“Naaalala ko sa iyo si Lupita. Ganyan din siya noong maging nobya ko siya. She was a rebel, you see. Wala siyang pakialam kung ang damit na isusuot niya sa parties ay hindi bagay sa okasyon. She loved her gypsy and bohemian look. Tinanggap ko kung ano siya. Hanggang tutulan siya ng mga magulang ko. Gusto sana niyang matanan na lang kami pero ayokong iwan ang mga magulang ko. Ako lang ang anak nila. At hindi ko kayang ipagkait ang pagiging isang Rubella sa magiging anak namin. So, she stayed. She did her best to fit in.”
Ikiniling niya ang ulo. “Naging successful po ba?”
“Noong una ay hindi. Katulad mo siya ngayon. Ayaw na niya akong samahan sa mga public function. Kahit na gaano pa daw kasi siya kaperpekto ay may nasasabi pa ring hindi maganda sa kanya. Pero kalaunan ay natuto rin siya na makisama sa iba. She charmed the society. Ang mga ayaw sa kanya ay hindi na lang niya pinapansin. At the end of the day, ang mahalaga lang naman ay magkasama kami at napapasaya ko siya. Kaya tumagal kami ng sampung taon dahil nagtiyaga siya.”
“Pero free soul si Nanay.” Hindi ito ang tipo ng babae na nakikita niyang nakikipag-plastikan sa alta sociedad.
“Hindi ko naman inaalis sa kanya ang mga bagay na gusto niyang gawin. Hindi na siguro siya nakakakanta at sa espesyal na okasyon lang niya ginagawa pero nakakapag-compose pa rin siya ng mga kanya. Kundi lang sana nagulo ang mundo namin, malamang ay tumagal kami hanggang ngayon. At siguro ay iba ang buhay mo. Hindi mo na sana kailangang iwan si Benedikt noon.”
“Pero magkasama po kayo ulit ni Nanay ngayon. Mas simple nga lang ang buhay ninyo.”
“At kayo ulit ni Benedikt. Kailangan mo lang matutunan kung paano makakatagal sa mundong ginagalawan niya. Kung may isang bagay na pwede kang makuha sa nanay mo, iyon ay ang maging masaya sa kung ano ka at kung anong mayroon ka. Hindi mo kailangang i-please ang ibang tao. Ang mahalaga ay kayong dalawa ni Benedikt.”
Nagsalubong ang kilay niya. “Ganoon lang po ba iyon? Paano naman ang di magandang trato ng ibang tao sa akin? Hindi ko kasi maiwasang di po maapektuhan.”
“Hindi mo kailangang magpaapekto. Huwag mo silang pansinin. Ang mga tao ay pilit kang hinihila pababa para mapagtakpan ang sarili nilang kahinaan. It makes them feel good about themselves. Kung ipapakita mo na di ka apektado, kung maipapakita mo na masaya ka kasama si Benedikt, wala rin naman silang magagawa sa huli.”
“Parang hindi naman po ganoon kadali. Tingnan ninyo si Nanay. Di rin naman niya nai-please si Lolo. P-Paano si Tita Teresina? Ayaw niya sa akin.”
Ginagap nito ang kamay niya. “Hindi mangyayari sa inyo ang nangyari sa amin ng nanay mo. Sa dami ng pinagdaanan ninyo ni Benedikt, hindi siya ganoon kadaling paikutin. Kung mananatili ka sa tabi niya ay poprotektahan ka niya. Mahal ka niya, anak. At naniniwala ako na kaya mo rin siyang ipaglaban. Hawak mo ang kaligayahan mo. If you really want it to work, you have to be strong and make it work. You can always have the best of both worlds. You can stay with Benedikt and be the island girl you want to be. Nandito lang naman kami ng nanay mo kung kailangan mo kami. Pwede kang bumalik sa La Reina kahit anong oras.”
