Chapter YSMM 130

“NOBYO mo pa rin ba ang engineer na gumawa ng La Reina Resort?” tanong ni Mrs. Suarez kay Maki nang minsang lunchtime at siya mismo ang bumili ng pagkain sa canteen. Ayaw na niyang mag-utos sa estudyante na bilhan siya ng pagkain dahil gusto niyang makasama naman ang mga kasamahan na mananghalian. Gusto rin niyang hindi puro classroom at mini auditorium at bahay nila ang destinasyon niya sa araw-araw. Nakakasawa din naman. Sa sobrang dami ng ginagawa niya kasi ay di na rin niya nakaka-kwentuhan ultimo ang mga kaibigan.

Nauna lang siyang pumunta sa canteen para makahanap ng magandang puwesto pero sa kasamaang-palad ay naharang siyang dalawa sa beteranang tsismosang mga guro na sina Mrs. Suarez at Mrs. Pachengco. Ang gusto niya ay sumagap ng sariwang hangin at hindi maging tampulan ng tsismis.

Pilit siyang ngumiti. "Opo naman. Ang totoo po katatawag lang ni Benedikt sa akin kanina."

Kadadating lang din ng bagong laptop computer at pocket wifi na padala nito sa kanya noong isang araw. Hindi daw nito kaya na hanggang telepono lang sila nag-uusap. Gusto daw nito na makita man lang nila ang isa't isa kahit sa pamamagitan ng video chat. Nakikita niya ang pag-e-effort ni Benedikt para magkaugnayan pa rin sila.

“E kasi napansin ko na hindi na siya dumadalaw dito,” sabi ni Mrs. Suarez.

“Oo nga. Saka ang lagi niyang ka-date ay ‘yung anak ni Governor. Alam naman ninyo na kapag palay na ang lumalapit sa manok, kahit nga bakla ay tumutuka din,” sang-ayon ni Mrs. Pachengco.

Pinanatili ni Maki ang ngiti sa labi kahit na naiinis na siya. Gutom na siya at pagod pagkatapos ay kakausapin pa siya tungkol sa pagdikit-dikit ni Hannah kay Benedikt. Kumalat na rin ang balita sa buong La Reina dahil na rin sa Facebook. Alam niyang usap-usapan iyon sa buong isla pero ang dalawang tsismosa lang niyang kasamahan sa trabaho ang nagkaroon ng lakas ng loob para kausapin siya tungkol doon.

“Wala po sa akin iyon. Tumatawag po sa akin si Benedikt kapag magkikita sila ni Hannah. Magkaibigan naman po sila. At kung gusto po ni Benedikt si Hannah, sana noon pa naging sila noong di pa kami nagkakabalikan dahil mas palagi silang magkasama,” aniya sa magaang boses. “Malaki po ang tiwala ko sa nobyo ko.”

“Naku! Mahirap basta-basta magtiwala. Kung ako iyon, baka masabunutan ko na iyon kapag nagdidikit sa asawa ko,” anang si Mrs. Suarez.

“Hindi naman po palaaway si Maki, Mrs. Suarez,” singit ni Candy na nakatayo sa likuran ng dalawang matanda. “Kaya sana huwag nang palakihin ang isyu na ito. Magkaibigan nga lang daw ang anak ni Governor Marasigan at ang boyfriend ni Maki. Kapag nakarating kay Governor Marasigan na kung anu-ano ang sinasabi ninyo tungkol sa anak niya, ano kaya ang mangyayari? Ewan ko na lang.”

“Hindi maganda ang manulsol at maki-tsismis. Maraming mas malaking problema ang Pilipinas,” anang si Karen na nakahalukipkip at naiinis na rin. “Paano uunlad ang bayan natin kung puro tsismis ang aasikasuhin natin at pakikialam sa isyu ng iba”

Umismid si Mrs. Pachengco. “Maano ba namang magtanong kami? Nag-aalala lang naman kami kay Miss Veracruz. Mantakin mo, magkalayo silang magnobyo at lagi pang kasama ang karibal. Masama ba iyon?”

