Natutuwa naman siya para sa dalawa lalo na kay Robert. Mabuti naman at nariyan si Ezel para mas mabilis na maka-recover ang binata.
“Grabe! Totoo ba na kaya hindi na daw matutuloy ang ibang projects dito sa eskwelahan natin ay dahil nang-agaw ng boyfriend ng anak ni Governor Marasigan si Miss Veracruz? Naku! Naturingang teacher hindi man lang nahiya. Tapos napapahamak pati tayong namumuhay nang matino.”
Natigilan si Maki nang marinig ang boses ng isa sa senior teachers doon pero nasa Grade One level. Alam niyang may posibleng sisihin siya sa pagkaantala ng ibang projects doon at baka kahit di niya kasalanan ay sa kanya pa rin isisisi pero di niya inaasahan na may malulupit na mga tao na ipaparinig pa sa kanya ang opinyon ng mga ito.
“Oo nga. Akala ko tatahi-tahimik at disente pero kiri din naman pala. Nakakahiya naman sa pangalan nating mga guro ang isang iyan. Sabagay ano bang aasahan mo? Di naman iyan taal na tagadito sa La Reina. Laking Maynila nga daw iyan kaya iba ang ugali. Tapos basta na lang sumulpot sa bayan natin ang tatay niyan. Baka anak iyan sa labas, no?”
Nanigas ang katawan ni Maki dahil sobra na ang pinagsasasabi ng mga ito.
“Aba! At itong dalawang ito walang pinagkatandaan,” mataray na sabi ni Candy at hinarap ang dalawa.
Pinigilan niya ito sa braso nang akmang susugod. “Huwag mo nang patulan.”
“Wala kasi sa lugar eh!”
Nagulat sila nang lapitan nina Robert at Marlon ang mga ito. “Ma’am, huwag naman po tayong ganyan. Di naman kayo inaano ni Miss Veracruz. Wala namang ginagawang masama ang tao,” sabi ni Robert. “Ano naman ang masama kung nagka-boyfriend siya? Kayo ba ay di nagka-boyfriend noong kabataan ninyo at sinubukan din ninyong ipaglaban?”
“Saka Ma’am, di na kasalanan ni Miss Veracruz kung may mga pulitiko na ginagamit ang kapangyarihan nila para lang manggipit ng kapwa nila. Di ba sila ang mas dapat nating kainisan sa halip na ang kasamahan natin na matinong naghahanap-buhay? Dahil nga sa pulitikong iyan kaya di matuloy ang ibang proyekto natin dahil sa PDAF. Kinurakot nila ang kaban ng yaman habang tao ang naghihirap,” patalumpati na depensa ni Marlon. “Sila ang dapat nating kondenahin. Hindi ang mga taong nais lang maging masaya sa buhay.”
“Saka sino namang may sabi na anak sa labas si Maki?” anang si Ezel na di na mapigilan. “Heredera iyan. Rubella ang totoong apelyido niya. At kundi lang may problema ang pamilya niya noon, di naman iyan mapapadpad dito sa atin para mamuhay nang simple. Puro kasi kayo tsismis. Milyonaryo ang tatay niyan. Baka sa halip na ine-enjoy ninyo ang pension ninyo makalipas ang ilang taon ay naghihimas kayo ng rehas na bakal kapag sinampahan kayo ng kaso ng paninirang puri. Nakakahiya naman iyon dahil mga teachers kayo. Dapat nga sa mga guro nananahimik na lang lalo na’t di alam ang sinasabi.”
“Saka Mrs. Pachengco, alam naman ng buong La Reina ang buhay ninyo. Bago kayo mamintang sa kasiraan ng iba, tingnan muna ninyo ang sarili ninyo,” anang si Candy.
“Umalis na nga tayo dito,” yaya ni Mrs. Pachengco sa kasamahan. “Kung saan-saan na umabot ang usapan. Gusto ko lang naman ng bagong building sa eskwelahan natin. Akala mo naman kung sino ang mga ito.” At saka nagmamadaling lumayo.
