Chapter YSMM 107

“BENEDIKT, this is such a treat. Salamat talaga sa lunch na ipinahanda mo sa amin,” anang si Maki habang ine-enjoy ang prawn in garlic sauce at mainit na crab and corn soup na may kasama ring ginayat na gulay. Nasa garden sila sa tabi ng munisipyo at inookupa ang isa sa mga mesa doon habang ang iba pang volunteers ay nasa ibang mesa. Nagpaluto ito sa nanay niya para pagsalu-saluhan ng lahat ng mga volunteers sa relief packaging. Nakakapagod kahit ilang oras pa lang silang nagpa-pack pero tuwing naiisip niya ang hirap ng mga nasa Bohol at iba pang apektado ng lindol ay binabalewala niya ang hirap.

“Gusto ko lang maramdaman mo na nakauwi na talaga ng La Reina. Alam ko na hindi madali sa iyo ang nagdaang ilang mga araw lalo na’t malayo ka sa nanay mo.”

“I am feeling better now. Malaking bagay na nakasama ako sa relief operations at alam ko na malaki ang maitutulong natin sa mga naiwan sa Bohol. At siyempre nandiyan na rin ang magulang ko kahit pa nga madalas high blood si Nanay at nariyan ka rin. This is almost perfect. Parang kahit na anong lindol pa ulit ang dumating, di na ako natatakot.”

At alam niyang di lang pisikal na lindol ang tinutukoy niya. Marami pang paparating na pagsubok sa relasyon nila. Nagsisimula pa lang sila.

“Parang hindi yata ako gusto ng mga kaibigan mo,” anito at bahagyang sumulyap sa mesa ng mga kasamahan niya nang may pag-aalala sa mga mata.

“Bakit naman?”

Bumuntong-hininga ito. “Kasi niyaya ko silang sumalo sa atin na kumain kanina pero ayaw nila. Parang iwas na iwas nga sila sa akin.”

“Baka naman nai-intimidate sila sa iyo. Come on. We are just… simple people and you are Benedikt Valenciaga. Di naman kaila sa kanila kung ano ang status mo. Nahihiya lang sila ngayon pero kapag nalaman nila na di ka naman snob, masasanay din sila. Just give it time.”

Simpleng mga tao lang naman kasi ang mga kasamahan niya. They were professionals. Pero pagdating sa pakikihalubilo sa mga mayayaman sa normal na mga araw ay mahiyain ang mga ito. Kahit na si Candy na may pagka-makulit ay tumiklop din kay Benedikt.

“Baka naman ayaw nila sa akin dahil mas gusto ang Teacher Robert na iyon para sa iyo. Iyon ang gusto nilang maging boyfriend mo,” anang si Benedikt na biglang humaba ang nguso na parang batang nagtatampo. Heto siya at inaalala na baka ayaw sa kanya ng mga taong malalapit kay Benedikt. Iyon din pala ang inaalala nito.

Kung dati ay sila ang perfect couple, ngayon naman ay parang against all odds ang drama nila. It was weird. Their relationship before was nice and easy. Ngayon ay parang may nais na humarang sa kanila.

“Hindi naman importante kung ayaw sa iyo ng marami para sa akin. Ang mahalaga ikaw ang mahal ko at ipinaglaban ko,” aniya at pinisil ang baba nito. “Kumain ka na, Mr. Valenciaga. Hindi bagay sa iyo ang nagdadrama.”

Nagulat sila nang may pumalakpak sa likuran nila. “How sweet! Hindi ko alam na Luneta na pala ng golden couple ang munisipyo. Isn’t this nice? You are really showing your affection for everyone to see. Hindi na talaga kayo nahiya.”

