Chapter YSMM 129

"MAKI, ibu-book ni Patty ang flight mo. I am so excited to spend some time with you again. Plano ka ring isama ni Mama na mag-shopping dahil isasama ka daw niya sa isang fashion show. Matagal-tagal ka na daw na hindi makakasama. I told her that I have to consult with you first about it. You have nothing to worry about shopping for clothes. It was sweet of her to take care of the rigid shopping for you. She misses you a lot. So do I.”

Bumuntong-hininga na lang si Maki habang nakapamaywang paharap sa dagat. Gabi na noon at kadarating lang niya galing sa paaralan mula sa practice ng choir ng mga bata. Abala sila sa paghahanda para sa Christmas party ng mga teacher sa buong La Reina kung saan aawit ang La Reina Children’s Choir. Imbitado din ang mga bata sa Christmas program ng munisipalidad ng La Reina para sa mga empleyado at isa pang Christmas concert na alay sa mga lahat ng taga-La Reina.

Buong linggo na siyang abala dahil hindi biro ang pag-eensayo nila. Kailangan din niyang asikasuhin ang mga klase niya at tutukan din ang pag-aaral ng mga ito. Miyerkules pa lang noon pero pagod na pagod na siya. Hindi na niya kailangan ng panibagong stress na haharapin niya kung luluwas pa siya ng Maynila para lang makipag-sosyalan kasama ang ina ni Benedikt. Malamang ay gagawa na naman ito ng pagkakataon para ibaba ang self-esteem niya. No, thank you. Hindi siya ganoon kamasokista.

“Pwede bang huwag tumuloy? I am really tired these past few days. Masyadong maraming ginagawa dito sa La Reina. Ni hindi na nga ako makapag-compose ng kanta o makatugtog sa keyboard pagdating ko dito sa bahay. Kakain lang ako, gagawin ang lesson plan at saka matutulog. Masama ang pakiramdam ko."

“May sakit ka? Nagpatingin ka na ba sa doktor?”

“Hindi na kailangan. Sa palagay ko kailangan ko lang magpahinga. Kaya pasensiya na kung hindi ako makakaluwas ngayon.”

"I understand,” anito sa mahinang boses. “Parang kasalanan ko pa kung bakit nagkasakit ka dahil palagi ka na lang bumibiyahe para dalawin ako.”

“It is okay. Masaya naman ako na kasama ka, Benedikt, lalo na noong huling beses ako na lumuwas diyan at mas marami ang oras natin na magkasama,” aniya at sumilay ang ngiti sa labi nang maalala kung paanong di rin ito nagtagal sa party para balikan siya. Kaya naman bilang ganti ay naghanda na si Teresina ng mga activities para mabawasan ang panahon na magkasama sila ni Benedikt habang pinapalabas ng matandang babae na iyon ang paraan nito para i-welcome siya sa buhay ng nobyo niya. Kaya naman bago pa siya nito apihin na naman ay inunahan na niya ito. Hindi na lang siya lumuwas ng Maynila. Sakripisyo lang talaga dahil di niya nakasama si Benedikt. “Sana nga katulad tayo ng dati na mas maraming oras tayong magkasama at dumadalaw ka sa akin.”

Nang mga panahong iyon ay wala silang ibang kailangang isipin kundi ang isa’t isa. Walang Teresina o Hannah na pwedeng manggulo sa kanilang masayang mundo. Dalawang linggo na silang hindi nagkikita at kung pwede lang ay siya naman ang puntahan ni Benedikt sa pagkakataong ito.

Narinig niya ang paghugot nito ng malalim na hininga. “I am neck-deep with work. Kaya kung pupunta ka dito ay ibinilin ko kay Mama na i-entertain ka muna.”

Yes, she would enjoy her time torturing me. Mabuti na lang talaga at hindi niya itinuloy ang pagluwas dahil baka matuluyan siyang magkasakit. Mas marami pa pala ang oras niya kasama si Teresina kaysa kay Benedikt. No, thanks.

