Chapter YSMM 114

Inayos ni Maki ang damit ng mga batang miyembro ng choir. Alas siyete ang simula ng fund raising concert na gaganapin sa plaza ng La Reina. Nang malaman iyon ng ibang paaralan ay nag-participate din ang mga ito. Ang iba ay nagpadala ng kanya-kanyang talent ng mga ito na sasayaw at may solo singers din. Pero ang tampok sa lahat ay ang La Reina Children’s Choir. Libre naman ang concert. Ang tanging bayad lang ay ang relief goods at donasyon na ibibigay ng bawat pupunta.

Hindi lang iyon simpleng fund raising event. Gusto rin nila na maipakita ang talento ng mga kabataan ng La Reina. At ang mga manonood na una siyempre ay ang pamilya ng mga magpe-perform. Marami nang tumango sa kanila. Dahil libre naman ang palabas at donasyon lang ang dadalhin ay umaasa silang mapupuno ang plaza.

Wala silang ginastos sa sound system maging sa bagong damit ng choir dahil si Benedikt na ang sumagot. Napaka-supportive ng nobyo niya sa kanya. Ang totoo ay di niya alam kung paano nito nahahati ang sarili. May negosyo itong inaasikaso, tumutulong pa ito sa mga nasalanta sa Bohol at naka-assist din ito sa kanya. Her friends and co-workers hovered over her protectively when Benedikt was not around. Mukhang may bilin dito ang binata na bantayan siya.

“Kids, huwag ninyong papagurin ang boses ninyo. Kenken, hindi mo kailangang sumigaw. Tinuruan ko na kayo ng tamang pagkanta, di ba?” tanong niya sa mga ito.

“Yes, Ma’am,” anang si Kenken na tuwid na tuwid ang tayo.

Hinawakan niya ang balikat ng bata. “Relax. Hindi ka makakakanta kung naninigas ka. Mas lalo mong hindi mailalabas ang boses mo kung hindi ka magre-relax.”

“M-Ma’am, may I go out?” anito at pinagdikit ang mga hita. “Kasi kanina ko pa po pinipigilan, Ma’am. Sasabog na po. May oras pa ba?”

Tiningnan niya ang relo. May sampung minuto pa bago magsimula. “Sige. Bilisan mo, ha?”

“Salamat po, Ma’am!” anang si Kenken na nagtatakbo agad palabas ng backstage.

Pumalakpak siya. “Kids, baka may gusto pang mag-restroom. May sampung minuto na lang tayo bago magsimula. We will start on time.”

May lima pang member ng choir na lumabas. Sila ang opening ang choir ang aawit ng national anthem at ng panalangin. Kahit siya ay nagsimula ring kabahan. Mas marami silang audience ngayon di gaya sa resort na piling bisita lang ang nakakanood kapag nagpe-perform ito. Umaasa siya na maraming dadating para mas ganahang mag-perform ang mga bata.

Hangos na pumasok sa backstage si Karen. Gaya niya ay nakasuot din ito ng Filipiniana costume. “Maki, may malaki tayong problema. Kokonti pa lang ang tao sa labas.”

“Ano?” bulalas niya at sumilip sa may upuan ng mga manonood. Pilit siyang ngumiti at pinakalma ang kasamahan. “Baka naman na-late lang. Alam mo naman ang mga Pinoy.”

Umiling si Karen. “Ang balita ko nasa La Reina Resort daw ang iba. May pa-bingo ang anak ni Governor ngayon. Itinaon pa niyang may program tayo dito. Siyempre sino ba naman ang tatanggi sa libreng pa-Bingo. K-Kaya… kahit mga magulang ng ibang bata nandoon.”

Naggiyagis ang ngipin niya. Hindi siya makapaniwala na pati ang fund raiser nila sa mga biktima ng lindol ay kakataluhin nito. Pati mismong magulang ng mga bata ay di makakasipot sa program. Nasaktan siya para sa mga ito. Asang-asa kasi ang mga ito sa suporta ng mga kapamilya at kapitbahay. Nakakapanlumo na bingo lang ang tatalo sa mga ito.

