Halos hindi maihakbang ni Maki ang mga paa nang makita si Teresina na kumakain ng agahan sa ilalim ng malaking payong sa garden ng hotel. Kundi pa siya igiya ni Benedikt na nakahawak ang isang kamay sa baywang niya ay baka hindi siya umusad. Ayaw niyang umusad.
Matapos ang masayang gabi sa piling nito ay nagawa niyang kalimutan ang lahat – ang pangmamata sa kanya ng ibang tao, ang kahihiyan pati na rin ang pagkadismaya sa kanya ng ina ni Teresina. Nakalimutan niya iyon sa init ng bisig ni Benedikt.
Pero paggising niya kinaumagahan ay alam niyang kailangan niyang harapin ang realidad. At kailangan niyang ihanda ang sarili sa paghaharap nila ni Teresina. For Benedikt’s mother, she was a huge disappointment.
“Ma, sorry we are bit late,” anang si Benedikt at kinintalan ng halik sa pisngi ang ina. “Kailangan pang ihanda ni Maki ang mga gamit niya para sa flight niya mamaya.”
“I don’t mind,” sabi ni Teresina na mukhang maganda ang mood. “Good morning.”
“G-Good morning po, Tita,” mahina niyang usal at naestatwa na siya sa kinatatayuan.
“Sit,” utos ni Teresina sa kanya at bahagya lang siyang sinulyapan. “Kanina pa naghihintay ang agahan ninyo.”
“How’s the party?” tanong ni Benedikt sa ina.
“Oh! You missed a lot, hijo. It was a raving success. The presidential sisters even visited us. Would you believe that? Sayang nga at umalis ka na agad. Maraming bisita ang naghahanap sa iyo,” sabi ni Teresina.
Iwinaksi ni Benedikt ang kamay. “Hindi naman po ako kailangan doon. Ang mahalaga ay naging successful ang launching ninyo. You are the queen of the night. Kayo po ng iba mo pang business associates. Mas gusto ko na naka-focus ang limelight sa inyo. If I want to do business with other guests, I can easily do that some other time.”
Pinisil nito ang pisngi ni Benedikt. “How sweet of you, hijo.” Lumipat sa kanya ang atensiyon ng babae. “How about you, hija? Nag-enjoy ka ba?”
“O-Okay naman po…”
Ipinagpatuloy ni Teresina ang pagkain at di man lang siya sinulyapan nang magsalita. “Halos hindi ka nakikipag-interact sa mga guest. You should know that you are also representing Benedikt. You should start working on your own network…”
“Mama, hindi natin inimbita si Maki sa party na iyon para mag-network. It is not her job. Gusto ko po na mag-enjoy siya sa party,” giit ni Benedikt.
“I am merely citing the opportunitiy for her to connect with old friends and new ones. Kung magiging parte siya ng pamilya natin, dapat malaman niya kung paano ang sistema ng negosyo. Kung ano ang responsibilidad niya lalo na kung magiging parte siya ng pamilya. Unless she wants to runaway from her responsibilities… again.”
Pakiramdam ni Maki ay nalimas ang dugo sa katawan niya. Nakakapanlambot. Hindi talaga sasayangin ni Teresina ang pagkakataon para ipaalala sa kanya ang pagkakamali niya noon.
“Mama…” saway ni Benedikt dito.
“Hindi na bata ang nobya mo, Benedikt. Di tulad dati na bata pa siya, pwede ko pa siyang pagbigyan. Kung seryoso siya sa iyo, dapat niyang harapin ngayon pa lang kung anong pwede niyang magawa para sa pamilya. If she will be your wife, hindi lang ang sweldo niya kinsenas-katapusan ang iintindihin niya at kung paano niya mapapakanta nang maayos ang ilang daang bata. No. Mas malaki ang responsibilidad niya sa iyo at sa pamilya natin at sa lahat ng kompanyang hawak natin pati na rin sa mga taong umaasa sa atin. Stop treating her like she is made of glass and she might break anytime. Maki is made of a sterner stuff.”
Hindi niya alam kung dapat niyang tanggapin iyon bilang papuri kung galing kay Teresina. Pero tama naman ito. Oras na para harapin niya ang katotohanan.
“Benedikt, it is okay. Tama naman ang mama mo. N-Naiintindihan ko siya. Ngayon, higit sa lahat ay naiintindihan ko kung anong posisyon mo at nire-represent mo. At kung ano ang pwede kong maitulong,” aniya at pilit na ngumiti. Nauunawaan niya ang posisyon ni Teresina. Kung ano ang kahulugan ng maging nobya ni Benedikt Valenciaga.
Hindi niya problema iyon noon. She breathed the same air with the altas then. Nariyan lang ang lahat ng koneksyon na kaakibat ng pagiging isang Rubella. Not anymore. She was starting from the bottom. At ngayon lang niya nakita ang magiging lugar niya sa relasyon nila ni Benedikt. Hindi lang tungkol sa pag-ibig ito.
“Hindi mo naman kailangang madaliin ang sarili mo,” nakakaunawang sabi ni Benedikt.
Alam naman nito na hindi madali na mag-rebuild ng network, lalo na’t marami ngayon ang nakakaalam sa simpleng buhay niya nang nagdaang mga taon. Kahit pa sabihing mayaman pa rin ang ama niya, di pa rin iyon sapat para sa iba na tanggapin siyang muli sa sirkulong iyon.
Yumuko si Maki. “I am sorry, Tita. Sorry din po kung naiwala ko ang sapatos ninyo. Hindi ko naman po gusto ang nangyari.”
