Chapter YSMM 128

NAGISING si Maki mainit na hininngang kumikiliti sa tainga niya. “Maki, wake up. You have to get up now.”

Umungol siya at bumaling paharap sa nobyo. Yumakap siya sa leeg nito habang nananatiling nakapikit. “I don’t want to get up yet. Matulog muna tayo,” lambing niya dito at inangat ang ulo para pabirong kagatin ang leeg nito.

“Maki, we don’t have time to play. Bumangon ka na at maligo. You have an hour to prepare so we can attend the bienvenida party of my mom’s friend. Matagal daw na nag-stay sa Europe at gusto akong makita uiit pati ng mga anak nila.”

Sumimangot siya nang bahagya niyang imulat ang mga mata at nakitang nakasuot na ito ng long sleeve polo shirt at necktie. Nakahanda na talaga itong umalis para sa kung saang party sila pupunta. Party na naman. Tuwing nasa Manila siya ay walang iba siyang ginawa kundi mag-party, pumunta sa events at makihalubilo sa mga business associates nina Benedikt at Teresina.

Wala na nga siyang panahon halos para masolo si Benedikt o lumabas kasama ito nang silang dalawa lang kundi pa niya gagawan ng paraan. Kundi siya pumupunta ng Manila para tumulong na mag-asikaso sa nalalapit na birthday party nito, wala silang ginawa kundi um-attend ng parties at events kung saan parang isang dumi ang tingin sa kanya ng mga tao na dapat palisin. Mas gusto na lang niyang manatili sa condo nito nang sila lang dalawa.

Hinatak niya ang kurbata nito. "Benedikt, pwede bang wag na tayong pumunta sa party."

Nagsalubong ang kilay nito. "Why?”

“I am tired. Really, really tired."

Exam week nang nagdaang linggo. Bukod sa paggawa ng test paper at pagre-review ay sinabayan na rin niya ng pagko-compute ng grades para periodical exam na lang ang poproblemahin niya at ii-input sa records niya.

It was hell week. Ang periodical exam ay evaluation di lang ng mga estudyante kundi maging ng mga guro kung gaano karami na ang naituro nila sa mga estudyante at naintindihan ng mga ito. Wala siya halos pahinga dahil nang weekend na iyon ay lumuwas siya ng Maynila para na naman makasama si Benedikt.

Pagkasundo pa lang sa kanya ng binate sa airport ay tulog na siya sa sasakyan kaya hindi na siya nakasama sa pag-aasikaso sa birthday ng binata. Hindi na niya kayang makipag-plastikan kina Hannah at Teresina. Baka basta na lang siyang mag-collapse.

Buong araw lang silang magkasama ni Benedikt sa condo nito nang wala siyang ibang iniisip kundi silang dalawa lang. It suited her just fine. Dahil sa unang pagkakataon na tumapak siya sa Maynila ay nasolo lang niya ang binata. She thought things would last the whole weekend long, until this. Nakatakda na naming masira ang magandang araw niya.

Umungol si Benedikt bilang pagtutol. "Maki, we can’t just stay here. Importante na nandoon tayo. Kanina pa nga tumatawag si Mama dahil marami daw planong investment ang kaibigan niya at interesado daw sa construction and property business. I can’t let an opportunity like this pass. So get up now. Baka magtampo na si Mama dahil hindi na nga tayo nakasama kanina kahit sa lunch date man lang.”

Parang pinipiga na naman ang baga ni Maki maisip lang niya na makakaharap muli niya si Teresina at alam niyang nagpapanggap lang ito na magkasundo sila. Na nagpapanggap lang ang mga taga-alta sociedad sa interes sa kanya pero sa huli ay gusto lang siyang hilahin ng mga ito pababa.

Bumagsak ang balikat niya at yumuko. "Ayaw nilang nandoon ako. I... They don't like me. I… I don’t belong there, Benedikt."

Umupo ito sa tabi ng kama at ginagap ang kamay niya. “Sino naman ang aayaw sa iyo? Come on. You are a nice person. Paanong di ka nila magugustuhan?”

