DINUMOG ng mga tao ang mga performers matapos ang fund raising concert at kasama na doon si Maki. Di magkamayaw ang mga taga-La Reina sa pagpuri sa mga batang nag-perform pero naroon ang pagkagulat sa mga ito nang malamang ganoon siya kagaling tumugtog. Kahit ang mayor ng La Reina at ang mga konsehal ay nagpa-picture pa sa kanya. Parang nanonood daw ang mga ito ng concert sa CCP o sa PICC.
Pero ang mas tumatak sa kanila ay ang kwento ng mga magulang na um-attend sa bingo raffle. “Nakakainis talaga, Ma’am. Mantakin mo ang sabi sa amin ay alas tres daw magsisimula at alas sais matatapos. Ang aga-aga kaming sinundo tapos alas singko pasado na nagsimula ang bingo. Ayaw ba naman kaming paalisin,” nanggagalaiting kwento ng nanay ni Kenken na bitbit pa ang mas batang anak nito na sa palagay niya ay tatlong taong gulang lang. “Mabuti na lang po talaga may sumundo sa amin kung hindi ay maglalakad talaga kami papunta dito. Di naman pwedeng hindi namin mapanood ang pagkanta ng mga anak namin.”
“Pasensiya na po, Ma’am. Kaya lang naman kami sumama sa bingohan na iyon dahil gusto naming manalo ng pera at nang may mai-donate naman kami sa mga nasalanta sa Bohol. Kabilin-bilinan kasi ng anak namin huwag daw kaming pupunta nang wala kaming dalang ibibigay sa mga nasalanta. Hindi naman po kami mayayaman kaya malaking bagay po ang mapapanalunan namin sa bingo,” paliwanag naman ni Aling Potenciana na nanay ni Ailyne na hiyang-hiya naman sa kanya.
“Nauunawaan ko po iyon. Mahalaga po ay nakarating kayo at masaya ang mga bata. Nag-enjoy po ba kayo sa palabas?” tanong niya sa mga nanay.
Biglang bumulalas ng iyak ang tatay ni Boogy na isa sa mga nagsayaw sa programa. “Di ko po alam na ganyan kagaling ang anak ko. Napagalitan ko pa siya noong ginagabi ng uwi. Natatakot ako na baka kung anu-anong kalokohan ang ginagawa. Naalala ko tuloy bigla ang kabataan ko.”
“Ang drama naman nitong si Domeng,” anang asawa nito na si Aling Monina. “Pagpasensiyahan po ninyo itong asawa ko. Ganyan talaga iyan. Sana po naman ay makatulong ang mga nai-ambag namin para makatulong sa mga nasalanta.”
“Opo. Malaking tulong po iyon. Ang maliliit na bagay naman po kapag pinagsama-sama ay lumalaki rin,” masaya niyang sabi. Di niya inaasahan na malaki ang malilikom nilang pera kasama na rin ang mga donasyong pagkain at mga gamit.
“Totoo po ba na ilalakad ni Mayor na mabigyan ng scholarship ang mga nag-perform dito?” tanong ni Aling Selma, ang nanay na ang anak ay mula sa high school at may solo performance.
“Kung lagi po silang magpa-participate sa mga training at programs na ihahanda namin, maari po silang maging scholar. Isang grupo po kasi ang bubuuin nila para sa mga performers. Sila po ang magre-represent sa La Reina at ipanlalaban sa mga kompetisyon dala ang pangalan ng bayan natin. Kung magagaling at masisikap po ang mga bata na miyembro ay tiyak po na hindi sila mawawalan ng scholarship,” sabi niya.
Napapalakpak ang ibang mga magulang. “Salamat naman at malaking tulong iyon sa amin.” At ang alam niya ay tutulong din sa Benedikt na magbigay ng pondo para sa mga ito lalo na kung may lalakuhang kompetisyon. Ie-encourage din ng mga ito ang local businesses para tumulong. Magkakaroon din ng lugar para makapag-perform ang La Reina Children’s Choir. Tiyak na dadayuhin pa rin ang mga ito ng mga turista kahit na hindi na sa mamahaling resort nagpe-perform dahil nagkapangalan na rin ang mga ito.
Hindi natatapos ang buhay ng La Reina Children’s Choir dahil lang tinanggihan na ang mga ito ng La Reina Resort and Spa. Nagsisimula pa lang ang magandang bukas para sa mga ito at sa mga batang magiging susunod na miyembro ng grupo. At sa suportang nakuha nila mula sa mayor at sangguniang bayan, di na siya nag-aalala. At nariyan din si Benedikt at ang ibang taga-La Reina na di sila pababayaan.
