CHAPTER 7

“HINDI ko maintindihan. Bakit magkamukha sila?”

Napalingon si Ezio kay Jyle na naroroon sa front porch habang pinapanood si Xeen na tuwang-tuwa sa ginagawa ng dalawang matandang katiwala. Nililinisan kasi nina Manang Nely at Manong Fred ang mga tahong na nahuli ng huli sa dagat.

“Sino'ng magkamukha?” takang-tanong niya kay Jyle.

“Sina Rosette at Xeen. Magkahawig sila. Magkaiba lang ng kulay ng buhok. Highlighted blue ang kay Rosette at burgundy naman diyan kay Xeen. Ah, `yong mga mata nila, magkaiba rin. Pero maliban sa kulay na iyon, wala na silang pagkakaiba. Pareho sila ng taas, ng katawan...” Lumapad ang ngiti nito na parang may kung anong kapilyuhang naisip. Gusto niya tuloy itong sakalin. “Pareho silang sexy. Pareho silang diyosa!”

“Damn!” asik niya rito. Parang gusto niya itong itaktak nang tumigil na ang kung anumang nasa kukote nito.

Hindi.

Baka siya itong kung ano-ano ang nasa kukote.

“Sinong Rosette ang sinasabi mo?” pagalit pa ring tanong niya.

“Hey! Easy ka lang, bro.” Natatawang tinapik siya nito sa braso. “Para kang si Erastus maka-react. Eh, `di ba totoo naman na maganda at sexy siya? Bakit ba nauunahan ako sa mga magaganda at sexy? Tsk-tsk...”

Pinilit pakalmahin ni Ezio ang sarili habang nakikita kung paano na namang lumalapad ang ngiti ni Jyle habang pinagmamasdan si Xeen. Parang gusto niya tuloy hablutin ang dalaga at itago sa kanyang bulsa. Hindi niya gusto ang ideya na may mga taong kagaya ni Jyle na parang sinusuri ang kahit kaliit-liitang bahagi ni Xeen.

“Come on, Jyle. May diperensya sa pag-iisip si Xeen. `Wag mo na siyang pagnasaan,” aniya sa mas pinakalmang boses.

Mabuting tao naman si Jyle. Sadyang hindi niya lang gusto na nakikitang tumitingin ito ng may pagnanasa kay Xeen.

At masisisi ba naman niya ito? Sa suot ni Xeen na halos walang kalahati ng hita nito ang naka-expose, gusto na lang niya itong takluban ng kumot.

Speaking of dresses. Kailangan siguro niya itong ipamili mamaya. Hindi ganitong mukhang mahuhubaran na ang dalaga.

Kapag naiisip niya kung anuman ang puwedeng nangyari kay Xeen kaninang umaga, gusto na namang mag-init ng ulo niya.

“Nah! Exactly what Erastus told me. Parang kulang daw ng isang turnilyo si Rosette. Pero n'ong bumalik na siya sa serbisyo, hindi naman na niya binanggit iyon. Parang convinced na siya na wala namang problema kay Rosette. Sadyang kakaiba lang `yong babae. Kagabi nga lang, tanungin ba naman ako kung paano daw akitin si Erastus. Palagay ko naman, hindi na kailangan.” Sinundan iyon ng nakakalokong tawa ni Jyle. Parang aliw na aliw sa pagkukuwento.

“Teka nga...” pigil niya kay Jyle. “Sino ba `yang Erastus at Rosette na sinasabi mo? Hindi ko maintindihan.”

Pumalatak si Jyle. “`Yon ngang buddy ko na nakapulot din ng diyosa, kagaya mo. 'Rosette' ang pangalan at kahawig ni Xeen. Wala din `yong apelido. Wala din kahit anong information tungkol sa kanya. Kung foreigner naman kasi, bakit magaling mag-Tagalog? Ah! Nahihirapan akong intindihin ito. Hindi kaya magkapatid sila?”

Tuluyan nang nahulog ang curiosity ni Ezio sa mga pinagsasabi ni Jyle. Gusto niya tuloy makita ang Rosette na iyon.

