“Handa ka na bang bumalik sa trabaho?” naniniyak na tanong ni Benedikt nang iparada nito sa harap ng La Reina Central Elementary School ang SUV nito. Nag-insist ito na ihatid si Maki dahil iyon daw ang trabaho nito bilang nobyo nito. Ngunit balik na sila sa kanyang trabaho at sa normal na buhay.
“Oo naman. Matanda na ako, Benedikt. Hindi mo na ako kailangang alalahanin.”
“I will miss you.”
Kinintalan niya ito ng halik sa pisngi. “I will miss you, too.”
Pupunta ito sa Cebu sa araw na iyon para personal na i-check ang projects doon at makipagpulong na rin sa ilang opisyales ng Bohol para sa rehabilitation project sa nasalantang lalawigan. Hindi pa rin kasi stable ang sitwasyon sa Bohol lalo na’t sunud-sunod ang aftershocks. Ang ibig sabihin sa patuloy pa rin sa paggalaw ang lupa dahil na rin sa natuklasan na isang bagong fault line.
She had her own aftershocks in life. Ayaw na lang niyang isipin kung ano ang magiging impact ng pagbabalikan nila ni Benedikt. Masyado siyang masaya para mamoroblema. Matapos ang lahat ng hirap at trauma na pinagdaanan niya nang nagdaang linggo, she wanted to cling on that blessing called Benedikt Valenciaga. Mistula itong piraso ng puzzle na nang mapunan na ang puwang ay nalagay na rin sa ayos ang buhay niya. Kahit pa nga sabihin na laging mainit ang ulo ng nanay niyang Lupita dahil sa presensiya ng ama niyang si Franco ay nakikita naman niya na hindi sumusuko ang ama niya sa pang-aalipin ng ina. Malaking bagay na iyon para sa kanya dahil alam niyang dadating ang panahon na lalambot din ang loob nito. Nasasanay na rin kasi ang tatay niya sa kauutos nito.
Akmang bababa na siya ng sasakyan nang pigilan ni Benedikt ang kamay niya. “Just promise me one thing. Gusto ko na anuman ang mangyari, tatawagan mo ako. Hindi ka magsesekreto sa akin kung may masama mang nangyari sa iyo.”
“Oo na,” aniya at pinisil ang pisngi nito. “Mag-iingat ka rin. Baka may ibang girls na…”
“Ngayon mo pa ba ako poproblemahin pagdating sa ibang babae?” magkasalubong ang kilay nitong tanong.
“No. And I want to thank you for that.”
Sinundan niya ng tingin si Benedikt hanggang makalayo ang sasakyan nito. Nakadama siya ng bigat sa dibdib dahil bago pa man siya bumaba ng sasakyan nito ay nami-miss na niya ito. Ito lang ang mahirap kapag in love. Gusto niya na kasama niya ito palagi. Pero hindi naman na siya teenager. May mga responsibilidad sila na kailangang harapin.
And she was looking forward to meeting her students again, specially the members of the voice choir. Excited na siyang buksan sa mga ito ang tungkol sa fund raising project nila para sa Bohol. Pero bago niya sabihin sa mga miyembro ng choir ay kailangan munang ipaalam sa mga kasamahan niya at principal ang proposal niya. Alam niyang di naman tatanggi ang mga ito lalo na’t ang layunin ay pagtulong nila sa mga nasalanta.
Alas sais pa lang ay nasa paaralan na siya kahit na alas siyete pa ang klase niya. Naglinis-linis na siya at may mangilan-ngilan na siyang estudyante na dumating at tumulong sa paglilinis. Ipinapaskil na niya ang visual aids para sa klase niya nang may kumatok sa pinto. “Good morning, Miss Veracruz,” bati ni Robert.
Tumigil siya sa ginagawa at inayos ang mga libro. “O, Robert! Kumusta na?”
Naglakad ito palapit sa mesa niya. “Heto. Dalawang linggo na malungkot kasi hindi kita nakita. Pero masaya na ako ngayon kasi nandito ka.” Mula sa nakatagong kamay sa likuran ay inabot nito ang pumpon ng ligaw na bulaklak. “Para sa iyo.”
“S-Salamat,” aniya at alanganing tinanggap ang bulaklak. Hindi niya alam kung dapat niyang tanggapin iyon lalo na’t nobyo na niya ulit si Benedikt. “I-Ilalagay ko lang sa vase.”
