MAGANDA ang gising ni Xeen. Magaling na rin ang sugat niya sa paa. Naroroon pa rin pala sa kanya ang kakayahan niyang mag-self-heal ng mga sugat, mas mabagal nga lang ang process. Dapat ay ilang minuto lang at magaling na ang sugat niya, pero inabot pa ng buong magdamag bago tuluyang nawala iyon.
Siguro dahil na naman sa disequilibrium. Nasa kanya nga ang kakayahan pero mahina naman. Sa ngayon, gusto niyang malaman kung tama ba ang natuklasan niya kahapon. Na kapag nasa dagat siya, sa ilalim ng tubig, magiging sirena siya. Naligo siya sa shower kahapon pero hindi naman naging buntot ang kanyang mga paa. O baka dahil iyon sa may kaunti pa ring sugat.
Ah! Gusto niyang malaman.
Madilim-dilim pa naman sa paligid. Alas singko y medyapalang ng umaga. At hindi ganoon kalayo ang dagat.
“Wala naman sigurong makakapansin sa akin,” bulong niya sa sarili.
Marahan at buong ingat siyang lumabas ng silid na ipinapagamit sa kanya ni Ezio. Ewan nga ba kung ano ang nangyari sa lalaking iyon at pumayag na lang basta na doon muna siya sa bahay nito. Samantalang kung hindi nga niya ipilit na kakain siya ay hindi siya nito aalukin, pagkatapos ay biglang nag-offer ng silid.
“Ah! Ewan sa kanya.”
Bahala ito sa buhay nito basta hindi niya ito titigilan hangga't hindi niya nakukuha ang susi ng lagusan.
Nakalabas si Xeen ng bahay na walang nakakapansin. Maingat naman kasi siyang kumilos, saka nasa ground floor lang ang silid niya. Kahapon, umakyat si Ezio sa second floor at pumasok sa isa sa mga silid doon at hindi na bumaba. O kung bumaba man, hindi na niya namalayan dahil nakatulog na siya.
Maliban sa self-healing, malakas na pandinig at malakas na puwersa, wala nang kakaiba sa kanya. Para siyang normal na tao lang. Nagugutom at napapagod.
Ah, hindi. Iyong pagta-transform niya bilang sirena. Hindi iyon normal sa isang tao. Kaya nga kailangan niya iyong alamin ngayon.
Mabilis na nagtatakbo si Xeen papunta sa dagat kahit walang suot na kahit ano sa paa. Hindi naman kasi nag-offer ni tsinelas man lang si Ezio. Nang pumasok siya sa silid, may dress at panloob nang nakalatag sa kama. Si Manang Nely raw ang nag-provide niyon.
Malayo sa taste niya ang medyo conservative na yellow dress dahil above the knee ang haba niyon. Pero gusto na rin niya ang hakab ng madulas na tela. Nakakita siya ng gunting sa drawer kaya nagawa niyang remedyohan ang suot. Pinutulan niya ng kaunti ang laylayan ng pahalang na tabas paibaba. Sa isang bahagi ay maigsi at mahaba naman sa kabila. Pinigtas naman niya ang isang strap ng pa-crisscross na terante ng bestida at naging asymmetrical na.
At hayun, may mga lamuymoy ang pinagtabasan niya. Pero masaya pa rin siya maski paano. Ang fashionable naman kasing tingnan.
Pagkarating sa dagat, nagpalinga-linga siya sa paligid. Mukhang private ang lugar na iyon at wala namang naliligaw na nilalang. Kaya wala na rin siyang pagdadalawang-isip. Hinubad niya ang dress na suot at dahan-dahang naglakad papunta sa tubig. Kalalapat palang ng paa niya roon, nakakaramdam na siya ng kakaiba. Parang pilit na nagdidikit ang mga paa niya habang papalubog nang papalubog sa tubig. Nawawalan din iyon ng puwersa at napasalampak na lang siya sa tubig.
Iyong bagsak ng katawan niya sa dagat ay instant na nagbago ang anyo ng mga paa niya hanggang sa baywang. Naging buntot na striped gold and silver ang mga paa niya at hanggang baywang ang kaliskis na ganoon din ang kulay.
“Wow!”