“Sigurado ka bang walang kahit anong info tungkol sa kanila? `Yong picture nila, wala talagang kahawig sa kahit sino sa kahit anong social media sites? Paano nangyari? Imposible naman na wala silang pamilya.”

Hinugot ni Jyle ang cell phone at nagpipindot, saka iniharap sa kanya. Naka-zoom in iyon sa isang picture ng napakaganda ring babae na halos blue ang kulay--mula sa buhok, damit at maging sa kulay ng mga mata. Parang si Xeen noong una niyang makaharap.

Except that Xeen was a literally red goddess. Sa kulay kasi nitong halos lahat ay pula, idagdag pang sobrang alluring ng aura. Ang pupula ng mga labi, mukha itong napakainosenteng diyosa pero malakas ang hatak ng sex appeal...

Ah! Ano ba itong pumapasok sa utak niya? Ang dapat unahin ay ang misteryo sa katauhan ni Xeen. At ng kung sinong Rosette na iyon.

“Yeah... magkahawig nga sila,” wala sa loob na sambit ni Ezio at napalingon sa humahagikgik na si Xeen habang kausap ang dalawang matanda.

Walang itulak at kabigin sa dalawa nina Xeen at Rosette kahit sa picture pa lang niya nakikita ang huli. Magkahawig nga ang dalawa. Parehong kakaiba ang ganda ng mga ito. Sa picture pa lang, nakikita na niyang mala-porselana din ang kutis ni Rosette. Wala talagang duda, hindi basta-bastang tao ang mga ito. Malamang na may mga sinasabi sa buhay. Kaya lang ay bakit nagpapakalat-kalat ang mga ito? Ano ang nangyari sa dalawa?

At hindi kaya related nga ang mga ito sa isa't isa?

“Kung gusto mo, kukumbinsihin ko si Erastus na isama dito si Rosette at pagharapin ang dalawang diyosa. Malay mo, magkakilala pala sila. Baka doon na masagot ang mga tanong natin.”

Napabaling si Ezio sa nagsasalitang kaibigan. Napaisip din siya. Baka naman nga magkakilala ang dalawa nina Xeen at Rosette. Mabuting pagharapin na nila ang mga ito.

“Sasama na lang kami pabalik at gusto ko nang makaharap ang mga sinasabi mo,” biglaang desisyon niya.

“Nah... Sila na lang ang dadalahin ko dito,” pigil sa kanya ni Jyle na ipinagtaka niya.

“Ha? Bakit?”

Nagbuntong-hininga ang kaibigan niya. “Kababalik lang kasi ni Rosette pagkatapos ng isang buwan na nawala iyon. Medyo may pagka-protective ngayon si Rass sa babae niya kaya mahirap kung basta ko kayo ihaharap sa kanya. Ayaw kasi ni Erastus na basta i-expose si Rosette sa kung sino-sino. For her security or maybe he was afraid to be left aside again. Hindi ko eksaktong alam ang nangyari dahil ayaw magkuwento ni Erastus, pero may palagay ako na sumama si Rosette sa Axyl na nakilala nila somewhere here in Batangas. Ayaw na lang niya sigurong maulit iyon kaya halos ikulong niya si Rosette sa condo niya. Mas mabuti na i-inform ko muna siya tungkol sa inyo. Siguro, kakausapin ko muna siya at kung papayag, dadalhin ko sila dito.”

Medyo nalilito siya sa kuwento ni Jyle pero bahagya na rin niyang naintindihan. Siguro, in love ang Erastus sa Rosette kaya sobrang protective. Ganoon naman daw talaga kapag mahal mo, poprotektahan mo. At kahit lamok, hindi mo hahayaang makalapit dito.

Argh! Ano na naman itong iniisip niya?

“Anyway, kailangan ko na ulit bumalik at may new assignment ako. Pinilit ko lang isingit ang personal na pagpunta rito. Na-curious kasi talaga ako kay Xeen noong ipasa mo sa `kin ang picture,” anito kapagkuwan.

Kahapon, palihim na kinunan niya ng picture si Xeen at ipinasa kay Jyle para sa mas madali nitong pagbubuklat ng information ng babae. Maliban kasi sa pangalan nito at mukha ay wala na siyang alam.

