“ITO! Gusto ko ito!”
Tuwang-tuwang itinuro ni Xeen ang moss green na halter dress na mumurahing silk ang tela habang hinihila si Ezio sa braso.
Naroroon sila sa kabayanan ng San Juan at balak ipamili ng damit nito si Xeen. Pero ang babae, talagang mahilig yata sa mga revealing na damit. Lahat ng itinuro nito sa kanya, masyadong bulgar. At ang utak niyang palaging lumiliko sa marumi, hayun at gumagawa ng sariling imahe na suot ni Xeen ang mga damit na gusto nito.
Hindi pa nga siya nakaka-recover sa nagbabaga niyang pakiramdam kaninang pinag-uusapan nila ang hotdog at tahong.
Argh!
Gusto niyang sapakin ang sarili. Napakainosente ni Xeen at hayun siya na ang walang malisyang tanong nito ay nagagawang marumi sa kanyang utak. Sino ba naman ang hindi mag-iisip ng makamundo kung ganoon ang topic nila? Halos maubos niya ang dalawang pitsel ng tubig para lang patayin ang pag-aapoy sa kanyang mga himaymay.
At hindi nakuha sa pag-inom ng malamig na tubig, nagbabad siya sa shower habang pinapakalma ang sarili.
“Ayoko n'yan,” matigas na tanggi niya. “Masyadong maiksi.”
Sinimangutan siya ni Xeen.
“Ay, hindi naman po, Kuya. Tama lang ito sa kanya,” sabad ng tindera na halatang gusto lang namang makabenta. “Saka maputi siya. Babagay sa kanya ang kulay. Halika, Miss, isukat mo. Bagay `to sa `yo...”
Magsasalita pa sana siya nang walang pakialam na sumama na nga si Xeen sa tindera sa loob para mag-fit. Wala na siyang nagawa dahil parang tuwang-tuwa din si Xeen sa pambobola ng tindera.
Napapikit nang mariin si Ezio para mabawasan ang iritasyon. At tuluyan iyong naglaho nang sa pagmulat ng mga mata niya, lumitaw si Xeen sa harapan niya, suot ang halter dress. Tama rin ang tindera. Nag-blend talaga sa kutis ni Xeen ang kulay ng damit. Half-thigh length iyon at hindi naman sobra ang pagkakabuka sa likod. Mas lalo tuloy lumutang ang ganda ni Xeen. Para itong diyosa ng kagubatan sa pinaghalu-halong kulay burgundy na buhok, moss green na damit at mala-sutla sa kinis na balat.
Ah! Why does she look so perfect?
Kahit mumurahin lang ang tela, nagmukha iyong elegante nang maisuot na ng dalaga. Lapat na lapat ang tela sa perpektong kurbada ng dalaga. She looked so damn sexy! Her lips looked so sensual that he wanted to crush his lips into hers. He wanted to taste those tempting lips of her.
Napabuga ng hangin si Ezio. The air felt so erotic again. His carnal need for her was driving him crazy. Inilayo niya ang mga mata kay Xeen. Baka hindi siya makapagpigil sa sarili at mahablot ito sa baywang at walang pakialam na mahalikan, mapagbigyan lang ang sarili.
“O, `di ba, Kuya? Bagay naman sa kanya?” sabi ng tindera na hindi niya alam kung ipagpapasalamat o ano. Parang tuwang-tuwa ito na madamitan si Xeen at hindi lang dahil gusto nitong makabenta.
Sabagay, parang isa naman talagang buhay na mannequin si Xeen na ang sarap damitan. Parang lahat ng isuot nito ay babagay dito.
“Gusto ko nito, Ezio. Madami ka namang pera, bilhin mo na ito. Para may pamalit itong bestida ko,” ungot ni Xeen na inihain pa sa kanya ang gula-gulanit na bestidang suot kanina.
Naiirita siya kapag nakikita iyon. Naiisip niya kasi na posibleng nabastos nga ito sa may dalampasigan kanina. At wala man lang siyang nagawa!
