Chapter YSMM 113

“Oo na. Walang malisya iyon. Tanda na natin, magkakamalisya pa,” anang tatay niya.

Natawa na lang siya sa kulitan ng mga ito. Nang makita ulit niyang nakahilig sa balikat ng tatay niya ang nanay niya nang magpaalam siya sa mga ito ay di na lang niya tinukso. Ibig sabihin ay komportable na ang mga ito sa company ng isa’t isa.

Sinalubong siya ni Benedikt nang nasa gitna na siya ng buhanginan. Nakasuot siya ng peach na blouse at bulaklaking skirt. “Looking good. Mukhang maganda ang ngiti mo. Anong nangyari?”

“Naabutan ko na nakahilig si Nanay kay Tatay. Iniwan ko na rin silang ganoon. Sa palagay ko medyo nagiging okay na sila. Umaayos na ang lahat.”

“That is good news.” Ginagap nito ang kamay niya. “I have a surprise for you.”

Nang sumampa siya ng yate at pumunta sa deck ay nakalatag na ang picnic basket. May bucket doon na may nakababad na sparkling wine. Pero humalakhak siya nang makita niya kung anong katabi niyon. “Pastel? Isang kahon lang ng pastel?”

“Yes,” sabi nito at inalalayan siya na umupo.

Nanghaba ang nguso niya dahil kalahating dosena lang iyon. “Benedikt, alam mo ban a kaya kong umubos kahit pa isang dosena nito sa isang upuan lang? Bitin naman ang surprise mo.”

“Kung hindi ka busy, pwede mo namang bilhin ang lahat ng pastel na gusto mo. We can go to Camiguin today. May mga in-order akong solar lights at solar panel para maibigay sa mga nasalanta ng lindol. Ilang buwan daw bago maibalik ang kuryente sa ibang lugar.”

“I-Isasama mo ako?”

“Yes. You are already kidnapped.”

At saka lang niya naramdaman na umaandar na ang yate at malayo na sila sa dalampasigan. “Hindi mo naman ako kailangang kinapin, Benedikt. Alam mo naman na sasama ako sa iyo kahit saan mo gusto.”

“Pero alam ko rin naman na marami kang responsibilidad at marami kang inaalala. Sa palagay ko di ka naman sasama sa akin dahil kailangan mong i-consider ang mga iyon. Gusto ko lang kasi na mag-relax ka at wala kang ibang aalalahanin.”

“Benedikt, pupunta ka ba sa Bohol pagkatapos? Isama mo ako. Please?”

He patted her head. “Not yet. Siguro pagkatapos ng fund raising concert ninyo, isasama kita. Sa ngayon ayoko munang isipin mo iyon. Okay?”

Bumuntong-hininga siya. “Wala naman na akong masamang panaginip tungkol sa lindol. Okay na talaga ako.”

Pumihit ito at pilit na sinalubong ang mga mata niya. “Pero may hindi ka pa rin ikinuwento sa akin. Di mo sinabi na inalis na pala ni Hannah ang La Reina Children’s Choir sa resort. Hindi na rin matutuloy ang ibang project ng local government sa La Reina Central Elementary School dahil na rin sa vendetta ni Hannah sa iyo. Araw-araw tayong magkausap pero wala ka man lang nabanggit.”

“Paano mo nalaman?”

“I have my sources.” Hula niya ay ang mga co-teachers niya iyon. Bumuntong-hininga ito. “Tapos sinisiraan ka na pala sa ibang tao at kung anu-anong masasamang sinasabi sa iyo pero wala akong kaalam-alam. Maki, ang usapan natin sasabihin mo sa akin ang lahat ng nangyayari sa iyo, maganda man o hindi.”

Yumuko siya at bumagsak ang balikat niya. “Ayoko kasing mag-alala ka pa. Alam ko naman na marami kang iniintinding trabaho. May kompanya kang pinapatakbo tapos active ka pa sa pagtulong sa mga nasalanta sa Cebu at Bohol. Kaya ko naman ito. Okay lang ako.”

“Hindi iyon okay sa akin dahil parang wala naman akong silbi na boyfriend kung hindi man lang kita mapoprotektahan,” angil nito at tumayo. Madilim ang mukha nito. “Inaapi ka na pero wala man lang akong nagawa para sa iyo.”

“O! Huwag ka nang magalit.” Pinigilan niya ang braso nito at hinila para umupo ulit. “Ikaw lang itong nagsabi sa akin na mag-relax tapos ikaw itong hot na hot.” Kinuha niya ang kahon ng pastel at inabot dito. “Kumain ka.”

“Hindi ako gutom saka kulang pa iyan sa iyo.”

“Basta kumain ka,” utos niya at saka kinuha ang bote ng champagne sa bucket. Sinubukan niyang i-uncork iyon pero kinuha iyon ni Benedikt mula sa kanya at ito na ang nagbukas. Nanatili pa ring madilim ang ekspresyon ng mukha nito nang iabot niya dito ang dalawang kopita para salinan nito ng sparkling wine. Kahit nang uminom ito nga alak ay parang di naman gumaan ang mood nito. “See? Kaya ayokong sabihin sa iyo kasi magagalit ka lang at hindi na gaganda ang mood mo. Anong gagawin mo kung nalaman mo? Susugurin mo si Hannah at si Governor Marasigan? Aawayin mo ba ang lahat ng tsismosa at makakati ang dila dito sa La Reina? Wala ka namang magagawa sa kanila. Sasama lang ang loob mo.”

“Kaya mas gusto mong sarilinin na lang. Maki, hindi na pwedeng katulad ng dati na sinasarili mo lang kapag may nandedehado sa iyo. Alam ko naman na dati wala kang ibang matatakbuhan kundi kayo lang ni Tita Lupita. But I am your boyfriend now. Hindi ko kayang sugurin ang lahat ng umaapi sa iyo, pero kaya kong pagaanin ang loob mo. Makakagawa rin ako ng paraan para malutas ang mga problema mo. Sa scholarship ng mga members ng choir halimbawa. I can help out with that.”

“Really?” excited niyang tanong.

“Yes. Talentado naman sila at masisipag na estudyante kaya walang problema. I will contact the foundation that I am working with tomorrow. Hindi kita pababayaan at ang mga bata. Dapat nga ay sila ang inaalagaan ng La Reina. And I am sure they will shine some more during the fund raising concert.”

Pinaliguan niya ng halik ang binata. “Thank you! Thank you! Thank you! I am so happy for the kids. Sorry talaga kung hindi ko nasabi sa iyo. Ayoko lang talaga na ma-distract ka pa sa trabaho mo.”

“Distract me all you want. That is fine with me. Just promise me that you won’t do that again. Na hindi mo sasabihin sa akin kapag may mabigat kang pinagdadaanan. At tungkol naman sa panggigipit sa iyo ni Governor Marasigan.”

Umingos siya. “Hayaan mo na nga sila. Napapalitan naman na ang di masamang balita tungkol sa akin at sa kanila na nababaling ang pansin ng publiko. Mali naman talaga na dahil sa personal nilang interes ay nanggigipit sila ng public projects.” Salamat sa mga kaibigan niyang nagtanggol sa kanya ay mas naiisip ng mga tao na siya ang walang kasalanan sa isyu. Kung tutuusin nga ay siya ang biktima at ang mga taong-bayan. “Kaya huwag na nating isipin ang isyu na ito. Let’s just watch the sunset and enjoy the wine.”

At wala na siyang ibang iisipin kundi si Benedikt lang.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.