Chapter YSMM 109

Natawa pa si Robert. “Anong nobyo sinasabi ninyo, Ma’am? Wala namang boyfriend si Maki. Galing pa nga iyan sa Palawan para dalawin ang kaibigan niya. Paano naman siya mang-aagaw ng boyfriend ng iba?” Bumaling sa kanya ang lalaki. “Hindi ba, Maki?”

Napalunok na lang si Maki at hindi magawang tingnan si Robert. Hindi ito ang oras para magpaliwanag siya dahil mas malaki ang problema niya kay Hannah. Itinuon lang niya ang atensyon sa principal. “Ma’am, wala po akong inaagaw na nobyo niya. Hindi naman niya boyfriend si Benedikt, in the first place. At kung anuman ang relasyon meron kami ni Benedikt at kung may problema siya doon, di na sana niya idinadamay ang mga bata. Hindi naman na ako ang kasa-kasamang nagpe-perform ng mga bata. Umiwas na nga ako sa kanya. Bakit naman siya ganyan?”

“Pero dahil sa personal ninyong problema ay nadadamay na ang mga bata. Hindi naman kita sinisisi dito, Miss Veracruz. Kilala naman kita at nalaman ko rin sa ibang kasamahan mo kung ano ang eksaktong nangyari sa munisipyo. Dinepensahan ka pa nga nila. Nalulungkot lang ako na nangyayari ito. Malaking tulong sana sa mga bata ang kinikita nila at mukhang maka-cut na rin ang allowance nila.”

Panibagong patalim na naman iyon na tumarak sa puso niya. Ang allowance ng mga bata mula sa gobyerno pati na rin ang scholarship na pangako ng mga ito ay inaasahan ng mga bata at maging ng magulang ng mga ito. Malaking tulong nga naman iyon para sa mga batang galing sa mahihirap na pamilya. Di na kailangan ng mga ito na um-absent para lang magtrabaho nang makapasok sa paaralan.

Malamang ay di lang iyon ang maaapektuhan kundi maging ang iba pang proyekto na facilities para sana sa La Reina Central School. Mas marami na namang mapeperhuwisyo dahil sa personal bendetta ni Hannah sa kanya. Nakakasuka. Hindi talaga niya masikmura ang paraan ng pulitika sa bansang ito. Anong gagawin niya ngayon?

“Huwag mo nang isipin iyon, Miss Veracruz. Marami namang ibang pagkakataon para sa mga bata. Siguro maganda na makapag-focus din sila sa pag-aaral nila at di nila mapabayaan ang academics nila. At tungkol sa fund raising concert na iyan, magtulungan tayo para matuloy iyan. Sige na. Bumalik na kayo sa klase ninyo.”

“Salamat po, Ma’am,” sabi niya at nakita niya na parang tulala si Robert. Tumango lang ito sa principal nila at animo’y zombie na naglakad palabas ng principal’s office.

Nakasunod lang siya dito. Hindi niya alam kung paano ito ia-approach. “Robert…”

Tumigil ito sa paglalakad pero hindi siya nilingon. “Totoo ba boyfriend mo na ang lalaking iyon? Si Benedikt Valenciaga iyon, di ba? Bakit siya ang nagustuhan mo? Dahil ba guwapo siya? Mayaman? Iyon ba ang lamang niya sa akin?”

“Robert, hindi lang naman iyon.”

“Paano mo siya nagawang magustuhan nang ganoon lang kabilis samantalang matagal na kitang mahal? Matagal na akong nanunuyo sa iyo,” angil nito at bakas ang galit sa mukha nito nang harapin siya. “Sana sinabi mo sa akin na ganoon lang pala ang hinahanap mo sa lalaki para hindi na ako umasa. Katulad ka rin pala ng ibang babae. Isang tingin lang sa guwapo at mayaman na lalaki ay iyon na agada ang pipiliin. Akala ko iba ka sa kanila.” Umiling ito. “Hindi rin pala.”

Napapitlag siya dahil masakit ang paratang nito. Parang lumalabas na ganoon siya kababaw na tao. Pero dahil alam naman niya na hindi iyon totoo at nasasaktan lang ang lalaki kaya sinasabi iyon kaya pinalampas na lang niya.

“Robert, sa simula pa lang sinabi ko na sa iyo na isang kaibigan ang tingin ko sa iyo. Ipinagpapasalamat ko naman ang pagmamahal mo sa akin pero di rin ako nagkulang sa pagsasabi sa iyo na baka may ibang babaeng nakalaan sa iyo. Si Benedikt… siya talaga ang lalaki para sa akin.”

“Dahil mayaman siya?” tanong nito sa mapait ba boses at ngumisi sa kanya. “Huwag ka ngang tanga. Paglalaruan ka lang ng mayaman na lalaking iyon. Maki, ano ka ba? Mag-isip ka naman. Huwag puso ang gamitin mo. Wala kang mapapala sa kanya. At nakita mo naman kung anong handang gawin ng anak ni Governor Marasigan para lang makuha ang lalaking iyon. Sa huli iiwan ka rin niya para magpakasal sa babaeng bagay sa kanya.”

“Poprotektahan ako ni Benedikt. Di niya ako pababayaan at lalong hindi niya ako iiwan.”

“Paano ka nakakatiyak? Sige nga.”