“Wala bang pwedeng i-text para sabihin na magsisimula na tayo?” tanong niya at sinapo ang kinakabahang dibdib.

“Kanina pa kami nagte-text sa ibang magulang na nasa bingo raffle. Sabi nila gusto na daw nilang umuwi kanina pa pero ayaw daw silang paalisin dahil wala daw sasakyan. Sinundo daw sila mismo sa mga bahay-bahay nila kaya daw hindi sila nakatanggi. Pagkatapos pa daw ng bingo sila makakalabas. Mga bandang alas otso pa daw. Mahirap nga naman kung maglalakad sila sa gabi at wala namang tricycle man lang na dumadaan sa resort dahil private road daw iyon.”

“Naku! Medyo malayo din ang resort dito. Hindi tayo makakahintay nang ganoon katagal. Sabihin mo sa kanila may susundo sa kanila.”

“E sinong susundo sa kanila.”

“Basta!” Tinawag niya si Ezel para ibilin ang mga bata. Pumunta muna siya sa labas kung saan walang masyadong ingay mula sa magulong backstage. Nakita niya si Benedikt na nasa gilid ng stage at kausap ang naka-Barong Tagalog na si Robert. Hinila niya ang mga ito sa gilid ng plaza. “May malaking problema tayo. Nasa binguhan daw sa La Reina Resort ang ibang mga manonood dito kaya wala pa rin halos tao ngayon.”

“What? Ginawa iyon ni Hannah kahit alam niyang may fund raising event dito?” bulalas ni Benedikt. “That woman!”

“Iyang ex-girlfriend mo talaga kahit kailan,” di mapigilang patutsada ni Robert.

“Hindi ko siya ex-girlfriend,” kontra naman agad ni Benedikt.

Idiniin niya ang palad sa dibdib ng dalawa saka itinulak ang mga ito para maglayo. “Huwag na kayong magtalo. Wala tayong oras para diyan. Kailangan natin ngayong makakuha ng mga sasakyan na susunod sa mga tao. Di daw sila pinapaalis doon hangga’t di tapos ang bingo. May mga sumundo daw sa kanilang mga sasakyan kanina kaya nahiya na daw silang di sumama sa resort. Kaso parang hino-hostage naman sila doon. Delikado namang maglakad sila sa dilim ng gabi.”

“Dadalhin ko ang sasakyan ko at ako mismo ang susundo sa kanila sa resort,” anang si Benedikt. Nilingon nito si Robert. “Tawagan mo ang lahat ng pwede mong rentahan na jeep. Walang problema sa gastos. Ako ang bahala.”

“Ilang tao ba ang susunduin natin?” tanong ni Robert.

“Coordinate with Karen. Siya ang may contact sa resort.” Lalong sumigid ang sakit ng ulo niya nang makita ang mayor ng La Reina na sinasalubong ng principal nila. Alas siyete na ng gabi. Di pa rin sila nagsisimula.

Di nagtagal ay lumapit na sa kanila ang principal na si Mrs. Teleb. “Miss Veracruz, hindi pa ba kayo magsisimula? Alas siyete na ng gabi at nandito na si Mayor.”

“Pero wala pa po kasi ang ibang mga manonood sa atin.”

“Ang lagay paghihintayin natin si Mayor para sa kanila? “ Bumuntong-hininga si Mrs. Teleb. “Nakakahiya naman dahil inimbitahan natin sila dito.”

“G-Gagawa po kami ng paraan, Ma’am. Mga… ilang minuto lang po.”

“Sige. Ayokong mapahiya tayo kay Mayor,” anang si Mrs. Teleb at saka naglakad patungo sa butihing mayor na umupo na sa VIP section.