“At magiging busy na rin ako dahil malapit na ang Christmas party ng mga bata. Marami ring activities dito sa La Reina na hindi ko basta-basta maiiwan,” aniyang malungkot dahil hindi niya makakasama ang binata. Kaya naman niyang tiisin ang mahabang biyahe makita lang kahit isang oras si Benedikt pero ang hindi niya matitiis ay ang presensiya ng ina nito.

“Pwede mo akong dalawin sa bakasyon. We can spend Christmas and New Year together. You can bring your parents, of course.”

Kinagat ni Maki ang pang-ibabang labi. Hindi naman niya magawang hilingin kay Benedikt na dalhin nito ang ina sa La Reina. Hindi rin niya pwedeng hingin dito na iwan nito ang ina na mag-isang mag-celebrate. Magandang pagkakataon sana iyon para magkasama silang muli pero alam niyang makakaisip na naman ito ng paraan para sirain ang araw niya. "We will discuss it by then. May ilang linggo pa naman bago ang bakasyon ko."

"Napag-isipan mo na ba ang tungkol sa commercial ng Sweet Dreams Perfume? Kinukulit ako ni Mama kanina pa. Sabi niya kumbinsihin daw kita na tanggapin ang offer."

"Benedikt, nasabi ko nang hindi ako interesado. Simple lang naman ang buhay ko. I value my privacy. I appreciate the offer. Alam ko rin kung ano ang maitutulong nito sa akin financially pero mas gusto ko sana na hindi na lang pagkakitaan ang tungkol sa relasyon natin. That moment at the party was the sweetest thing that ever happened to me. I… I don’t want to capitalize on it.”

“Iyon din ang sinabi ko kay Mama. And both of us are too busy. Kulang na nga ang oras natin sa isa’t isa. Pinagbigyan ko lang siya kaya itinanong ko sa iyo. I… I must be get going. May pupuntahan akong party ngayon. I might meet Hannah there. Do you mind?”

Hannah. Si Hannah na naman. Di naman kaila sa kanya na halos araw-arawin nito ang binata sa opisina nito. Ayon kay Patty ay mukhang sinasamantala nito na wala siya sa tabi ng binata. Mabuti na lang talaga at secured siya kay Benedikt. Kahit anong gawin ni Hannah ay hindi nito maaakit ang nobyo niya.

“I don’t mind. May tiwala ako sa iyo. And I want to thank you for telling me about Hannah. Kahit naman hindi mo sabihin sa akin, alam ko naman na kaibigan lang ang tingin mo sa kanya.”

“Thank you for trusting me, sweetie. I really appreciate it. I love you.”

“I love you, too. I miss you.”

Magkahalo ang lungkot at saya ni Maki nang matapos ang pag-uusap nila ng nobyo. Dala pa rin niya ang ganoong pakiramdam nang dumulog siya sa hapag-kainan.

“Anong oras pala ang flight mo sa Sabado pa-Maynila, anak?” tanong ni Lupita nang iabot sa kanya ang kanin.

Malungkot siyang ngumiti. “Hindi po muna ako luluwas. Nakakapagod po na pabalik-balik. Parang magkakasakit po ako. Hindi ko rin naman masyadong makakasama si Benedikt dahil busy po siya sa trabaho.”

Nagkatinginan ang nanay niya at ang tatay niya na parang hindi makapaniwala na palalampasin niya ang pagkakataon na makasama ang binata. “Paano ang paghahanda sa birthday niya? Hindi ba tumutulong ka doon?” tanong ng ama niya.

Sa February pa naman ang kaarawan ng nobyo niya. Malayo pa iyon pero para sa standard ng mayayaman na magarbo ang paghahandang ginagawa ay malapit na iyon. At alam ng mga magulang niya kung gaano kahalaga sa kanya na maging bahagi ng paghahanda sa birthday ni Benedikt.

Nagkibit-balikat na lang siya. “May kinuha naman po silang event director na siyang mag-aasikaso sa lahat. Wala na po akong ibang maitutulong.”