Mariin na lang pumikit si Maki nang marinig ang matamis ngunit may halong sarkasmo na boses ni Hannah. Mukhang hindi ito mahihiyang gumawa ng eksena ang babae kahit na pati ito ay mapahiya sa harap ng ibang tao. Pinili niyang manahimik na lang at ipagpatuloy ang pagkain na parang walang narinig kahit na parang papel de liha na ang dila niya habang ngumunguya. Hindi na lang niya ito pinansin kaysa patulan pa ito. Sana lang ay walang masyadong makapansin sa kanila. Baka doon siya mamatay sa kahihiyan.

Naramdaman niya ang pagpihit ni Benedikt sa upuan para harapin ang dalaga. “Hi, Hannah! Nakabalik ka na rin pala mula sa Manila.”

“Yes. I took a flight back after I learned that you are cavorting with that the little tramp of a teacher here. But as you can see, I am good. I am just checking the relief operations here as instructed by my father. Pero sa halip na relief operations, mukhang mas abala pa kayo sa pagsasaya na parang walang lindol na nangyari sa Bohol.” Inilahad ni Hannah ang mga kamay at luminga sa paligid na nakita niya nang bahagya siyang lumingon. “How insensitive.”

Huminga siya ng malalim at saka uminom ng juice. “Excuse me,” usal niya at tumayo saka binitbit ang pinggan at baso niya. “Lilipat lang ako ng kabilang table. Benedikt, sumunod ka na lang sa kabilang table kung tapos mo nang kausapin ang kaibigan mo.”

Akmang maglalakad siya palayo nang pigilan ni Hannah ang braso niya. “Hey! Hindi pa ako tapos makipag-usap sa iyo. Huwag kang bastos.”

Hindi na napigilan ni Maki na sumambulat ang emosyon. “Sa pagkakaalam ko, nagpaalam ako nang maayos. Ayoko lang kasing makinig sa mga reklamo mo na kung umasta ka ay parang pag-aari mo kami. Iniintindi ko ang sitwasyon mo dahil nga nasaktan ka. Ayoko talaga kitang patulan. Pero dahil pinipilit mo ako, gusto ko lang sabihin sa inyo, Miss Marasigan, na mula kaninang umaga pa kami dito. Iyong iba nga dito na yata natulog. Wala ba kaming karapatan na kumain ng masarap kahit kaunti? Napapagod din naman kami at nagugutom. Tapos kung sino ka na lang na pupunta dito habang mukhang kagigising mo pa lang, pusturang-pustura at nakapagpahinga ka sa malambot mong kama buong magdamag at huhusgahan mo kami na insensitive? Kung may higit na nakakaalam ng pinagdadaanan ng mga nilindol sa Bohol, ako iyon. I was there. Kami ni Benedikt. Naranasan naming makulong sa kuweba habang lumilindol. Tatlong araw kaming walang kuryente at tubig at nagtitipid sa pagkain kasama ang ibang evacuees habang wala kaming matulugang matino. Maya’t maya kaming nakikiramdam sa aftershock at nagdadasal na sana hindi pa katapusan ng buhay namin. Naranasan kong bangungutin sa gabi kasi naaalala ko pa rin na nasa kuweba ulit ako at mamamatay na ako doon. Kaya wala kang karapatan na tawagin akong insensitive. Sabihin mo iyan kapag nakapag-repack ka na dito nang ilang sakong bigas o kaya nanakit na ang likod mo sa pagtutupi ng mga damit.”

“Maki, it’s okay. It’s okay,” anang si Benedikt na bigla siyang niyakap mula sa likuran niya. Saka lang niya naramdaman na basa na pala ng luha ang mukha niya. Sa pagkakataong ito nagsama-sama na ang pagod at inis kay Hannah.

Bigla siyang dinaluhan ng mga kasamahan niya. “Huwag naman po kayong ganyan kay Maki. Di naman niya kayo inaano. Di naman po kami nagpapasarap dito,” anang si Marlon sa madiplomasyang boses. “Kahit tanungin mo pa si Mayor.”

