Chapter YSMM 125

“Any more suggestions?” tanong ni Val sa kanila nang mailista na nito ang lahat ng napag-usapan para sa party ni Benedikt.

Isang iling na lang ang isinagot ni Maki. Gusto na lang niyang matapos ang meeting na iyon, ang araw na iyon. Drain na drain ang pakiramdam niya kahit na wala naman siya halos ginawa na kapaki-pakinabang para sa mga ito. Walang kahit katiting na idea niya, ni suggestion ng klase ng toothpick na gagamitin sa event ay inaprubahan ni Teresina.

Too outdated. So out of theme. Not classy enough. Too childish.

Bawat suhestiyon niya ay may pintas ito at si Hannah. Di yata mauubusan ng mga ito ng di magandang komento sa kanya o kaya ay kung bakit ayaw ng mga ito sa suggestion niya. Nakakapagod pala na mag-isip pero ni walang katiting na pagpapahalaga sa kanya. Mas mahirap na ngumiti lang buong maghapon kahit sa puso niya ay gusto lang niyang magmukmok sa isang tabi at umiyak. Tinitiis lang niya dahil baka nga naman hindi ‘classy enough’ ang suggestion niya o baka talagang ‘outdated’ na ang ideas niya dahil matagal na naman na talaga siyang di nakaka-attend sa mga sosyal na events. Sa loob ng halos isang dekada ay nagkasya na lang siya sa simpleng buhay sa isla na ang party ay nagkakasya na sa plaza or hardin ng mga bahay na binakuran ng nilalang dahon ng saging, konting tugtugan at mga ginupit-gupit na crepe paper ay ayos na.

Kahit naman noon ay di siya mahilig makihalo kapag nag-o-organize ng party si Santina. Napipilitan lang siyang mag-suggest dahil inuutos nito. Akala naman niya ay sapat nang alam niya kung ano ang gusto ni Benedikt. Di rin pala. She felt like a worthless girlfriend. Hindi siya maasahan sa importanteng araw ni Benedikt.

Nanlalambot na siya nang yakapin siya ni Val para magpaalam. Tinapik nito ang likod niya. “Its okay. We can discuss that James Bond theme next year. Who knows, you might be Mrs. Valenciaga by then. Ikaw na ang masusunod.”

Napangiti na lang siya sa pagpapalakas nito sa loob niya. Alam siguro nito kung gaano kahirap ang pinagdadaanan niya. “Thank you. Thank you very much, Val.”

Nang mga oras na iyon lang niya naramdaman na may kakampi siya kahit na paano. Alam naman niyang nag-effort din si Val na tulungan siya na umangat ang ideya niya kundi lang masyadong firm si Teresina na ang ideya ni Hannah ang masusunod.

Nang mawala si Val ay nakadama na naman siya ng kahungkagan. Out of place siya sa kwentuhan nina Teresina at Hannah tungkol sa mga bago sa kung anu-anong bagay na may kinalaman sa fashion at sa society scene and events. Nagkasya na lang siya sa pagbabasa ng magazine kahit wala naman siyang naiintindihan.

Pasimple siyang nag-text kay Benedikt. Mababaliw siya kung hindi niya gagawin iyon. Wer r u?

Traffic. C u in 30 min or so.

Thirty minutes? At hindi pa sigurado iyon dahil sa traffic. Mababaliw na talaga siya. Gusto na lang talaga niyang makaalis doon.

“Excuse me, Tita, Hannah. I will just freshen up,” sabi niya at tumayo.

“Okay,” anang si Teresina at nagpatuloy ng pakikipag-kwentuhan kay Hannah. Kung pwede lang talaga ay magbabad siya sa restroom at lumabas na lang kapag nandoon na si Benedikt. Naghilamos siya at nag-apply lang ng powder sa mukha. Mas gusto ni Benedikt na fresh siya kapag nagkita sila nito.

Nang lumabas siya ay wala pa rin si Benedikt saka naman niya naulinigan ang aktibidades sa kusina. Naroon ang mga kawaksi at nagtutulong-tulong sa paghahanda ng miryenda. “Magandang hapon po.”

“Magandang hapon po, Ma’am,” sabay-sabay na sagot ng mga ito.

Inilagay niya ang mga kamay sa likuran. “Ano pong niluluto ninyo?”

“Vigan empanada po.”

“Pwede po bang tumulong?” tanong niya.

“Naku, Ma’am. Hindi po pwede. Girlfriend po kayo ni Sir Benedikt,” angal ng matandang babae na siya yatang head cook doon.

