Sabay na pinanood nina Benedikt at Maki ang pagsikat ng araw habang nakasalampak sa deck ng yate nito. Simbolo iyon ng panibagong buhay at pinabagong bukas para sa kanila. Tahimik lang silang kumakain ng tinapay na may palamang scrambled egg at mainit na kape. It was a perfect way to start her day.
“Ano? Kumusta sa bahay ninyo? Mukhang tahimik,” anang si Benedikt na bahagyang nangingiti.
“Ayun! Parehong tulog sila Nanay at Papa. Si Papa napagod sa dami ng inutos ni Nanay. Si Nanay naman napagod sa kauutos kay Papa. Ginawa na niya ang lahat – waiter, janitor, dishwasher. Kulang na lang pati bouncer at macho dancer,” natatawa niyang sabi.
Lupaypay ang tatay niya sa kasusunod sa utos pero wala namang magawa kundi sumunod na lang. Alam niyang di sanay sa ganoon katinding trabaho ang tatay niya kahit na mag-isa lang itong namuhay sa ibang bansa. Namuhay pa rin ito na walang masyadong inaalala sa abroad. Alam niya na malaking challenge ito sa ama na di naman sanay na may nag-uutos dito dahil amo ito. Gusto pa ngang patulugin ng nanay niya sa labas ang tatay niya kundi lang ito biniro ni Ponyang na kundi daw patutulugin sa sala si Franco ay sa kuwarto ni Lupita na lang ito tumuloy.
Siniko niya si Benedikt. “Parang ikaw lang noong pahirapan mo ako dati. Kulang na lang paghulihin mo ako ng higanteng pating at pugita para lang sumuko ako.”
“Sayang lang at bawal manghuli ng pating at pugita kundi ay ipapagawa ko iyon sa iyo. Pero wala ka namang sinukuan na laban, di ba? Lahat ng challenges gagawin mo?”
Kinintalan niya ito ng halik sa pisngi. “You are worth the sacrifice, Benedikt. At alam ko na iyon din ang ginagawa ni Papa para kay Nanay. Handa siyang mahirapan para sa babaeng mahal niya. Kailangan niyang bumawi talaga kay Nanay.”
“Nakapagpahinga ka na ba?” tanong nito.
“I think so. Masarap naman ang tulog ko kagabi.” Siguro dahil wala na siyang aalalahanin at alam niyang nasa paligid lang si Benedikt. Nasa sarili na rin siyang bahay kaya mas mabuti ang pakiramdam niya. “Ano bang plano mo?”
“May dalawang araw ka pang walang pasok. We can maximize it. Gusto mo bang tumulong sa relief operation sa Bohol?”
“Babalik tayo sa Bohol?”
“No. Nagre-repack ng relief goods sa may munisipyo. Naisip ko baka gusto mong tumulong. May ibang nag-overnight doon.”
“Of course. Gusto kong tumulong. Ang totoo inisip ko nga na gusto kong mag-organize ng isang fund raising concert kasama ang La Reina Children’s Choir para makatulong sa mga nasalanta. I mean, na-inspire kami sa Loboc Children’s Choir. I guess it is time to give back.” Magandang exposure din iyon sa mga bata kung paano gagamitin ang talento ng mga ito para makatulong sa ibang mga tao.
“Uhmmm… gusto mo bang isama ang nanay at tatay mo?”
Ngumisi lang siya. “No. Mas mabuti siguro na magsolo muna silang dalawa. Hindi naman siguro sila magsasakalan habang wala ako.”
“Kung ganyan karami ang plano mo, we’d better start moving. Maraming trabaho ang naghihintay sa atin, Supergirl.”
Nang dumating sila sa repacking center sa DSWD office ng munisipyo ay sinalubong agad siya ng mga kasamahang teacher na nagre-repack. “Maki, dumating ka na pala,” anang kasamahan niyang si Karen.
“Naku! Malas naman at nagkasalisi pa kayo ni Robert. Magdamag iyon dito. Miss na miss ka pa mandin niya,” anang kasahaman niyang si Marlon.
