Chapter YSMM 124

“PATTY, okay lang ba ang itsura ko?” tanong ni Maki sa sekretarya ni Benedikt matapos niyang tingnan ang sarili sa compact mirror.

Tumirik ang mga mata ng babae na abala sa pagtse-check ng Instagram nito. Sinundo siya nito sa airport at papunta na sila ngayon sa mansion ng mga Valenciaga para sa meeting nila ni Teresina sa paghahanda sa kaarawan ni Benedikt kasama ang events coordinator.

“Ma’am Maki, paulit-ulit na lang ang tanong ninyo. Parang sirang plaka naman kayo. Maganda na nga kayo. Kayo na ang diyosa. Gusto ba ninyo magpa-survey tayo sa lahat ng pedestrian at motorista na kasabay natin kung maganda nga kayo? Kayo na ang girlfriend ni Benedikt Valenciaga. Kayo na ang bonggang nakapaang prinsesa. You are back to the world of the rich and famous.”

Naging usap-usapan ang presensiya niya sa launching ng bagong collection ng Sweet Dreams Perfume ni Teresina. Tinawagan pa siya ni Luli para tanungin kung gusto niyang maging endorser ng perfume line ng mga ito pero tawa lang ang isinagot niya. Gusto daw kasing ma-capture ng mga ito ang sandali kung saan binuhat siya ng nakapaa ni Benedikt. She was the modern Cinderella now. A runaway princess recaptured by her prince. Kahit sa maliit na isla ng La Reina ay usap-usapan na rin siya dahil nakita daw siya sa internet.

Ang totoo ay natatawa lang siya sa sitwasyon dahil parang mula sa pagiging api sa party na iyon ay nag-iba ang tingin ng lahat sa kanya. It was surreal for her. Nang bumalik kasi siya kay Benedikt, di naman niya naisip na mabubulabog ang tahimik niyang mundo. She was used to it. Used to having Benedikt beside her and enjoying her serene life. Pero ngayon ay tumawid na siya pabalik sa mundo nito at nag-iba na ang lahat.

“Ang gusto ko lang malaman ay kung sa palagay mo ba magugustuhan ni Tita Teresina ang ayos ko,” sabi niya at hinaplos ang nakapusod na buhok. Namili din siya ng isa sa dress na binili ni Benedikt sa kanya na alam niyang elegante at magmumukha siyang presentable sa paningin ng ina ni Benedikt at sa harap ng maraming tao. Inaral din niyang mabuti sa internet ang makabagong style ng pagme-make up para di naman siya mapag-iwanan. It was really crazy. Mas matindi pa ito kaysa sa pagtatangka niyang i-please ang dati niyang madrasta.

Umasim ang mukha ni Patty. “Naku! Kahit kayo pa ang nanalong Miss Universe, kapag ayaw sa inyo ng isang tao, bubutasan at bubutasan kayo. Alam naman ninyo na mainit sa inyo si Madam. Overprotective iyon sa kanyang unico hijo.”

“Ginagawa ko naman ang lahat para magustuhan niya ulit ako. Saka nag-e-effort naman si Tita na mapalapit sa akin at maging bahagi ako ng buhay nila ni Benedikt. Hindi naman niya ako ipinagtatabuyan.”

“Sana nga, Ma’am. Basta mula nang mamatay si Sir Malvar, parang iba na siya sa nakilala ko.” Nagkibit-balikat ito. “Mabait naman siya. Pagdating lang kay Sir Benedikt minsan nakasunod pa siya sa lahat ng kilos lalo na nang bumalik na kayo.”

“Intindihin na lang natin. Si Benedikt na lang ang natitira kay Tita.”

Marahil ay iniisip nito na nawala na nga ang asawa nitong si Malvar dito dahil sa kagagawan niya ay mawawala na rin si Benedikt dito dahil sa kanya. Maaring matagalan pa ito lalo na’t halos walong taon na damage ang kailangan niyang i-repair.

Dumating siya sa mansion ng mga Valenciaga eksaktong alas diyes ng umaga gaya ng usapan nila. Parang walang nagbago sa lugar na iyon nang huli siyang tumapak doon. “Si Madam Teresina ang mag-isa dito pero madalas naman siyang may mga bisitang kaibigan. Katulad din niya na biyuda na o kaya ay hiwalay na sa asawa. Mabuti nga marami na siyang kaibigan ngayon mula nang mamatay si Sir Malvar. In-encourage siya ni Sir Benedikt na lumabas-labas. Kasi noong buhay pa si Sir, buhay ni Madam umikot na sa asawa niya. Mabuti nagka-oras na siya sa sarili niya. Ngayon papunta-punta na silang magkakaibigan sa ibang bansa para magbakasyon o kaya ay mag-shopping.”

Tumango lang siya at napansin niya ang ilang makabagong paintings na nakasabit doon. Nalaman din niya mula sa kwento ni Benedikt na mula nang mamatay si Malvar ay saka lang naengganyong mag-invest si Teresina. She was good at it. Matagumpay ang cosmetics line nito at ang art gallery.

“Ma’am, hinihintay na po kayo ni Madam sa balkonahe,” sabi ng isang kawaksi na lumapit sa kanila. Bagong kawaksi iyon at hindi niya kilala.

