Chapter YSMM 117

“I hope you will serve me something lighter, hijo. Masyado nang gabi para sa seafood. Baka naman tumaas ang presyon ko. How about salad? Iyon kasi ang request ko sa La Reina Resort at nagpahanda pa si Hannah ng special recipe, just to suit my tastes,” anang si Teresina na parang sinasaksak siya sa dibdib at sinadya pang ipilipit ang kutsilyo.

“Ponyang, may salad ba tayo diyan?” tanong niya sa pinsan kahit alam niyang animo’y napaka-imposible ng demands nito. Saan naman siya hahanap ng salad sa ganoong oras ng gabi. Bukod sa di naman marami ang gulay sa isla na akala mo ay maaani mo agad sa tabi-tabi ay may kamahalan pa iyon.

“May seaweed salad at seaweed soup po kami. Naku! Magugustuhan po ninyo iyon,” excited na sabi ni Ponyang. “Sandali lang po.”

Nanakit naman ang sikmura ni Maki sa gutom dahil nakabantay si Teresina sa bawat kilos niya. Sa huli ay sumuko na lang siya. Kahit na takam na takam siya sa lobster at sugpo ay nagkasya na lang muna siyang kumain ng mainit na seaweed soup. Parang di naman kasi siya pwedeng magkamay sa harap ng matandang babae dahil baka taasan siya ng kilay. Ang nanay naman ni Benedikt ay halos hindi nagagalaw ang pagkain nito.

Nagulat na lang siya nang biglang marinig ang malakas na halakhak nito. Natigilan si Maki dahil sa kanya ito huling nakatingin bago ito tumawa.

“Mama, bakit po kayo natawa?” tanong ni Benedikt.

“Hindi ako makapaniwala,” naiiling nitong sabi at saka inilahad ang mga kamay. Inikot nito ang mga mata sa paligid habang patuloy sa pagtawa. “Iniwan ka ni Maki at hindi siya sumipot sa kasal mo para lang ipagpalit ang lahat ng karangyaan niya sa ganitong buhay? I mean, come on! Nang umalis siya, akala ko naman pupunta siya sa Amerika o sa Europe. Kung maging muchacha man siya doon, at least malaki pa rin ang kikitain niya. Look at this island and her job. Hindi sa minamaliit ko siya. Pero kung aalis man siya sa maayos na buhay, sana man lang pumili siya ng mas higit pa doon. I won’t even blame her if she decided to marry a duke or a count or a tycoon instead.”

“Mama,” anang si Benedikt sa ina na may babala sa boses.

“What? I am just telling the truth. Parang gusto kong mainsulto para sa iyo, anak,” sabi nito at naiiling na dinampian ng tissue ang labi. Mukhang walang balak ang babae na tigilan ang pang-iinsulto nito sa kanya.

“Maayos naman po akong nakakatulog sa gabi, Tita. Hindi nga po ako nakahiga sa malambot na kama o de-aircon ang kuwarto, masaya naman po kami dito ng nanay ko. Nahanap ko po ang katahimikan na hinahanap ko. Hindi ko na po kailangang mamuhay sa kasinungalingan. Hindi nga po siguro ako buhay-heredera ngayon pero mas kilala ko na po ang sarili ko at masaya po ako na malaya kong nagagawa ang lahat ng gusto ko.”

Tinaasan siya ng kilay ni Teresina. “Talaga? Nagagawa mong matulog sa gabi kahit na alam mo kung ano ang konsekwensiya sa di mo pagtupad sa pangako mo?”

Nanigas ang buong katawan ni Maki. That was the final blow. Of course, kahit anong mangyari ay hindi siya makakatakas sa responsibilidad niya sa pagkamatay ng ama ni Benedikt. Kahit pagbali-baligtarin niya ang mundo, siya pa rin ang sisisihin ni Teresina sa huli. Nawalan ito ng asawa. Walang kahit sino ang makakalimot doon. At sa pagkakataong iyon ay di na niya nagawa pang sumagot.

“Mama, mabuti pa ihatid ko na kayo sa La Reina Resort,” anang si Benedikt at inalalayan sa siko ang ina.

Inikot nito ang mga mata. “Finally. I’ve been dying to do that. It is about time. It is a wonderful experience to see you again, Maki. Please tell your parents that I want to thank them for the warm hospitality. And to the other girl as well. Si Pompyang…”

“Ponyang, Ma!” pagtatama ni Benedikt.

“Ano bang pangalan iyon? Who would give their child a name like that?” anito at nauna nang naglakad palabas ng bahay.

Kinintalan siya ni Benedikt ng halik sa noo. “Hintayin mo ako. We will talk.”

May bikig sa lalamunan siyang tumango. “Okay.”

Nang makaalis ang binata at ang nanay nito ay tinakpan na lang niya ang natirang pagkain saka tumuloy sa kuwarto niya. She was tired. Dead tired. Parang di na kayang gumalaw ang katawan niya. Pero ang tunay na pagod niya ay nagmumula sa kaluluwa niya.

Paano niya mapapahinahon ang isang asawang nawalan ng kabiyak dahil sa desisyon niya? Paano niya matitiyak sa isang inang mapagmahal na hindi nagkamali ang anak nito na piliin siya sa pangalawang pagkakataon sa kabila ng di niya pagtupad sa pangako noon?

Natatakot siya. Natatakot siya na baka mawala na naman sa kanya si Benedikt.

HINAPIT ni Maki ang sarong na nakapatong sa balikat niya sa katawan niya. Nangangaligkig siya sa lamig dahil na rin sa hangin mula sa dagat. Hindi niya alam kung gaano katagal na siyang nakaupo sa kawayang upuan sa labas ng bahay nila. Nagsisimula na siyang antukin pero pinipilit pa rin niyang dumilat. Ayaw niyang matulog nang hindi pa bumabalik si Benedikt katulad ng pangako nito sa kanya.

Lumulungayngay na ang ulo niya nang maramdaman niyang may humaplos sa ulo niya. “Anak, ano bang ginagawa mo dito sa labas? Pumasok ka na sa loob. Baka magkasakit ka pa. Saka pinapapak ka na ng lamok dito.”

Kinusot niya ang mata at tiningala ang ina. “Nay, andito na po kayo?” Tumuwid siya ng upo at tumingin sa direksiyon ng bar. “Ang mga bisita po…?”

“Umuwi na sila. Nagsara na kami at alas tres na ng umaga. Ayaw pa ngang umuwi nila Mayor. Masyado atang nag-enjoy. Pwede na daw palang matupad dito ang pangarap niyang maging singer. Sa kanila daw kasi ay di siya makapag-videoke dahil nilalait siya ng misis niya.”

Napangiti na lang siya sa kwento nito. “Hinihintay ko pa po si Benedikt. Ihinatid po niya ang nanay niya sa La Reina Resort. Sabi po niya babalik daw po siya at hintayin ko siya.”

Bumuntong-hininga ito. “Baka hindi na bumalik iyon. Alas tres na ng madaling araw at wala pang alas dose niya ihinatid ang nanay niya sa resort. Malamang doon na iyon matutulog.”

“Nanay!” bulalas niya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.