“Bakit di natin alam na anak pala ng milyonaryo iyon? Makukulong pa tayo nang wala sa oras,” narinig niyang sabi ni Mrs. Suarez.
“Ewan ko sa iyo. Sasagap ka lang ng tsismis kulang-kulang pa. Ikaw lang naman ang nagkuwento sa akin,” pakli ni Mrs. Pachengco.
Nanlulumong umupo si Maki. Parang kahit ang masarap na chocolate ay di na sapat para pagaanin ang mood niya. “Di na lang sana ninyo pinatulan. Lalala pa ang usap-usapan dito sa eskwelahan.” Parang mababaliw na siya. Sa halip na matahimik ang usap-usapan ay lalo pa siyang magiging tampulan ng tsismis. “Pati pa kayong dalawang lalaki nakisali.”
“Di naman pwedeng di ka namin ipagtanggol,” katwiran ni Robert.
“Saka noong isang buwan pa naman di natuloy ang projects ni Congressman dahil sa PDAF investigation. Ang lagay pati iyon kasalanan mo?” anang si Marlon.
“At naku! Walang mukhang ihaharap sa akin ang Mrs. Pachengco na iyan. Alam ko ang baho niyan dahil siya ang mistress. Ewan ko kung paano siya naging Misis e hindi naman siya pinakasalan ni Mr. Pachengco na kunyari may trabaho sa abroad pero ang totoo ay nasa tunay na pamilya sa Abra. Itsura niya!” anang si Candy. “Pasalamat siya di ko ibinulgar. Isa pa iyang si Mrs. Suarez. Akala mo naman pagkatino-tino ng pamilya. May anak sa pagkadalaga ang anak niya at nagpa-abort pa. O! Di ba mas kahindik-hindik iyon?”
Itinaas niya ang mga kamay. “Salamat sa pagsuporta ninyo pero sana kumalma tayo. Ayoko namang mapaaway kayo dahil lang sa pagtatanggol sa atin. Saka hayaan na natin ang ibang tao sa mga baho nila. Di naman tayo ang klase na dapat pag-usapan ang baho ng iba para lang gumaan ang pakiramdam natin. Kahit naman ganoon ang ugali ng mga kasamahan natin, senior teachers pa rin sila at dapat nating irespeto iyon. Ayokong lumala ang gulo.”
“Tama si Maki. Di lahat ng tsismosa diyan papaliwanagan at papatulan natin,” anang si Karen.
“Sila naman nanguna,” anang si Candy at umingos.
“At least alam na ng lahat na anak ka ng milyonaryo at di ka pwedeng basta-basta kantiin,” nakangisi naman na sabi ni Ezel.
“Sino namang sira ulo ang maniniwalang anak ako ng milyonaryo? Mukha ba akong may magulang na milyonaryo? At sino ang nagsabi sa iyo, Ezel?”
“Ako,” sagot ni Robert. “Wala akong mahingahan ng sama ng loob. Si Ezel lang.”
“Anak ka talaga ng milyonaryo? Tagapagmana ka. Kaloka ka! Ikaw lang ang alam kong rich na tinanggihan ang kayamanan niya para lang maging simpleng teacher sa islang ito na malayo sa sibilisasyon. Ano ba? Kung ayaw mong maging rich, sana ako na lang ang inampon ng tatay mo.” Hinaplos ni Candy ang pisngi niya at balikat na parang isa siyang rebulto ng santo. “Pahipo nga sa anak ng milyonaryo.”
Tinampal niya ang kamay ng kaibigan. “Magseryoso ka nga. Basta ayoko nang may babanggit pa tungkol sa pagiging Rubella ko o sa paiging milyonaryo ng tatay ko.” Lalong walang maniniwala na milyonaryo ang tatay niya na kasalukuyang ginagawang aliping saguiguilid ng nanay niya. “Simple lang ang buhay namin at masaya na kami. Kaya nga ako lumayo sa amin noon kasi ayoko ng buhay na sinusundan ang lahat ng kilos namin at tinitingnan kung dapat kang umakto ayon sa pamantayan ng mayayaman. Mas gusto ko dito sa La Reina. Gusto ko ng tahimik na buhay.”