“Kaya po mas dapat akong matuto. Marami-rami po kasi akong gustong malaman kay Benedikt ngayon dahil matagal din po kaming di nagkita,” sabi niya at sa wakas ay pinabayaan siya ng mga ito na tumulong sa kusina.

Nag-enjoy siyang kakwentuhan ang mga bagong kawaksi sa mansion ng mga Valenciaga. Pawang bago na pala ang mga ito. Sa saya ng kwentuhan nila ay nakalimutan na niya ang oras. Mas gusto pa niyang kausap ang mga ito tungkol sa mga kwento ng teleserye o kaya ay tungkol sa bago ngayon sa balita. At nalaman din niya kung ano ang mga bagong paboritong kainin ni Benedikt bukod sa dati na niyang alam. Nangako ang head cook na si Aling Lita na ibibigay sa kanya ang recipe.

“So, dito ka lang pala nagtatago,” narinig niyang sabi ng boses ni Benedikt sa bungad ng kusina.

Nagulat pa siya na nakita ito habang nakasandal sa gilid ng pinto. “Benedikt!” tili niya at patakbo itong sinalubong ng yakap. Bigla siyang kumalas ng yakap dito nang maalala na baka amoy Vigan empanada siya na maraming bawang. “Ooopps! Sorry. Amoy bawang ako.”

Kinabig siya nito ng yakap at isinubsob ang ilong sa buhok niya. “You smell good enough to eat. I miss you.”

“I miss you, too,” aniya at ipinikit ang mga mata.

Kung anuman ang naramdaman na pagod at sakit ng kalooban niya sa buong araw na iyon ay naglaho nang maramdaman niya ang init ng yakap nito. He was the only one who could fix everything up and make it okay. Hindi niya maisusumbong dito ang sama ng loob niya at ang mga nangyari sa kanya maghapon. Hindi na kailangan, Okay na okay na siya.

“Naku! Nakakainggit naman ang dalawang ito,” sabi ni Aling Lita.

“Nang-aabala lang pala kayo dito sa kusina,” anang malamig na boses ni Teresina na sumunod na pala kay Benedikt.

“I am just fetching my girlfriend, Ma. May reservation kami sa Mango Bar for dinner,” sabi ni Benedikt at ikinawit ang kamay sa baywang niya.

She was looking forward to that actually. Buong linggo ay wala siyang pinangarap kundi ang magkasama sila ulit ni Benedikt at mapag-isa. Gusto niyang masolo lang niya ang atensyon nito. And she badly needed that right now.

“Hijo, it is just 3pm. Do you really have to go?” tanong ni Teresina na may halong pagtatampo.

“I… I just miss Maki. We need some time alone.”

“Dito na kayo magmiryenda. Nagpaluto ako ng Vigan empanada. Besides, gusto kang makausap ni Hannah. It is about a new investment.”

Nagtatanong ang mga mata ni Benedikt nang tumingin sa kanya. “It’s okay,” sagot niya dito at tumango. Kaya naman niyang tagalan ang presensiya nina Hannah at Teresina basta nandoon si Benedikt.

Hindi na masyadong tensiyonado si Maki habang nagmimiryenda. Si Benedikt mismo ang nagsasali sa kanya sa usapan, sa mga topic na alam nitong kaya niyang lumahok. Hindi na nagawang i-manipula nina Teresina at Hannah ang usapan. Natahimik pa si Hannah nang kumustahin sa kanya ni Benedikt ang La Reina Children’s Choir pati na rin ang imbitasyon sa mga ito sa ibang bayan sa lalawigan at karatig-probinsiya. Hindi nga lang nila masyadong tinatanggap ang lahat ng imbitasyon dahil kailangan pa ring maging priority ang edukasyon ng mga bata. Mas humaba pa ang pananahimik ni Hannah dahil na rin sa naikwento niya ang tagumpay ng relief operations sa Bohol at ang planong pagpunta doon ng mga bata sa isang linggo para aliwin ang ibang nasalanta. Hindi na ganoon kadalas ang paglindol at mahihina na rin ang mga pagyanig kaya mas safe nang bumiyahe doon.

“Benedikt, pwede bang makausap ka na? May investment kasi ang ninong ko at si Papa sa Sarangani. A surfing resort. Kasosyo pa niya si Manny Pacquiao,” sabi ni Hannah. “Ikaw ang ini-recommend ko.”

“Thank you, Hannah.”

“Can we discuss the details? Tayong dalawa lang,” mariin nitong sabi na gusto nitong masolo ang binata. “It is business after all.”

