“Ano naman ang problema kung sa resort siya matulog?”
Humalukipkip siya at nanghaba ang nguso. “Alam naman po ninyo na nandoon din si Hannah na patay na patay sa kanya. Baka mamaya gapangin niya si Benedikt.”
“At sa palagay mo ba ay papayag si Benedikt?”
“Depende po. Baka mahina si Benedikt ngayon at samantalahin niya ang kahinaan dahil pagod,” aniya at iniwas ang tingin. At siyempre ay matinding alas ni Hannah laban sa kanya ay ang nanay ni Benedikt na halatang botong-boto dito. Walang bukambibig kundi Hannah, Hannah, Hannah. Kulang na lang ipagduldulan sa kanya na iyon ang gusto nitong maging nobya ng anak nito.
Natawa na lang si Aling Lupita. “Anak, pagod lang iyan. Pare-pareho tayong pagod. Hayaan mo nang magpahinga si Benedikt dahil malaki ang naitulong niya para maging matagumpay ang fund raising concert ninyo. Kung hindi dahil kay Benedikt, baka kokonti na lang ang nanood. Tiyak na madidismaya si Mayor at ang mga bata.”
“Kaya nga po.” At kasalanan ni Hannah ang lahat.
Kapag ba nalaman nito ang ginawa ni Hannah sa kanya ay magagalit ito sa dalaga o susuportahan nito? Magbabago ba ang isip nito sa kanya. Saka niya naalala ang dati nitong sinabi sa kanya. Na mas gugustuhin na nitong mapunta si Benedikt sa isang babaeng di nito mahal kaysa naman sa babaeng sasaktan lang ito sa huli.
Magaang tinampal ng nanay niya ang noo niya. “Tulog na. Makukurot kita sa singit kapag hindi ka pa natulog.”
“Five minutes na lang po. Tatawagan ko lang siya para tiyakin na okay lang siya.”
“Five minutes o mapapalo kita kahit na sabihin mong matanda ka na.”
“Hindi papayag si Papa,” kontra naman niya.
“Paluin ko pa pati ang tatay mo.”
“How kinky!” kantiyaw niya dito.
Nagdadabog na pumasok ang nanay niya sa loob. Kapag tinutukso niya ito sa tatay niya ay hindi ito manalo-nalo. Nang mapag-isa siya ay inilabas niya ang cellphone mula sa bulsa. Walang kahit isang mensahe doon mula kay Benedikt.
Napilitan tuloy siyang tawagan ito. Kinabahan siya nang nakakalimang ring na ay di pa rin ito sumasagot. Baka naman tulog na. Baka naman di ko na siya dapat abalahin. May tiwala naman ako sa kanya na di siya magpapagapang kay Hannah.
Biglang tumigil ang pagri-ring at narinig niya ang boses ni Benedikt sa kabilang linya. “Hello, Maki. Napatawag ka.”
“H-Hi. Uhmmm… di naman ako mang-aabala. Iche-check ko lang sana kung okay ka lang at safe ka. Di ka na kasi nag-text. Pero kung naabala ko ang tulog mo, pasensiya ka na. Goodnight.”
“No, no, hindi pa ako tulog. Ang totoo nag-aalala nga ako baka tulog ka na kaya hindi na kita tinawagan. Alam ko na pagod ka.”
“N-Nasaan ka?” di niya maiwasang itanong dito.
Pigil ni Maki ang hininga habang ihinahanda ang sarili kapag sinabi nitong sa resort na ito matutulog. Hindi rin niya nito susumbatan kahit na naghintay siya sa pagbabalik nito dahil sa pangako nitong babalikan siya nito. Hindi siya magtatampo. She would be mature about this. Promise.
“Nasa aplaya na ako. Kabababa ko lang ng sasakyan.”
“Saang aplaya?” tanong niya.
“Malapit sa bahay ninyo. Sa yate ako matutulog.”
“Sa yate ka matutulog? Hindi sa resort?”
“No. Mas komportable ako kung alam kong nasa malapit ka lang. Sige. Goodnight!”
“S-Sandali. Pupuntahan kita,” aniya at nagmamadaling bumaba ng upuan. Binuksan niya ang gate at lumabas.
“Hey! Hindi na kailangan. I told you to…”
Nakita agad niya ang nag-iisang pigura sa tabing-dagat sa tulong ng ilaw ng bombilya na nakahilera sa buhanginan. “Nakita na kita.” Tumakbo siya at parang naestatwa lang ang binata habang nakatingin sa kanya at hawak pa ang cellphone sa may tainga. “Benedikt!”