Kandamulagat si Xeen sa sarili. Kahit dalawang beses na niyang naranasan na mag-transform ang mga paa, nagugulantang pa rin siya.
Paano nangyari? Half-breed din ba siya? Pero sana naging sikat din siya sa buong Engkantasya kagaya ni Kroen na kalahating tao at kalahating lambana. Buong panahon na nabuhay at namatay siya sa mundo, palaging ang batas para sa isang lambana ang nararanasan niya sa tuwing may malalabag na batas. Hindi siya naparusahan ng kakaiba katulad ng kay Kroen.
Pero baka ibig sabihin din ng mga kakaibang nangyayari sa kanya ngayon ay walang bisa sa kanya ang sumpa ng halik sa isang mortal. Wala naman nga siyang nararamdaman na kakaiba kaya baka nga walang bisa sa kanya ang paglalapat ng mga labi nila ni Ezio. Siguro dahil for a good cause naman ang naganap kaya hindi umeepekto.
Ah! Saka na niya iisipin iyon. Gusto muna niyang i-explore ang advantage ng pagiging sirena.
Manghuhuli siya ng malaking-malaking tuna para matuwa naman sa kanya si Ezio.
Sandali nga!
Bakit gusto niyang matuwa sa kanya ang bruhildong si Ezio?
Ah! Dahil kailangan niyang makuha ang singsing. Kapag nagpakabait siya sa binata, baka magbago ang isip nito at isuko ang singsing.
“Kailangan kong manghuli ng dambuhalang tuna!”
TUNA MACKEREL.
Nag-aarkuhan ang mga kilay ni Ezio nang magpaliwanag si Xeen kung saan nito kinuha ang halos walong kilong tuna. Hindi siya naniniwala. Ayaw niyang maniwala na ito ang humuli sa malaking isda na walang kahit anong dalang gamit sa pangingisda. Baka kinulimbat nito sa mangingisda na nasa baybayin.
Nagulantang talaga siya nang mula sa kung saan ay sumulpot ito sa porch at ihagis ang buhay na tuna sa paanan niya. Sarap na sarap pa siya sa paghihikab at naputol iyon nang wala oras sa biglaang pagsulpot nito.
Kung may sakit siya sa puso ay baka inatake na siya. Magkakawag ba naman sa tabi niya ang pagkalaki-laking isda!
At paanong makakahuli si Xeen na hindi man lang nababasa ang damit nito?
Teka!
“Ano'ng nangyari sa damit mo? Bakit gula-gulanit iyan?!”
Agad ang pag-atake ng pag-aalala kay Ezio. Kinalimutan na niya ang tungkol sa tuna at ini-interrogate si Xeen.
“May nang-harass ba sa `yo sa may dalampasigan? May nambastos ba sa `yo doon?”
Private place ang kinatitirikan ng vacation house nila. Malawak din ang nasasakop na lupain at baybayin. Imposibleng may basta makapag-intrude. Pero ano ba'ng malay niya? Sa panahon ngayon, napakarami nang pasaway. At si Xeen, palagay niya ay wala sa tamang pag-iisip. Ano ba'ng malay nito kung bastos ang nakasalubong nito at pinagtangkaan ito ng masama?
Nag-igting ang mga bagang ni Ezio sa mga naiisip. Halatang pinigtas ang isang terante ng criss-cross strap ng dress nito. Nandoon pa ang lamuymoy ng pinagpigtasan. Ang laylayan ay may mga lamuymoy din ng pinagpunitan. Pero bakit may bahagi na parang ginupit? Pero mas malaki ang bahagi na halatang pinunit.
Muling bumalik ang pag-aalala niya. Hindi kaya may dalang matalim na bagay ang kung sino na ipinanakot...
“Wala namang ibang tao sa shore. Maliban sa mga jellyfish, wala nang ibang nambastos sa `kin at nagbalak lumapit.” Sandaling sumimangot ito, kapagkuwan ay ngumiti na ulit.
Hindi niya alam kung mapapanatag o magagalit. Ano bang jellyfish ang sinasabi nito? Sa paningin ba nito ay jellyfish ang mga bastos na iyon?
