diyos ko, anak! Lumindol doon. Nandoon ka ba nang lumindol?” Yumuko na lang siya at di na makasagot sa tanong ng ina. Sapat na iyon para sagutin ang sarili nitong tanong. “Nasa Bohol ka nga nang lumindol. Iyong tatlong araw na di kita nakausap, nasa Bohol ka noon.” Napaupo na lang nanay niya na parang nauupos na kandila. “Diyos ko! Nandoon ka. Muntik ka nang mamatay.”
Namutla si Aling Lupita at pakiramdam ni Maki ay mawawalan ito ng malay. Sakto namang pumasok ng kusina na dala ang miryenda kaya naman kinuha agad niya ang baso ng tubig at ipinainom sa ina. “Nanay, kalma lang po kayo. Ligtas naman po ako. Wala naman pong nangyaring masama sa akin.”
“Anong walang masamang nangyari? Nagsinungaling ka sa akin. Malay ko ba kung ano pa ang itinatago mo sa akin? Paano kung may nangyari pang mas malala sa iyo? Ang buong akala ko ay nasa Palawan ka. Uuwi ka na lang bang bangkay dito bago ko pa malaman na nasa Bohol ka pala? Ngayon ka pa nagsinungaling sa akin kung kailan ka pa tumanda. Gusto mo bang maaga akong mamatay?”
“Sorry po,” usal na lang ni Maki at yumuko. Sapat nang nalaman ng nanay niya ngayon na nasa Bohol siya at ligtas siya. Saka na niya iku-kwento dito ang tungkol sa pagkaka-trap nila ni Benedikt sa kuweba at kung paano sila nasagip ng mga rescuer. Baka tuluyan nang mag-collapse ang nanay niya at isugod sa ospital.
“Kasalanan ko po, Aling Lupita,” anang si Benedikt.
Itinaas ni Aling Lupita ang kamay para patigilin sa pagpapaliwanag ang binata. “Benedikt, alam ko ang ugali ng anak ko. Alam ko rin kung gaano siya kabaliw sa iyo. Natitiyak ko na hindi ikaw ang nag-utos sa kanya na magsinungaling kaya hindi kita sisisihin dito. Gusto ko na anak ko mismo ang humarap sa konsekwensiya ng sarili niyang mga desisiyon. Pero di talaga ako makapaniwala na isasama mo pa niya ang Hudas niyang ama sa pamamahay namin. Tahimik na ang buhay namin.” At inisimiran nito si Franco.
“Nanay, tatay ko pa rin po siya,” depensa naman niya. “Saka ngayon lang po kami nagkasama. Kaliligtas ko lang po sa sakuna kaya sana po hayaan na ninyo kami na magkasama. Ngayon ko lang po naramdaman na parang buo ako. Nandito si Benedikt. Nandito din si Papa. Wala na rin naman si Mommy Santina para manggulo.”
“Tiyang, nakahanda na po ang hapunan,” singit ni Ponyang sa usapan at ngumiti sa kanila. “Naku! Magugustuhan ninyo ang luto ko na ginataang labahita. Tiyak na mawawala ang pagod ninyo sa maghapong biyahe.”
“Salamat, Ponyang,” sabi naman niya sa pinsan.
“Pakainin mo na ang mga bisita mo, Maki. Wala akong ganang kumain,” mataray na sabi ng nanay niya. “Pupunta na muna ako sa bar. Kailangan kong sumagap ng sariwang hangin. Hindi ako makahinga dito.”
“Pasensiya na po kayo kay Tiyang,” sabi ni Ponyang nang kumakain na sila. “Nagulat lang po iyon dahil sa mga nalaman niya. Saka nagpapakipot lang po iyon. Huwag lang po ninyong pansinin ang kasungitan niya.”
“Naiintindihan ko naman ang pinanggagalingan ng galit niya. Malaki ang kasalanan ko sa mag-ina ko pero handa akong bumawi,” anang si Franco.
“Dahil guwapo po kayo, tutulungan ko kayo kay Tiyang,” kinikilig na sabi ni Ponyang at nakipag-apir sa kanya. May isa pa siyang kakampi sa bahay na iyon kaya naman sa palagay niya ay hindi rin matatagalan ang pagmamatigas ng nanay niya.
Matapos maghapunan ay tinulungan niya na maghanda ng matutulugan ang amang si Franco. Kumuha siya ng unan at kumot saka idinala sa sala. “Tay, ayos lang po ba kayo dito? Ni walang kutson itong kawayan,” tanong ni Maki.
“Oo naman. Basta dito lang ako at kasama kayong mag-ina, ayos lang ako.” Nauunawaan niya na kasama iyon sa sakripisyo ng ama niya.
Sakto naman na pumasok si Lupita ng bahay. Nakasuot ito ng sarong at may bulaklak ng gumamela sa tainga. Mukhang handa na itong mag-perform para sa gabing iyon. “O! Nandito pa pala kayo. Dito ka ba matutulog, Benedikt?”
“Hindi po,” anang binata. “Doon po ako sa yate matutulog.”
“Sige. Mag-ingat ka. Sinong matutulog dito?” naguguluhang tanong ni Lupita.
“Dito na ako matutulog sa sala,” sagot ng ama niyang si Franco.
“Ano? Dito ka pa matutulog sa pamamahay ko?” anang nanay niya sa mataas na tono. “Hindi ka na nasiyahan na kumain dito, gusto mo pang dito tumuloy? Maraming resort at inn dito sa La Reina. Doon ka. Sa dami ng pera mo, baka nga kaya mong bumili ng bahay. Lumayas ka dito sa pamamahay ko.”
“Dito sana muna ako. Gusto kong makasama ang anak ko… at ang asawa ko,” sinadyang idugtong ni Franco dahilan para lalong mag-alburuto ang nanay niya.
“Ang kapal naman ng mukha mo na makituloy dito at tawagin mo akong asawa mo. Balikan mo na lang si Santina o kaya humanap ka ng ibang babae. Baka nakakalimutan mo kung anong ginawa mo sa akin. Kayo ng babae mo. Ang lakas ng loob mo. Akala mo ba basta-basta na lang mabubura ang lahat ng pagdurusa ko sa loob ng mahabang panahon na inalisan ninyo ako ng dignidad, kalayaan at karapatan sa anak ko?” panggagalaiti ng nanay niya.
“Kaya nga nandito ako para bumawi sa inyong mag-ina. Alam ko na hindi magiging madali pero handa akong tanggapin ang kaparusahan mo basta huwag mo lang akong hayaang malayo sa inyo ni Maki, Lupita,” mapagpakumbabang sabi ng ama niya.
Tumaas ang kilay ng ina niya. “Ganoon ba? Gusto mong bumawi? Pwes huwag kang matulog muna. Sumunod ka sa bar at maraming trabaho doon. Kulang ako ng isang waiter at wala akong tagahugas ng plato. May angal ka ba?”
Tumayo nang tuwid si Franco Rubella. “Wala. Susunod na ako agad.”