Kaya nga agad siyang tumawag sa barangay hall kanina para iparating ang kanyang reklamo, na sana bigyan talaga ng aksyon ng nga opisyal ng barangay.
Hinablot niya ang hawak ni Xeen na bestida at ishinoot sa basurahan sa may gilid.
“Magkano `yong suot niya, Miss?” baling niya sa tindera.
“Bakit mo itinapon? Sayang naman `to.”
Nagbabayad na si Matthew nang malingunan si Xeen na kinukuha ulit ang bestida.
“Napakaaksaya mo talaga. Tapon ka nang tapon ng--”
Hinala na niya ito sa braso. “Iwan mo `yan diyan. Ibibili kita ng bago. Ayoko nang isuot mo `yan.”
Dahil pinapaalala ng bestida na `yon na wala akong nagawa nang mabastos ka!
Nagtagisan ang mga bagang ni Ezio. Hinding-hindi na niya papayagang mabastos ito ulit. Hindi niya ito hahayaang mawala sa tabi niya para hindi na maulit ang nangyari. Baka makapatay na siya.
“Talaga? Ibibili mo pa ako ng isa pa?” Nangingislap ang mga mata ni Xeen na lumambitin sa braso niya.
Gusot pa rin ang mukha na tumango siya.
“Talagang-talaga?” pangungulit nito.
“Oo,” patamad na sagot niya.
“O, tara na! Ano pa'ng hinihintay mo?”
At nakaladkad na naman siya nito papunta sa kasunod na boutique. Puro dress ang trip ni Xeen. Hindi man lang naisip bumili ng underwear kaya siya na ang kumuha ng sa palagay niya ay size nito. At hayun na naman ang utak niyang napi-picture out sa isip ang imahe ni Xeen habang suot ang mga iyon.
Ah! He was getting really, really crazy about her. Darn!
Ikinuha na lang din niya ng ilang denim shorts at crop tops si Xeen na palagay niya ay babagay din sa dalaga.
Hah!
He had never felt so happy buying things for a woman. Nagkaroon din siya ng mga girlfriend at lahat iyon ay ginastusan niya, pero hindi siya nakaramdam ng kaparehong enjoyment na nararamdaman niya habang ipinagsho-shopping si Xeen. Not that he regretted buying things for his exes. It was just that, the pleasure was real when he was with Xeen. At kung hindi niya na-witness ang mga bagay na magpapaisip sa kanya na may diperensiya ito sa utak, he would think Xeen was just a simple woman. Na may simple ring kaligayahan.
Looking at her right now, para itong bata na ngayon lang nakakita ng magagandang damit at sapatos. Enjoy na enjoy sa pagsusukat. Ang sisimple ng mga design na gusto nito pero medyo revealing. Medyo bold, just like her personality. She was bold, fearless, transparent and always straightforward.
Her favorite color suited her, too. Red. Hot red. She was really hot!
Hindi niya mapigilan ang sarili na paliguan ito ng napakaraming adjectives. Dahil wala namang dahilan para hindi niya magawa. Nakikita niya iyon ng malinaw sa dalaga. Kaya kailangan niya talagang makita ang pamilya nito bago ikonsulta kay Tito Hugh ang kondisyon ni Xeen.
He wanted her to get well. At siguro, saka na niya iintindihin ang kung anumang damdamin na kumukudlit sa loob ng kanyang dibdib.
“`YONG tanong ko na bakit may Scotch-Brite ang mga tahong?”
Naglalakad sina Ezio papunta sa isang noodle house matapos makapamili ng mga kailangan ng dalaga nang marinig ang tanong na iyon ni Xeen. Bigla tuloy ang pagbaling niya rito.
“Hanggang ngayon ba, hindi ka pa rin tapos sa tahong?”