“Ano'ng ginawa sa `yo ng mga jellyfish na `yon?!” malakas ang boses na sita niya rito.
Hindi na siya magtataka kung biglang sumulpot doon si Manong Fred o Manang Nely sa pagsigaw-sigaw niya.
Parang nagulat naman si Xeen at bahagyang napaatras mula sa pagkakatayo.
“Ano... ano lang. Lumalapit sila sa may... dibdib ko. Saka sa may leeg ko. Saka dito...” Bumaba ang kamay nito sa may balakang na lalong ipinag-init ng ulo niya.
Kung ganoon ay may nagtangka ngang mambastos dito?!
“Pero napaalis ko naman sila kaagad bago sila makakapit sa `kin. Kung mabilis sila, mabilis din ang buntot--”
“Nasaan ang mga hayup na `yon?!” galit na galit na tanong ni Ezio.
Tumira siya sa isang... hindi man sibilisadong lipunan, pero kailanman ay hindi siya pumayag makakita ng nababastos. Matanda man o bata, may kapansanan man o wala. At itong malaman na nabastos ng kung sino si Xeen, gusto talagang kumulo ng dugo niya.
Sa pagtataka pa niya ay basta lang nakatunganga si Xeen sa reaksyon niya.
Ah! Ano'ng nakakapagtaka? Wala ito sa tamang pag-iisip. Kaya nga hindi nito alam na masama na ang ginawa dito ng kung sinong 'jellyfish' kung ituring nito.
“Nasa dagat sila...” Lumingon ito sa pinanggalingan.
Mabilis naman niya itong nahablot sa braso. Babalik sila sa dagat!
“Ituro mo sa `kin ang mga hayup na `yon at nang maireklamo natin sila sa barangay--”
“Sa barangay? Tatanggapin ba ng barangay ang reklamo natin sa jellyfish? Saka `di naman nila ako nakapitan. Wala rin naman silang ginawang masama--”
“Anong wala?!” Kandahurumentado si Ezio habang naglalakad sila at hawak niya sa braso si Xeen. “Tinangka ka nilang bastusin, masama `yon! Napakasamang gawain no'n!”
“Pero hindi nga sila nakakapit masyado--”
“Basta ituro mo sila sa `kin,” giit na putol niya sa mga pangangatwiran ni Xeen. Paano ito makakapangatwiran sa kung ano ang tama at mali, ni hindi nito alam ang tama at mali. “At ikaw naman! Bakit ka nagpupunta do'n nang mag-isa?” galit pa ring singhal niya rito.
Ni walang nakapansin na lumabas ito.
“Nakalayo na sila, baka hindi na natin makita.” angal pa rin nito na hindi pinansin ang huling sinabi niya.
“Dumeretso na lang tayo sa barangay at do'n mo sabihin ang mga ginawa sa `yo ng mga walanghiyang jellyfish na sinasabi mo. I-describe mo rin ang mga hitsura nila. Kaya mo ba?”
Napahinto na siya sa paglalakad at ganoon din si Xeen. Ganoon na lang ang pag-aalala niya rito. Napakaganda nito. At kung magpapakalat-kalat nga ito sa lugar na may mga halang ang kaluluwa, hindi na mahirap isipin na mapahamak nga ito. Pasalamat na lang din siya na sa yate ng ama niya nito naisipang sumampa.
Pero hindi pa rin niya mapapalagpas ang nangyari ngayon. Kailangan nilang mai-report ang nangyari para naman hindi na maulit ang ganitong insidente.
“Oo, kaya ko naman. Simple lang naman ang hitsura nila.” Tiningala siya ni Xeen. Hanggang balikat niya lang ang babae. “Hindi mo pa ba sila nakikita? Madaming gano'n sa dagat at tagarito ka naman sa dagat,” parang nagtatakang sabi nito.
Sa isip ni Ezio, ang ibig sabihin ni Xeen ay tagaroon lang sa lugar ang mga tinutukoy nito. Lalo tuloy tumindi ang kanyang galit at pag-aalala. Hindi dapat na lumalabas si Xeen nang mag-isa.