Dahil sa naalala ay bigla niyang inagaw ang cell phone ni Jyle at hinanap ang picture ni Xeen, saka binura.

“Hey!” angal ni Jyle.

Pati Messenger na pinagsendan niya ng picture ay binura niya.

“Ah! Ano ba, bro? Para picture na `yan. Nasa `yo naman siya physically--in the flesh,” natatawang sabi nito.

Tinapunan niya ito ng masamang tingin. “Kilala kita. Mahilig ka sa babae. Mahirap na. Xeen is off-limits,” mariing sabi ni Ezio.

“Says who?” kunot-noong balik nito sa kanya.

“Ako. Sabi ko. Bakit? Magrereklamo ka pa?”

Tumawa na naman si Jyle at tinapik siya sa braso. “Pag-ibig na ito. Para ka na rin talagang si Erastus. Ang territorial.”

At nagpaalam na sa kanya si Jyle. Naiwan siyang parang sinampal.

Territorial?

Umaakto ba siyang territorial? Ganoon lang naman siya dahil ayaw niyang pinagnanasaan ng iba si Xeen.

At sino lang ang puwedeng magnasa sa kanya? Ikaw?

Nah!

Yamot na napasinghal sa sarili si Ezio.

“She's not in her right mind! Ayoko lang naman na aabusuhin siya ng iba o may mag-take advantage sa kanya...” asar na sigaw niya sa nakalayo nang si Jyle. “Hindi niya alam kung alin ang masama na at hindi! Paano kung mapahamak `yan, eh, di konsiyensiya ko pa?!”

Kumaway lang patalikod habang naglalakad si Jyle. Napapalingon naman sa kanya ang tatlo nina Manang Nely, Manong Fred at Xeen. Parang takang-taka sa pagsigaw niya.

At noon niya na-realize na ang pasigaw na pagpapaliwanag niya kay Jyle ay hindi talaga para sa kaibigan kundi para sa sarili. Dahil sa totoo lang, hindi niya rin maintindihan ang sarili kung bakit may umaahon sa kanyang concern para kay Xeen.

“Ezio!” tawag ng babae sa kanya.

Naputol tuloy ang pagkondena niya sa sarili. At nang lumingon siya sa dalaga, parang nalusaw na lahat ng pagkainis niya sa sarili. Dahil sa ngiting iyon. Dahil sa mga matang iyon. Dahil sa... babaeng ito.

Na ewan ba niya kung ano ang purpose at bigla na lang pumasok sa kanyang buhay.

He sighed heavily. “Bakit?” pagsusungit niya kay Xeen.

“Halika dito! Tingnan mo itong mga tahong, ang titigas ng ulo! Ayaw bumuka!” parang nanggigigil na sumbong sa kanya ni Xeen.

Humagalpak ng tawa ang mag-asawa sa tabi nito.

Napa-facepalm na lang si Ezio. Para talagang walang kamuwang-muwang sa mundo si Xeen. Paano ba namang hindi aatake ang concern niya kung ganito ang parating bumubungad sa kanya?

Napilitang lumabas si Ezio ng front porch at lapitan ang dalaga.

“Hindi talaga sila bumubuka hangga't hindi naluluto,” aniya kay Xeen na inagaw ang hawak nitong tahong.

Nakita niyang nagsalubong ang mga kilay ni Xeen. “Eh, paano pala sila kumakain? Saan dadaan ang pagkain nila?”

Tuluyan nang natawa si Ezio kasunod ang paghagalpak ulit ng dalawang matanda. Si Xeen naman ay palipat-lipat ang tingin sa kanila na parang takang-taka.

“Pakiluto na nga lang po ng mga iyan at nang makakain na tayo,” sabi na lang ni Ezio kay Manang Nely at niyaya na si Xeen papasok sa loob.

MASAMA ang tingin ni Xeen sa mga tahong na nasa plato niya. Paano, hindi niya maintindihan ang hitsura. Saka iniisip pa rin niya kung paano nabubuhay ang mga iyon. Ano ang kinakain at paano kumakain kung ganoon na hindi bumubuka habang hindi pa naluluto?