“Anak, ang galing mo talaga,” tuwang-tuwang sabi ni Aling Lupita at niyakap siya. “Naku! Ipinagmamalaki kita sa mga isinama naming mga turista. Nagsara pa kami ng bar para lang mapanood ka.”
Hinaplos naman ng tatay niya ang buhok niya. “Nakalimutan ko na kung paano mag-appreciate ng musika hanggang marinig kitang tumugtog, anak. Naalala ko tuloy nang makita kitang unang beses na tumugtog sa piano noong baby ka pa. Di ko maintindihan mga pinipindot mo pero parang musika na sa pandinig ko. Masaya ako na nakita ulit kitang tumugtog at sana ay patawarin mo ako sa mga panahong hinadlangan ko ang mga pangarap mo.”
Niyakap naman niya ang ama. “Ayos na iyon, Papa. Tapos na po iyon. Ang mahalaga magkakasama na ulit tayo ngayon.”
“Sinusubukan din naming ayusin ang relasyon namin ng tatay mo. Hindi ko na siya basta-basta aawayin.”
“Kiniss mo na nga ako sa lips kanina,” tukso ng tatay niya.
Pinanlakihan ito ng mata ni Aling Lupita. “Aksidente iyon. Hindi sinasadya. Saka huwag ka ngang maingay diyan. Ang tanda natin. Baka may makarinig pa.”
“One big happy family,” komento ni Benedikt sa likuran nila. “Baka masundan ka na, Maki.”
“Shhh!” saway niya kay Benedikt at humawak sa baywang nito. “Baka magkailangan na naman sila Nanay at Papa. Ikaw talaga.”
“E di bigyan na lang natin sila ng apo,” sabi naman ng binata.
“Apo talaga agad?” natatawa niyang sabi nang mapansin niyang hindi ngumiti ang binata. “Are you serious about that?”
“Yes. But we will discuss that at the right time. No pressure for now.” Luminga ito sa paligid. “It is a successful night.”
“Yes. Maraming salamat sa iyo. Ikaw ang hero ko!” sabi niya at hinaplos ng dulo ng daliri ang pisngi nito. “Kung hindi talaga dahil sa iyo, baka nag-freeze na lang ako kanina. Tapos baka nadismaya ang mga bata dahil di makakarating agad ang mga magulang nila.”
“Di lang naman ako. Lahat ng nandito. See? Mas maganda kapag hindi mo sinasarili ang mga problema, hindi ba? Mabuti pala nakalabas sila ng resort.”
“I talked to Hannah. Wala naman siyang choice kundi pakawalan din ang mga tao lalo na nang sabihin ko na nandoon ako bilang sundo nila. Mabuti nga dumating ako dahil galit na rin ang mga tao.” Bumuntong-hininga ito. “Ano bang nangyari kay Hannah? Nalulungkot ako na nagpapakasira na siya ng ganito.”
“Huwag na natin siyang pag-usapan. Umuwi na tayo.”
“May pagkain sa bar at doon na tutuloy ang lahat ng mga kasamahan ninyo pati ang mga bata. Gusto daw nilang doon na kumain. Ubos na kasi ang pagkain dito. Nauna na nga sila Mayor,” sabi ng nanay niya. “Mukhang wala pa silang plano na umuwi.”
“Nabitin yata sila sa program,” sabi niya pero natuwa din dahil ibig sabihin ay nag-enjoy ang lahat. Mukhang mauulit pa ang ganoong klase ng programa. Sa pagkakataong ito ay wala nang bingo raffle na makakapanlinlang sa mga tao.
“Hindi ba ninyo ako iimbitahan?” tanong ng isang babae na nakatayo sa dadaanan nila.
She looked classy. Parang di nga ito bagay na nakatayo doon sa plaza na napapaligiran ng mga tao na karamihan ay nakapambahay lang. Nakasuot ito ng white wide brim hat na may naka-accentuate na brown ribbon. She was wearing a blue matte jersey and sandals with sparkling gems. Maging ang mga alahas na suot nito ay simple pero halatang tunay na diamante.
She saw that peculiar smile on her painted lips. Kahit na lumipas na ang panahon ay makikilala niya ang mga labing iyon kahit pa sabihing may bahagyang kulubot na ang balat sa paligid niyon. Inangat ng babae ang mukha at tuluyan na niyang nakita ang mukha ng nanay ni Benedikt.
“Mama!” narinig niyang bulalas ni Benedikt.