Chapter YSMM 133

Naglakad ito palapit sa kanya. “Tell me. Bakit naman niya gugustuhin ang babeang katulad mo na wala sa tabi niya at hindi siya kayang ipaglaban?”

Pakiramdam niya ay isa siyang drum ng gasolina na tinapunan ng may sinding sigarilyo. Sumiklab na lang siya. “How dare you! Paano mo nasasabi na hindi ko kayang ipaglaban si Benedikt? Hindi mo alam kung anong pinagdaanan ko para lang makasama siya.”

Tiningnan nito ang bagong pedicure na sapphire blue na daliri at pinahaba ang nguso. “Hanggang kailan mo naman siya nagawang ipaglaban? Hanggang kailan ka nanatili sa tabi niya? Isa? Dalawang linggo? Tapos di ka na nakita ulit kasama niya. Balita ko nga ayaw mo nang lumuwas sa Manila para makasama siya.” Bumuntong-hininga ito. “Ako nga ang kasa-kasama niya nitong nakakaraang araw. Ako ang nandoon para umalalay sa kanya pati sa mga business endeavors niya. At nasaan ka naman? Wala ka. I am sure iniiwasan mo ang lahat ng mga kaibigan niya at kaibigan ni Tita Teresina. Mas gusto mong manatili sa isla na ito para magtago kaysa makasama ang lalaking mahal mo. Di tulad mo ang babaeng nararapat kay Benedikt.”

Humalukipkip siya. “At ikaw iyon?”

“Yes. I am perfect for him. Mahal ko siya. May mga koneksyon ako na makakatulong sa kanya at sa business niya. He can use my network to boost his own. Ngayon pa lang napatunayan ko na iyan.”

“At sa palagay mo pipiliin ka ni Benedikt dahil sa business connections mo? That is kinda sad. Hindi naman si Benedikt ang tipo ng lalaki na gugustuhin ang babae dahil sa business connections niya. Hindi ka niya mahal.”

Itinaas ni Hannah ang baba. Animo’y nahamon niya ito at handa itong labanan siya. “Ako ang babaeng nakahandang magmahal sa kanya at manatili sa tabi niya kahit hindi siya mahal. Ipaglalaban ko siya. Hindi ko siya sasaktan. How about you? Nasaan ang ipinagmamalaki mong pagmamahal? Iniwan mo siya sa altar. Ikaw ang dahilan kaya namatay ang tatay niya…”

“You can’t use that argument against me anymore. Na-settle na namin ni Benedikt ang isyung iyan.” Si Teresina na lang ang gumagamit ng argumentong iyon laban sa kanya.

“Wala ka sa tabi niya para sumama sa mga laban niya. Ako ang nandoon sa tabi niya habang sinusuportahan siya sa mga pangarap mo. Nasaan ka ba? Nasaan ang pagmamahal na ipinagmamalaki mo? Wala ka naman sa tabi niya. nandito ka sa islang ito habang nagmumukmok ka na di ka matanggap ng mga tao sa paligid niya. Iyan ba ang pagmamahal para sa iyo? Anong silbi niyan kung hindi mo kayang manatili sa tabi niya at umikot sa mundong ginagalawan niya?”

“Naiintindihan ni Benedikt kung bakit wala ako sa tabi niya. You and the people like you are making it hard for me to stay in that world. Walang totoo sa mundong iyon.”

Inilahad nito ang palad. “At sa palagay mo ba itong mundo ng kahirapan at kasimplehan na sinasabi mo ay ang totoong mundo? You got to be kidding me. Aminin mo na lang na naduduwag ka. You are not strong enough to love Benedikt and stay beside him.”

Naggiyagis ang ngipin niya. “Desperada ka lang kaya nasasabi mo iyan.”

“Mabuti nang desperado basta huwag lang duwag katulad mo,” anito at dinuro siya. “Gagawin ko lang lahat makuha lang ang lalaking mahal ko. I will use every desperate means possible to make him mine. Hindi ko na kasalanan iyon kapag ako ang pinili niya. Wala ka doon. You left the field open, hindi lang para sa akin kundi pati sa ibang babae na gusto siyang makuha.”

“Ako pa rin ang mahal ni Benedikt. Wala kang magagawa doon,” mariin niyang sabi. Subalit kahit siya ay parang ayaw nang paniwalaan na sapat ang pagmamahal ni Benedikt sa kanya para tumagal ang relasyon na ito. At umuukil sa isip niya ang sinabi ni Hannah na siya ang dapat sisihin kung mawala man si Benedikt sa kanya.

No! No! No! Hindi siya mawawala sa akin.

Kinuha nito ang bag. “Nasabi ko na kung anong gusto kong sabihin. Kung hindi ka na magpapakita sa mga events kung saan hindi ka inimbitahan ni Benedikt, mas mabuti iyon para sa akin. Hindi ka naman niya habambuhay na ibe-baby at iintindihin. It is just a matter of time before he realizes that he needs a real woman like me beside me and not a crybaby like you who is always expecting her man to cuddle her. Ngayon pa lang ay pinasasalamatan na kita kung ikaw mismo ang magsusuko kay Benedikt sa akin. Thank you, Miss Rubella.”

Nanlalamig ang buong katawan ni Maki sa galit. Kinuyom niya ang palad habang parang gusto na niyang sumabog nang mga oras na iyon. Gusto niyang magwala at ipamukha dito na kahit anong gawin nito ay siya pa rin ang mahal ni Benedikt. Na walang silbi ang lahat ng ginagawa nito para makuha si Benedikt kahit na may bendisyon pa ito ng ina ng nobyo niya.

Subalit wala siyang masabi na kahit na ano. Nakatigagal lang siya habang sinusundan ng tingin ang babae na may matagumpay na ngiti sa labi habang palabas ng silid. Nanlulumo na lang siyang napaupo sa kahoy na sofa dahil nanlalambot ang buong katawan niya nang maanalisang mabuti ang sitwasyon.

Di niya magawang magalit kay Hannah dahil mas galit siya sa sarili niya. Nagkakaroon ng pagkakataon si Hannah na makalapit kay Benedikt dahil hinayaan niya. Dahil wala siya sa tabi ng nobyo niya. May pagkakataon para magkasama sila pero tinanggihan niya.

Mukhang tama ang ibang mga co-teacher niya. Masyado na siyang nagiging kampante sa pagmamahal ni Benedikt sa kanya pero baka sa huli naman ay ito na pala ang hindi sigurado sa kanya dahil napapabayaan niya.

Umalingawngaw sa isipan niya ang tanong nito. Are you giving up on us?

Muli siyang nakaramdam ng takot at pagod. Kaya pa ba niyang tumawid sa mundong ginagalawan nito? Duwag nga ba siya dahil di niya kayang manatili sa tabi ni Benedikt? Paano naman ang katahimikan ng buhay niya kung makikihalubilo na naman siya sa mundong iyon? Paano kung hindi siya magiging masaya doon?

Benedikt needed a strong woman beside him. Kailangan niya ng babaeng kaya rin siyang ipaglaban at manatili sa tabi niya. Ako nga ba ang babaeng iyon? Kaya ko bang manatili sa tabi ni Benedikt habang nilalabanan ang lahat ng humihila sa akin pababa? Kaya ko ba na tumagal sa mundong nang hindi ko pabababain ang sarili ko?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.