Parang nahawi ang ulap sa isipan niya. Nakita na niya ngayon kung anong lugar niya sa tabi ni Benedikt at sa mundong ginagalawan nito. Hindi siya asset ni Benedikt sa ngayon. Wala siyang maraming koneksiyon. Pero di naman iyon ang basehan ng pag-ibig. Magiging liability lang siya ng nobyo kung hahayaan niya ang ibang tao na hilahin siya pababa. Kung kaya ni Hannah na maging desperada para sa pagmamahal ni Benedikt, kaya din niyang maging matatag para mapanatili ang pagmamahalan niya.
Hindi niya kailangang isuko ang bahagi ng pagkatao niya para lang mapabilang sa mundo ni Benedikt. She could still be her own unique self.
Niyakap niya nang mahigpit ang ama at pinupog ng halik ang pisngi. “Thank you, Papa! The best ka talaga. Ikaw ang pinakaguwapo sa lahat.”
Humalakhak ito nang malakas nang matumba ito sa putting buhangin pero patuloy pa rin niya itong kinikintalan ng halik sa magkabilang pisngi. Ganoon sila magkulitan noong bata pa siya kapag ginawan siya nito ng isang malaking pabor o may maganda itong sorpresa sa kanya. “Anak, di na yata kaya ng buto ko ang paglalambing mo.”
“Sorry, Papa,” aniya at lumuhod sa tabi nito.
May ngiti pa rin sa mga labi nito. “I am glad. Hindi ko naisip na magkakausap tayo gaya nito. Na mahihingahan mo ako ng problema mo. Pakiramdam ko ako talaga ulit ang ama mo na pwede mong maasahan. Salamat, anak. Binigyan mo ulit ako ng pagkakataon na maging ama sa iyo.”
“I love you, Papa. Masaya ako na bumalik ka na sa buhay natin at nabuo ulit ang pamilya natin. At magiging masaya din kami ni Benedikt katulad ninyo ni Mama noon. I will fight for him.”
“That is the spirit.”
Inalok niya ang kamay dito para tulungan itong bumangon. “Bumalik na po kayo sa loob. Baka hanapin po kayo ni Nanay.”
“Sabihin mo sa kanya na masama ang pakiramdam ko kaya dito muna ako,” anito at kinindatan siya.
Humahagikgik niyang iniwan ang ama at nagtungo sa bar. Nasa bungad lang ng pinto ang nanay niya. Nakapamaywang ito at parang may hinahanap. “Anak, nakita mo ba ang tatay mo? Inutusan kong mag-check ng stocks ng lambanog at tuba natin pero di na bumalik. Aba! Nag-ulyanin na yata.”
“Nasa may beach po, Nanay. Masama daw ang pakiramdam niya. Gusto lang daw po niyang magpahinga.”
“Ano? Bakit hindi mo naman di niya sinabi sa akin. Ang dami-dami kong inutos sa kanya tapos masama pala ang pakiramdam niya.”
“Puntahan na lang po ninyo, Nanay. Baka kailangan lang ni Papa ng lambing,” sabi niya at kinintalan ito ng halik sa pisngi. “Goodnight, Nanay.”
Ngayong masaya na ang love life ng mga magulang niya, love life naman niya ang kailangan niyang pagtuunan ng pansin.
Tinawagan niya si Patty na aantok-antok pa nang sagutin siya. “H-Hello, Ma’am Maki.”
“Patty, gusto ko lang i-confirm ang flight ko sa isang araw. Alas diyes ng umaga?”
“Tutuloy kayo, Ma’am?” anitong biglang nagising. “Naku! Matutuwa tiyak si Sir Benedikt kapag nalaman iyan.”
“Iyan ang huwag mong gagawin. Huwag mong sasabihin sa kanya na luluwas ako. And I have another favor to ask.”
“Ano iyon?”
Nang tumingin siya sa labas ng bintana ay nakita niya na di na ganoon kadilim ang langit. Bahagyang sumilip ang buwan sa madilim na ulap. Nakadama siya ng pag-asa.
Isang malakas at matatag na babae ang minahal ni Benedikt Valenciaga. Hindi siya dapat maging duwag. Lalaban siya para dito.