Niyakap niya ito ng mahigpit at muntik na itong matumba. Hinawakan nito ang baywang niya bilang balanse. “Hey! Sabi ko naman sa iyo na matulog ka na. Lumabas ka pa sa bahay nang mag-isa. Malamig na dito.”
“Kasi kanina pa kita hinihintay sa harap ng bahay. Sabi mo kasi hintayin kita kasi babalik ka.” At hindi siya kumalas sa pagkakayakap dito.
Bumuntong-hininga ang binata. “Bumalik ka na sa bahay at matulog.”
“Lumipas na ang antok ko.” At saka tumingala dito at ngumisi. “Kahit five minutes lang, mamaya ka na matulog.”
“Okay.” Inalis nito ang jacket at inilatag sa buhanginan. Umupo siya sa ibabaw ng jacket at tinabihan siya nito.
Humilig siya sa balikat nito. “Thank you for coming back.”
“Bakit naman hindi ako babalik? Iyon ang pangako ko sa iyo.”
“Naisip ko kasi na baka late na at mas gusto ni Tita Teresina na doon ka na matulog sa resort. Saka mas komportable ka naman doon kaysa sa yate mo.”
Hinaplos nito ang buhok niya. “Yes. Gusto niya na doon nga ako matulog sa resort pero mas gusto ko na malapit lang ako sa iyo. Gusto ko paggising mo alam mo na nasa malapit lang ako at di mo ako hahanapin sa kung saan-saan. Hinintay ko na lang matulog si Mama para makaalis na ako. Pasensiya pala kung nagulat ka na lang sa pagdating niya at kung may di siya magagandang nasabi sa iyo.”
“Naiintindihan ko naman. Matindi ang pinagdaanan ninyo dahil sa kagagawan ko. Nawala si Tito Malvar dahil sa akin,” malungkot niyang usal.
“Akala ko ba napag-usapan na natin iyan na wala kang kasalanan?”
“Hindi naman iyon ang paniniwala ni Tita. Si Hannah ang gusto niya para sa iyo.”
Bakit nga naman siya gugustuhin ni Teresina para sa unico hijo nito? Malaking gulo ang idinala niya sa pamilya nito. Nawala sa mga ito ang mga bagay na di na niya maibabalik pa kahit na kailan.
“Bigyan mo lang ng panahon si Mama. Kita mo naman dati parang ayoko nang maging parte ka pa ng buhay pero sa huli di ko rin napigilan ang sarili ko. I am sure magkakasundo din kayo lalo na’t makikita niya kung gaano ako kasaya sa iyo.”
“Talaga?”
Pinagsalikop nito ang mga palad niya. “Come on. No more negative thoughts. Babalik na ako bukas sa Manila kasama si Mama. Nag-alala lang talaga siya sa akin dahil sa nangyari sa Bohol nang abutan ako ng lindol.”
Bumuga siya ng hangin. Isa pa iyon sa nagpapabigat ng loob niya. Magkakalayo na naman sila ni Benedikt. May negosyo itong pinapatakbo kaya naman di pwedeng lagi na lang ito sa La Reina kahit pa gustuhin nilang laging magkasama. “Kailan ka babalik?”
“How about you come to Manila next week?”
“Dadalawin kita?”
“Ang totoo iniimbitahan ka ni Mama na pumunta sa party niya next week. Para naman daw maipakilala ka niya sa lahat bilang girlfriend ko ulit.”
“T-Talaga bang idea niya iyon?” naniniyak niyang tanong. Kung tingnan kasi siya nito kanina ay parang hindi siya ang tipo na iimbitahan nito sa magagarbong parties. At parang di na rin naman siya komportable sa magagarbong okasyon.
“Oo naman. Sinabi niya sa akin kanina na dapat lang maipakilala na kita sa lahat. You see, willing naman siya na mag-reach out sa iyo. Tapos na ang fund raising concert. Wala na ring gig ang mga bata sa La Reina Resort at pwede nang iwan kay Ezel ang piano accompaniment ng choir. You are free. Are you coming with me to the party? You know that I’ve been dying to tell the whole world that we are back together again.”
“Yes,” excited niyang sabi at yumakap sa leeg nito. “Gusto ko.”
Nakadama siya ng pag-asa. Siguro nga ay kailangan lang niyang bigyan ng panahon si Teresina para matanggap siya. Sino pa ba siya para ipagkait iyon sa ina ng lalaking mahal niya kung ito mismo ay handa siyang salubungin sa gitna?