Chapter YSMM 132

“MAKI, sana naman may makita ka namang artista sa susunod na party na pupuntahan mo sa Maynila. Baka pwede mo naman akong ipa-fansign,” ungot ni Candy habang pinapapila nila sa labas ng kuwarto ang mga estudyante na magpa-practice sa street dancing na gagawin ng La Reina para sa Christmas festival ng munisipalidad.

“Anong fansign?” nakakunot ang noong tanong niya.

“Katulad nito,” anito at ipinakita sa kanya ang picture ni John Lloyd Cruz na may hawak na papel na may nakasulat na ‘Happy Birthday, Corazon’. “May ganyan din kasi ang pinsan ko at iniinggit siya. Sabi ko may kaibigan din naman akong sikat at nakaka-bungguang siko ng mga sikat.” Hinawakan nito ang braso niya at hinatak-hatak. “Kaya sana pagbigyan mo na ako sa fansign.”

Napanganga siya. “Ano?”

“Sabi kasi ni Sir Benedikt sa Christmas party daw ng kompanya niya susubukan nilang imbitahan si Papa Piolo o kaya si Daniel Matsunaga. Aba! Pwede na ang mga iyon sa akin basta yummy. Basta artista. Girlfriend ka ng may-ari ng kompanya kaya tiyak na ikaw ang unang makakalapit sa kanila.”

Nagkibit-balikat siya. “Hindi ko pa sigurado kung makakaluwas ako ng Maynila.”

“Anong hindi ka pa sigurado?” nanlalaki ang matang tanong ng kaibigan. “Tumawag pa nga sa akin si Sir Benedikt para i-confirm kung kailan ang bakasyon natin. Ita-timing daw niya ang Christmas party ng kompanya niya sa bakasyon natin. Ang sweet, di ba?”

Sinenyasan niya ang mga estudyante na kumilos na para makapunta sa school ground kung saan mag-eensayo ang mga ito. “Maraming ginagawa dito sa La Reina. Sunud-sunod ang programs natin. Di ko naman pwedeng iwan ang mga bata at sila Robert para asikasuhin ang lahat.”

“Heto na nga ako. Willing na nga akong tumulong. Malay mo naman sa program ko pala makikilala ang Prince Charming ko,” sabi nito at ngumuso na parang nagde-day dream.

“Hindi ko kayang iwan ang responsibilidad ko dito.”

Namaywang ito. “Aba! May responsibilidad ka rin sa boyfriend mo. Di pwedeng iwan mo na lang siya basta-basta. Ganyang boyfriend nga ang dapat na binabakuran nang matindi. Kung pakiramdam niya ay di naman siya importante sa iyo, maghahanap iyon ng iba.”

“Mahal niya ako,” giit niya. At ngayong nasabi na niya kay Benedikt ang dahilan kung bakit ayaw niyang lumuwas, natitiyak niya na mauunawaan siya nito at ito ang mag-a-adjust para sa kanya. Hindi siya nito matitiis.

“Kung nararamdaman niya na mahal mo siya. Kaso binabalewala mo naman siya. Alalahanin mo na may ibang babaeng umaaligid-aligid sa boyfriend mo. Kapag napabayaan mo siya, ewan ko na lang.”

Mahal siya ni Benedikt. She was sure that he would find time to see her. Siya lang ba ang pwedeng mang-iwan ng responsibilidad? Marami naman itong ibang tauhan. Pwede naman silang magkita kapag maluwag na ang oras nito. Kailangan din naman nito ng bakasyon at hindi nito magagawa iyon kung nasa Maynila ito. Mas makakapag-relax ito sa La Reina kasama siya. Besides, mas madaling pakisamahan ang mga tao doon na simple lang ang buhay kaysa pakisamahan niya ang mga tao sa alta sociedad. Alam naman niya na magiging considerate si Benedikt sa kanya ngayong alam na niya kung ano ang sitwasyon niya.

“Miss Veracruz, please come to the principal’s office,” tawag sa kanya mula sa speaker na dinig na dinig sa buong paaralan.

“Ikaw na muna ang bahala sa advisory ko,” bilin niya kay Candy.

Pagdating sa opisina nito ay nagulat siya nang makitang naghihintay na si Hannah at ang assistant nito. “Good afternoon,” pormal niyang bati. Anong ginagawa ng babaeng ito dito? Hindi ba dapat ay nasa Manila lang ito at binabakuran si Benedikt?

“Miss Veracruz, gusto kang makausap ni Miss Marasigan tungkol sa choir. Sabi ko ikaw ang kausapin niya tungkol sa mga bata. Maiwan ko muna kayo dahil may meeting ako. Miss Marasigan, maiwan ko na kayo. Salamat sa wine. Magugustuhan iyan ng asawa ko,” sabi ni Mrs. Teleb bago umalis.

“Ma’am, sa kotse po muna ako. Doon na lang po namin kayo hihintayin ni Mang Pepe.

Tumango sa kanya ang assistant. “Excuse me po, Ma’am.”