Pero walang balak makipagdiplomasya si Candy. “Hoy, anak ni Governor. Huwag mo ngang inaaway ang kaibigan namin. Huwag mong sabihing mayaman ka. Kapag ganitong pagod kami sa kare-repack, mapapatulan kita. Baka naman inggit ka lang kasi may boyfriend siyang guwapo. ‘Yang ka-bitter-an mo huwag mong madala-dala dito. Kung wala kang magawang matino, bumalik ka na lang sa resort mo. Binibigyan mo ng kahihiyan ang sarili mo. Sayang. Akala ko pa mandin may class ka.”

Natigagal na lang si Hannah dahil di nito inaasahan na ganoong uri ng reception ang makukuha nito. Maging ang ibang empleyado ng munisipyo at ibang volunteer ay pinag-uusapan na ito at negatibo ang dating ni Hannah. Di lang kasi siya na pinaringgan nito ang lumalabas na kini-criticize nito kundi maging ibang volunteers na nagpapahinga. Napaurong tuloy ito na parang naguguluhan at di alam ang gagawin.

“Ma’am Hannah, umalis na po tayo,” anang personal assistant ni Hannah na si Mira at hinawakan ang babae sa siko. “Pasensiya na po kay Ma’am Hannah. May pinagdadaanan lang.”

Yumuko na lang si Hannah habang yumuyugyog ang balikat sa pag-iyak. Di na siguro nito alam kung anong mukha ang ihaharap at wala itong nagawa kundi magpatangay sa assistant nito palayo sa munisipyo. She just made a spectacle of herself.

“Salamat kasi di ninyo ako pinabayaan,” sabi niya sa mga kasamahang guro.

“Basta ikaw, Maki. Alam namin na wala kang ginagawang masama,” sabi ni Karen.

“Ano ba naman iyan? Parang teleserye levels pala ang drama mo,” anang si Candy. “Hayaan mo ang babaeng iyon. Kaganda-ganda at kayaman-yaman pero insekyora.”

Tipid na ngiti ang ibinigay niya sa mga ito bago magpaalam na maghihilamos lang saka ilang minutong naglagi sa restroom para ayusin ang sarili. Nang mas mabuti na ang pakiramdam niya ay bumalik siya sa nagrerepake sa hygienic kit section ng relief operations. Walang kibo siya habang nilalagyan ng toothbrush at toothpaste ang mga plastic bag saka ipinapasa sa kasamahan niya.

Nakikita niya ang naiintrigang tingin sa kanya ng mga kasamang volunteer pero di na lang niya pinapansin. Wala namang magkalakas ng loob na magtanong sa kanya dahil nahihiya siguro. Hindi na rin siya inusisa ng mga kaibigan at kasamahan tungkol sa sinabi niya na nasa Bohol siya nang lumindol kahit ang alam nito ay nasa Palawan siya. Mabuti na lang dahil wala siyang planong magpaliwanag.

“Maki, magpahinga ka muna,” untag sa kanya ni Benedikt. “Alas tres na at hindi ka pa rin kumakain ng miryenda mo.”

Isang pilit na ngiti ang ibinigay niya sa nobyo. “Di pa ako pagod at gutom. Marami pa kasing gagawin dito.”

“Kakain ka ba o iuuwi na kita sa bahay?” nagbabantang tanong nito.

“Ma’am Maki, kami na po ang bahala diyan,” anang isa sa mga estudyanteng volunteer na dati niyang tinuruan at nasa college na ngayon. “Kadarating pa lang naman po namin ng mga kaklase ko. Magpahinga na po muna kayo.”

Bumuntong-hininga siya at walang nagawa kundi sumama kay Benedikt. Subalit sa halip na dalhin siya sa garden kung saan sila kumain kaninang tanghalian ay idinala siya nito sa naka-park nitong sasakyan.

Tumigil siya sa paglalakad at maang itong tiningnan. “Akala ko ba hindi mo ako iuuwi?”