Mabuti na lang at kausap pa ni Benedikt ang mayor nang mga oras na iyon kaya hindi nito narinig ang tungkol kay Robert. Kailangan pa nilang i-discuss.
“May pasalubong ka ba sa amin galing Palawan?” tanong ni Ezel.
“Pasalubong mo ba sa amin ang guwapong iyan?” pabirong tanong ni Candy at ngumuso kay Benedikt at papunta sa direksiyon nila.
“Candy, sa palagay mo ba ibibigay ko pa sa iyo ang ganyan kaguwapo?” nakataas ang kilay niyang tanong. Humawak agad sa baywang niya si Benedikt at isa-isa niyang ipinakilala ang mga kasamahan. “Everyone, this is Benedikt Valenciaga.”
At nasa dulo ng dila ang pagpapakilala dito bilang nobyo niya pero natigilan siya. Di niya alam kung handa na ba siyang sabihin iyon sa lahat lalo na’t alam ng mga ito ang pagiging malapit nito kay Hannah.
“I am Maki’s boyfriend,” dugtong naman ni Benedikt. Sinabi na nito ang di niya masabi. She felt warm and fuzzy inside. Nakaka-proud nang ipakilala siya nito bilang nobya nito.
“Aba! Ang haba ng hair,” sabi ni Candy. “Naunahan mo ako sa guwapo.”
“Isa pala sa teacher namin ang maswerteng babae,” anang si Mayor Valmayor at kinamayan sila ni Benedikt. “Ginugulat mo kami. Tahimik itong si Miss Veracruz. Hindi nagku-kwentong masyado. Dito pa kayo nagkakilala sa La Reina.”
“No. Matagal na kaming magkakilala,” sabi ni Benedikt at tiningnan siya sa mga mata na parang siya lang ang nakikita nito. “I lost her eight years ago. I won’t let her go this time.”
Impit na tumili si Candy. “Eight years ago pa pala na may ganyan kaguwapo sa buhay mo. Naku! Makukurot kita sa singit. Di ka man lang nagkukwento. Madami kang hindi isine-share sa akin. Akala ko close tayo. Pwede mo bang i-share sa akin si Benedikt ngayon?”
Binigyan niya ito ng matalim na tingin. “Over my dead body.” At saka siya kumapit sa braso ng nobyo. Ngayong kanya na si Benedikt ay di na niya ito hahayaang mapunta sa iba.
“Okay! Back to work!” sabi ni Marlon. “Marami pa tayong irerepake.”
“Dumating na ang supplies para sa hygienic kit,” sabi ni Benedikt. “Ladies, pwede na siguro kayo doon at kami na lang mga lalaki dito sa pagtatakal ng bigas.”
“Sir, kailangan pa ba talaga ninyong gawin iyan?” tanong ng mayor. “Marami naman kaming magtutulong-tulong para diyan.”
“I just can’t stay idle. Kung may maitutulong pa po ako ay gagawin ko. Malapit sa puso namin ni Maki ang Bohol. Parehong doon nanggaling ang mga ama namin,” paliwanag ni Benedikt. Nakita niya ang pagkislap ng mga mata ng kasamahan niya. Isa iyong bagay na di nalaman ng mga ito mula sa kanya sa tagal ng panahon nilang magkakasama. Parang sa araw na iyon lang natutuklasan ng mga ito ang bahagi ng pagkatao niya na itinago niya sa loob ng mahabang panahon.
“Ang totoo kasama po sa nasalanta ang Baclayon kung saan may ancestral house pa ang pamilya nila Benedikt. Kaya mahalaga sa kanya na makatulong. Maraming mga kaibigan po namin ang naghihintay ng tulong. This is something personal for him. Hayaan na po natin,” sabi niya at hinawakan ang braso ng nobyo bilang pang-unawa.
“Sige. Magtatawag pa kami ng ibang mga kakilala para tumulong,” sabi ni Marlon. “Mas marami tayong magagawa kung marami tayo.”