“Bakit hindi mo ginagalaw ang pagkain mo, Xeen?” tanong ni Ezio.

Sila lang ang magkasabay kumain. Ayaw pang sumabay ng mag-asawang katiwala.

I-v-in-oice out niya ang mga tanong sa isip. “Iniisip ko lang, bakit ganito sila? Nakakatakot.”

“Ha? Ano'ng nakakatakot sa tahong?” Parang nagtataka na si Ezio sa mga sinasabi niya.

“Para silang `yong halimaw sa poster sa silid na ipinagamit mo sa `kin.”

“Alin?”

“`Yong wallpaper na nakakapit sa dingding. `Yong Plants vs. Zombies na game. `Yong nasa tablet mo.”

Lalong nagsalubong ang mga kilay ni Ezio.

“Pinakialaman mo ang tablet ko?”

Inosenteng tumango siya. “Oo. Iniwan mo sa sala ang pinaglalaruan mo, eh, di ako na ang nagtuloy.”

Napapikit si Ezio nang mariin.

“Itong tahong, kamukha ng halimaw na halaman na kumakain ng zombies. Zombies din ba ang kinakain ng tahong? Ayoko na sa kanila. Saka bakit mayroon sila n'ong magaspang na katulad ng panlinis ng plato? `Yong ginagamit ni Manang Nely. Scotch-Brite daw ang tawag do'n no'ng itanong ko kanina.”

Sandaling tumitig si Ezio sa kanya bago tumayo at ilang beses na nagpalakad-lakad sa may gilid ng mesa. Ilang sandali pa at humagalpak ito ng tawa. Para bang pinigilan lang nito ang sarili na matawa sa ginawang paglakad-lakad pero hindi rin naman nagtagumpay.

Nalilitong napatingin naman siya kay Ezio. Ano ba'ng nakakatawa sa tanong niya? Ang ayos-ayos niyang magtanong, pagkatapos tatawanan lang siya?

“Saang lupalop ka ba galing, Xeen, at ganyan ang mga tanong mo?” Tumatawa pa rin si Ezio na inabot ang baso ng tubig at uminom. Naluha na ito sa kakatawa sa kanya at hindi pa rin niya ma-gets kung ano ba ang nakakatawa.

“Bakit? Totoo naman, ah. Tingnan mo.” Hinila niya ang magaspang na bahagi ng tahong--iyong parang Scotch-Brite--at saka ipinakita sa lalaki. “`Yan, o! Kamukha ng Scotch-Brite!” asar na sabi niya.

Kumuha ulit si Xeen ng tahong. Tumayo siya at ipinakita kay Ezio.

“Titigan mo maigi. Kamukhang-kamukha no'ng halimaw na halaman. `Yong kurba, ganyan na ganyan ang bunganga n'ong halimaw!”

Halos ipagduldulan niya ang tahong sa mukha ni Ezio. Para kung hindi nito nakita ang sinasabi niya, ngayon imposible nang hindi makita.

“Sandali, sandali!”

Inagaw na nito ang tahong sa kanya, saka inginuso ang puwesto niya. Na-gets naman niya. Pinapabalik siya sa upuan. Nakasimangot na sumunod si Xeen.

Nabo-bore na siya. Matapos patayin ni Mang Fred ang tuna at linisin ni Manang Nely, inilagay sa malaking kahon na ang pangalan ay refrigerator, akala niya ay lulutuin na. Nag-request daw si Ezio ng tahong kaya nanguha ang matandang lalaki sa taniman nito. Sasama sana siya pero naisip niya na posible siyang mabasa at magkabuntot. Sabi sa kanya ng mga jellyfish na nanghaharot sa kanya, ayaw raw ng mga tao sa sirena. Lalo na ang mga nasa tabing-dagat. Itinuturing na salot ang mga sirena. Dahil hindi iyon tunay na tao. Iba siya sa mga tao.