“Umalis na nga tayo. Baka maisumbong pa tayo kay Governor. Malapit na ang Pasko. Baka hindi tayo mabigyan ng bonus,” anang si Mrs. Suarez at hinila na ang kasama palayo pero patuloy pa rin ang bulungan ng mga ito.

Hinarap niya ang mga kasamahan. Bukod kay Karen at Candy ay naroon din sila Marlon, Ezel at Robert. “Maraming salamat sa tulong ninyo. Hindi ko lang alam kung paano sila idi-discourage tungkol sa topic na iyon.”

Binitbit ni Robert ang tray niya ng pagkain. “Sige na. Kumain na lang tayo at hayaan na natin ang mga iyon. Masisira lang ang araw natin.”

Tahimik silang magkakaibigan habang nanananghalian pero nararamdaman niya ang pagtatanong sa mata ng mga ito. Alam din ng mga ito ang tungkol sa mga larawan nina Hannah at Benedikt. It was nothing malicious, of course. Makikita naman na dalawang magkaibigan lang ang mga ito na ine-enjoy ang company ng isa’t isa. Hindi iyon big deal sa kanya pero parang big deal iyon sa mga tao sa paligid niya lalo na sa mga hindi nakakakilala kay Benedikt.

Narinig niya ang pagkalantog ng kutsara at tinidor nang bitawan ni Candy. Napapitlag si Maki. “Bakit?”

“Mababaliw na talaga ako. Magalit ka na sa akin pero tatanungin ko pa rin. At kaming lahat naman gusto ring tanungin kung okay ka lang talaga. Okay lang ba ang nangyayaring ito sa iyo na mas madalas pang makasama ni Sir Benedikt ang anak ni Governor?” tanong ni Candy.

“Alam ko na sinabi mong magkaibigan lang sila pero parang hindi yata normal. Parang ipinamimigay mo ang boyfriend mo,” sabi ni Ezel at ginagap ang kamay ni Robert. May mutual understanding na ang mga ito kahit pa nga ba parang si Ezel ang nanligaw sa binata. “Naku! Kung sa akin nangyari iyan susugod talaga ako sa Maynila at kakalmutin ko ang mukha ng babaeng iyon kahit pa sabihing anak siya ng presidente ng Pilipinas.”

“Hindi kami nakikialam. Concern lang kami,” sabi ni Robert sa mahinay na boses. “Mga kaibigan mo kami kaya gusto ka naming suportahan.”

Pilit siyang ngumiti para ipakita sa mga kaibigan na okay lang siya. “Wala namang mangyayari kung magseselos ako. Wala naman akong dapat na pagselosan, in the first place. Marami na kaming pinagdaanan ni Benedikt. We even defied death to be with each other. Ano naman ang magagawa sa amin ni Hannah? Kung dati ngang di pa ako bumabalik sa buhay ni Benedikt ay walang nangyari sa kanila, ngayon pa kaya?”

“Oo nga naman. Hindi din naman totoo ang sinasabi na natural nang babaero ang mga lalaki. Na basta na lang tutuka kapag may lumapit na palay,” pagmamalaki ni Marlon. “May mga faithful din na mga lalaki. Kung sinabi naming kaibigan lang, kaibigan lang namin iyon. Kahit pa maghubad sa harap namin. Iilan lang kami na ganoon ni Sir Benedikt.”

“Matino rin ako,” maagap na sabi ni Robert at bumaling sa ibang mga kasama. “Kung wala naman palang problema si Maki sa relasyon nila, hayaan na natin. Minsan kasi mas malaki pa ang problema ng ibang mga tao na wala namang kinalaman sa isyu kaysa sa mga taong involved talaga sa isyu.”

“Ay, sus! Nagsalita ang di sobrang pakialamero. Ikaw na ang maya’t mayang tanong nang tanong kung okay lang si Maki,” kantiyaw ni Candy. “Mas nauna mo pang nalaman ang tungkol sa pictures nila Miss Hannah at Sir Benedikt.”

“Tama na ang kulitan na iyan. Pag-usapan na lang natin kung ano ang magiging presentation natin sa Christmas party ng mga teacher,” pag-iiba niya sa usapan.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.