Dahil sa pagbubulgar ng mga ito sa totoong pinanggalingan niya ay parang mas mabubulahaw ang simple niyang buhay.
“Ganoon din naman. Ginugulo na nila ang buhay mo at nadadamay kami dahil sa ampalaya bitter herbs na Hannah na iyon,” sabi ni Candy.
“At imposibleng mamuhay ka nang simple at tahimik kung ang nobyo mo ay isang milyonaryo. Bilyonaryo pa nga yata,” ayon naman kay Robert. “Di ka pwedeng magtago dito sa La Reina habambuhay. Siguro naman lalo na kapag naikasal kayo kailangan kang sumama sa kanya pabalik sa mundo niya. Handa ka na bang balikan ang mundo na tinakasan mo? Kaya mo na bang harapin ulit ang mga tao na minsan ay sinabi mo nang ayaw mong makahalubilo?”
Iyon ang isa sa mga tanong na iniiwasan niya at dadating ang panahon ay alam niyang kailangan niyang sagutin kapag tinanong ni Benedikt. Hindi basta-basta lalaki ang nobyo niya. He was Benedikt Valenciaga – a billionaire, a figure in the construction world and to maintain his network, he needed a girlfriend or wife who could interact among his peers. Ang mundo na iyon na mapanghusga sa panlabas na anyo – sa ayos ng buhok, sa ganda ng make up, sa suot na designer dress and jewelries, at sa kung ano ang background mo sa buhay; kung karapat-dapat ka bang makihinga sa hanging hinihinga ng mga ito. They would put up their noses on a runaway heiress who decided to live her life in a backward town as a simple public school teacher who didn’t have much money on her name.
At kung babalik siya bilang si Maki Rubella, tiyak na marami ang magtataas ng kilay at di maiiwasang ikumpara siya ng anak ng gobernador na si Hannah. Kahit ano pang sabihing di maganda tungkol kay Governor Marasigan, mas maganda pa rin naman ang reputasyon ng mga ito. Sadyang di nakakalimot ang mga tao sa di magagandang bagay. She was the runaway heiress bride. Scandal followed those whom she left behind. Di gaya ni Hannah na kayang i-maintain ang stature nito sa alta sociedad. She was a true society princess. At sa paningin ng marami, anong panama ng isang simpleng school teacher sa isang resort owner at mula pa sa political scion gaya ni Hannah?
Suminghap siya para sumagap ng hangin na pupuno sa baga niya. Hindi siya makahinga maisip pa lang niya ang naglalakihang mga parties, na bumabaha ng champagne, mga designer clothes and shoes at nagkikinangang alahas. Nahihilo din siya at nanghihina maisip lang niya na kailangan niyang makihalubilo sa mga socialites na ang tanging hanap ay kapintasan ng kapwa nito o kung ano ang mas lamang mga ito sa iba.
“Maki, wala namang kaibahan ang mundo ng mayayaman sa mundo natin. Kita mo nga. Sila Mrs. Suarez at Mrs. Pachengco masayang manlait ng kapwa nila pero sila may baho rin naman. Kita mo na? Sigurado ako wala ring kaibahan iyan sa mga mayayaman. Mas marami lang silang magagandang damit at alahas na ipagmamalaki pero wala rin namang kaibahan iyan dito sa atin,” paliwanag ni Karen.
“Pero mas malupit ang mundong iyon,” malungkot na sabi niya.
“Alam ko kumain na lang tayo. Huwag mo na munang isipin iyon. Baka mag-alala pa ang boyfriend mo sa iyo kapag nakita kang malungkot,” sabi ni Robert at inilapit sa kanya ang palabok niya. “Kain na.”
“Salamat,” aniya at ngumiti sa kaibigan.