Maya’t mayang tinitingnan ni Benedikt ang cellphone na nasa kamay niya sabay linga sa paligid. Wala ang atensiyon niya sa nagpe-perform sa stage na sikat na singer para sa Christmas party. Kanina pa siyang umaga tumatawag kay Maki para i-check kung tumuloy ito sa flight nito pero hindi ito sumasagot. Kahit nang tawagan niya ang mga magulang nito at pinsan ay sinabing umalis daw ito at may importanteng aasikasuhin. Kahit ang mga kasamahan nito sa trabaho ay sinabing busy ito.
Hindi naman niya ito masisi dahil maraming stress ang pinagdaanan nito nang nakakaraang linggo. Hindi rin biro na paluwas-luwas ito ng Maynila. Ni wala siyang magawa para dito. Hindi man lang niya ito naprotektahan sa mga taong maganda lang ang pakita dito kapag nakaharap siya pero pagtalikod niya ay kung anu-anong ginagawa kay Maki.
He could feel her slipping away from him. Matapos ang lahat ng pinagdaanan nila, mauuwi lang ba sa wala? He couldn’t allow this to happen.
“Hijo, nandito na sila Governor Marasigan at si Hannah,” untag sa kanya ng inang si Teresina.
Walang interes niyang tinapunan ng tingin ang paparating na mag-ama na kapapasok lang ng function room ng hotel kung saan ginaganap ang event.
“Mama, sinabi ko naman sa inyo na hangga’t maari ay iniiwas ko sila kay Maki,” aniyang may bahid ng iritasyon sa tinig. “Pwede naman sila sa ibang event pero huwag sana sa company event. Alam ninyong imbitado ko rin dito si Maki.”
“Maki?” Magaang humalakhak ang ina niya at inilahad ang mga palad. “Nasaan ba si Maki? She’s not here. She didn’t bother to board her flight, remember? Hindi nga niya sinasagot ang mga tawag mo. Bakit kailangan mong intindihin ang tao na wala naman dito. Marami namang tao dito na mas gusto kang makasama kaysa sa girlfriend mo. Come.”
Walang nagawa si Benedikt kundi salubungin sina Hannah at Governor Marasigan. Parang hindi siya makahinga dahil kailangan niyang pakiharapan ang mga ito nang maayos. Iba na ang tingin niya sa lahat lalo na nang malaman niya kung paano tratuhin ng mga taong itinuturing niyang kaibigan si Maki kasama na ang kanyang ina. Kahit na gusto niyang iwasan si Hannah para kay Maki, nakakagawa naman ng paraan si Teresina para pagsamahin sila.
“Merry Christmas,” bati niya kay Governor Marasigan matapos siyang kamayan.
“Pasensiya na kung na-late kami, hijo. The Metro is traffic.”
“I appreciate that you are here, Sir,” aniya sa pormal na boses.
Di niya maikakaila na malaking tulong sa kompanya niya ang mga koneksiyon nito pero hangga’t maari ay nililimitahan niya ang mga tinatanggap mula sa gobernador. Matapos ang fiasco na nangyari sa La Reina International Airport, nag-aalala siya na baka pati ang kompanya niya ay makaladkad na naman sa gulo. Hanggang ngayon ay nasa korte pa rin ang kaso ng mga ito. At matapos ang lindol sa Bohol ay muling nagsasagawa ng test sa isla para tiyakin kung dapat ngang tayuan iyon ng international airport o hindi.
“How are you?” tanong ni Hannah kay Benedikt matapos siyang halikan sa pisngi.
“I am good,” aniya at pilit na ngumiti.
Luminga ito sa paligid bago umupo. “And your girlfriend?”
“Wala pa siya dito pero sa palagay ko ay parating na rin siya. I am eager to have her with me this holiday.” Tiningnan niya ang cellphone. “Excuse me. I need to make a call. It is really important.”