Nag-init ang katawan ni Ezio sa pagkaalala sa mga usapan nila ni Xeen kanina habang kumakain ng almost lunch. Paano ba naman, ibinabalik na naman nito ang makamundong usapan na iyon.
Hindi. Siya lang itong makamundong mag-isip. At kapag si Xeen ang kaharap niya, matic na ang utak niya sa ganoon. Hindi niya rin maintindihan kung bakit.
“Hindi pa rin kasi malinaw sa `kin kung bakit may gano'n sila. `Yong tuna, wala naman siyang gano'n, eh, tagadagat siya. Saka ako, gusto ko rin ang hotdog pero wala akong gano'n. Ikaw din, kumakain ka din ng hotdog, `di ba?”
“Hindi ako kumakain ng hotdog! Tahong ang gusto ko,” pabigla niyang sagot.
Napalingon naman sa kanya si Xeen. Parang hindi naniniwala. “Eh, bakit madaming hotdog sa refrigerator mo? Para sa `kin ba lahat ng `yon? O para kina Lukan?”
Sino bang Lukan?
Gusto niya sanang itanong pero naalala niyang may imaginary friend ito sa rest house na ang pangalan ay Lukan. He just brushed the topic off and sighed. “Alright... Doon sa loob ko sasagutin nang maayos ang mga tanong mo,” pabuntong-hiningang sabi niya.
Inabot niya ito sa braso at ini-guide papasok sa loob ng noodle house. Pagkatapos niyang um-order para sa kanila, tinapik na siya ni Xeen sa braso. Parang inip na itong marinig ang kung anumang sasabihin niya.
Sobrang curious ni Xeen sa mga bagay-bagay na hindi nito masyadong maintindihan. At hindi nito tantanan hanggang walang nakukuhang maayos na sagot.
Hindi iyon mentalidad ng isang mentally ill. Normal iyon para sa isang taong walang alam at gustong madagdagan ang kaalaman. Litong-lito tuloy siya sa pagkatao nito. Para itong normal na parang hindi.
“Plankton,” aniya matapos ang mahabang pakikipagdigmaan sa sarili. Idina-divert kasi niya sa ibang bagay ang utak para hindi na naman mauwi sa maberde ang kanilang usapan.
“Ha? Ano'ng problema mo kay Plankton?” nagtatakang tanong nito sa kanya.
At nahuhulaan na niyang ang nasa isip nito ay si Plankton sa SpongeBob SquarePants na cartoon. Pero ganoon naman nga ang tinutukoy niya.
“Plankton ang kinakain ng mga tahong,” sagot ni Ezio. “Bumubuka sila kapag tahimik ang dagat. `Yong walang kumikibo sa kanila. `Tapos lumalabas ang mahaba nilang dila para sumagap ng plankton or any microorganisms na nakukuha sa tubig-dagat.”
“Para silang palaka? Palaka ng dagat?” Kandamulagat si Xeen sa pagtatanong sa kanya.
Hindi naman malaman ni Ezio kung paano magre-react sa weird na pag-iisip nito. Gusto niyang matawa, lalo na sa pamimilog ng mga mata nito. Pero alam din niya na curious lang si Xeen at seryoso ito sa pagtatanong. Eager din itong malaman ang sekreto sa buhay ng mga tahong at ewan niya kung bakit.
“Uhm... let's say yes. Do'n sa paraan ng pagkain, gano'n nga.”
“Nakikita ko nga ang mga salbaheng palaka na `yan kapag lumalabas kami ng Engkantasya ng mga kaibigan ko. Humahaba ang dila nila, `tapos kinakain ang mga kulisap. Minsan pa, target din kami. Por que maliit kami, akala nila kulisap din kami. `Buti na lang, mabilis kaming lumipad. Akala nila, ha?”
Nagpapataasan sa pag-igkas ang mga kilay ni Ezio dahil sa mga naririnig. Hindi niya maintindihan ang mga sinasabi ni Xeen. Okay na sana, eh. Maayos na itong kausap. Bakit bigla na namang lumiko sa magulo ang mga pinagsasasabi nito?
