“Maki, kumain na tayo. Gutom na ako,” yaya sa kanya ng kasamahang si Karen. Tanghalian na noon at naglalabasan na ang mga estudyante nila.
“Ayoko sanang sa canteen kumain ngayon. Gagawa pa ako ng lesson plan,” aniya at pilit na ngumiti.
Ang totoo ay ayaw niyang masyadong magpakita sa mga kasamahan. Kumalat na kasi ang balita sa buong paaralan ang tungkol sa paghaharap nila ni Hannah at dama niya ang puno ng kuryosidad na tingin sa kanya ng mga tao. Kahit nga kapag naglalakad siya sa kalye sa kanila ay dama din niya ang tingin na kakaiba ng mga kapitbahay. Kaya naman kung pwedeng huwag siyang magpakita masyado sa maraming tao para makaiwas sa usap-usapan ay gagawin niya.
“Huwag ka ngang ganyan. Magtatampo na kami sa iyo. Ayaw mo na kaming sabayan na mag-miryenda. Siguro ayaw mo na sa canteen kasi may boyfriend ka nang rich,” anang si Candy at sumimangot.
“Uy, hindi! Grabe ka naman. Heto nga magliligpit na ako,” sabi niya at mabilis na iniligpit ang mga gamit.
Ayaw naman niyang magtampo ang mga kasamahan sa kanya. Ayaw niyang isipin ng mga ito na may nagbago sa kanya. Nagi-guilty na nga siya dahil marami siyang itinago sa mga ito pati na rin sa pagkatao niya.
Tinanggap naman ng mga bata at mga magulang ang tungkol sa pagkaka-cancel ng performance ng mga ito sa La Reina Resort and Spa. Mabuti nga daw iyon dahil ayaw naman ng mga ito na mapagod ang mga anak. Bata pa daw ang mga ito at gusto munang mag-focus ang mga ito sa pag-aaral. Masaya na daw ang mga ito sa experience na naibigay sa mga bata dahil mas tumaas daw ang kompiyansa ng mga ito.
Pagdating sa canteen ay umorder siya ng pancit palabok. Sinamahan din sila ng mga nina Marlon, Robert at Ezel kalaunan. “Hi!” bati niya kay Robert. “Kumusta?”
Isang malungkot na ngiti ang isinagot nito. “Okay lang. May softdrinks ka na? Ikuha kita…”
“Hindi na. Okay na. Si Ezel na lang ang ikuha mo,” sabi niya.
Natigilan ito at pagkuwan ay tumango. “Sige.” At saka nagtungo na ito sa counter para umorder ng pagkain nito at para kay Ezel.
Kailangang masanay na ito na di siya masyadong inaasikaso. Alam niya na masakit iyon para sa binata dahil parang patuloy na rejection lalo na’t nasanay na itong lagi siyang pinagsisilbihan, pero kalaunan ay magiging normal na lang dito na di siya asikasuhin. Kung aasikasuhin man siguro siya nito sa susunod ay bilang kaibigan na lang.
“Pssst! Okay lang ba iyon?” tanong ni Candy at tumango sa direksiyon ni Robert na namimili ng o-order-in kasama si Ezel. “Kahapon parang depressed na depressed. Nabasted mo daw kasi sabi ni Ezel.”
“Sinabi ko lang naman ang totoo sa kanya tungkol sa amin ni Benedikt.”
“Ano? Nagalit ba?” tanong ni Karen.
“Noong una masakit para sa kanya kasi nga akala niya gusto ko si Benedikt dahil daw guwapo at mayaman. Pero nang ipaliwanag ko na boyfriend ko na si Benedikt bago pa ako lumipaat dito sa La Reina, natanggap din niya na nagmamahalan talaga kami. Saka alam naman ni Robert na naging mabuti akong kaibigan sa kanya. Sabi niya hayaan ko lang daw siya kasi matatanggap din niya iyan sa takdang panahon.”
Maya maya pa ay nakumpleto na sila at masayang nagkuwentuhan tungkol sa mga nangyari habang nagre-repack sila. Siyempre ay di na binanggit ang tungkol sa pagsugod sa kanya ni Hannah. Iniiwasan ang topic na iyon.
Isang delivery boy ang lumapit sa kanila. “Miss Maria Makiling Veracruz.”
“Ako po iyon,” aniya at itinaas ang kamay.
“Ma’am, may delivery po kami para sa inyo.” At isang malaking basket na dekorasyon na lobo at teddy bear ang ibinigay sa kanya. Natatakpan iyon ng checkered na tela na binuksan lang niya nang makaalis ang delivery boy.
Nakiusyoso na rin pati ibang kasamahan niya. Nang buksan niya ang takip na tela ay tumambad sa kanya ang iba’t ibang klase ng masasarap na chocolates, mini cupcakes na iba’t ibang flavor at fruit gel candies din na pawang gustong-gusto niya.
“Wow!” sabay-sabay na usal ng mga kasamahan.
Kinuha niya ang maliit na teddy bear na may nakakabit na note. Excited niyang binasa iyon. Even when we are apart, you are always in my heart – B
Napangiti na lang siya at dumampot siya ng hazelnut na Dove chocolate na alam niyang madalang mabili sa Pilipinas. “Sige na. Kuha na kayo. Madami naman iyan,” sabi niya sa mga kasamahan at isa-isang dumampot ang mga ito.
Nang matikman niya ang tsokolate na natutunaw sa bibig niya ay napangiti na lang siya at naisip ang magandang ngiti ng nobyo. Inaalala pa rin siya nito. Tatlong araw na ito sa Cebu at sa phone lang sila nag-uusap. Di niya sinabi dito ang tungkol sa panggigipit ni Hannah para makaganti sa kanya gaya ng pag-aalis sa choir sa La Reina Resort and Spa pati na rin ang pagkakaantala ng iba pang school projects sa paaralan. Di na rin niya ikinuwento sa bahay dahil tiyak na sasabihin din ng Papa niya kay Benedikt ang nangyayari. Gusto lang niyang umakto na parang normal kapag kausap ito. Tiyak na mag-aalala lang ito kapag sinabi niya at wala rin naman itong magagawa para baguhin ang sitwasyon. Ayaw na niyang dagdagan pa ang problema ng nobyo dahil marami din itong inaalala sa negosyo.
“Ang sweet naman ng boyfriend mo. Kahit nasa Cebu siya hindi ka pa rin nakalimutan,” sabi ni Candy na mabilis nakapagbukas ng mini cupcake at isinumpak agad sa bibig. “Ang sarap! Chocolate na chocolate.”
“Iba na talaga ang rich,” anang si Ezel na gummy fruits naman ang pinag-initan.
“Hindi ba lasang sabon ang Dove na iyan?” tanong ni Robert habang nakatingin sa talaksan ng mga tsokolate na karamihan ay Dove ang tatak.
“Naiinosentehan ka na naman. Kumain ka nga diyan,” anang si Ezel dito at ipinagbalat pa ang binata saka sinubuan. Napilitan naman si Robert na ibuka ang bibig at sumubo. “O! Lasang sabon ba? Inosente ka sa imported. Sikat sa Middle East iyan.”
Tumango-tango si Robert. “Aba! Masarap nga.”
“Puro ka kasi Chocnut,” kantiyaw ni Marlon dito.
“Ano naman ang masama sa Chocnut? Favorite ko kaya iyon,” depensa ni Ezel.
“Sige. Bibilhan kita mamaya pag-uwi natin,” sabi naman ni Robert at inulan ng tuksuhan ang mga ito.