Umismid lang si Teresina. Halatang di ito nasisiyahan sa simpleng sorry niya. Sobrang bigat ng pakiramdam niya. Ano naman ang magagawa niya para mawala ang galit nito sa kanya? Di nga niya naibalik ang sapatos nito.
Ginagap ni Benedikt ang kamay niya. “Never mind, Maki. Nakita na ang sapatos.”
Biglang nawala ang bigat sa dibdib niya. “T-Talaga?”
“Oo. Nakita sa CCTV na may kumuha. Isa sa huling kausap mo. Si Marsha. Mukhang napunta sa paanan niya ang sapatos. Nakita na may pinulot siya at nakita sa CCTV na dala niya ang sapatos nang pasimple. Nakatago sa ilalim ng shawl niya. Mabuti na lang naharang namin siya at ang mga kasama niya. Kundi niya sinabi kung nasaan ang sapatos mo, ipapakulong talaga namin siya. It was found in one of the big pots at the ballroom.”
Nakahinga siya ng maluwag sa wakas at napausal ng pasasalamat. “Naku! Ipinagdasal ko talaga na mahanap iyon.” Mariin siyang pumikit at pinagsalikop ang mga palad saka umusal ng dasal ng pasasalamat. Sasakit talaga ang ulo niya kung di iyon nahanap.
“Hindi mo naman kailangang pagbantaang ipapakulong sila Marsha, hijo. They are family friends. At kaibigan din daw nila ni Maki. It was just like a… welcome prank,” kaswal na sabi ni Teresina na parang di big deal ang pamamahiya sa kanya ng babae samantalang sa kanya ay galit na galit ito.
“Mali pa rin iyon, Mama. Hindi nakakatuwa ang biro nila,” naniningkit ang matang sabi ni Benedikt. “Sa susunod na ulitin nila iyon, hindi nila magugustuhan ang mangyayari.”
Hinawakan niya ang braso ni Benedikt para senyasan ito na kumain na. Ayaw niyang magtalo pa ito at ang ina nito dahil sa pagtatanggol sa kanya.
Maya maya pa ay lumapit sa kanila si Luli dala ang tablet nito. “Ma’am, naka-upload na po sa website at mga blog ang tungkol sa launching natin kagabi. Bidang-bida po sina Sir Benedikt at Ma’am Maki. Bagay na bagay daw sila.”
“Let me see,” anang si Teresina at walang ngiti sa mukha nang tingnan ang mga larawan. “These are good. Good.” Walang buhay ang tono nito.
Inilabas ni Benedikt ang cellphone nito at nag-search sa Google. Nahigit niya ang hininga nang makita ang larawan nila ni Benedikt sa isang blog kung saan kalong-kalong siya nito. It was sexy and romantic. Funny even, lalo na’t in-emphasize pa ang pagkawala ng sapatos niya. They were the celebrated couple of the night.
“Ma’am, gusto daw po ng isa sa marketing manager natin na gawin daw concept ang nangyari kagabi kay Miss Maki,” kinikilig na sabi ni Luli. There was a dreamy look in her eyes. “Na hindi na kailangan ni Cinderella ng sapatos. Pupunta siya sa party ng nakayapak at mai-in love na sa kanya ang prinsipe. At kahit tapos na ang midnight, di pa rin siya pakakawalan. Isn’t it romantic?”
Narinig niya ang paghalakhak ni Benedikt sa tabi niya. “Nice one. Nice idea. Pero sa palagay ko dapat may cut ako diyan…”
Siniko niya ang nobyo at binigyan ito ng nagbababalang tingin. Alam niya ang ibig nitong sabihin. That the power of that perfume would last all night; isang bagay na pinatunayan ng binata kagabi. “Behave.”
Kung matutuloy ang commercial na iyon, tiyak na laging mag-iinit ang mukha niya lalo na kapag ginamit ang tagline ni Benedikt.
“Well, we can discuss that on the next meeting. Thank you.” Isang tipid na ngiti ang ibinigay ni Teresina kay Luli nang ibalik ang tablet dito. “Malapit na ang birthday ni Benedikt. Maghahanda na kami para sa party niya. I want you to help me out, Maki.”
“P-Po?” tanong niya at gulat na lumipad ang tingin sa ina ni Benedikt.
“Yes. Meet up with me next weekend. Makikipag-meeting tayo sa events coordinator. Matutuwa si Benedikt kung magiging parte ka ng event na ito. Kaya mo ba?”
“O-Opo,” aniya at tumango. Kakayanin niya. Magandang pagkakataon ito di lang para mapasaya si Benedikt kundi para maipakita niyang pwede siyang asahan ni Teresina. “Thank you po.”
“Thank you, Maki,” wika naman ni Benedikt at kinintalan siya ng halik sa noo. “I am really grateful that you will be a part of my birthday. Ito na ang pinakamagandang regalo ng Diyos sa akin ngayon taon. Na magkasama ulit tayo.”
“Me, too.” Masaya siya dahil hindi niya inaasahan na isasali siya ng ina ni Benedikt sa preparation para sa kaarawan ng binata. Wow!
“So I will see you again next week?” tanong ni Teresina.
Tumango siya. “Opo.”
Alam niya na hindi pa siya lubusang pinagkakatiwalaan ni Teresina, pero binibigyan naman siya nito ng pagkakataon para mapalapit dito. Di niya sasayangin ang pagkakataon na iyon.