“Anong gagawin natin ngayon?” tanong ni Candy na host sa gabing iyon. “Maiihi na ako sa kaba. Ayokong maigisa tayo.”

“Play the piano,” sabi ni Benedikt sa likuran niya.

Nilingon niya ito. “What?”

“Play the piano. Marami ka namang kabisadong piyesa. Isa pa, madalang makarinig ang La Reina ng magagaling na piano performers. The piano we have here is great. Put it on good use. Aliwin mo ang mga taong nandito para di sila umalis at di rin mapahiya kay Mayor.” Pinisil nito ang balikat niya. “Tumugtog ka para sa kanila hanggang makabalik ako kasama ang mga tao. Kaya mo bang gawin iyon?”

“Okay,” aniya sa mahinang boses. “Gagawin ko ang makakaya ko.”

Nasa stage na sina Karen at Candy at sinisimulan na siyang i-introduce. Nanlalamig ang mga kamay niya at nakita niya ang mga bata na nakasilip sa may kurtina ng stage. Inaasahan marahil ng mga ito na ang mga ito na ang kakanta pero nakita din niya ang pagkadismaya at pagtatanong sa mga mata ng mga ito nang makitang kakaunti ang tao.

“The kids rely on you, Maki. Make it work,” sabi ng binata at kinintalan ang noo niya. “Umakyat ka na sa stage. Nandiyan na rin sila Tito Franco at Tita Lupita. I am sure matutuwa sila na makita kang tumugtog ulit ng piano sa entablado nang magkasama sila.”

Nabawasan ang kaba niya nang makitang nakaupo ang mga magulang sa mga manonood. Nakita niya ang pagkagulat ng mga ito nang malamang siya muna ang magpe-perform. Alam niyang pamasak lang ang performance niya pero ibibigay niya ang lahat ng galing niya para dito.

She decided to play a Kundiman song instead. Ikaw ang Mahal ko. Noong una ay parang naiinip pa ang mayor dahil di iyon ang inaasahan nito pero kalaunan ay kumakanta na rin ito kasabay ng pagtugtog niya at pati na rin ang mga tao. Nang lumingon siya ay nakita niyang pasakay na si Benedikt sa sasakyan nito. Magpe-perform siya hanggang makabalik ito.

Paunti-unti ay nadagdagan ang mga tao. May mga nagsabi marahil sa mga ito tungkol sa program na iyon sa plaza. May mga tricycle at motor na tumigil para mag-usyoso pera kalaunan ay pumasok na rin sa plaza at nagbigay ng makakaya ng mga ito. Mukhang pati ang mga konsehal at ang pamilya ng mga ito ay na-text na rin ni Mayor kaya nagsidating na rin. And she could see her parents’ proud smile. Magkaakbay pa ang mga ito at naramdaman niya na buo ulit ang pamilya niya. She was back to being that little young girl whose family was perfect and music was something that she could freely do.

Hindi niya alam kung nakailang piyesa na siya hanggang makita na lang niya na sunud-sunod na nagdadatingan ang mga jeep at van sakay ang mga galing sa bingguhan. Tinanguan niya si Ezel na na nakasilip sa pinto ng stage. Hudyat iyon na ihanda na ang mga bata. Pumitlag ang puso niya nang makita si Benedikt na bumaba mula sa kotse nito. He made it. Isang pang masayang kundiman ang tinugtog niya at nang matapos ay sinalubong siya ng palakpakan ng mga tao.

“Ganyan ka-talented ang mga taga-La Reina. At sa maniwala kayo o hindi, patikim pa lang po iyan sa gabing ito,” sabi ni Candy. “Hintayin ninyo na kumain ako ng bubog.”

“Ganoon kalupit?” tanong ni Karen. At nagtawanan ang lahat.

Nang makita niyang napuno ang mga upuan ay alam niyang magiging maganda ang gabing iyon. Tagumpay ang kanilang proyekto.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.