Hindi na lang niya ikinukwento sa mga magulang na may problema siya kay Teresina. Matanda na siya at kung anumang problema niya sa ina ni Benedikt ay kaya na niyang i-handle. Ayaw na niyang pag-aalahanin pa ang mga magulang niya.

"Paano kayo magkikita ng boyfriend mo?" tanong ni Lupita.

“Basta. Dadalaw daw po siya kapag may oras siya. Saka malapit na rin naman ang bakasyon. Mas mahaba po ang panahon namin na magkasama.”

Nasa kanya na lang kung kukumbinsihin niya si Benedikt na magbakasyon sila sa ibang lugar nang silang dalawa lang at takasan ang lahat. Kahit saan basta malayo sa nanay nito at si Hannah. Sana lang ay mapapayag niya ito.

Hangos na pumasok ng bahay si Ponyang at sumisigaw. “Ate Maki! Ate Maki!” Pawis na pawis pa itong humarap sa kanila at parang hinahabol ng sampung kabayo.

“Ponyang, ano ba iyang itsura mo? May problema ba sa bar?” tanong ng nanay niya. Nauna na itong naghapunan kanina dahil tutulong pa ito sa pagbubukas ng bar.

Iwinagayway nito ang hawak na cellphone. “Grabe! Kalat na kalat na sa internet ang picture ni Kuya Benedikt at ni Hannah Marasigan. Tingnan mo ito.”

At halos iduldol ng pinsan niya sa mukha niya ang picture nina Benedikt at Hannah sa concert ng isang foreign band. Mukhang nag-e-enjoy ang mga ito. May red carpet picture ang mga ito. Ang alam niya ay si Teresina ang kasama ng binata pero mukhang sa huling sandali ay iniwan ang dalawa para manood ng concert. Another part of the old woman’s manipulation where Hannah was a willing participant. Parang may kumurot sa dibdib niya. Dapat kasi ay siya ang kasama ni Benedikt sa concert na iyon. Alam niyang isang tagumpay iyon sa pagitan ni Teresina dahil may pagkakataon na ito para iduldol si Hannah sa binata habang wala siya.

Humalukipkip si Ponyang. “Naku! Siya pa mismo ang nag-share ng picture nila. Ang kapal talaga ng mukha ng isang iyan. May boyfriend na nga, nangangalantari pa ng iba.”

"Wala iyan. Magkaibigan lang sila,” pakli niya at nakangiting ibinalik ang cellphone sa pinsan. “Wala naman akong nakikitang masama.”

"Okay lang sa iyo n-na kasama ng babaeng iyan si Kuay Benedikt? Alam naman natin na patay na patay siya sa boyfriend mo. Aba! Sabihin mo lang sa akin at sasabunutan ko ang malanding iyan. Huwag niyang sabihin na anak siya ng gobernador."

"May tiwala ako kay Benedikt,” puno ng kompiyansa niyang sabi.

Tumirik ang mata ni Ponyang. "Di mo rin masasabi. Mahihina ang mga lalaki sa tukso.”

“Ibang lalaki siguro pero hindi si Benedikt,” depensa niya sa nobyo.

“Huwag ngang kung anu-anong sinasabi mo sa harap ng pagkain,” saway ni Lupita sa pinsan niya. “Mabuti pa kumain ka na lang ulit para kung hindi anu-ano ang sinasabi mo.”

Nagniningning ang mga matang umupo ulit sa hapag si Ponyang. “Maganda ang ideya mo, Tiyang. Nagutom nga ako sa balitang iyon.”

Tahimik na kumain si Maki habang nakikita pa rin niya sa isipan ang mga larawan nina Benedikt at Hannah. Hindi siya dapat magselos. Ibinigay niya ang tiwala kay Benedikt at gusto niyang ipakita dito na kahit anong gawin ni Hannah ay ang binata ang paniniwalaan niya.

It was a desperate act on Hannah’s part. Mas dapat nga siyang maawa dito kaysa magalit. Sa kanya pa rin si Benedikt.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.