“We’ll go someplace where you can relax. Let’s go.”

Wala siyang nagawa kundi sumakay sa SUV na nirentahan nito habang nasa La Reina. Wala sila halos kibuan hanggang makarating sila sa La Reina Cove. Bumaba ito at may kinuhang basket sa likuran ng sasakyan. Saka siya nito ipinagbukas ng pinto. “Dito na tayo kakain. Mas gusto ko dito para tayong dalawa lang. Walang magulo. Walang nakamasid sa mga kilos natin,” paliwanag nito habang naglalakad papunta sa beach. “Okay lang ba sa iyo?”

Tumango siya. “Yes.”

Inokupa nila ang isa sa mga kubo at saka inilabas nito ang bagong bake na tinapay at asado rin na karne na pwede niyang ipalaman. May jam din na nakakatakam. Saka lang siya nakaramdam ng gutom. Di na niya hinintay si Benedikt na ilabas pa ang ibang pagkain at kumuha na siya ng tinapay at nagpalaman ng asado beef para sa kanila ng binata. Nilagyan din niya ng iba’t ibang jam ang iba pa at saka tahimik na kumain. Pinagmasdan niya ang magandang view ng dagat sa harapan niya. Mistulang pilak iyon dahil sa pagkislap ng panghapong araw sa tubig. Na-relax siya nang maramdaman ang malamig na ihip ng hangin at lalo siyang ginanahang kumain. Nakatulong din siguro na dadalawa lang sila ni Benedikt doon at walang ibang mga mata na nakatingin sa kanila; nagtatanong kung ano ba talaga ang nangyari at galit na galit sa kanila ang anak ng gobernador na si Hannah. It was not a good day for her.

“See? Ngayon mo pa sasabihin na hindi ka gutom,” sabi ni Benedikt at binigyan siya ng baso ng pineapple juice. “Masyado kang seryoso sa ginagawa mo. Wala ka namang dapat na patunayan at di mo kailangang patayin ang sarili mo.”

“Nakakainis kasi si Miss Hannah. Gusto ko siyang intindihin. Gusto ko talaga pero sumobra na talaga siya kanina.”

Pumalatak ang binata at hinaplos ang buhok niya. “Hindi mo siya kailangang intindihin. Alam naman ng lahat na ginawa mo ang lahat para makatulong. Mga kasama mo sila.”

Huminga siya ng malalim. “I am sorry. Di ko na siya dapat sinagot-sagot. Di ko na sana siya pinatulan. Sana talaga umiwas na lang ako, no? Sorry if I lost my temper. H-Hindi ko lang kasi masikmura na tapak-tapakan lang ako.”

“It is okay. Tao ka lang. Natural lang ang reaksyon mo. You were traumatized and tired. Wala ka pang maayos na pahinga mula nang umalis tayo sa Bohol. At kahit naman hindi ka magsalita, ako mismo ang sasaway sa kanya. That was way out of line.”

Umupo siya sa tabi ng binata at humilig sa balikat nito. “You won’t think less of me?”

“Never. Kaya huwag mong isipin iyon. Marami kang kakampi. Maraming nagmamahal sa iyo dahil mabuti kang tao. Oras na may gawin na naman sa iyong hindi maganda si Hannah, ako mismo ang kakausap sa kanya para tigilan ka na.”

Noon lang siya totoong ngumiti at yumakap sa baywang nito. “Masarap talagang maging girlfriend ni Benedikt Valenciaga. I love you.”

“I love you, too, my fairy. Kaya ayoko nang aalalahanin mo pa siya at ayoko na ring iisipin mo pa ang sasabihin ng ibang tao.”

Tumango siya at masayang ipinagpatuloy ang pagkain. Hindi ang pag-eeskandalo ni Hannah ang makakapigil sa pagmamahalan nila ni Benedikt. She was ready to battle. At handa siyang ipaglaban ang lalaking mahal niya kahit na anong mangyari.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.