Ibig sabihin, hindi siya dapat na makita ng kahit na sino na may buntot siya. Kaya pinili na lang niyang manood ng TV. Ayos na rin dahil marami siyang natututunan. Dapat, manood na lang siya lagi ng TV. Kaso, ang sinungaling din ng TV ni Ezio.

Iyong maliit daw na sachet ng sabong panlaba, kayang labhan ang sandamukal na maruming damit. Bakit nakita niya si Manang Nely na kahit ginamit na ang kaparehong powder detergent, dalawa pang sachet, pero hindi iyon nalabhan ng mga sabon na iyon? Si Manang Nely pa rin ang kumilos para maglaba.

Mayroon pa. Iyong isang commercial na kapag uminom ka ng float ay lulutang ka at para kang lumilipad. Nangulit siya kay Ezio na ibili siya ng Coke float kasi baka iyon ang alternative ng mga tao sa pakpak ng mga lambana. Pero pinagtawanan lang siya ni Ezio. Hindi raw totoo iyon. Lahat daw ng nakikita niya sa TV, eksaherado.

Hindi tuloy alam ni Xeen kung sino ang sinungaling: si Ezio ba o ang TV? Pero minsan nang nagsinungaling sa kanya si Ezio. Iyong tungkol kay Lukan.

Ah, speaking of Lukan. Kanina pa niya itong hindi nakikita. Baka tulog pa. Ang mga bata raw, kapag bakasyon, mahaba matulog.

Pero oras na ng almusal. Ah! Baka sasabay na ng pagkain sa mag-asawa mamaya.

Narinig niya ang malakas na buntong-hininga ni Ezio, saka siya tinitigan. Parang pinipigilan na naman nito ang matawa at naiinis na siya.

“Gusto mo talagang malaman kung ano ang kinakain ng mga tahong?”

Sunod-sunod na tumango si Xeen.

Sinulyapan ulit ni Ezio ang hawak na tahong, saka malapad na ngumiti. “Teka. Nabeberdehan ako sa usapang tahong,” anito na ibinaba ang hawak at kumuha ng tuna na ewan niya kung ano ang tawag sa pagkakaluto ni Manang Nely. Basta may siling kakulay ng paborito niya at may malinaw na sarsa.

“Iyan na lang ang kainin mo,” sabi ni Ezio habang nilalagyan siya sa kanyang plato.

Nilagyan din nito ng kanin ang pinggan niya. Pero hindi siya masaya.

“Sabihin mo muna sa `kin kung bakit nga ganyan ang tahong. Ano ba ang kinakain nila? Bumubuka ba sila kahit nasa ilalim ng tubig? Kasi paano sila nakakakain kung laging nakasara?” pangungulit niya rito.

Sige naman ito sa pag-aayos ng pagkain nila.

“Natural, bubuka sila kapag gusto nilang kumain. Lalo na kung malaki ang hotdog, paano papasok?” parang wala lang na sagot ni Ezio pero biglang kumislap ang mga mata. Sumubo na ito habang isinesenyas ang pagkain niya.

Hindi siya nagpaawat. “Hotdog? `Yong mahaba na paborito ko ang kulay?”

Napaubo si Ezio. Nabilaukan yata sa kinakain. Agad-agad nitong inabot ang baso at uminom. Siya naman ay walang pakialam na itinuloy ang mga tanong.

“Bakit hindi nagdala ng hotdog si Mang Fred sa dagat kanina? Anong oras ba pinapakain ang mga tahong--”

Hagalpak na naman ng tawa si Ezio kasabay ng salit na pag-ubo. Dala pa rin siguro nang pagkabilaok nito.

“Diyos ko! Mamamatay ako sa mga tanong mo, Xeen!” sambit nitong natatawa pa rin.

Ano ba ang nakakatawa?

“Ano ba'ng masama sa mga tanong ko?” inosenteng tanong niya. Hindi niya talaga ito maintindihan.

Umiling-iling ito at itinuro ang plato niya. “Ubusin mo iyan. At pagkatapos, saka ko sasagutin ang mga tanong mo.”

Napasimangot si Xeen na inasikaso na ang pagkain.

