“May early morning flight sa December 21. Okay na ba iyon? Ipapa-book na ni Tricia.”
Bumuntong-hininga si Maki at pinagmasdan ang nobyo na kausap niya sa Skype. "I am not sure, Benedikt. Hindi pa ako makakasagot ngayon."
Tuwing gabi ang video chat nila pero sa partikular na gabi na iyon ay late na itong nag-log in dahil sa isang business meeting kasama si Hannah. Kaya niyang tiisin ang presensiya ni Hannah sa buhay ng nobyo niya at ang lahat ng tsismis na kaakibat nito. Sanay na siya. Pero ang di yata niya kaya ay ang lumuwas na naman sa Maynila para makiharap sa mga kakilala ni Benedikt. Maisip lang niya na dadalo na naman siya sa magagarbong party ng alta sociedad at kailangan niyang ngumiti lang habang minamaliit siya ng mga ito ay nakakapagod na.
"Maki, what is holding you back? Alam ko na busy ka nitong nakakaraang linggo kaya hindi kita pinilit na lumuwas. But this is Christmas season. I want to spend more time with you. Kaya nga in-adjust ko ang schedule ng Christmas party ng kompanya sa date na alam kong tapos na ang mga obligasyon mo diyan dahil bakasyon na ng mga bata."
Hinilot ng daliri niya ang sentido niya. Pumipitik iyon sa sakit. Nagi-guilty siya dahil nakikita niya ang effort ni Benedikt para makasama siya. "May mga program pang pupuntahan ang choir..."
"Na kaya nang asikasuhin nina Robert at Ezel. Pati ang ibang co-teachers mo ay tutulong din."
"Paanong..."
"I asked them. Tinawagan ko sila para makiusap na tulungan ka sa program."
Naipadyak niya ang paa. "Benedikt, hindi mo kailangang gawin iyon. Ayokong manggulo ng ibang tao at ipasa sa kanila ang mga responsibilidad ko. A-Ayokong mang-abala ng ibang tao para gawin nila ang trabaho ko."
Kumunot ang noo nito. "Hindi sila ibang tao. Mga kaibigan mo sila at gusto rin nila na magkasama tayo. Hell! Kung kinakailangan na magbayad ako ng ibang tao para sila ang gumawa sa trabaho mo at magkasama tayo ay gagawin ko. Bakit pakiramdam ko ayaw mo akong makasama? May ginawa ba akong mali?"
Parang may tumadyak sa dibdib niya nang mahimigan ang sakit sa boses ni Benedikt. "Hindi ikaw ang problema, Benedikt. Nasabi ko naman sa iyo na ayaw sa akin ng mga taong nakapaligid sa iyo. Ayokong um-attend sa parties kung saan hindi naman ako welcome. Hindi mo kasi alam kung gaano kahirap iyon para sa akin."
"Hindi naman kita pinipilit na pumunta sa parties kung ayaw mo. Ito lang Christmas party na ito ang gusto kong makasama ka. Kilala mo ang ibang dating tauhan ni Papa. They are practically family. Gusto kong makilala ka ng ibang empleyado ko. Gusto kong ipagmalaki sa kanila ang babaeng mahal ko. Ikaw ang gusto kong nasa tabi ko."
Mariing nagdikit ang labi niya. Kahit pa sabihing Christmas party iyon ng kompanya, tiyak na magkikita sila ni Teresina. At di niya alam kung sino pang naimpluwensiyahan nito. Her pride already took a lot of beating. Nahihirapan pa nga siyang makabawi. At ayaw niyang masira ang sandali na magkakasama sila ng nobyo.
"Benedikt, gusto ko ring makasama ka pero..."
"What's bothering you?"
"I can't fit in to your world. Masyadong nakakasakal na napapaligiran ka ng mga tao na ayaw sa iyo. Lahat na lang ng kilos ko may nakikita silang mali. Ayoko na nang ganoon, Benedikt.”
"I am not forcing you to fit in. Kung ayaw mong um-attend ng parties at events, hindi naman kita pinipilit. Pero kung gusto mong magkasama tayo, hindi naman habambuhay kang makakaiwas at magtatago. Napaka-ipokrito ko kung sasabihin ko na hindi ko sila kailangan. May ikinabuhay ang pamilya ko dahil sa kanila. May hanapbuhay ang mga tauhan ko at may projects kami dahil sa mga taong nakakahalubilo ko. I don't know how long I can shield you from this world,” anito sa frustrated na tono.
"Sinubukan kong makisama sa kanila. Alam mo iyan. Hindi mo pwedeng sabihin sa akin na hindi ko sinubukan na makitungo sa mga kaibigan mo. Pero habang tumatagal akong kasama sila, lalo lang tumitindi ang paniniwala ko na tama ang desisyon ko na layuan ang mundong iyan noon. Hindi na iyan ang mundo ko, Benedikt. Iba na ang buhay ko ngayon."
"And we can't have a relationship like this. Hindi ko kaya na laging magkalayo tayo. Alam ko na mabigat na hilingin sa iyo na subukan mo ulit, pero poprotektahan kita sa abot ng makakaya ko. Kakausapin ko si Mama..."