Dali-dali siyang nagtungo sa balkonahe at sinubukan ulit tawagan si Maki. Baka sakaling sa pagkakataong ito ay kausapin na siya nito. Drat! Kung ayaw nitong pumunta, siya mismo ang pupunta dito bukas na bukas din. Ika-cancel na lang niya ang mga imbitasyon niya sa mga party na nasa schedule niya. Mapapagalitan siya ng nanay niya dahil mapapalampas nga naman niya pagkakataon na palawakin pa ang network niya. He didn’t care. Gusto lang niyang makasama si Maki.
“Benedikt, if she really wants to be with you, dapat nandito na siya. Hindi mo siya kailangang pilitin. Hindi mo kailangang habul-habulin siya,” sabi ni Hannah na sinamahan siya sa balkonahe.
Hindi niya ito nilingon at nagpatuloy sa pagda-dial. “Bumalik ka na sa party, Hannah. I don’t want any interruptions.”
Tumayo si Hannah sa tabi niya. Sa isang kamay ay may hawak itong kopita ng red wine. Hindi nito pinansin ang pagtataboy niya dito. “Ayaw niya sa mundong ito. Minsan na niya itong tinakasan, hindi ba? Mas gusto niya ang simpleng buhay. You can’t live on separate worlds, Benedikt. Siguro hindi ka talaga niya mahal.”
Tiningnan niya ang dalaga sa malalamig na mga mata. Puro lason ang lumalabas sa bibig nito. Kung mahina lang siyang lalaki ay baka naimpluwensiyahan na siya nito. Pero hindi ganoon kakitid ang utak niya pagdating kay Maki. Alam niya na mahirap ang pinagdadaanan nito. “If she wants a simple life, so be it. Doon siya masaya. Nakakapagod nga naman na luluwas lang siya dito para makihalubilo sa mga tao na maganda lang ang trato sa kanya kapag nakaharap ito at akala mo ay mabubuting kaibigan pero pinagmamalupitan na siya kapag mag-isa na lang siya at di na ako nakaharap. Ayoko rin na ganoon ang maging trato sa kanya kaya mas mabuti kung nasa La Reina na lang siya. I won’t take it against her. Kung ako iyon, baka mapuno din ako. Parang gusto ko na rin tuloy ng simpleng buhay para mapakasama si Maki. Nakakapagod din pala ito.”
Nanlalaki ang mata nitong hinawakan ang braso niya. “Benedikt, you don’t mean that. Hindi mo pwedeng isuko ang buhay na ito para sa babaeng iyon. Come on. Pinaghirapan mo ang lahat ng ito. Hindi mo ito pwedeng bitawan.”
“It is lonely on top, Hannah. Malungkot na nasa akin nga ang lahat ng karangyaan sa mundo pero wala sa akin ang babaeng mahal ko,” aniya sa mapait na boses. At nitong nagdaang mga araw ay napapagod na siya sa tinatakbo ng buhay niya. Dati ay wala siyang pakialam kung lulong man siya sa trabaho. Now he felt so empty without Maki by his side.
“Ako. Nandito ako. H-Hindi mo kailangang ibaba ang sarili mo nang ganito.” Ngumiti ito sa kanya na puno ng pag-asam. “You are made for success. You are made to be on top. Kailangan mo rin ng babae na sasamahan ka sa taas. Hindi si Maki Rubella ang babaeng iyon. Ako ang babaeng iyon, Benedikt. Tutulungan kita para makuha mo ang mga pangarap mo. Sasamahan kita sa lahat ng mga tagumpay mo. I will be the perfect woman for you.”