Kumuha siya ng isang malinis na vase na walang laman na isa sa proyekto ng dati niyang estudyante na bigay sa kanya at saka nilagyan iyon ng tubig para hindi masyadong ma-focus kay Robert ang atensiyon niya. Alam na ba nito na may nobyo na siya? Kung alam na nito, ibig sabihin ay ipipilit pa rin nitong manligaw sa kanya? Hindi naman siguro. Ayaw lang sigurong makialam ng mga kasamahan niya kaya di sinasabi dito.
“Na-miss kita. Hindi man lang kita nasundo nang dumating ka. Akala ko kasi kahapon ka pa lang dadating galing sa Palawan. Mas maaga ka palang bumalik.”
“O-Oo. Gusto ko rin kasing tumulong sa relief operations dito. Hindi ka na nakabalik sa munisipyo para tumulong mag-repack ng relief goods.”
“Nautusan kasi ako ni Nanay sa kamag-anak namin sa Camiguin. Sayang kasi pagkaalis ko daw saka ka naman dumating.” Inangat nito ang kamay at akmang hahaplusin ang buhok niya. “Masaya ako na balik eskwelahan na tayo. Magkasama na tayo lagi.”
Bigla siyang humakbang paurong at pumunta sa hilera ng mga desk para kunyari ay ayusin. “Oo. Na-miss ko nga ang mga bata.” Nakita niya ang saya sa mga mata ni Robert sa kabila ng pag-iwas niya. Akala siguro ay nagpapakipot lang siya. Huminga siya ng malalim at hinarap ito. “Robert, may importante sana akong sasabihin sa iyo.”
“Ano iyon? Na miss mo rin ako?” mapaglaro nitong sabi.
Luminga siya sa paligid. Wala naman siyang ibang estudyante doon. Ayaw naman niyang mapahiya si Robert kapag sinabi niya ang totoo. Alam niyang wrong timing dahil sa pagbubukas pa niya ng klase ipapaalam dito na wala itong mapapala sa kanya pero wala naman siyang choice. Ayaw naman niya na umasa pa ito.
“Teacher Robert, bakit nandito ka pa?” anang si Teacher Ezel na nakatayo sa may pinto. “Malapit nang magsimula ang flag ceremony.”
“May importante kasi kaming pinag-uusapan,” sabi ni Robert.
“Ano iyon?” interesadong tanong ni Ezel at isang nagtatanong na tingin ang ibinigay sa kanya. Alam na ni Ezel ang tungkol kay Benedikt pero di niya kayang sabihin kay Robert nang may ibang nakakarinig sa kanila.
“Uhmmm… sasabihin ko sa kanya ang plano kong fund raising event para sa mga biktima ng lindol sa Bohol,” sabi ni Maki at pinagsalikop ang mga palad. “Pakantahin natin ang La Reina Children’s Choir. Sa palagay ko makakakuha tayo ng maraming donasyon.”
“Oo! Magandang idea iyan,” excited na sabi ni Ezel.
“Bakit nga ba hindi ko naisip iyon?” tanong ni Robert.
“Kailangan ko lang sabihin kay Ma’am Teleb ang tungkol diyan mamayang breaktime,” sabi niya. Kahit paano ay nakahinga siya ng maluwag na naisip niya iyon.
“Sasamahan na kitang sabihin ang proposal mo kay Ma’am Teleb,” prisinta ni Robert.
“Hindi na. Ako na lang. May practice pa kayo mamaya,” tutol ni Maki.
“Ako na ang bahala sa mga bata,” sabi ni Ezel at saka nagyaya na ito na pumunta sila sa playground para sa flag ceremony. Dahil tinawag ng kasamahan nilang si Marlon si Robert kaya naiwan silang magkasabay na naglalakad ni Ezel. “Alam na ba niya ang tungkol sa boyfriend mo?”
“Hindi pa. Iyon sana ang sasabihin ko kung hindi ka dumating. Akala ko nga nasabi na ninyo sa kanya.”
Bumuntong-hininga ang babae. “Di namin masabi sa kanya kasi masasaktan siya. Kaya sabi namin ikaw na ang bahalang magpaliwanag sa kanya. Gustong-gusto ka niya.”