“Anyway...” aniya na hindI inintindi ang mga sinabi ni Xeen. “`Yong sinasabi mo na parang Scotch-Brite, iyon siguro ang pinakahasang nila or what. Wala akong masyadong alam sa anatomy ng mga tahong. Doctor ako ng mga tao at hindi ng mga laman-dagat.”
“Doctor ka nga pala!” Namilog na naman ang mga mata ni Xeen.
Siyang pagdating ng spicy ramen na in-order nila. Nginitian niya si Xeen at tumango.
“Sabi ng kaibigan kong si Kroen, magagaling at mababait daw ang mga doctor pero hindi siya nagamot ni Matthew n'on. Best friend ni Quinn `yong si Matthew. Kasi naubusan siya ng energy dati, `tapos nataranta si Quinn kaya pinapunta niya do'n sa rest house niya para patingnan. Ilang araw na raw kasing tulog si Kroen no'n kaya siguro nag-alala na si Quinn. Eh, siyempre, walang makikitang problema si Matthew kasi pagtulog talaga nang mahaba ang paraan namin para ma-recharge ang energy namin.”
Nahihilo si Ezio sa mga pinagsasabi ni Xeen. At parang sa pandinig at pag-process ng utak niya, ang tinutukoy nitong Matthew ay ang kanyang ama. Si Tito Quinn ay artist na kaibigan ni Matthew. May sariling mundo ang una kaya bihirang-bihira na magkasama ang dalawa. At nang mapangasawa nga nito si Tita Kroen ay halos hindi na talaga nagkakasama ang magkaibigan. Naging abala na sa kani-kanilang buhay.
At ang mga ikinuwento ni Xeen, hindi niya sigurado kung tama at totoo ba ang lahat ng iyon. Isa pa, kung kilala nito ang malayong pinsan ng kanyang ama, ibig sabihin ay may kaugnayan sa pamilya niya ang pamilya ni Xeen. Pero sino?
Nasa England ang pamilya ni Tita Kroen, ayon kay Lolo Timothy. At patay na ang matanda para mapagtanungan. Matagal na ring patay ang mag-asawang Quinn at Kroen. Saan siya magsisimulang maghanap ngayon? Pointless pa rin ang lahat. Sa sitwasyong ito ni Xeen, pakiramdam niya, para siyang bulag na naghahanap ng liwanag.
“At hindi `yon kayang ipaliwanag ng science kasi, hindi lahat kayang ipaliwanag ng agham. Kahit `yong mga kakayahan namin, hindi n'yo maipapaliwanag, kasi kahit kami nga, hindi namin alam kung bakit may ganito kaming kakayahan. Kung bakit nag-exist na ganito ang mga katulad namin,” narinig niyang sabi ulit ni Xeen.
Sa pandinig niya, para na naman itong normal na parang medyo tagilid.
“Sino'ng may sabi na hindi kayo kayang ipaliwanag? Ang simple lang nga ng paliwanag sa mga katulad mo.” Ang tinutukoy niya ay mga mentally ill. “Most of the time, may imbalances lang sa mga utak ninyo kaya kayo ganyan. Kapag na-treat kayo, magiging normal na rin kayo.”
Bilang doktor, kahit hindi siya psychiatrist, alam niya na hindi dapat na direktang sabihin sa pasyente na may mali sa utak ng pasyente dahil hindi rin naman maiintindihan ng mga ito o baka nga mas makasama pa sa mood. Pero sa kondisyon kasi ni Xeen, parang okay lang naman. Gusto nito ang topic at maganda na rin na buksan niya iyon rito. Kung sakali na ma-absorb ng utak nito ang sinabi niya, ibig sabihin, hindi malala ang kondisyon nito.
“Sinasabi mo ba na may pagkabaliw ako? Kaming mga lambana, mga baliw kami? `Yon ba ang gusto mong sabihin?”