Niyakap siya nito subalit hinawakan niya ito sa balikat at inilayo sa kanya. “Hannah, itinuring kitang mabuting kaibigan. Akala ko malinaw iyon sa iyo lalo na nang magkabalikan kami ni Maki. Siya ang mahal ko. I don’t want you doing underhanded tactics just to get my attention and spend time with me. Hindi ko gustong pababain mo ang sarili mo. Alam ko kung anong ginawa ninyo ni Mama para paglayuin kami ni Maki. At gusto kong malaman mo na hindi ko ito-tolerate iyon. Alam ko na kinausap mo si Maki noong isang linggo. And I will hold you responsible for it.”
Napasinghap ito. “B-Benedikt, ginawa ko lang iyon dahil mahal kita. Hindi ako papayag na isusuko mo ang isang magandang buhay dahil sa babaeng iyon. She’s pulling you down. At ayaw din iyong mangyari ni Tita Teresina.”
“Listen! I am willing to sacrifice everything for her. Wala kang karapatang maliitin ang pagmamahalan namin dahil lang natatakot siyang mawala ang respeto niya sa sarili niya dahil sa ginagawa ninyo sa kanya. Akala mo ba mas mapapalapit ang loob mo sa akin dahil sa ginawa mo? Mas lumalayo lang ang loob ko sa iyo.”
Mangiyak-ngiyak itong umiling. “No! Don’t say that.” Niyakap siya nito. “Benedikt, ako naman ang nandito. Bakit di mo ako bigyan ng pagkakataon?”
“Hindi ko basta-basta isusuko si Maki. Siya ang mahal ko. Siya lang ang makakapagpasaya sa akin. Siya lang ang babaeng gusto kong makasama habambuhay. Oras na para tanggapin mo iyon.” Kusang bumitaw sa kanya si Hannah pero patuloy ito sa pag-iyak. “Have a good life, Hannah. You deserve someone who will love you. Ipaglalaban ka niya gaya ng ginagawa ko ngayon para kay Maki. Kaibigan kita. Hanggang doon lang iyon.”
At saka siya lumabas ng balkonahe. Ayaw na niyang pahabain pa ang usapan nila ng babae. Ayaw niyang masaktan si Hannah. But he was through sparing her feelings. He was through sparing his mother’s feelings. Habang sinusubukan niyang ingatan ang nararamdaman ng ibang tao na nang-aapak kay Maki ay ang nobya naman niya ang nasasaktan. He must make a stand and be firm about it. Kailangan niyang ipaglaban kung ano ang totoong gusto niya. And all he wanted was Maki. Kahit na ayaw pa silang magkasama ng buong mundo, handa siyang ipaglaban ang babaeng nagdadala ng kaligayahan sa kanya.
“Sir, nandiyan lang pala kayo,” sabi ni Patty. “Kanina pa namin kayo hinahanap.”
“Bakit?” tanong niya.
“Malapit na po kasi ang turn ninyo. Kailangan po kasi kayo sa program.”
Namulsa siya. “S-Sandali. Closing remarks na ba? Tapos na ba ang mga presentation.”
“There’s our president and CEO – Mr. Benedikt Valenciaga!” anunsiyo ng host nang makita siya at nagpalakpakan ang mga tao. “Please join us on stage.”
Hindi sumagot si Patty kundi inalalayan siya papuntang stage. Drat! Hindi niya inaasahan ito. He didn’t mind the speech. Simple lang naman ang sasabihin niya. Pero hindi niya alam kung anong itsura niya matapos ang komprontasyon nila ni Hannah.
Tumikhim lang inayos ang kurbata bago umakyat ng entablado. Kahit na labo-labo pa ang emosyon niya ay pinilit niyang ngumiti nang ibigay sa kanya ang mikropono.
“Merry Christmas sa inyong lahat. I hope you are enjoying the party,” sabi niya at naghiwayan ang mga tao. “Thank you!”
Akmang aalis na siya ng stage nang pigilan siya ng host. “Sir, may request po kami. Sa tinagal-tagal kasi namin na empleyado dito ay di pa namin kayo naririnig na kumanta. Baka pwede po ninyo kaming paunlakan ngayong gabi.”