Natensiyon agad siya. Ito lang at si Hannah ang mag-uusap? Parang hindi yata niya iyon gusto. Naramdaman ng nobyo niya ang pag-aalala niya. Pasimple rin nitong hinawakan ang kamay niya at pinisil; animo’y tinitiyak nito na wala siyang dapat ipag-alala.

Benedikt gave her a polite smile. “Pwede bang sa ibang araw natin iyan pag-usapan, Hannah? It is weekend. I am not supposed to work anymore. Importante lang talaga ang meeting ko sa Tagaytay Highlands kaya ko pinagbigyan si Mr. Kim. From now now on, I want to relax. Pwede naman nating pag-usapan ang tungkol diyan sa ibang araw. How about you drop by my office or send the details to my secretary.”

“O-Okay,” napipilitang sabi ni Hannah. Ngumiti pa rin ito pero nahagip ng mga mata niya ang pagkadismaya sa mga mata nito.

“Hijo, para namang ibang tao si Hannah. Gasino ba namang pag-usapan ninyo saglit?”

“I want to spend quality time with my beautiful mother, my girlfriend and my friend. Kaya ayoko po munang pag-usapan ang trabaho,” malambing na sabi ni Benedikt at ngumiti sa ina. “May tamang oras para sa trabaho.”

“You are different now,” puna ni Hannah habang matamang tinititigan ang binata. “Masyado ka nang laidback. Samantalang dati wala kang iniisip kundi trabaho at kung paano mo mapapalawak ang kompanya mo or kung anu-ano pa ang bagong projects na pwede mong ma-acquire.”

“You mean I am not a machine anymore? I guess that is a good sign. Kapag pala nabingit sa kamatayan ang buhay mo, mare-realize mo na hindi mo madadala ang pera mo sa hukay. You will realize that you should spend more time with the people you love most. Hindi mo rin dapat sayangin ang mga panahon na pwede mong makasama sila dahil maigsi lang ang buhay. I am just glad that Maki is back in my life. Kaya kung magagawa ko siyang makasama nang mas matagal at di makakasagabal ang trabaho ko, gagawin ko iyon. Of course, same goes with Mama. Masyado na lang siyang nasanay na lagi kaming nag-uusap tungkol sa negosyo at lahat ng opportunities ay gusto naming i-grab. I guess that is my fault dahil hinawahan ko siya sa pagiging workaholic. Pero magbabago na iyon.”

“Hijo, I enjoy discussing about business. I enjoy running my own company. It relaxes me. And I think it is still quality time. Saka hindi naman na ibang tao si Hannah,” depensa naman Teresina.

“Basta! You should also relax, Ma. Go out on a date sometimes,” pilyong suhestiyon ni Benedikt at minasahe ang balikat ng ina.

Napasinghap si Teresina. “Benedikt! Ano na lang ang sasabihin ng Papa mo?”

“That maybe you should start finding new love soon. How about I set you up on a date? Para naman may mag-aalaga sa inyo…”

“Hindi mo na ba ako aalagaan dahil may girlfriend ka na?” nakaismid na tanong ni Teresina saka nagtaas ng kilay sa kanya nang pasimple siyang sulyapan. Parang kasalanan niya kung sakaling mapabayaan ito ng binata.

“Of course, aalagaan ko kayo lagi. Kailan ko ba kayo pinabayaan, Mama?” tanong ni Benedikt at tiningnan ang relo. “We have to go, Mama.”

Biglang tumayo si Teresina. “Hindi ba ninyo kami sasamahan ni Hannah na mag-dinner? Plano namin ni Hannah na pumunta sa bagong Mediterranean restaurant sa The Fort.”

“I am planning a more intimate dinner with Maki this time. I hope you understand.”

“Benedikt, pwede naman tayong mag-stay kung gusto mo. Pwede natin silang isama sa dinner,” sabi niya kay Benedikt.

“Maki, my mom got you the whole day. Siguro naman di na masama kung masolo kita. Say goodbye,” nakangiting sabi ni Benedikt.

“Tita, aalis na po kami,” sabi niya at humalik sa pisngi ni Teresina.

Wala man lang ipinakitang giliw ang babae sa kanya. Nanatili lang mariing magkadikit ang labi nito. Harap-harapan talaga nitong ipinakita kung gaano katindi ang disgusto nito sa kanya. Hindi lang kasi basta ni-reject ni Benedikt ang pagtatangka nitong ilapit muli ang binata kay Hannah. Parang banta pa siya sa relasyon ng mag-ina.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.