Mariing nagdikit ang labi niya. Sinadya iyon ni Hannah para makapag-usap sila nang sarilinan. Nanatili siyang nakatayo habang prente naman sa pagkakaupo sa sofa si Hannah at umiinom pa ng orange juice. “Galing ako ngayon sa practice ng mga bata. Malaki ang improvement nila. Gusto ko sana silang imbitahan ngayong bakasyon sa La Reina Resort and Spa. Marami kasing guests na nagre-request na kumanta sila doon. Sabi ni Mrs. Teleb, kailangang makipag-coordinate daw ako sa schedule niya sa iyo.”

“Marami silang activities ngayon. Mini-minimize namin ang events na mapupuntahan nila para makapagpahinga ang mga bata. After all, bata pa naman sila. Gusto namin na ma-enjoy nila ang bakasyon nila,” paliwanag niya. “I hope you understand.”

Tumaas ang kilay nito. “Dodoblehin ko ang bayad sa kanila. I am sure hindi nila iyon matatanggihan. Ituring na lang nating Pamasko ang talento nila para sa lahat. Huwag mo sanang gamitin ang personal mong damdamin sa akin sa mga desisyon mo. That is hardly… professional. I am sure kung ibang tao ang mag-iimbita, di mo tatanggihan. I hope you will put the children out of our personal issues.”

Pagak siyang tumawa. Hindi siya makapaniwala na siya pa ang binabaligtad ng babaeng ito. “Miss Marasigan, kahit kailan ay hindi ko gagamitin ang mga bata para sa personal kong issue. Ang pagkakatanda ko, ako pa nga ang nag-quit sa pag-accompany sa kanila sa mga performance nila sa La Reina Resort and Spa dahil ayokong makaapekto sila sa kung anumang personal na isyu mayroon ako sa inyo ni Benedikt. Hindi naman ako ang nagdamay sa kanila sa personal kong problema. Hindi ako ang nag-alis sa kanila sa pagpe-perform sa La Reina Resort and Spa. Hindi ako ang dahilan kung bakit nalagay sa alanganin ang scholarship nila. At lalong hindi ako ang sumabotahe sa fund raising concert ng mga bata para lang makaganti sa teacher nila na naging girlfriend ni Benedikt. At gusto mong kunin ulit ang serbisyo nila matapos ang kalupitan na ginawa mo? You didn’t even bother to apologize.”

Iwinaksi ni Hannah ang kamay. “This is becoming melodramatic,” anito lang at kumurba ang labi na parang inaasar siya. “Let bygones be bygones, Miss Rubella. Be practical. Isipin mo kung anong mabuting idudulot nito sa mga bata.”

Nanatiling seryoso ang anyo niya. “No. They deserve to rest and enjoy their vacation.”

Bumuntong-hininga ito. “Hindi ako makapaniwala na tinatanggihan mo ito. To think na plano kong i-donate ang talent fee ko sa La Reina Children’s Choir para sa commercial ko sa Sweet Dreams Perfumes. Tinanggihan mo kasi ang offer ni Tita Teresina kaya in-offer niya sa akin. And Benedikt will be my Prince.”

Pagak siyang tumawa. It was becoming more and more absurd. “You? The barefoot Cinderella? Miss Hannah, hindi ba masyado mo namang pinapababa ang pagkatao mo niyan? Hindi na makatotohanan kung ikaw ang magiging model nila. Alam ng lahat na sa akin nakabase ang commercial na iyon.”

“Kung tinanggap mo. But you didn’t. At handa akong tanggapin iyon nang walang ibang kondisyon. Sayang naman ang magandang pagkakataon…”

“Na mapalapit sa boyfriend ko? Arent we a bit desperate here?” puno ng sarkasmo niyang tanong.

Tumaas ang isang kilay nito. “Are you threatened, Miss Rubella?”

Itinuwid niya ang balikat. “Not a bit. Bakit naman ako matatakot sa iyo? Hindi naman ako ang gumagawa ng desperate acts para mapansin ng lalaking mahal ko.”

Tumigas ang anyo nito. Looked like she hit a nerve. “Huwag mong maliitin ang lahat ng kaya kong gawin para kay Benedikt.”

Pumalakpak lang siya. “Hanga din ako sa iyo. Gagawin mo talaga ang lahat para makuha si Benedikt. Hindi ka ba napapagod? Kung noon ngang di pa ako bumabalik sa buhay n iya at kahit nang muhing-muhi siya sa akin ay hindi mo siya nakuha, ngayon pa kayang bumalik na ako sa buhay niya?”

“Hope springs eternal. Malay mo naman…”

“Huwag mo sanang pababain ang sarili mo, Hannah. You remind me of my stepmother. Ginawa niya ang lahat para paglayuin ang nanay at tatay ko. She succeeded for a while, but not forever. Naging frustrated lang siya dahil kahit nakuha niya ang tatay ko sa loob ng mahigit sampung taon, hindi niya nagawang palitan ang nanay ko sa puso nito. You are a nice woman. I am sure makakahanap ka rin ng lalaki na magmamahal sa iyo nang totoo.”

Naging maigting ang mga mata nito. “Si Benedikt lang ang gusto ko. Wala akong pakialam kung hindi niya ako mahal. Hindi ako nawawalan ng pag-asa lalo na’t nakikita ko kung paano mo siyang binabalewala.”

“Excuse me?” bulalas niya sa mataas na boses.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.