NAALIMPUNGATAN si Maki habang nakahiga sa hita ni Benedikt nang may marinig siyang dumagundong. Akala na naman niya ay may aftershock at yumayanig ang lupa. Pare-pareho silang naging alerto at nakita niyang nagising na rin sina Benedikt at ang guide nilang si Ikeng. Dahil sa ingay ay nakita niya ang takot sa mukha ng batang si Jin. Sa palagay niya ay may trauma na ito dahil sa lindol.
Mabilis niyang kinuha ang bata mula kay Ikeng para aluin. “Huwag kang matakot. Nandito lang ako. Hindi ka namin pababayaan.”
Subalit walang pagyanig ng lupa. Nanggagaling ang ingay mula sa lagusan.
“Nandito na sila,” sabi ni Ikeng. “Ire-rescue na nila tayo.”
Lumapit sina Benedikt at Ikeng sa lagusan para tingnan kung may maitutulong ang mga ito o kung may posibleng pagguho na magpapahamak sa mga rescuer. Hindi naman sila tumitigil nang pananalangin ng batang si Jin hanggang sa wakas ay tuluyan nang bumukas ang lagusan at nakakita na rin sila ng liwanag mula sa labas. Hindi na niya alam kung gaano sila katagal ni Benedikt sa loob pero pakiramdam niya ay ilang taon na silang nandoon.
Isang rescuer na nakasuot ng neon orange na suit at may helmet na may ilaw sa harapan ang lumusot mula doon. “Ayos lang ba kayo diyan? Wala bang nasaktan sa inyo?” tanong ng rescuer.
“Wala naman po, Sir,” anang si Ikeng. “Nagamot na po ang mga sugat namin.”
“Mauna nang lumabas ang bata at ang babae. Kailangan nating makaalis dito bago na naman magkaroon ng aftershock at magkaroon ng pagguho.”
Patuloy pa rin ang pananalangin ni Maki habang palabas ng kuweba. Kalong naman ng rescuer si Jin kaya naman naging madali para sa kanya at sa iba pa ang makalabas. Pakiramdam niya ay napakahaba ng oras na kinailangan niya para makalabas sa kuweba na iyon habang mabilis na mabilis naman ang tibok ng puso niya. Nang mga oras na iyon ay dasal na lang ang sandata niya. Wala siyang ibang mapagkakatiwalaan kundi ang Dakilang Lumikha na alam niyang nagpahiram lang sa kanya ng buhay. Kailangan niyang maging matatag para magkasama pa sila ni Benedikt. Kailangan.
Nang sa wakas ay makalabas sila ni Benedikt ng kuweba ay suminghap agad siya para makasagap ng hangin. Nasilaw pa siya dahil sa loob ng ilang oras ay nasanay na ang mga mata niya sa dilim. Matindi pa rin ang sikat ng araw kahit na kulay kahel na iyon at mukhang malapit nang lumubog. Pinuno niya ng hangin ang baga niya hanggang maramdaman niya ang pagyakap ni Benedikt sa kanya.
“We are safe now, Maki. We are alive,” he whispered and she felt his lips on top of her head. Nang maramdaman niya ang init ng yakap nito ay naipagpasalamat niya na natupad ang panalangin niya – buhay siya at kasama niya ang lalaking mahal niya.
Tahimik lang siyang umiyak dahil hindi pa rin siya makapaniwala na nalampasan niya ang mabigat na pagsubok na iyon. Lalo pa siyang naging emosyonal nang makita kung paanong yakapin si Jin ng nanay nito na iyak nang iyak at ang iba pang mga kapatid na kasama nito kanina sa kuweba. Maging si Ikeng na sinundo rin ng may edad na nitong ina at palahaw din ng iyak ang mag-ina.
Nakadama si Maki ng kahungkagan sa puso nang maalala si Aling Lupita. Nanganib na nga ang buhay niya at lahat, di pa nito alam kung nasaan talaga siya. Ang alam nito ay ligtas siya sa Palawan. “G-Gusto ko nang umuwi,” nausal niya kay Benedikt at naiiyak itong tiningala. “Gusto ko nang tawagan si Nanay at sabihin sa kanya na okay lang ako. Na ligtas ako.” At gusto rin niyang sabihin dito ang totoo – na nasa Bohol siya at kasama niya si Benedikt.
“Sige. Kapag nakahanap tayo ng area na may cellphone signal,” wika ni Benedikt at inilabas ang cellphone na kakaunti na lang ang baterya. Bumaling ito sa rescuer nila. “Sir, saan po ba makakasagap ng cellphone signal malapit dito?”
“Sir, mahihirapan po kayo. Down ang signal ng cellphone dahil na rin sa lindol. Ang mahalaga po ay makapunta kayo sa ligtas na lugar bago na naman ang panibagong aftershock. Saan po ba kayo tumutuloy?”
“Nasa Carmen ang ibang gamit namin,” sagot ni Benedikt. Ilang damit lang naman iyon pero karamihan ng importanteng gamit nila ay naiwan sa resort sa Anda.
Napailing na lang ang rescuer. “Mahihirapan po yata kayong makapunta doon dahil ang Carmen at ang isa sa pinakamatinding tinamaan ng lindol. Sa Sagbayan po kasi ang pinaka-sentro ng lindol ayon sa bali-balita. Ang masaklap pa, nasira ang mga daan doon kaya hirap din ang mga rescuer at mga magdadala ng relief goods. Ilang sinaunang simbahan na rin dito sa Bohol ang gumuho kaya lumong-lumo din kami.”
“Sir Benedikt, kung gusto ninyo ay sa amin muna kayo tumuloy,” anang principal na si Mr. Esteves. “Mas ligtas at komportable po kayo doon. At gagawa po kami ng paraan para ma-contact ang pamilya ninyo para makabalik kayo sa inyo.”
Magkasalubong ang kilay niya nang magkatinginan sila ni Benedikt. Gaano ba talaga kalala ang lindol na tumama sa Bohol para matumba ang mga simbahan at maging ang bahagi ng Chocolate Hills ay gumuho.
Nanlumo si Maki habang bumibiyahe sila sakay ng four-by-four na kotse habang nadadaanan nila ang mga bahay na gawa sa pawid at kawayan na iginuho ng lindol. Maging ang ilang lumang bahay ay nasira na rin. Hindi siya makapaniwala na sa isang iglap lang ay ganoon kabilis wasakin ng kalikasan ang lahat ng istrakturang itinayo ng mga tao. At sa lakas ng lindol na iyon, ilan kayang mga buhay ang nawasak. Kung hindi sila nakaligtas ay baka isa sila sa mga istatiska ng mga nasawi.
Humilig siya sa balikat ni Benedikt at inangat naman nito ang kamay niya saka kinintalan ng halik ang likod ng palad. Mabuti na lang at hindi iyon nangyari dahil alam ng Diyos na marami pa siyang unfinished business sa mundo. Kasama na si Benedikt doon. May buhay pa na naghihintay sa kanila. Hindi na niya sasayangin ang pangalawang pagkakataong ibinigay sa kanila. Hindi niya iiwan ang binata.