Huminga siya ng malalim. “Robert, marami kang hindi alam tungkol sa akin. Bago ako pumunta sa La Reina, ako si Maki Rubella, nag-iisang tagapagmana ng mga Rubella na may chain of resorts sa bansa. Yes, may kaya ang pamilya ko noon. At ako ang babaeng mahal at nakatakdang pakasalan ni Benedikt Valenciaga.”

“A-Ano? M-Mayaman ka?” bulalas nito.

“Dati,” pagtatama niya.

“Anong nangyari?”

“Nalaman ko na hindi pala perpekto ang buhay ko tulad ng inaakala ko. May nalaman akong kasinungalingan sa pagkatao ko. Nalaman ko na nakulong ang nanay ko at sinadya iyon ng lolo ko at ng madrasta ko kalaunan para masira ang pamilya namin. Nagpakasal ang tatay ko sa ibang babae at di niya sinabi sa akin na nakakulong pala si Nanay. Nalaman ko ang totoo nang malapit na kaming ikasal ni Benedikt. Gusto ko na nanay ko ang maghatid sa akin sa altar pero tinutulan iyon ng nanay ni Benedikt. Ayaw din pumayag ng madrasta ko at gusto daw niya ay sila pa rin ni Papa ang humarap bilang magulang ko sa mga tao. H-Hindi ako makahinga nang mga panahong iyon. Ayoko na ng kasinungalingan kaya tumakas ako at hindi ako sumipot sa kasal namin ni Benedikt.”

“Bakit mo tinakasan si Benedikt? Niloko ka ba niya? Sinaktan ka niya?”

Umiling siya at malungkot na ngumiti. “Hindi. Siya ang pinaka-perpektong boyfriend. Wala akong masasabing masama. Sinuportahan niya ako sa lahat. Kahit ang pagpapakasal namin na nanay ko ang maghahatid sa altar sa halip na madrasta ko ay di rin niya tinutulan. At kung may pinakamasakit man para sa akin, iyon ay ang iwan ang lalaking mahal ko para buuin ang pagkatao ko. At sa pag-alis ko, nasira din ang kabuhayan ng pamilya ni Benedikt. Wala siyang ibang minahal kundi ako at ganoon din ako sa kanya. Kahit anong gawin ko, di kayang magmahal ng puso ko ng iba. Hanggang magkita ulit kami dito sa La Reina. Ngayon ay handa na kaming harapin ang lahat ng pagsubok sa amin. Walang nang pwedeng maghiwalay sa amin, Robert. Lalaban na kami. Buo na ako. Buo na ang pagkatao ko. Ako na ang babaeng nararapat para sa kanya. Wala na akong tatakbuhan.”

“Mahal mo talaga siya. Di lang dahil mayaman siya?”

“Maraming mayayamang lalaki diyan pero wala ang character ni Benedikt.” Ginagap niya ang kamay ni Robert. “Hindi ko sinasabi na nakakahigit sa iyo si Benedikt. Alam ko marami ka ring magagandang katangian. Pero may mga bagay na di ko kayang ituro sa puso ko. Iyon ay ang magmahal ng iba. Sana… sana kahit bilang isang kaibigan ay maintindihan mo ako. Wala akong intensiyon na saktan ka o kahit si Miss Hannah. Gusto ko ring humingi ng paumanhin kung nadadamay man pati ang choir dahil dito. Gusto lang naman naming maging masaya ni Benedikt.”

Hindi niya alam kung maiintindihan siya ni Robert o kung huhupa ang galit nito sa kanya pero kailangan niyang sabihin dito ang totoong nararamdaman niya. He deserved to know the truth, after all. Wala siyang ibang maisip na salita na pwedeng magpalubag ng loob nito maliban sa katotohanan.

Mahabang sandali siya nitong pinagmasdan. “Hindi mo kasalanan ang nangyari. Base sa kwento mo, hindi matanggap ni Miss Hannah ang kabiguan niya kaya ginagawa niya ito. Ayokong maging ganoon, Maki. Sa palagay ko naman ay di ako masamang tao dahil lang di ako nagawang mahalin ng babaeng mahal ko. Huwag mong masyadong isipin ang mga bata. Ako ang bahalang magpaliwanag sa kanila. Maaring dismayado sila sa ngayon pero iniipon naman namin ang mga talent fee nila para mai-budget nang maayos. Makakatulong pa rin iyon sa mga dadating na araw.”

“Galit ka ba sa akin?”

Tipid itong ngumiti at pinisil ang balikat niya. “Magiging okay din ako. Basta bigyan mo lang ako ng panahon,” sabi nito at naglakad na palayo sa kanya.

Malungkot na pinagmasdan ni Maki si Robert. Bagsak ang balikat nito at mistulang sundalo na natalo sa giyera. Alam niyang nasasaktan ito at wala siyang magagawa para paglubagin ang loob nito. Nagpapasalamat na lang siya dahil natanggap na nito ang kabiguan nito at may malawak na pang-unawa. Hindi ito nagpatalo sa galit at kabiguan.

Nang salubungin ito ni Ezel at inalok pa ito ng turon na miryenda at saka lang siya ngumiti at naglakad patungo sa klase niya. Magiging maayos din ang lahat para Robert. Tama ito. Kailangan lang nito ng panahon para tanggapin ang lahat.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.