“Para lang naman silang mushroom na maraming tangkay. Ang dami nilang paa. `Tapos malilikot sila. Pero nakakatuwa silang panoodin na lumangoy. Para silang tumatalon-talon lang,” hagikgik ni Xeen. “Pero ang babastos talaga nila. Ipinapasa nila `yong makati at mainit nilang sting. Alam naman nilang tao rin ako kahit paano...”
Nagkagulo ang mga kilay ni Ezio. Pati mga neurons niya, parang ayaw gumana nang maayos. Ano'ng sinasabi nito? Bakit parang literal na jellyfish ang tinutukoy ni Xeen?
At paano itong nabastos ng jellyfish sa ilalim ng dagat? Tuyong-tuyo ang damit nito at ni kaunti maski sa laylayan ay hindi makikitaan ng senyales na nabasa ito o nanggaling sa tubig.
Well, puwera sa bahaging tiyan dahil sa pagkakabuhat nito sa tuna.
Ah! `Yong tuna! Saan galing ang tuna?
“Sabi naman nila sa `kin, hindi naman sila makamandag. Nasa malayo raw ang mga matatapang na kauri nila,” dagdag pa nito.
“Ha?”
Ngayon niya na-realize na wala siyang makukuhang matinong impormasyon kay Xeen. Kung madalas na mukha itong normal na kausap, madalas din na bigla na lang liliko ang mga sinasabi nito sa mga hindi kapani-paniwalang bagay. Wala na talagang kaduda-duda: Xeen was sick!
At kailangan na niyang makuha ang information ni Xeen kay Jyle para maisoli na niya ito sa pamilya nito. Baka mapahamak pa ito sa poder niya kapag hindi niya ito nabantayan nang maayos.
Ah! Gustong sumakit ng ulo niya. Bakit siya napasok sa sitwasyon na nagkaroon ng obligasyon sa isang...
Well, napakagandang babae na may mental illness.
Hay!
“Alright!” Pabuntong-hiningang inabot niya ulit ang braso ni Xeen at hinila pabalik. Siguro, makikipag-ugnayan na lang siya sa barangay at hilingan na magronda ang mga tanod para sa security ng marami.
“Hindi na tayo magrereklamo?” Nagtatakang tiningala siya ni Xeen. Para talaga itong bata na walang muwang. Cute.
What?!
“Hindi na,” kaswal na tugon niya maski gusto na niyang mapangiti rito nang bigla itong ngumiti sa kanya.
“Ibig sabihin, bibigyan mo na ng atensyon `yong regalo ko sa `yo?”
“Anong regalo?” Napakunot-noo si Ezio.
“`Yong tuna na hinuli ko.”
Sandali siyang natigilan, kapagkuwan ay natawa. Si Xeen naman ay takang-taka na nakatingin sa kanya.
Siguro, papapuntahin niya si Mang Fred sa baybayin mamaya para pabayaran ang kung sinong pinagdukutan ni Xeen ng tuna.
Kung ano-anong kalokohan ang ginagawa ni Xeen, kakasimula pa lang ng araw. At wala pa yatang kalahating oras ay kung ano-ano nang damdamin ang pinalabas nito sa kanya. Naroong maasar siya, magalit, mag-alala nang sobra-sobra... At sa huli, heto siya at natatawa na lang sa mga pinaggagawa ng babae. The feels.
Now he could tell that he was really alive. Ine-exercise ni Xeen ang mga damdaming dati naman ay hindi basta-basta nagigising sa katauhan niya.
What is it about you, Xeen, that I even enjoy your craziness, huh?
“Alright! Let's me see your gift,” aniya rito.
Tuwang-tuwa naman siyang hinila ni Xeen pabalik. Nagulat pa siya sa lakas nito na halos makaladkad siya. Pero mukha rin naman itong hindi nag-effort sa malakas na paghila sa kanya.
Ah! Naalala niya iyong observation niya sa mga may sakit sa isip. Kadalasan ay malakas ang pisikal na puwersa at heightened ang senses.
May sakit nga talaga itong si Xeen. At gusto niya itong tulungang magamot sa kung anumang mali sa utak nito.
Gusto niya itong gumaling. Pero bago iyon, kailangan muna niyang alamin kung sino at nasaan ang pamilya nito. Kung itatanong niya kasi rito, baka hindi rin siya nito sagutin nang maayos.