Sa pagkagulat ni Ezio ay ni hindi nagtataas ng boses si Xeen. Mariin ang pagkakabigkas ng mga salita at may halong sama ng loob ang tono, pero hindi nagtataas ng boses. Parang nagpipigil lang ito na palabasin ang emosyon. At hindi ganoon ang reaksyon ng mga may deperensiya sa utak. Pero kasi, ang sinabi nitong tungkol sa lambana raw na katulad nito ay hindi rin normal para sa may maayos na pag-iisip.
Ah! Ang gulo-gulo nitong si Xeen!
“Hindi kami mga baliw, Ezio,” sabi pa ni Xeen na inabot ang mga kubyertos at sinimulang pakialaman ang ramen nito.
Halata niya ang pagkainis ni Xeen pero nanatiling kalmado ang boses. Seryoso na rin ang ekspresyon ng magandang mukha ng dalaga. Siguro na-offend niya ito sa sinabi niya. Pero kasi, madaming senyales siyang nakita kay Xeen na makapagsasabing may imbalances nga sa utak nito.
Napabuntong-hininga si Ezio. “Okay. I am sorry.” Inabot niya ang isang kamay nito at marahang pinisil. “I didn't mean to offend you, Xeen,” sincere na paghingi niya ng tawad.
Hinila naman ni Xeen ang kamay nito mula sa kanya.
Ewan ba niya pero pakiramdam ni Ezio, siya na ang pinakamasamang tao sa buong mundo dahil lang obvious na na-offend niya ang dalaga. Samantalang kung tutuusin, mas masama pa nga itong ginagawa niyang pagrerebelde sa ama. Pero ni hindi siya nagi-guilty. Ang sama niya!
Ah! Now his brain was working. Ngayon pa talaga niya naisip na mali ang mga ginagawa niya. Hindi niya dapat pinapahirapan ang ama sa katigasan ng ulo niya dahil lang masama ang loob niya rito. Na galit siya rito.
Ano ba'ng nangyayari sa kanya? Bakit siya inaatake ng konsiyensiya?
“Hindi ka naniniwala sa mga lambana...” narinig niyang sabi ni Xeen. Malungkot na pinaglalaruan na lang nito ang pagkain.
“Xeen...”
“Ah... `wag mong sagutin. `Wag mo na lang sagutin, please.”
“Xeen... Makinig ka sa `kin.”
Palagay ni Ezio ay hindi naman ganoon kalala ang problema nito sa utak. Sa kung anumang dahilan, masyado sigurong natanim sa utak nito ang mga extraordinary na bagay at pinapaniwalaang nag-e-exist. To the extent na inilalagay nito ang sarili sa mga hindi totoong nilalang. Katulad ng sinasabi nito na lambana ito at ang mga kaibigan.
At siguro, unti-unti ay dapat na i-guide niya ito sa tama. Ipaliwanag dito na mali ang iniisip nito. Na mali ang pinapaniwalaan nito.
“Xeen, hindi sila--”
“Huwag mong sabihin `yan!” Hindi ito nagtataas ng boses pero mariin ang mga salita. Na para bang nakasalalay roon ang buhay at kaligtasan nito.
Titig na titig ito sa kanya na parang nagmamakaawa ang mga mata na paniwalaan ito.
“They're not real, Xeen. Fairies are not--”
Nagulantang si Ezio nang pabiglang daklutin ni Xeen ang tapat ng dibdib at mariing nakahawak doon. Na para bang hirap na hirap itong huminga.
“Xeen! Ano'ng nangyayari sa `yo?”
Tuluyang nataranta si Ezio nang makitang nawawalan ito ng lakas. Dali-dali niyang binuhat ang dalaga. At kung kailan naman kailangan niya ng sasakyan ay saka sila walang dala. Mabuti na lang na matulungin ang mga tao roon. May agad na tumawag ng tricycle para sa kanila at idineretso sila sa pinakamalapit na ospital.