“Hotdog naman pala ang kinakain nila at hindi zombie, sige, kakainin ko na rin sila.” Kumuha siya ng mga tahong at hinimay. Inalis niya ang parang Scotch-Brite.

“Gusto ko din ang hotdog pero wala naman akong ganito. Para saan ba ito?” tukoy niya sa magaspang na bahagi ng tahong na inalis niya.

Bigla na namang tumawa si Ezio. At medyo naiinis na talaga si Xeen. Para bang lagi nitong pinagkakatuwaan ang mga sinasabi niya.

Nakakaasar na, ha?

“Bakit ba? Totoo namang masarap ang hotdog,” asar na sikmat niya kay Ezio.

“Nakatikim ka na?” May kislap ng kapilyuhan ang mga mata nito na ewan niya kung bakit.

Kung sana ay may kakayahan siya katulad ng sa konseho, malalaman niya kung ano ba ang nasa utak ng magaling na lalaki.

“Oo. Kanina. Nakakita ako sa refrigerator. Ipinagluto ako ni Manang Nely habang pinapatay ni Mang Fred ang regalo ko sa `yo,” pabale-wala na lang na sagot niya na siya namang totoo. “Ang lalaki ng hotdog mo sa ref. At ang tataba. Ang sarap din!” natutuwang dagdag niya nang maalala na kanina, namapak siya ng hotdog habang nanonood ng morning news.

Sandaling parang natigilan si. Ezio pero pagkatapos ng may limang segundo, humagalpak na naman ito ng tawa. Gusto niya itong batuhin ng shell ng tahong.

“Ah! This is hilarious! `Wag ka nang magsalita, Xeen, please!” sabi pa nitong sunod-sunod na lumagok ng tubig. Saka ilang beses na ipinagpag ang laylayan ng t-shirt na parang init na init.

“Ang init talaga kapag summer! Whooaah! Manang Nely, pe'nge pa po ng malamig na tubig!”

Hindi naman siya sobrang naiinitan, bakit ito, parang sobrang init na init? Nagtataka man ay hindi na niya pinag-iintindi ang weird na kilos ni Ezio. Itinuloy na lang niya ang pagkain at sabik na siyang pag-usapan nila ang mga tanong niya tungkol sa tahong.

Papakiramdaman niya rin ito kung may balak na itong banggitin sa kanya ang pinag-usapan nito at ng bisita kanina. Kahit medyo malayo ang distansya niya kanina sa mga ito, dinig na dinig niya ang lahat. Dahil nga malakas pa rin ang sense of hearing niya. Sampong ulit na mas malakas kaysa normal na mortal.

At nasasabik siyang dalhin ni Jyle sina Erastus at Rosette. Gusto niyang makita na ang mga ito. Kung isang buwan na ang lumipas mula nang makapasok si Rosette sa portal, malamang na nang sandaling nakapasok siya ay pagbabalik naman ni Rosette sa Engkantasya. Mabagal kasing tumakbo ang oras sa mundo nila kumpara sa mundo ng mga tao.

At oo nga pala! Dahil doon, hindi siya puwedeng basta bumalik sa Engkantasya. Hindi pa niya sigurado kung talagang walang bisa ang dala ng sitwasyon na paglalapat ng mga labi nila ni Ezio. Kung may bisa iyon, pagkatawid na pagkatawid niya, ilang oras lang at mamamatay na siya.

Ayaw niyang maghintay na naman sa Gitbutay kung kailan siya puwedeng ibalik sa mundo nila. Saka isa pa, may malaking suliranin ngayon ang Engkantasya at ni wala siyang naitutulong.

Bigla ang pagragasa ng guilt kay Xeen. Ngayon niya lang iyon naisip. Nasanay kasi siya sa walang pakialam na pamumuhay. Iyong ginagawa lahat ng gusto niya.

Gusto na niyang baguhin ang attitude na iyon. Gusto niyang may maiambag naman sa pagliligtas sa nagbabantang masira na mundo nilang mga lambana.

Pero ano ba ang maitutulong niya sa ngayon kung ganitong maski sarili niya ay inilagay niya sa alanganing sitwasyon?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.