“Maiwan ko na rin kayo, Ma’am Maki. Kailangan ko pang habulin ang meeting ni Sir Benedikt sa Tagaytay Highlands. Ihinatid ko lang talaga kayo dito,” anang si Patty. “Okay lang ba kayo na iwan dito?”

Natawa na lang siya dahil mukhang mas kabado pa ito kaysa sa kanya. “Oo naman. Hindi naman ako kakainin ni Tita.”

Pinisil nito ang kamay niya. “Good luck talaga, Ma’am.”

Pagdating sa balkonahe ay naroon na si Teresina kausap ang isang payat na bading na mahaba ang kulot na buhok. “Good morning, Tita. Late na po ba ako” tanong niya.

“You are just on time, hija,” sabi nito nang humalik siya sa pisngi nito. “This is Val, the events director for Benedikt’s birthday. And this is Maria Makiling Veracruz-Rubella, Benedikt’s girlfriend.”

“The barefoot heiress,” nakangiting sabi ni Val nang kamayan siya. “Now I know why Benedikt can’t forget you. Kaya naman pala di niya pinansin ang alindog ko.”

Natawa na lang siya dahil sa pagiging masayahin ng events coordinator. Mukhang magiging magaan ang trabaho niya kung masayang kausap ang makakatrabaho niya.

“May buko yema at yemang ube po pala na niluto si Nanay,” aniya at ibinigay ang kahon ng pasalubong kay Teresina.

Tinawag naman nito ang kawaksi para kunin ang dala niya. “Salamat, hija. Maupo ka. Malamang ay napagod ka sa flight mo. Hindi pa naman tayo nagsisimula dahil may hinihintay pa tayo. Gusto mo bang makita ang pictures ni Benedikt nang mga nakaraang birthday niya?”

“Opo,” sabi naman niya at ibinigay sa kanya ang album ng mga pictures sa mga nagdaang birthday ng binata nang lumipas na limang taon.

Maya maya pa ay nakarinig sila ng ugong ng sasakyan. “She’s here.” Tumayo pa si Teresina para salubungin ang bagong dating. Sino kaya iyon? Isang malapit na kaibigan ng babae na tutulong sa preparation ng birthday? Isa sa amiga nito?

“I am here, Tita!” narinig niyang sigaw ng isang babae. Hindi pang-matanda ang boses na iyon. As a matter of fact, it was young and too familiar.

Sinalubong ito ni Teresina ng yakap. “Oh, Hannah! Finally you are here. Akala ko talaga hindi ka makakarating.”

“Tinapos ko po agad ang meeting ko sa Quezon. Si Papa kasi ayaw pa akong pakawalan. And I brought your favorite buko pie. Nag-request talaga ako ng bagong bake.”

“Thank you, hija. You are the sweetest thing.” Pakiramdam niya ay kinukutkot ang dibdib niya habang nakikita ang interaksiyon nina Hannah. Parang anak na ang turing nito sa dalaga, katulad sa kanya dati. “Come. Of course, you know Val and Maki.” Hinuli ng matandang babae ang mga mata niya. “Maki, I hope you don’t mind if Hannah is here. Bago pa siya pumuntang Brazil ay napaki-usapan ko na siya tungkol dito. She even adjusted her schedule to accommodate us. Siya kasi ang nakakaalam ng mga gusto ni Benedikt. Mas madalas silang magkasama nitong nagdaang mga taon.”

“I don’t mind at all, Tita,” aniya at kahit na parang winawarat ang puso niya ay ngumiti siya. “She is Benedikt’s good friend after all. Alam ko na matutuwa si Benedikt kung magiging parte din siya ng pag-o-organize sa party.”

Naglabanan ang mga mata nila ni Hannah. Alam niyang sinadya iyon para paglabanin sila. And she was a willing participant. She didn’t care. Siya ang nobya ni Benedikt. Siya ang pinili ng binata. Walang kompetisyon doon. She won right away hands down.

“We don’t have a theme this year yet,” sabi ni Val na nilalaro ang touchpen ng tablet nito. “Any suggestions, ladies?”

“Hmmm… have you tried the James Bond theme?” tanong niya at inikot ang mata sa paligid. “Ang alam ko mahilig si Benedikt kay James Bond. I remember watching James Bond movies with him before.”

Pumitik ang daliri ni Val. “That is a nice and sexy idea. Benedikt Valenciaga as James Bond. Hindi pa iyan nagagawang theme sa party niya.”

“No!” kontra agad ni Teresina. “I… I abhor guns.”

“It is expected that he likes James Bond. We want something different for him. Hindi niya inaasahan na pwedeng maging theme for his birthday,” sabi naman ni Hannah at binuksan ang tablet nito. “Wait. I wrote some notes here. Hmmm… how about the 1920’s with all the flair of jazz? We can have casinos and guys can dress up as gangster. Gusto ni Benedikt ang 1920’s na movies.”

“That is a lovely idea, my dear. Very brilliant,” sabi ni Teresina.

Inilahad ni Val ang kamay habang ini-envision ang ideya nito. “Sa palagay ko ay mas kakaiba ang James Bond theme. Pwedeng dumating si Benedikt ng party venue sakay ng flashy James Bond Car or…”

Binigyan ito ng nagbababalang tingin ni Teresina. “I think the 1920’s theme is much better. Hindi ka ba nakikinig sa amin ni Hannah?” iritadong tanong nito.

“Of course, Madam. Mas bagay nga po ang 1920’s.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.