“Sabi mo lang iyan pero hindi lahat ng tao na kakilala mo ay ganoon ang paniniwala,” aniya at sumibi.

"Marami doon ang may gusto sa iyo."

Isinuklay niya ang daliri niya sa mahaba niyang buhok. "Kapag kasama lang kita saka sila mabait sa akin. Kapag wala ka na sa tabi ko, they look at me like I don't deserve to be there. Some tell me in a not so few words. Pero di naman ako istupida o manhid. I am unwelcome there. Ayoko ng ganoong klaseng crowd. Wala naman akong ginawa kundi pakisamahan sila ng maayos. You know how unkind they are. Alam mo kung gaano sila kagaling magbalat-kayo. Mga ganoong klaseng tao talaga ang ayokong makasama."

Hindi na niya kayang kimkimin ang lahat ng pinagdadaanan niya sa kamay ng nagpapakilalang kaibigan ng mga Valenciaga. Hindi niya ito kaya nang mag-isa. Masyado nang mababa ang pakiramdam niya sa sarili niya at di na niya kaya pang magpanggap sa harap ni Benedikt na okay lang siya.

Niyakap siya nito. “I am sorry, sweetheart. I didn’t know that. Hindi mo naman kasi sinasabi sa akin.”

“Nagtitiis lang naman ako para sa iyo. Kundi lang dahil sa iyo, ayoko talagang pumunta dito sa Manila o makihalubilo sa iba.” Mas gusto niyang manatili na lang sa Isla La Reina. Mas gusto niya na doon lang sila ni Benedikt dahil doon naman sila masaya.

“Maki, hindi naman kita pababayaan. Hindi ka rin pababayaan ni Mama. Nandoon naman siya. Siya ang bahala sa iyo. Ibibilin kita.”

Nanlamig ang pakiramdam niya nang mabanggit nito si Teresina. Humiga siya at bumaling patalikod dito. “Mas gusto ko na lang talaga dito. Ayoko talagang mag-party. Masama ang pakiramdam ko.”

Mama nga nito ang pangunahin niyang problema. Ito mismo ang tumitiyak na miserable ang bawat sandali na makakasama niya ito. Alam niya na habambuhay din niya itong kailangang pakisamahan kung gusto niyang makasama si Benedikt. Pero ayaw naman niyang lagging magpabugbog na lang dito. Kung pwedeng iwasan na lang niya si Teresina para hindi na sila magkakontrahan ay gagawin niya.

She was tired and in a vulnerable state. Mas madaling ma-trigger ang emosyon niya kapag di maganda ang pakiramdam niya. Kung hindi na lang siya basta iiyak ay baka masagot-sagot niya ang matandang babae at makalimutan niya ang pinag-aralan niya. Ayaw niya ng ganoon. Ayaw niyang magkaroon ito ng panibagong bala para sabihin kay Benedikt na di siya karapat-dapat o bagay sa binata.

Gusto sana niyang sabihin kay Benedikt kung paano din siya tratuhin ng ina nito pero pinili na lang niyang palampasin. Ayaw niyang magtalo ang mga ito. Nag-iisang magulang na lang ni Benedikt si Teresina. Kaya mas mabuting umiwas na lang siya.

Bumuntong-hininga ang binata at hinalikan ang pisngi niya. "Hindi kita mapipilit kung ayaw mo. Magpahinga ka na lang.”

Puno ng pag-asa niya itong hinarap. “Are you staying with me? Hindi ka na ba tutuloy sa party?”

Malungkot itong umiling. “I would love to. Pero nangako ako kay Mama. Hindi naman ako pwedeng magsabi na masama din ang pakiramdam ko. Ikaw lang ang pwede kong bigyan ng excuse. I am sure you understand.”

"Benedikt..." aniyang akmang aapela pa dito pero pinatahimik siya nito nang mariin nitong halikan ang labi niya.

There was a naughty glint in his eyes when his lips left hers. "Babalik ako agad. After that, solo mo na ako. Magpahinga ka na dahil pagbalik ko…” At saka siya nitong kinindatan.

Isang halakhak ang pinakawalan niya. Iyon lang ang gusto niya – makasama si Benedikt sa sarili nilang mundo.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.