"Anong magagawa ni Tita Teresina? In the first place, siya nga itong may ayaw sa akin,” bulalas na niya bago pa niya mapigilan ang sarili.
"What?"
It was already out. Hindi na niya pwedeng bawiin pa ang sinabi niya. Oras na para malaman din nito ang totoo. "Alam nating dalawa kung sino ang gusto niya para sa iyo," sabi niya sa malamig na boses.
"At kaibigan ko lang si Hannah,” paglilinaw nito.
"Kung naniniwala ka na inosente o nagkataon lang ang lahat ng event na magkakasama kayo, ganoon ka na siguro kamanhid o kabulag. I am sure your mother encouraged it."
Minasahe nito ang batok. "Maki, nakikita ko na sinusubukan kang pakisamahan ni Mama. Hindi man siguro ikaw ang gusto niya para sa akin pero nakikita ko naman na isinasama ka niya sa mga plano niya. Ini-invite ka niya sa parties at ipinakikilala sa mga kaibigan niya. She was trying her best to welcome you to the fold."
"Iyan ang nakikita mo. Paano ang hindi mo nakikita?"
Natilihan ito. "Anong ibig mong sabihin?"
"She doesn't miss the opportunity to demean me. Kung paanong mas gugustuhin pa niyang maging manugang ang isang babaeng anak ng tiwaling opisyal na maraming koneksyon at hindi mo mahal kaysa sa akin na ginagawa ang lahat para magtrabaho nang maayos para sa bayan at mahal mo. Sa palagay ko nga kaya nae-encourage din ang ibang tao na maliitin ako dahil nakikita nila na ayaw nila sa akin. Kung pipilitin kong makisama sa kanya habang tinatapak-tapakan ako, baka wala na akong matira kahit respeto sa sarili ko. And I don't want that. Hindi ko kayang habambuhay na magtiis kaya mas gusto kong umiwas na lang."
Napailing si Benedikt habang bakas sa mukha na imposibleng mangyari ang sinabi niya. "Hindi ako makapaniwalang gagawin iyan ni Mama sa iyo."
"Hindi ko sinasabi ito sa iyo para siraan si Tita Teresina. Mataas pa rin ang respeto ko sa kanya dahil naging mabuti siya sa akin dati. May mga bagay lang na di ko mapapalampas. Ayoko na lang kimkimin ang nararamdaman ko. Gusto kong malaman mo kung bakit ako nagkakaganito,” aniya at kinagat ang pang-ibabang labi. Ayaw din naman niyang masaktan si Benedikt o mahati ang puso nito sa pagitan nila ni Teresina. Pero kung gusto niyang umusad ang relasyon nila, kailangan nitong malaman ang totoo.
Huminga ito ng malalim. There was a somber look on his face. "Ako na ang humihingi ng dispensa sa ginawa ni Mama. Kakausapin ko siya tungkol dito."
"Benedikt, hindi ko ito sinabi sa iyo para pagtalunan pa ninyo."
"Intindihin mo na lang si Mama. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nakakabawi sa pagkamatay ni Papa."
Tumango siya. "Alam ko naman na masakit sa kanya ang ginawa ko. Ginawa ko ang lahat para makabawi sa kanya. Pero ayaw niya akong pagbigyan, Benedikt. Handa akong unawain siya pero may limitasyon din ako.Kaya ko namang tiisin ang lahat para sa iyo. I can only take so much. Kaya nga pinili ko na lang na umiwas kaysa mapuno pa ako. A-Ayoko rin ng gulo."
"Pero hanggang kailan ka iiwas? Hanggang kailan ka diyan sa islang iyan? Don't tell me you are giving up on us? Iyon ba ang gusto mong sabihin?"
Nahigit niya ang hininga. "Benedikt, I..."
Iyon nga ba ang nangyayari? Sinusukuan na ba niya si Benedikt. Saan nga ba patungo ang relasyon nila kung mananatili siyang malayo dito at di sila magkakasama? Hindi niya alam kung anong dapat isagot.
Ipinilig nito ang ulo. "Huwag mong sagutin iyon. Forget I even asked the question. Pagod na tayong dalawa at ayokong pag-usapan pa ito. I will book your flight. Nasa iyo kung pupunta ka o hindi. Nasa iyo kung ano ang komportable para sa iyo. I love you, Maki."
Hinaplos niya ang pisngi nito sa screen. "I love you, too. And I miss you so much."
"So do I."
Idiniin niya ang noo sa screen ng laptop at hinayaang malayang umagos ang luha nang magpaalam na si Benedikt. Hindi niya alam ang gagawin niya. Parang siya mismo ang sumisira sa relasyon nila ni Benedikt. Nang tanungin siya nito kung sumusuko na ba siya sa relasyon nila ay parang bumalik siya sa gabi nang magdesisyon siyang iwan ito.
Nahahati ang puso niya. Kung susundan pa rin niya si Benedikt at magiging bahagi ng mundo nito, baka wala nang matira sa kanya kapag dinurog siya ng mga taong may ayaw sa kanya. She wanted to preserve herself. Iyon ang ipinaglaban niya sa loob ng maraming taon.
But how can she preserve her relationship with Benedikt?