“Matatanggap din niya iyon. Makakahanap din siya ng babaeng magmamahal talaga sa kanya. Hindi lang kami ang para sa isa’t isa at mabuti rin siyang kaibigan sa akin kaya ayokong paasahin pa siya. Sasabihin ko sa kanya mamaya pagkatapos ng klase.” Gusto niya pagbalik ni Benedikt ay hindi na nila maging problema pa si Robert. Pinisil niya ang balikat ni Ezel. “Ikaw na ang bahala sa kanya kung sakali.”
Mabuting babae si Ezel. Bagay ito kay Robert. At oras na malaman ng binata na wala itong pag-asa sa kanya, kailangan nito ng isang mabuting babae na magmamahal at dadamay dito.
“KAILANGANG makaisip na tayo ng magandang line up ng repertoire para sa mini concert nila. Kung may iba pang estudyante na gustong mag-participate o ibang eskwelahan, pwede din naman,” sabi ni Maki habang naglalakad sila ni Robert patungo sa principal’s office. “Maganda na habang bata pa sila, makita na ng mga bata dito sa La Reina kung ano ang pwede nilang magawa para makatulong sa iba. Mapagbigay naman ang mga taga-La Reina kaya natitiyak niya na marami silang makukuhang tulong.
“Pwede din tayong magkaroon ng booth para sa gustong magbigay ng donasyon. Sa plaza na lang siguro natin gawin.”
“Okay,” aniya sa suhestiyon ni Robert.
Matiyaga siyang tumayo sa tabi nito nang kumatok ito sa pinto. Alam niya na magiging abala sila kung io-organize nila ang naturang programa pero sa tingin naman niya ay malaking bagay na kumakanta ang mga bata sa La Reina Resort and Spa. Pwede ring i-encourage ng mga ito ang mga bisita sa audience para manood ng concert ng mga ito at mag-donate.
Pinagbuksan sila ng pinto ng sekretarya ng principal. “Mabuti at nandito na kayo. Tatawagin ko rin sana kayo dahil gusto kayong makausap ni Ma’am Teleb.”
“Walang problema. Nandito naman na kami,” sabi Robert.
“Maupo muna kayo.” Kinatok ng sekretarya ang private office ni Mrs. Teleb. “Ma’am, nandito na po si Miss Veracruz at Mr. Bustillos.”
“Papasukin mo sila,” narinig nilang utos ni Miss Teleb mula sa loob.
Naabutan nilang tumatayo ang butihing principal mula sa harap ng computer table nito at lumipat sa mahogany desk kung saan nakapatong ang nameplate nito. “Maupo kayo. May importante tayong pag-uusapan.”
Umupo sila ni Robert sa harap ng matandang babae. “Ma’am, gusto po sana namin na magkaroon ng fund raising ceremony para sa mga biktima ng Bohol. Naisip namin na magkaroon ng mini concert para sa La Reina Children’s Choir.”
“May sariling pangalan naman na po ang choir at dinadayo na rin ng mga turista,” paliwanag naman ni Robert. “Makakapag-promote din po kami sa mga bisita kapag nasa La Reina Resort and Spa.”
“Maganda ang ideya nito dahil malaki ang maitutulong ng mga bata sa mga nasalanta ng lindol pero,” lumungkot ang boses ni Mrs. Teleb at nalungkot ang mukha, “may malaki tayong problema sa La Reina Resort and Spa.”
“Ano pong problema?” kinakabahan na tanong ni Maki.
“Hindi na daw nila pakakantahin doon ang La Reina Children’s Choir,” anang si Mrs. Teleb at bumuntong-hininga. “Katatawag lang sa akin ng PA ng anak ni Governor Marasigan para sabihin na hindi na daw nila kailangan ang serbisyo ng mga bata. Magkakaroon na daw sila ng bagong set ng programa at performers.”
Parang sinaksak ang puso ni Maki. Heto na. Nangyayari na ang kinatatakutan niya na baka balikan siya ni Hannah at ginagamit nito ang mga bata.
“Sandali po. Wala naman kaming ganyang usapan noong nakaraang nag-perform kami doon. Nag-request pa nga sila nang dalawa pang araw noong isang linggo tutal ay sem break naman ng mga bata. Marami daw nagre-request na kumanta ang mga bata,” gulat na wika ni Robert. “Bakit wala silang pahiwatig sa amin?”
“Miss Veracruz, ang balita ko ay nagkasagutan kayo ng anak ni Governor noong isang araw tungkol daw sa nobyo niya na inagaw mo,” malumanay na sabi ni Mrs. Teleb halata sa mukha ng ginang na dismayado ito.